YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, July 05, 2014

Boracay Dragons Frisbee Team, tutungo sa US para lumaban sa tatlong magkaibang torneyo

Posted July 5, 2014
Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tutungong United States of America ang Boracay Dragons Frisbee Team para lumaban sa tatlong magkaibang torneyo.

Ngayong darating na July 26-27 sasabak ang mga ito sa Wildwood, New Jersey at sa Ultimate Sandblast at Montrose Beach, Chicago sa August 1-3 habang sa August 9-10 naman sa Ocean City Beach Classic sa Ocean City, Maryland.

Nabatid na ang team mula sa isla ng Boracay ay maglalaban sa US bilang pagkakataon upang masanay sa gaganapin na World Championships for Beach Ultimate sa Dubai sa darating na taong 2015.

Napag-alaman na ang Boracay Dragons ay nagtapos ng second place bilang kinatawan ng Pilipinas sa nakaraang two World Beach Ultimate Championships.

Pagsasaayos at pagpapagawa ng Tambisaan Port nakatakda na sa 2015

Posted July 5, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nakatakda na umano sa susunod na taon ang pagsasaayos at pagpapagawa ng Tambisaan Port sa Brgy. Manoc-manoc.

Ito ang inihayag ni Brgy. Captain at League President Abram Sualog, aniya, nagkaroon na umano sila ng pag-uusap ni Malay mayor John P. Yap tungkol dito kung saan uumpisahan na ito sa susunod na taon dahil sa ginagamit pa umano ngayon ang nasabing pantalan dahil sa Habagat Season.

Maliban dito pagtutuunan umano nila ng pansin ang terminal area at ang bahagi ng natipak lupa sa nasabing Port na dinadaungan ng mga bangka.

Nabatid rin na magdadagdag ng mga pasilidad para mapunan ang pangangailangan ng mga pasahero lalo na ang mga turistang dumadaan dito.

Napag-alaman na matagal ng napag-usapan sa Provincial Government at ng Lokal na Pamahalaan ng Malay ang proyektong ito ngunit naging kumplekado ito dahil sa problema sa lupa at pondo na gagamitin.

Sa ngayon nagtitiyaga muna ang mga pasahero sa maliiit na terminal area lalo na kung malakas ang buhos ng ulan dahil sa wala ring masisilungan ang mga ito.

Mabahong amoy mula sa umaapaw na manhole sa Sitio Bolabog, inereklamo ng mga residente

Posted July 5, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Miyerkules pa ng gabi nang magsimula ang kalbaryo ng mga residente sa Sitio Bolabog dahil sa mabahong amoy.

Umapaw kasi ang manhole doon dulot ng ilang araw na pag-ulan.
Dahil din sa mabahong amoy, napilitan ang ilang residente na magtakip ng ilong upang hindi sumakit ang tiyan.

Si ‘Mang Ariel’, ilag taon nang residente sa gilid ng binabahang kalsada ng nasabing lugar.

Nagdesisyon itong talian ng mahabang face towel at panyo ang mukha ng kanyang mga anak upang hindi makalanghap ng mabahong amoy.

Samantala, apektado rin ang mga turista at mga galing sa trabaho nang mapadaan sa lugar kagabi habang bumubuhos ang malakas na ulan.

Binaha na naman kasi ang kalsada doon kung kaya’t napilitan ang mga itong hubarin at bitbitin na lamang ang kanilang suot na sapatos at lumusong sa baha.

Bagama’t may mga nagpapasimpleng nagtatakip ng ilong habang naglalakad, hindi naman maiwasan ng ilan na mapailing dahil sa mabahong amoy na sumasabay sa umaapaw na tubig mula sa manhole.

Dahil sa sitwasyon, napatanong na naman tuloy ang publiko sa isla kung kumusta na ang flood control project ng TIEZA o Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority na sinasabing solusyon sa mga nararanasang pagbaha sa main road at ilang access road sa Boracay.

Nabatid naman na abala ngayon ang LGU Malay at iba pang ahensya sa isla sa pagpapatupad ng mga batas kaugnay sa pangangalaga ng front beach   at paghahanda para sa APEC o Asia Pacific Economic Cooperation ministerial meeting 2015.

Dalawang lalaki sa Boracay, kalabuso matapos mahulihan ng ilegal na droga

Posted July 5, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kalabuso ang dalawang lalaki matapos mahulihan ng illegal na droga sa Sitio.Bantud, Brgy.Manoc-manoc isla ng Boracay nitong Huwebes.

Nahuli ang mga ito sa isinagawang entrapment operation ng Provincial Anti Illegal Drug Special Operation Task Group at BTAC Anti-Illegal Drug Special Operation Task Group.

Kinilala ang mga suspek na sina Leumar Espinosa, 23-anyos ng Infante, Molo, Iloilo City at Moises Granole, 21-anyos ng Posil, Victoria City Negros Occidental.

Nakuha sa mga ito ang 15 na sachet ng shabu matapos na bintahan ang isang poseur-buyer sa nasabing lugar.

Kabilang din sa kinumpiska sa mga suspek ay ang P1000 buy-bust/marked money at ang sampung piraso na isang daang peso.

Nabatid na kamakailan lang ay nahuli rin ng mga otoridad ang kapatid ni Espinosa dahil sa pagtutulak at pagbibinta ng ilegal na droga sa isla ng Boracay.

Samantala, temporary naman ngayong nakakulong ang dalawang suspek sa Kalibo PNP para sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pagbuo ng Aklan Council for the ASEAN Integration 2015, aprobado na sa SP Aklan

Posted July 5, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Binuo na ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang Aklan Council for the ASEAN Integration (ACAEI) 2015.

Ayon sa may akda nitong si SP Member Plaridel Morania, ipinasa ng konseho sa ikatlo at final reading ng 21st SP Regular Session ang General Ordinance No. 005 series of 2014.

Nakasaad umano sa nasabing ordinansa na ang ACAEI ay pangungunahan ng Provincial Governor, kasama ng Vice Governor at kinatawan ng mga pribadong sector bilang Co-Vice Chairpersons.

Dagdag pa rito, ang ACAEI ay bubuuin din ng mga SP Members, Aklan Congressional District Representatives, Boracay Foundation Inc., Aklan Philippine National Police Provincial Director, Department of Tourism, Business Sector at Education Sector.

Kampanti ang SP Aklan na ang integrasyon ay magbibigay ng mga malalaking oportunidad sa probinsya upang magkaroon ng kaunlaran sa industriya, pinaangat na sistema sa edukasyon, at kahusayan.

Samantala, ayon pa kay Morania, ang Department of Trade and Industry (DTI), sa pamamagitan ng investments promotion arm nito na Board of Investment (BOI) ay patuloy na dumadaos ng forum sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd).

Ito’y isa lamang umano sa layunin ng ASEAN Integration 2015 na bigyang update ang publiko at iba’t ibang stakeholders hinggil sa Industry Development Road Maps.

Nabatid naman na ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay magsasanib-puwersa sa susunod na taon, kung saan isa ang isla ng Boracay sa mga nakikitang pagdarausan nito. 

Kap Lilebeth Sacapaño, umapela ng tulong para sa Aklanon na itinanghal bilang pinakabatang Chess Master sa Macau, China

Posted July 5, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Umapela ngayon ng tulong si Barangay Balabag Captain Lilebeth Sacapaño para sa Aklanon na itinanghal bilang pinakabatang Chess Master sa Macau, China.

Kaugnay ito sa pagkapanalo ni Precious Day Ame Yecla sa ginanap na 15th ASEAN Age Group Chess Championships sa Macau China nitong June 4-11, 2014.

Ayon kay Kap Lilebeth, proud siya dahil malaking karangalan para sa probinsya ng Aklan ang pagkakatanghal kay Yecla.

Kaya naman pinagawan nila ito ng streamer sa Barangay Balabag bilang pagbati at pagkilala sa bata, maliban sa umano’y financial support na ibinigay nito bago ang kompetisyon.

Magpupursigi din umano ang bata sa kabila ng kanyang murang edad kung may tutulong sa kanya.

Samantala, nabatid na pinarangalan din ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan si Precious Day Ame Yecla sa ginanap na 21st Regular Session nitong nakaraang June 25.

Tinalo ni Yecla ang kanyang mga beteranong katunggali mula sa Vietnam, China, Singapore, Mongolia, Korea, Malaysia at maging sa Pilipinas sa nine-round Swiss system chess tournament.

3 Chinese National sugatan nang mabangga ng motorbanca ang sinasakyang sailboat sa Boracay

Posted July 5, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sugatan ang tatlong Chinese National nang mabangga ang kanilang sinasakyang sailboat ng isang motorbanca sa isla ng Boracay.

Basi sa report ng Boracay PNP, nagreklamo sa kanilang tanggapan ang dalawang tour guide na kinilalang sina Li-YaJuan at Rodel Molina.

Ayon sa mga ito nagkakaroon umano water sports activity ang kanilang walong guest na Chinese National na sakay sa sailboat ng mabangga ng isang Motorbanca 50-meters mula sa shoreline ng Sitio. Bolabog, Brgy.Balabag, Malay, Aklan.

Dahil sa nasabing insidente tumilapon ang walong mga biktima sa tubig kung saan tatlo sa mga ito ay napuruhan at nasugatan na kinilalang sina Li Guo Kun, 27-anyos na nagtamo ng gasgas sa kaliwang balikat at si Guo Chun Hua Ya Rong, 57-anyos na nagkaroon ng sugat sa kaniyang noo habang si Chen Ya Rong, 27-anyos ay nagtamo naman ng sugat sa kanang bahagi ng ulo.

Nabatid na sinaklolohan ang mga ito ng isang Sea Sports na bangaka at agad na isinugod sa Boracay Hospital para sa karampatang medikasyon.

Friday, July 04, 2014

Windsurfing at kite surfing sa long beach ng Boracay, ire-regulate na

Posted July 4, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Ire-regulate na ang windsurfing at kite surfing sa long beach ng Boracay.

Ayon kay BICOO o Boracay Island Chief Operations Officer Glenn Sacapaño.

Nakatakda itong pag-usapan sa pamamagitan ng pagpupulong upang hindi maistorbo ang swimming area sa long beach ng isla.

Ayon pa kay Sacapaño, pinasumite na nila ng plano at coding ang windsurfing at kite surfing association sa Boracay upang sila na ang magkontrol sa mga private windsurfers at kite surfers sa kadahilanang hindi umano nila alam ang kung saan sila pwede at hindi.

Samantala, sinabi pa ni Sacapaño na magrereport din ang nasabing asosasyon sa mga taga Coastguard at Municipal Auxiliary Police upang ipaliwanag ang kanilang sistema sa long beach.

Kinumpirma din ng administrador na wala pang ordinansang nagre-regulate sa windsurfing at kite surfing activities sa isla.