Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay
Hangga’t patuloy na nararanasan parin ang sama ng panahon sa
bansa lalo na sa bahagi ng Hilagang Luzon, aminado ang Provincial Agricultures
Office ng Aklan na aasahan ang pagtaas ng presyo ng gulay particular ang mga
High Valued Vegetable gaya ng repolyo, cauliflower, patatas at carrots.
Ayon kay Marlyn Caniete, Agriculturist ng Provincial
Agriculture’s Office, inaasahan na ang 20% na pagtaas sa presyo sa mga
nabanggit na gulay.
Bagamat may taniman ng repolyo sa bayan ng Libacao, sinabi
nito na hindi rin kakayaning suplayan ng produkto doon ang kailangan ng buong
probinsiya lalo na ang Boracay.
Maliban dito, aminado din si Caniete na kinukulang din sa
suplay ng gulay sa buong probinsiya ngayon kasama na ang isla ng Boracay dahil
sa wala rin umanong suplay ng gulay na dumarating sa ngayon.
Ito ay dahil nasalanta ang mga pananim ng labis na pag-ulan,
dagdagan pa umano ang pagbaha kaya hindi rin maibiyahe ang mga produktong ito.
Katunayan ayon kay Caniete, sa public market din ngayon sa
bayan ng Kalibo ay kulang na rin ang high valued vegetable, katulad din sa
nararanasan ngayong dito sa isla.
Subalit aniya, hindi pa nila masasabi kung hanggang kaylan
ang ganitong sitwasyon, dahil nakadepende ito sa panahon.
Samantala, kung kinukulang sa suplay ng high valued
vegetable ang Aklan sa kasalukuyan, hindi naman umano apektado ang mga gulay sa
palengke na maaaring kunin sa backyard gaya ng talong, sitaw, kalabasa at iba
pa.
Ito ay dahil maliban sa ang mga produktong ito na mayroon
dito sa probinsiya, puwede rin aniya mag-import mula sa Iloilo.