YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, August 09, 2013

Lalaking nabugbog dahil sa pagnanakaw kahapon, kakasuhan ng biniktimang German

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Kakasuhan ng biniktimang German ang lalaking nabogbog kahapon dahil sa pagnanakaw.

Ayon kay Officer on case PO1Alan Zamora ng Boracay PNP, aasikasuhin umano ngayong araw ng biktimang German na si Frank Hegel ang pagsasampa ng kaso sa suspek na si Edrian Baguinon.

Nabatid na nabugbog si Edrian ng mga tao sa beach front bandang alas tres kahapon ng hapon, matapos nitong pagnakawan ang nasabing turista.

Ayon sa report ng Boracay PNP, iniwan ng biktima ang kanyang back pack sa beach bed upang um-order ng soft drinks.

Sa kanyang pagbalik ay nakita na lamang nito ang dalawang miyembro ng MAP o Municipal Auxiliary Police na sina Bruno Licerio at Mervin Bindolo na hawak na ang suspek, dala ang kanyang back pack na umano’y ninakaw.

Minarapat namang dalhin ng mga MAP ang suspek sa presinto ng Boracay PNP para sa karampatang disposisyon.

Lalaking nagnakaw sa station 2 Boracay, binugbog na, kalaboso pa

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Binugbog na, kalaboso pa.

Ito ang sinapit kahapon ng bente anyos na si Edrian Baguinon ng Nauring, Pandan, Antique, matapos umanong pagnakawan ang isang German National sa beach front ng station 2 Boracay.

Nabatid sa report ng Boracay PNP  iniwan ng biktimang si Frank Hegel ang kanyang back pack sa beach bed upang um-order ng soft drink.

Sa kanyang pagbalik ay nakita na lamang umano nito ang dalawang miyembro ng MAP o Municipal Auxiliary Police na sina Bruno Licerio at Mervin Bindolo na hawak na ang suspek at dala ang kanyang back pack na umano’y ninakaw nito.

Aminado naman ang suspek na binugbog siya ng mga tao doon dahil sa kanyang ginawa, na aniya’y dulot ng matinding pangangailangan.

Pansamantala namang ikinustodiya ng Boracay PNP ang suspek, matapos itong dalhin doon ng mga miyembro ng MAP.

Babaeng turista na nakatulog sa kalasingan, nagising na wala nang underwear

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Isang babaeng turista na nakatulog sa dalampasigan dahil sa kalasingan ang nagising na wala nang underwear.

Mag-aalas singko kaninang madaling araw nang magpasaklolo sa Boracay PNP ang nanginginig at umiiyak na turista.

Napag-alamang sinamahan lang din ito ng isa pang lalaking turista papunta ng police station, na sinasabing nakakita sa kanya habang umiiyak sa dalampasigan.

Subali’t nang dalhin na siya sa ospital upang ipasuri ay ayaw nitong sumakay ng police patrol.

Samantala, patuloy pa ring inimbistigahan ng mga otoridad ang sumbong ng nasabing turista.

Mga taga iba’t-ibang sektor, hinimok na makiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika

Ni Kate Panaligan, Easy Rock Boracay

Hinimok ng Department of Education (DepEd) ang mga taga iba’t-ibang sektor na makiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

Ayon kay DepEd Malay District Supervisor Jessie Flores, ang tema ngayong taon ng nasabing pagdiriwang ay "Wika Natin Ang Daang Matuwid".

Layunin umano nito na itaas ang Filipino's language and civic awareness.

Kaugnay nito, nanawagan si Flores sa lahat ng mga mag-aaral na sumali sa mga essay writing contest, debate, at pagsulat ng kanta.

Ang Buwan ng Wika ay nagpapakita na tayong mga Filipino ay natatangi.

Samantala, ayon pa kay Flores, sa darating na Lunes (August 12) si Language Commission Virgilio S. Almario, na isang makata, literary historian and critic ay bibisita sa Kalibo, Aklan para sa paggawa ng diksyunaryong Aklanon.

Napapaloob umano sa disyunaryong ito ay ang mga salitang Aklanon, ang kahulugan, tamang gamit at pagbigkas nito. | translated by Bert Dalida, YES FM Boracay

Seguridad para sa Barangay at SK elections, mas paiigtingin ng APPO

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Mas paiigtingin ng Aklan Provincial Police Office (APPO) ang seguridad para sa darating na Barangay at SK elections.

Ayon kay APPO Public Information Officer P03 Nida Gregas, ipinatawag na sila ng Commission on Elections (Comelec) para sa isang pagpupulong tungkol sa kanilang pag-assist sa lahat ng mga barangay sa Aklan sa oras ng  lalo na kung medyo mapanganib ang mga lugar.

Dagdag pa ni Gregas, magiging manual na lang ang local election sa Oktobre dahil sa kakulangan ng oras ng Comelec, dahilan para doblehin narin umano nila ang kanilang pagbabantay.

Kontraktor ng TIEZA, ipinatawag ng Boracay Environmental Task Force

Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Ipinatawag ni Municipal Engineer Elizer Casidsid ang kontraktor ng TIEZA na ITP para pagpaliwanagin hinggil sa kanilang patuloy na de-clogging operation.

Sa dokumento hawak ni Casidsid, lumalabas na tapos na ang de-clogging sa isang area sa station 1, subalit nang binungkal ay puno ng buhangin at maruming tubig ang mga drainage.

Ayon naman sa representante ng ITP nasi David Capispisan, completed o tapos na ang ginawang pagtanggal ng bara sa mga drainage nitong mga nakalipas na buwan.

Dagdag pa nito, kumpleto sila sa mga patunay kagaya ng mga larawan ng kanilang pagtrabaho sa itinukoy na lugar.

Kung nagkaroon mang muli ng mga dumi at bara sa drainage ay maaari di-umanong mga bagong sediments ito dahil sa pag-uulan.

Magkaganoon pa man, hiniling ni Casidsid ang mga dokumentong magpapatunay sa salaysay ni Capispisan.

Samantala, hiniling din ni Alma Belejerdo ng Municipal Planning and Development Office na madaliin sana ng ITP ang kanilang trabaho para hindi maabala ang operasyon ng Boracay Environmental Task Force.

Mga establisyementong illegal na nakakonekta sa drainage, ipapatawag

Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Napagkasunduang ipatawag sa susunod na linggo ang mga establisyementong di-umano’y may illegal na koneksyon sa drainage.

Sa ipinatawag na pulong ng Boracay Environmental Task Force, ipinakita ang mga larawang kuha sa operasyon ng Municipal Engineering at Sanitation.

Ilan dito ay mga tubong naglalabas ng waste water sa drainage na kung saan ay ipinagbabawal ayon na rin sa Clean Water Act.

Sumbong ng mga inspector na nagbungkal ng estero, nadiskubre nila na ilan dito ay waste water mula sa mga kusina ng mga resort.

Sa ngayon ay ibinabalangkas ang planong pagpapadala ng imbitasyon sa mga lumabag para dinggin ang kanilang panig.

Sakaling mapatunayan na sinadya ang illegal na koneksyon, bibigyan sila ng violation ticket at maaring tanggalan ng business permit.

Pansamantala namang tinapalan ang mga tubong naglalabas ng maruming tubig sa drainage habang patuloy ang operasyon ng task force.

Alternatibong gas para sa mga fire dancers sa isla, hinahanapan pa ng paraan ng DOT

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Hinahanapan pa ng paraan ng DOT Boracay ang alternatibong gas na maaaring gamitin ng mga fire dancers sa isla.

Ayon kay DOT Officer in Charge Tim Ticar, kanila na umanong kinukulit ang Department of Science and Technology (DOST) upang matulungan sila sa paghahanap ng gas na puwedeng ipalit sa kerosene gas na ginagamit ng mga fire dancers.

Matatandaang sinabi ni DOT Regional Director Helen Catalbas na nakakasira sa buhangin ng isla ang gas na ginagamit ng mga fire dancers.

Kung kaya’t kumilos din agad ang DOT Boracay upang mabigyan ito ng solusyon.

Ngunit dahil sa hindi pa nakakakita ng alternatibong gas ang DOT Boracay para dito, sa ngayon ay wala pa umano silang magagawa para pagbawalan ang mga fire dancers na gumamit ng kerosene gas.

Ngunit ayon kay Ticar, i-re-regulate na lamang umano nila ito nang sa ganoon hindi ito makapag-dulot ng hindi kanais-nais sa buhangin ng isla maging sa mga turista sa Boracay.

Thursday, August 08, 2013

Seguridad sa Aklan, mas lalong hinigpitan ng APPO dahil sa Mindanao bombing

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Naghigpit ng seguridad ang Aklan Police Provincial Office (APPO) dahil sa magkasunod na pambobomba sa Mindanao nitong mga nakaraang araw.

Ayon kay APPO Public Information Officer PO3 Nida Gregas, mas hinigpitan nila ang kanilang ginagawang seguridad ngayon sa buong probinsya ng Aklan lalo na sa isla ng Boracay bilang isang tourist destination area.

Aniya, nakatuon din ang kanilang pansin sa Boracay, dahil gusto umano nilang ma-secure ang kaligtasan ng mga turistang pumupunta dito.

Patuloy naman umano ang kanilang ginagawang check point sa ibat-ibang lugar sa Aklan.

Dagdag pa ni Gregas, mayroong 102 personnel na inilagay ang Philippine National Police (PNP) para lamang sa Boracay, gayon din ang pagbibigay sa kanila ng dalawampung mountain bikes na gagamitin sa pagre-responde sa mga liblib na lugar sa isla.

Samantala, nanawagan naman ito sa publiko na maging mapagmatyag sa kanilang paligid lalo na kung may mga nakikita silang kahina-hinalang bagay at kaagad na ipagbigay alam sa mga otoridad.

X-ray machine sa Caticlan Jetty Port, hindi pa dadagdagan

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Hindi pa dadagdagan ang X-ray machine sa Caticlan Jetty Port.

Ayon kay Jetty Port Statistician at assistant to the administrator Mars Bernabe, sapat naman umano ang dalawang X-ray machine na ginagamit ngayon sa Caticlan Jetty Port taliwas sa mga reklamo ng mga tour guides.

Sinabi nito na kung hindi naman gaano karami ang mga turista na pumapasok papuntang Boracay ay isinasara nila ang isang machine.

Napag-alamang may mga tour guides at coordinators ang nagrereklamo dahil dadalawa lang ang X-ray machines doon, kung kaya’t humahaba ang pila.

Ang siste, ang mga tour guides na ito ang napagbubuntungan ng galit ng kanilang mga kasamang turista.

Kaugnay nito, sinabi ni Bernabe na kung may mga nagrereklamo man sa kanilang pamamalakad sa Jetty Port ay magpadala na lang ng sulat sa kanilang tanggapan para mabigyan ng linaw.

KIATA, hiniling na maging organisado ang pamamalakad sa Tabon at Caticlan Jetty Port

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Hiniling ng Kalibo International Airport Transport Association (KIATA) sa LGU Malay na maging organisado ang pamamalakad sa mga bumibiyaheng van sa Tabon at Caticlan Jetty Port.

Ayon kay KIATA President Noemie Panado, sa kanyang mga naging obserbasyon, may ilang mga bumibiyaheng pampasaherong van na nag-aa
gawan ng mga pasahero doon.

Nag-aalala naman si Panado na posibleng magdulot ito ng kalituhan sa mga pasahero lalo na sa mga turistang papuntang Kalibo Airport.

Aniya, dapat ding magkaroon ng uniporme ang lahat ng mga operators ng van para ma-identify na sila ay rehistradong mga operators ng LGU Malay.

Kailangan din umanong maaksyunan ang ilang mga kolurum na bumibiyahe sa rutang Caticlan to Kalibo Airport vice versa.

Samantala, ipinabot naman ni Panado sa lahat ng mga operators na dapat ay ituring nila ng maayos ang kanilang mga pasahero dahil dito umano sila nabubuhay.

Mga floating platforms sa isla ng Boracay, pinag-aaralan ng SB Malay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Pinag-aaralan ng SB Malay ang mga floating platforms na ginagamit sa helmet diving sa isla ng Boracay.

Tinalakay ang nasabing usapin sa ginawang session sa bayan ng Malay kung saan nagpadala si Mayor John Yap ng sulat sa Sangguniang Bayan na gusto nito na magkaroon ng Memorandum of Agreement kasama ang South Sea Craft para dito.

Ayon kay Malay SB Member Rowen Aguirre, tungkol umano ito sa probisyon ng floating platform na karaniwang ginagamit ng lahat na helmet diving operations sa isla.

Aniya, may pagkakataon umano na nakakasagabal ito sa mga nag a-island hopping na mga turista.

Maari namang pagmultahin ang mga nag-o-operate ng helmet diving activities sa kanilang ginagamit na floating platform kung may mga paglabag sila sa regulasyon ng LGU Malay.

Samantala, magkakaroon pa ng pangalawang committee hearing ang SB Malay para dito at kung ano ang magiging desisyon nila sa nasabing MOA ni Mayor.

Wednesday, August 07, 2013

Red Cross Boracay, nag-organisa ng youth council sa bayan ng Malay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Nag-organisa ang Philippine Red Cross Boracay ng youth council sa iba’t-ibang paaralan sa bayan ng Malay.

Ayon kay Red Cross Boracay Deputy Administrator John Patrick Moreno, layunin umano nito na mapangalagaan ang kapakanan ng mga kabataan at mamulat sa pagtulong sa kapwa.

Aniya, ang youth council ay may pagkahalintulad din sa Sangguniang Kabataan na namumuno sa bawat kabaranggayan sa bansa.

Magiging papel umano ng mga ito ay ang mag lay-out ng proposal ng kung ano-anong mga programang makabuluhan na makakatulong sa mga kabataan.

Magsasagawa naman sila ng mga pagsasanay ngayong buwan ng Agosto kung saan sasailalim sila sa basic leadership at CPR training na lal
ahukan ng mga grupo ng mga estudyante sa high school mula sa ibat-ibang paaralan sa Malay at isla ng Boracay.

Samantala, ang youth council ay kinabibilangan din ng mga out of school youth na nakibahagi sa bagong programa ng Philippine Red Cross.

Pag-inspeksyon sa MRF Manoc-Manoc, pinag-aaralan pa ng LGU Malay

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Pinag-aaralan pa ngayon ng LGU Malay ang pag-iinspeksyon ng Material Recovery Facility (MRF) sa Brgy. Manoc-Manoc dahil sa hindi magandang amoy.

Ayon kay Malay SB Member Floribar Bautista, may mga kailangan pa silang ayusin sa ngayon at kung ano ang magiging hakbang nila tungkol dito.

Una ng sinabi ng LGU Malay na ipapatawag nila ang Solid Waste Management para ma-aksyunan ang nasabing problema.

Gusto namang malaman ni SB Jupiter Gallenero, kung bakit hindi makontrol ng initial treatment ang MRF sa Manoc-Manoc dahilan para mangamoy ito.

Matatandaang tinalakay ang nasabing problema sa session dahil sa matinding amoy nito na umaabot pa sa ilang mga lugar sa Boracay na ikinababahala naman ng mga residente doon.

TransAire, wala pa ring tugon sa hiling ng Caticlan Elem. School

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay


Wala pa ring tugon ngayon ang TransAire tungkol sa hiling ng Caticlan Elem. School na sliding window para sa kanilang mga silid-aralan.

Ayon kay Malay District Supervisor Jessie S. Flores, inaasahan pa rin ito ng Caticlan Elem. School na mabibigyang pansin ang kanilang hiling bilang solusyon sa ingay na nililikha ng mga eroplano sa airport na katabi ng paaralan.

Una ng sinabi ni Antonio Justo Cahilig, principal ng nasabing paaralan, na matagal na nila itong hiniling sa TransAire para sa kapakanan ng kanilang mga mag-aaral.

Malaki umanong epekto ito sa kanila lalo na sa mga mag-aaral dahil hindi masyadong magkaintindahan sa oras ng klase.

May pagkakataon naman aniya na tumitigil na lang muna ang mga guro sa pagtuturo sa oras na mag-landing at take-off a
ng mga eroplano.

Sa ngayon umaasa naman si Flores na sa loob ng tatlong taon ay mabibigyan ang kanilang hiling na relokasyon ng Caticlan Elem. School, at maililipat din ito sa tamang lugar kung saan malayo sa Caticlan Airport para walang disturbo sa mga mag-aaral.

Samantala, wala pang naging pahayag ang CAAP tungkol sa nasabing relokasyon ng paaralan.

CLUP para sa Boracay, nasa kamay na ng Department of Tourism

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Kasalukuyan nang nasa opisina ni Department of Tourism (DOT) Sec. Ramon Jimenez ang Comprehensive Land Use Plan (CLUP) ng Boracay.

Ayon kay Malay Municipal Palnning Officer Alma Beliherdo, sa pinaka-huli niyang pagpa-follow up kahapon tungkol sa nasabing plano, ay niri-review na daw ito sa ngayon ni Sec. Jimenez.

Dadaan din umano ulit ito sa opisina ng pangulo ng Pilipinas.

Sa ngayon ay hinihintay pa rin nila ang final draft para dito.

Anya, pagkatapos umanong maibaba ng DOT ang kanilang final draft ay dadaan ito sa SB Malay at ididiretso sa Sangguniang Panlalawigan ng Aklan, para sa review ng Provincial Land Use Committee.

Maging ang Sangguniang Bayan ng Malay ay nagtatanong na rin umano tungkol dito.

Inaasahan naman ni Beliherdo na kapag nailabas na ito ay magkakaroon ng mga bagong guidelines para sa land use, development plans at future infrastructure projects at iba pang mga developments para sa isla.

Naniniwala din siyang malaki ang magiging epekto ng nasabing plano para sa Boracay.

Ang CLUP ay ibinase sa Proclamation No. 1064 ni dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo, na inaasahang ipapatupad sa loob ng sampung taon, upang hindi masalaula ng over development ang islang ito.

Desisyon ni Mayor Yap, hinihintay nalang para sa pag-inspeksyon sa isang fast food chain sa Boracay (Update)

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Hinihintay na lang ang magiging desisyon ni Mayor John Yap tungkol sa isang fast food chain sa Boracay na umano’y hindi tama ang pag-dispose ng basura.

Ayon kay Malay SB Member Floribar Bautista, nasa opisina na ni Mayor Yap ang larawan ng nasabing kainan na makikita sa front beach ng station 2, na may mga nakatamabak na basura at hindi tama ang pagtapon.

Kung saan, hinihintay nalang din aniya nila kung sino ang i-aasign ni mayor na mag-inspeksyon nito at magsagawa ng imbestigasyon.

Kailangan umanong agad itong maimbistigahan dahil sa magdudulot ito ng kahihiyan sa isla lalo na’t sikat ang nasabing fast food chain.

Matatandaang tinalakay sa SB Malay session ang problemang ito na lumabas sa social network.

Red cross Boracay, nagsagawa ng disaster preparedness sa buong bayan ng Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagsagawa ang Philippine Red Cross Boracay ng disaster preparedness sa lahat ng baranggay sa bayan ng Malay.

Ayon kay Red Cross Boracay Deputy Administrator John Patrick Moreno, ang tema ng kanilang aktibidad ay 1,4,3 kung saan meron silang apat napung mga miyembro sa bawat Brgy. at isang leader.

Aniya, ang mga ito ang magiging mata, tenga at kamay ng kanilang mga ka brgy. sa oras na may mga mangangailangan ng tulong ng Red cross.

Ang nasabing programa ay upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng bawat mamamayan sa bansa at sa Malay.

Dagdag pa Moreno, nagsagawa rin sila ng pagsasanay sa mga miyembro at leader ng bawat Brgy. gaya ng First Aid, at Basic Life Support,  gayon din ang paghahanda sa Chikungunya at Dengue.

Samantala, ang nasabing aktibidad ay ginagawa na rin ngayon sa buong Pilipinas sa pamumuno  Ricahard "Dick" Gordon.

Tuesday, August 06, 2013

TransAire, ipapatawag ng LGU Malay para sa committee hearing

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Ipapatawag ng LGU Malay ang pamunuan ng TransAire tungkol sa ginagawang widening project ng Caticlan Airport.

Ayon kay Malay SB Member Jupiter Gallenero, magpapatawag sila ng committee hearing sa darating na Lunes para mapag-usapan ang tungkol sa Development project ng airport.

Aniya, kailangan nilang malaman kung ano na ang status nito sa ngayon at kung kailan ito matatapos.

Sinabi naman ni SB Member Manuel Delos Reyes na kailangan ding maimbitahan ang pamunuan ng CAAP para sa ilang mga katanungan.

Kabilang sa mga iimbitahan ay ang mga land owners na sakop ng pagpapagawa ng airport at ng mga maaapektuhan ng nasabing proyekto.

Samantala, ang nasabing committee hearing ay pangungunahan naman ni Gallenero bilang Chairman ng Tourism Industry.

Tatlong Chinese National sa Boracay, timbog dahil sa illegal gambling

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Seryoso ang Philippine National Police na buwagin ang illegal gambling sa bansa, lalo na sa isla ng Boracay.

Ito ang sinabi ni SPO1 Ben Estuya ng Iloilo City Regional Intelligence Division, kaugnay sa pagkakatiklo ng tatlong Chinese National sa Boracay dahil sa illegal gambling.

Nabatid na mag-aalas sais kagabi nang mahuli ang mga suspek habang nasa aktong nagsusugal sa loob ng Hongkong Seafood Restaurant sa Brgy. Balabag, Boracay.

Ayon pa kay Estuya, nakatanggap umano sila ng impormasyon tungkol sa illegal na aktibidad ng mga suspek, kung kaya’t ini-surveillance nila ang mga ito.

Tuluyan namang natimbog ng mga operatiba ang mga suspek matapos ang matagumpay na operasyon, kung saan nasa humigit-kumulang P150,000.00 na halaga ng perang narekober ng mga otoridad.

Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act 9287 o Illegal Gambling Act ang mga suspek na pawang temporaryong residente ng Boracay.

Pagtapon ng langis sa Bolabog Beach, itinanggi ng BIHA

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Mariing itinanggi ng Boracay Island Hopping Association (BIHA) ang pagtapon ng langis sa Bolabog Beach nitong nagdaang linggo.

Ayon kay BIHA Chairman Rigoberto Gelito Jr., pinaimbestigahan niya ang lahat ng kanilang miyembro tungkol dito at personal na inalam ang sitwasyon sa Bolabog Beach.

Ito’y kaugnay sa isiniwalat ng isang umano’y nakasaksi na ang mga bangkang pang island hopping ay doon lang sa dagat itinatapon ang kanilang used oil o ginamit na langis.

Kung saan ayon pa kay chairman, maaaring may ibang gumagawa nito at sa kanilang kooperatiba lamang itinuro.

Samantala, nagpalabas din umano ito ng memorandum order sa kanilang mga miyembro na ang sinumang mahuling gumagawa nito ay may karampatang penalidad, na maaaring humantong sa pagpapakansela ng kanilang membership sa BIHA.

Iginiit din ng nasabing chairman na mahigpit na ipinagbabawal ng kanilang kooperatiba ang pagtapon ng langis sa dagat ng Boracay.

Monday, August 05, 2013

DOT Boracay, masaya sa pagbabalik ng Taiwanese Tourist sa Pilipinas

Ni Jay-ar m. Arante, YES FM Boracay

Masaya ang Department of Tourism dahil sa paunti-unting pagbabalik ng mga Taiwanese Tourist sa bansa lalo na sa isla ng Boracay.

Ayon kay DOT Boracay Officer In-charge Tim Ticar, simula umanong ipagbawal ang Taiwanese ng kanilang gobyerno na pumunta sa Pilipinas ay naapektuhan ang tourism industry ng bansa.

Aniya, kahit hindi super peak season ngayon sa Boracay ay walang tigil ang pagdagsa ng mga turista mula sa ibat-ibang lugar para magbakasyon.

Tiwala naman ang Department of Tourism na tuluyan ng makakabalik sa bansa ang mga Taiwanese ng walang pangamba at alinlangan.

Matatandaang, pinagbawalan ang Taiwanese National ng kanilang gobyerno  na pumunta sa Pilipinas dahil sa pagpaslang sa isang Taiwanese fisherman sa Batanes noong buwan ng Abril.

Ikinatuwa naman ni Ticar na hindi tumagal ang pag ban sa mga Taiwanese ng kanilang gobyerno para malayang magbakasyon sa Pilipinas.

Sa kabilang banda target naman ngayon ng DOT Boracay na makapagtala ng 1.5 Million tourist bago magtapos ang taong 2013.

Mga MAP sa Boracay dadagdagan na

Ni Mackie Pajarillo, YES FM Boracay

“Kung sa akin lang gusto ko ring madagdagan ang mga MAP ngunit sa ngayon ay hindi pa.”

Ito ang naging pahayag ni Island Administrator Glenn Sacapaño hinggil sa karagdagang MAP o Municipal Auxilliary Police sa Boracay.

At dahil sa 24 oras ang operasyon ng MAP, maging si Sacapaño ay aminadong kulang ang bilang ng mga ito sa pagpapatupad ng mga ordinansa sa isla, katulad ng paghuli sa mga drayber ng habal-habal.

Anya, kulang sa badyet ngayong taon ngunit baka sakaling sa susunod na taon na lang maipapatupad ang nasabing plano ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Ginamit umano kasi ang badyet para sa anim na araw na training ng mga MAP kamakailan lang para mas masigasig pa umano ang mga ito sa kani-kanilang mga tungkulin.

Samantala kahit pa sabihin na kakaunti lang ang bilang ng mga ito sa 24 oras na operasyon nila.

Importante umano ay alam ng publiko na kahit papano ay namimintina ng mga ito ang kanilang tungkulin upang mabawasan naman ang pasaway dito sa isla ng Boracay.

Ilang mga Ati sa Boracay, tutulungan ng ibat-ibang ahensya sa bansa

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tutulungan umano ng ibat-ibang ahensya ng bansa ang ilang mga Ati na naninirahan sa isla ng Boracay partikular na sa Brgy. Manoc-Manoc.

Ayon kay Malay District Supervisor Jessie S. Flores, may mga nakausap siyang mga madre na handang tumulong sa mga katutubong Ati.

Aniya, posible din umanong mabigyan ng pabahay ang mga ito para magkaroon naman sila ng sapat at kumportabling tirahan.

Dagdag pa ni Flores, maari ding mapag-aral ang mga batang Eta sa Boracay.

Isa lamang umano ito sa mga tugon ng ibat-ibang ahensya kung saan nakakaranas ng kahirapan ang mga eta ngayon.

Matagal na rin aniya itong hinihiling sa pamahalaan ng pinatay na Ati spokesman na si Dexter Condez na matulungan sila sa kanilang pamumuhay bilang mga katutubo sa isla.

Sa ngayon, ilan paring mga katutubong Ati ang namamalimos sa gilid ng kalsadahin sa Boracay partikular na sa area ng front beach kung saan dagsa ang mga turista.