YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, June 07, 2014

Mga Commissioner sa Boracay, dapat isailalim sa training - BFI

Posted June 7, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Aminado ang Boracay Foundation Incorporated (BFI) na maging sila ay dismayado sa problema tungkol sa mga commissioner sa isla ng Boracay.

Ito’y kaugnay sa pagpuna ng ilang mga turista at bakasyunista sa isla, kung saan napapansin na hindi kanais-nais minsan ang pakikitungo ng mga commissioner at ang ibang mga lalaki naman ay hindi nagsusuot ng damit pang-itaas.

Ayon kay BFI President Jony Salme, dapat na sumailalim sa training o seminar ang mga commissioner dito nang sa gayon ay maging presentable at mapaganda rin ang kanilang imahe.

Samantala, hinimok naman ng BFI ang publiko at mga residente sa isla na sundin nalang ang mga alituntuning ipinapatupad ng lokal na pamahalaan para na rin sa ikabubuti ng lahat.

Anya, kung may mga negatibong komento ang mga turista hinggil sa isla, bilang stake holder ay apektado rin umano sila.

Maganda umano na sa pagbalik rin ng mga turista sa kanilang lugar ay mga kanais-nais namang memorabilia ang kanilang madadala.

Norwegian national, aksidenteng nabangga ng mini-dump truck sa Boracay

Posted June 7, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Galos ang natamo ng isang Norwegian national matapos na aksidenteng mabangga ng isang mini-dump truck sa Boracay.

Ayon sa imbestigasyon ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), nakaupo bandang alas otso kagabi si Kruijssen Petrus Vander, 59 anyos ng Holand sa harap ng isang bar sa So. Hagdan, Brgy. Yapak Boracay nang mawalan ng kontrol ang isang mini-dump truck na minamaneho ni Nanito Salsona, 24 anyos ng Libertad Antique.

Ayon sa report ng mga pulis, nagka-problema sa preno ng sasakyan ang driver kung saan nahagip rin nito ang isang naka-parking na motorsiklo sa lugar.

Samantala, nang sa himpilan naman ng pulisya ay nagkasundo ang dalawang panig na ayusin na lang ang nasabing kaso sa pagitan nilang  dalawa.

Paglagay ng commercial billboards sa Jetty Port, sinagot ni Administrator Maquirang

Posted June 7, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sinagot na ni Jetty Port Administrator Nieven Maquirang ang tungkol sa mga nakalagay na commercial billboards sa Caticlan at Cagban Jetty Port.

Ito’y matapos na punain ni Vice Mayor Welbec Gelito na tila dumarami na umano ang mga billboards sa nasabing pantalan, kung saan imbes umano na 7 wonders ng Malay ang makikita dito ay puro nalang commercials billboards.

Ayon naman kay Maquirang, unti-unti na nila itong tinatrabaho sa ngayon kung sasan ipina-utos na nito sa kanilang advertiser na kailangang maglaan ng 1/4 na advertising space sa mga nasabing billboards para sa adbokasiya ng Malay at buong probinsya ng Aklan.

Dagdag pa ni Maquirang, kailangan lamang umanong mabigyan sila ng larawan ng 7 wonders ng Malay para maibigay din nya ito sa kanilang mga advertiser at maisama sa commercial billboards.

Nire-required na rin umano ang mga ito kaya’t kinakailangan din nila itong sundin.

Samantala, ipinagmalaki naman nitong makikita na sa nasabing pantalan ang ilang tarpaulin na naglalaman ng commercials at may kasamang paalala o advocacy plug katulad ng pagbabawal ng pagkuha ng puting buhangin, pagtapon ng basura sa dagat at paninigarilyo sa dalampasigan.

Sinabi din ni Maquirang na malaki umano ang kinikita ng bayan ng Malay sa mga commercial billboards na ito dahil merong itinalagang rate ang probinsya base sa revenue code.

Imbestigasyon sa nangyaring Forest Fire sa Nabaoy, lumabas na

Posted June 7, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Lumabas na ang ginawang imbestigasyon ng BFP Boracay tungkol sa nangyaring Forest Fire sa Brgy.Nabaoy, Malay, Aklan nitong araw ng Miyerkules.

Ayon kay Fire Investigator F03 Aropang naganap umano ang sunog ng madaling araw kung saan ayon sa ilang nakasaksi nakita pa nila ang apoy bandang alas-7 ng umaga.

Aniya, umabot sa anim na ektarya ang nangyaring forest fire at umabot pa ng halos tatlong oras bago maapula sa tulong na rin ng pagbuhos ng ulan.

Lumabas din sa kanilang imbestigasyon na nagmula ang apoy sa mga nakasinding tuyong dahon ng niyog na pinaniniwalaang ginamit ng mga residente doon bilang sulo at itinapon lamang sa damuhan dahilan para kumalat ang apoy sa iba pang mga tuyong dahon.

Nabatid na may kalayuan ang lugar na pinangyarihan ng sunog mula sa proper ng nasabing Brgy. Kung kayat hindi agad ito na pansin ng mga residente doon.

Matatandaang isang sunog din ang naganap sa Brgy. Nabaoy nitong nakalipas na buwan ng Abril kung saan umabot din sa apat na ektarya ang nasunog sa kabundukan.

Boracay Foundation Inc. , imbetado ang NGCP at AKELCO sa gagawing pulong

Posted June 7, 2014
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Hindi pa rin masasabi na matatag ang suplay ng kuryente sa isla ng Boracay at buong probinsya ng Aklan dahil sa mga nararanasang manaka-nakang power interruption.

Kaya sa gagawing General Membership Meeting ng BFI o Boracay Foundation Incorporated sa Sabado ay kanilang hingan ng paliwanag ang NGCP o National Grid Corporation of the Philippines at representante mula sa AKELCO para ilatag ang estado ng suplay ng kuryente sa probinsya ng Aklan.


Hinaing kasi ng mga stakeholders masyadong malaking abala sa industriya ng turismo ang mga nangyayaring brown-out na minsan ay nagdudulot pa ng pagkasira sa mga appliances.

Inaasahan din na tatalakayin ang ilang alternatibong pagkukunan ng enerhiya kagaya ng Solar Energy System na siya namang ilalatag ng mga taga-NGCP.

Ayon kay BFI President Jony Salme, mainam na malaman din ang ilang alternatibong solusyon sa problema sa kuryente .

Anya maliban sa Solar Energy Sytem ng NGCP, magandang balita din ang dulot ng pagkakaroon ng Wind Energy Project sa Nabas na inaasahan niyang magiging sagot din kakulangan ng kuryente sa probinsya.

Samantala, tatalakayin din sa nasabing pulong ang ilang paghahanda ng Boracay Redevelopment Task Force sa pagsapit ng Habagat Season kung saan aasahang dadalo si Mabel Bacani at si Island Administrator Glenn Sacapano.

Unang linggo ng pasukan, naging smooth ayon sa DepEd Malay

Posted June 7, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Naging smooth umano ang unang linggo ng pasukan sa bayan ng Malay.

Ito ang sinabi ni Malay District Supervisor Jessie S. Flores kung saan pinaghandaan umano nila ng mabuti ang school year 2014-2015.

Aniya, organisado ang pagbubukas ng klase kung saan nakalagay na agad ang mga pangalan ng mga estudyante sa pintuan ng kanilang classroom para hindi na ang mga ito mahirapang  maghanap.

Sinabi pa nito na patuloy parin ang kanilang pagtanggap ngayon ng mga enrollees hanggang sa kalagitnaan ng Hunyo lalo na ang mga transferees.

Maliban dito naipamahagi na rin umano ang mga textbooks sa mga mag-aaral ngunit ang ilanm sa mga ito’y hindi nabigyan.

Tiniyak naman ng DepEd Malay na bibigyan nila ng pansin ang lahat ng mga pangangailangan ng mga mag-aaral lalo na kung ito’y importante sa kanilang pag-aaral.

Samantala, nais naman ni Flores na magkaroon ng Identification Card (ID) ang lahat ng kanilang mga mag-aaral sa elementary at sekondarya para na rin sa kapakanan ng mga estudyante.

Friday, June 06, 2014

Patuloy na nararanasang init ng panahon, pabor sa turismo ng Boracay - DOT

Posted June 6, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Pabor sa turismo ng Boracay ang patuloy na nararanasang init ng panahon.

Sa kabila ito ng pagkainis at reklamo ng publiko lalo na sa isla dahil maalinsangang panahon pagsapit ng tanghali at hapon, kahit nararanasan na Habagat ngayon.

Ayon kay DOT Boracay Officer In charge Tim Ticar, patuloy umanong mag-i-enjoy sa beach ang mga bisita sa isla kahit mainit ang panahon dahil walang ulan at hindi malamig.

Hindi rin umano magiging mahirap para sa mga bisita ang pagbiyahe, pamamasyal, souvenir shopping, at maging ang pagba-bar hopping sa gabi.

Samantala,  magugunita sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA)  na umabot sa 39 degrees Celsius ang pinakamainit na temperaturang naitala sa Tuguegarao City, na siyang pinakamainit ngayong taon, bago pumasok ang panahon ng Habagat.

AKELCO bill, tumaas kahit panay ang brown-out

Posted June 6, 2014
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Dismayado ngayon ang mga negosyante maging ang mga residente ng matanggap ang kanilang electric bill mula sa AKELCO dahil sa tumaas ang kanilang bayarin.

Umaabot kasi sa sampu hanggang dalawampung porsyento ang itinaas ng kasalukuyang billing kumpara noong mga nakaraang buwan.

Ayon sa isang manager, maliban sa nasisira ang kanilang mga gamit dahil sa patay-sindi ng kuryente, dagdag gastos din ito dahil kailangan pa nilang maglaan ng budget para sa generator tuwing may power interruption.

Dagdag pa nito na may potensyal na malulugi ang mga negosyo sa isla kapag hindi ito mahahanapan ng solusyon.

Ipapatawag naman ng Boracay Foundation ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kasama ang AKELCO para ilatag ang estado ng kuryente sa probinsya.

Aasahan sa gagawing pulong bukas na hahanapan ng sagot ng mga stakeholders sa isla ang mga nararanasang suliran sa AKELCO.

Bagamat may ilalatag na alternatibong solusyon sa pagkukunan ng enerhiya, hiling ng ilan na dapat unahin ng AKELCO ang problema nito.

Kasabay ng gagawing BFI General Membership Meeting bukas ay ang gagawing General Assebly ng AKELCO sa bayan ng Kalibo para mailatag din ang update at estado ng kooperatiba sa mga miyembro-kunsomidor.

Pagbaba ng buhangin sa dalampasigan tuwing low tide, di dapat ikabahala - CENRO

Posted June 6, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Hindi umano dapat ikabahala ang pagbaba ng buhangin sa dalampasigan tuwing low tide.

Ito ang sinabi ni Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Boracay Officer In Charge Jonne Adaniel, kaugnay sa pangamba ng ilang residente sa isla na baka hindi na bumalik ang buhangin sa dalampasigan lalo na ngayong panahon ng Habagat.

Ayon kasi sa ilang mga residente dito partikular ang mga naapektuhan ng sea wall demolition.

Kusa na namang bumabalik ang buhangin sa dalampasigan kahit tangayin ito sa ilalim ng dagat ng malalakas na alon.

Subali’t mistula umanong hindi pantay ang pagbalik ng buhangin sa dalampasigan. 

Ayon kay Adaniel, na-ipresenta na ang mga bagong design ng bamboo seawall at barrier na syang mag-proprotekta sa mga buhangin ngayong Habagat season.

Samantala, nabatid na babasagin umano ng bagong seawall ang alon na hahampas sa dalampasigan upang maiwasang tangayin ang puting buhangin papunta sa dagat.

Sa kabila naman ng obserbasyon at pangamba ng mga nasabing residente, marami din ang nagsasabing ibabalik din ng alon ang buhanging tinangay nito mula sa dalampasigan.

Turkish national, nagreklamo sa BTAC matapos bigyan ng pekeng permit at tangayin ang perang Php42, 000

Posted June 6, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay                                    

Humingi ng tulong sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang Turkish national na si Engin Gokmen, 48 anyos matapos na lokohin sa Boracay.

Ayon sa salaysay ng biktima, nagbigay ito ng Php32, 000 sa kanyang sekretarya na si Ma. Jenia Via Buenaobra ng Burgos Rizal Montalban upang magproseso ng kanyang business permit.

Nang ibigay umano sa kanya ang nasabing business permit ay sinabi ng sekretarya nito na nasa Php42, 402.83 ang kanyang binayaran sa Mayor’s office.

Subalit mahigit pitong buwan ang nakalipas, laking gulat nito nang gusto sana umanong bilhin ni Mr. Chris ang kanyang negosyo ay saka natuklasang peke pala ang permit na ibinigay sa kanya.

Samantala, nahaharap naman ngayon sa kasong Estafa at Falsification of Public Documents ang suspek.

Nabatid rin na ang nasabing suspek ay kasalukuyang nagtatrabaho ngayon sa isang hotel sa Boracay.