YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, February 09, 2018

Mga “Colurom” na tricycle itinawid sa Mainland Malay

Posted February 9, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST

Image may contain: one or more people, sky, motorcycle and outdoor
Photo Credit: BTAC and MTO
Tatlong traysikel na “colorum” at dalawampung single motorbike ang nasabat sa ginawang joint operation ng Malay Transportation Office, Highway Patrol Group, Boracay Touirist Assistance Center, Metro Boracay Task Force, at MAP nitong mga nakalipas na araw.

Nabatid na ang mga nahuling sasakyan ay walang  dokumento tulad ng Permit to Transport o PTP sa mga motorsiklo at Franchise at plaka na issue ng munisipyo sa mga iligal na namamasadang traysikel.

Bago nito, noong nakaraang linggo ay sunod-sunod ang ginawang pagharang at paghuli sa mga habal-habal at mga hindi nakapag-renew ng PTP kung saan umabot na sa mahigit limampung motorsiklo na ang naitapon pabalik sa mainland Malay.

Maliban sa mga pasaway na driver, ang pag-byahe ng mga hindi rehistradong traysikel o colorum ay isa rin sa mga pino-problema ng transport office.

Paalala ni Oczon sa publiko na kapag walang “Municipal Plate” o plaka ang unit ng traysikel ay siguradong colorum ito o posibleng dalawang unit ang gumamit sa isang franchise.

Ang mga nahuling sasakyan ay kasalukuyang naka-impound sa munisipyo at may naka-atang na penalidad sa mga may-ari.

Thursday, February 08, 2018

Bagong hepe ng BFP Malay, umapela sa publiko na sundin ang kanilang panuntunan upang maiwasan ang sunog

Posted February 8, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona YES THE BEST Boracay

Image may contain: 1 person, sitting and screenUmapela ngayon sa publiko ang bagong hepe ng Bureau of Fire Protection Unit (BFP) Malay na si Fire Inspector Lorna Parcellano na sundin ang kanilang mga panuntunan o patakaran upang maiwasan ang sunog.

Sinabi ni Parcellano sa panayam sa kanya nitong Sabado sa Boracay Good News na dapat maging alerto at laging handa upang malayo sa posibleng panganib ng sunog.

Ani Parcellano karamihan umano sa mga naitalang kaso ng pagkasunog ay sa mga  business establishments,  kaya paalala niya sa mga may-ari na sundin ang kanilang mga payo partikular ang pagkakaroon ng fire extinguisher na makakatulong sa agarang pagapula ng apoy.

Dagdag pa nito, panatilihing malinis ang kabahayan at iwasan ang paglatag ng maraming outlet para malayo sa sunog.

Aniya, ang pagsunod sa fire code ay pangangalaga sa investment dahil posibleng maabo ang lahat ng pinaghirapan at puhunan kung hindi dadaan sa fire safety inspection ng kanilang ahensya.

Samantala, target naman ng kanilang opisina na maging fire free ang isla ng Boracay at buong bayan ng Malay.

Illegal activities ng mga lady-boy posibleng maka-apekto sa Tourism Industry - SB Pagsuguiron

Posted February 8, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

“Maapektuhan ang turismo ng isla ng Boracay kapag hindi pinuna ang ibang iligal na gawain ng mga lady boy”.

Ito ang pagpupuna ni Sangguniang Bayan Member Dante Pagsuguiron na aniya hindi na ito bago dahil matagal na itong reklamo at problema sa isla.

Nais ng huli na pagtuunan ng pansin itong problema dahil ang ilan sa mga ito umano ay nanghaharang at nag-aalok ng serbisyong-sekswal at kung tanggihan ay kanilang hina-harass.

Umaabot din minsan sa sitwasyon na kapag lasing ang hinarang ay kanilang pinagnanakawan.

Ayon pa kay SB Fromy Bautista, mga foreigner ang karamihang biktima sa ganitong mga insidente na kadalasan ay hinaharang sa madilim na area ng front beach.

Kaugnay nito, iimbitahan sa susunod na session ang tatlong Punong Barangay sa Boracay, Tourism Office, DOT at Boracay PNP para sa masusing pag-uusap kung paano ito maaksyunan ng mga kinauukulan.

Duterte nagbigay ng anim na buwan sa DENR at DILG para ayusin ang Boracay

Posted February 8, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Nagbigay ng anim na buwan si Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Interior and Local Government (DILG) upang maayos ang problemang kinakaharap ng tinaguriang number one tourist destination ng bansa, ang isla ng Boracay.

Isa sa mga pangunahing iimbestigahan ay ang  establisyementong may violation kasama ang mga opisyal at mga indibidwal na nagbigay permit to operate.

Bago nito, pagkatapos ng ginawang pagbisita at aerial inspection sa Boracay nitong Enero nina DOT Secretary Teo at DENR Secretary Cimatu, isang Executive Order ang ibinalangkas ng dalawa para i-rekomenda sa pangulo.

Sa ngayon, habang pinag-aaralan pa ni Duterte ang EO ay nais nito ng mabilisang aksyon kung kaya’t nag bigay ito ng anim na buwan para ayusin ito ng DENR at DILG.

Sa isang pahayag, ani DOT Usec Kat De Castro ang nakikitang dahilan ng pangulo kung bakit nagkaroon ng ganitong problema ang Boracay ay dahil umano sa kurapsyon.

Sa panayam naman ng Yes The Best kay DENR-6 Regional Director Jim Sampulna, masyadong “confidential” pa sa ngayon para ibahagi ang gagawing aksyon ng kanilang departamento sa Boracay subalit isa lang umano ang sigurado at ito ay dismayado ang Pangulong Duterte. 

Tuesday, February 06, 2018

Paralympic Swimmer Edwin Villanueva ng Malay, ginawaran ng pagkilala ng SP Aklan

Posted February 6, 2018
Ni Teresa P. Iguid, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 1 person, standing and indoorGinawaran ng pagkilala ng Aklan Sangguniang Panlalawigan ang paralympic swimmer na si Edwin Villanueva ng bayan ng Malay matapos nitong maiuwi ang ika-apat na pwesto sa International Swimming Competition na ginanap sa Malaysia at Dubai.

Sa panayam ng himpilang ito sa kanyang coach na si Luneta Tumaob, sinabi nitong hindi naging hadlang kay Villanueva ang pisikal na kakulangan nito at ang pagiging baguhan kumpara sa kanyang mga nakalaban sa larangan ng swimming upang mai-uwi ang tagumpay.

Kwento ni Tumaob, nasa 42 na mga bansa ang nakibahagi sa nasabing aktibidad at si Edwin umano ang pinakabata sa edad na 18-taong gulang lamang.

Dagdag pa nito 6 ang mga kalahok mula sa koponan ng Pilipinas at isa si Edwin sa nag-representa mula sa probinsya ng Aklan.

Magugunitang naganap ang 9th Asean Para Games sa Kuala Lumpur, Malaysia noong September 17-23, 2017, at Youth Asean sa Dubai noong December 10-16 2017.

Samantala nakatakda namang tumulak sa araw ng linggo si Villanueva sa Maynila upang paghandaan naman ang susunod na kompetisyon na gaganapin naman sa US sa May 24 hangang June 4.

Metro Boracay Task Force binuo upang magbantay sa isla ng Boracay

Posted February 6, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Upang mas mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at mapaigtingin pa ang pagbabantay sa isla ng Boracay, binuo ngayon ang Metro Boracay Task Force.

Ayon sa bagong itinalaga mula sa Police Regional Office – 6 na si Boracay Joint Task Force PSUPT Ryan Manongdo ng Peace and Order Division, itong bagong tatag na grupo ay isang daan para mas lalong maprotektahan ang seguridad ng Boracay.

Nagsimulang i-deploy ang mga kapulisan na bahagi  ng task force kung saan nasa jurisdiction din nila ang mga katabing bayan ng Buruanga, Nabas, Ibajay at Mainland Malay.

Sa ngayon nasa isang daan at tatlumpo na mga police personnel ang siyang bubuo sa naturang Metro Boracay Task Force.

Ang mga ito ay nagmula sa Police Regional Office o PRO 6.

Estudyante sinaksak ng pitong kalalakihan sa Boracay

Posted February 6, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image result for sinaksakSugatan ang isang estudyante matapos itong saksakin ng hindi pa nakilalang pitong kalalakihan sa Balabag nitong madaling araw ng Linggo.

Sa blotter report ng Boracay PNP,  sila ng tawag mula sa Ciriaco Memorial Hospital na may biktima ng pananaksak na kinilalang  si Jose Gubaton , 19-anyos na estudyante at tubong Ibajay Aklan.

Mabilis na pinuntahan ng nakaduty na imbestigador ang biktima at sa kanilang pag-usisa naglalakad umano itong si Gubaton sa kahabaan ng long beach ng nilapitan ng pitong kalalakihan at pinagsasaksak sa ibat-ibang parti ng kanyang katawan.

Hindi pa umano nakuntento ay kinuha pa nito ang cellphone ni Gubaton.

Samantala, minabuting dalhin naman ang biktima sa ospital sa bayan ng Kalibo upang malapatan ng medikasyon ang natamong sugat.

Ikinasa naman ang hot pursuit operation ng kapulisan gayundin ng Intel Operatives sa mga nakatakas na nagtagong suspek.

5 drivers, sinuspinde ng Transport Office at BLTMPC dahil sa pagtanggi sa pasahero

Posted February 6, 2018
Ni Teresa A. Iguid, YES THE BEST Boracay

Tatlong E-trike at dalawang tricycle drivers na ang nasampolan matapos hindi magpasakay at namimili ng pasahero sa Isla ng Boracay.

Katuwang ang BLTMPC, ayon kay Malay Transportation Officer Cesar Oczon  nasa kabuuang limang mga drivers na umano ang kanilang nahuli at naipatawag mula noong buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyan.

Ani Oczon, pinatawan umano ang mga ito ng 15-days suspension at pinagbayad ng kaukulang penalidad.

Dagdag pa nito sakaling ulitin pa ng mga nahuli at naisumbong na drivers ang kahalintulad na violation ay mas mabigat at mataas na parusa ang kanilang kahaharapin.

Paalala naman ni Oczon sa publiko na sakaling mangyari ito kanino man ay kunin lamang ang body number ng sasakyan , ang apelyido na nakalagay sa uniporme ng driver at ang oras at lugar na pinangyarihan ng pagbabalewa sa kanila.

Bukas din umano  ang kanilang tanggapan sa pag-tanggap ng reklamo, maaari umano silang tumawag sa opisina ng Malay TransportationOffice  sa numerong 288-8767.


Samantala mensahe naman ni Oczon sa mga drivers na may mga tungkulin at responsibilidad ang mga ito sa mga pasahero kaya  nararapat lamang na may respeto at serbisyo sa bawat pasahero.

ECPAT, patuloy ang pagsulong ng kanilang adbokasiya sa Child Protection

Posted February 6, 2018
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 2 people, stripesPatuloy ang pagsulong ng ECPAT o End Child Prostitution, Child Pornography and the Trafficking of Children for Sexual Purposes sa usaping proteksyon sa mga kabataan lalo na sa Boracay.

Sa panayam ng himpilang ito kay ECPAT Officer Janice Talic, patuloy ang kanilang kampanya laban sa anumang uri pang-aabuso na maaaring mangyari sa mga kabataan.

Sa katunayan, may ordinansa ng naisulong ang Sangguniang Bayan ng Malay na layuning mapigilan ang “Child Sex Tourism” at para may legal na basehan sa striktong paghingi ng mga ng mga resort hotel ng dokumento sa pagkakakilanlan ng mga bisita lalo na kung may kasamang bata.

Dagdag pa ni Talic, nakaka-alarma na sa ngayon ang online abuse kung saan ito ang kinakasangkapan para makabiktima ng mga kabataan.

Nabatid na katuwang nila sa adbokasiyang ito ang mga government agencies tulad ng MSWDO at PNP na siyang kaagapay sa kanilang mga hakbangin.

Samantala, paalala naman nila sa mga guro na palaging paaalalahanan ang mga estudyante at sa mga magulang naman ay tamang pag-gabay sa mga ito.

Aniya, maaring maging dahilan din ito ng depresyon at bullying oras na masadlak ang kanilang mga anak sa maling environment at sinasamahang tao.

Ang ECPAT ay may adbokasiyang naglalayon pangalagaan ang kabataan para makaiwas lalo na sa pang-aabusong sekswal.