YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, December 13, 2014

Mezzanine construction project sa HRP Boracay, minamadali na

Posted December 13, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Minamadali na ngayon ang mezzanine construction project sa HRP Boracay.

Kailangan na kasi itong matapos para sa nalalapit na Simbang Gabi sa araw ng Martes.

Kaya naman halos doble kayod na rin ngayon ang mga construction workers doon sa pagsemento sa mezzanine o balcony ng simbahan.

Magugunitang sinabi ni HRP Boracay Priest Moderator Father ‘Nonoy’ Crisostomo na kailangan nang palakihin ang simbahan dahil sa dami ng mga nagsisimba lalo na kapag araw ng Linggo.

Sinabi din nito na unang tatapusin ang sa left wing na bahagi ng simbahan upang maihabol sa Simbang Gabi.

Nabatid na nagkakahalaga ng anim na milyong piso ang nasabing proyekto na galing umano sa pondo ng simbahan.

“Paskwa para sa Kasimanwa”, idadaos ng MTour Malay

Posted December 13, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Bilang bahagi ng kasiyahan sa pagdiriwang ng kapaskuhan.

Nakatakdang idaos ng Municipal Tourism Office (MTour) Malay ang “Pakswa para sa Kasimanwa” sa nasabing bayan sa darating na December 15-18, 2014.

Base sa kalatas na ipinadala ng nasabing ahensya, ang nasabing aktibidad ay kukumpletuhin ng isang “Pag-iwag sa Banwa: Giant Christmas Tree Lighting,” Karera sa Paskwa, daigon Contest at Children’s Day.

Layunin umano ng MTour na maliban sa ipinapakita ang kulturang Pilipino sa pag-gunita ng pasko, ito rin ay maghahatid ng kasiyahan sa bawat tao at ipadadama ang diwa nito.

Samantala, kasama rin sa pagdaraos ng nasabing aktibidad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Red Cross (PRC) Youth, at Private School Teachers.

Motorsiklo naaksidente matapos na mag-overtake sa isang tricycle

Posted December 13, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sugatan ang driver at isang back rider ng motorsiklo matapos maaksidente kanina ng madaling araw sa Yapak Boracay.

Kinilala sa blotter report ng BTAC ang driver na si Ejay Lerona, 26 anyos habang kinilala naman ang back rider na si Saturnino Bandiola, 29 anyos.

Batay sa imbestigasyon ng BTAC, nag-overtake ang mga biktima sa sinusundan nitong tricycle subali’t nawalan umano ng kontrol ang driver nitong si Lerona at pumaakyat sa gutter ng kalsada ang sinasakyang motorsiklo saka natumba.

Kaugnay nito, muli namang nagpaalala ang BTAC sa mga motorista na ibayuhing mag-ingat sa pagmamaneho.

Naunsyaming Pre-judging sa Recycled Christmas Tree making contest sa Boracay itinuloy na

Posted December 13,, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nagpapatuloy ngayong gabi ang Pre-judging sa Recycling Christmas Tree making contest sa Boracay.

Kaya naman abala ngayon ang mga barangay council sa isla at iba pang kasama sa paligsahan sa pagbusisi sa mga naggagandahang Christmas Tree doon.

Nabatid na gawa sa recycled materials ang mga life size na Christmas Trees katulad ng bote, Styrofoam, at mga bakal mula sa mga dinimolish na istraktura sa beach front.

Subali’t hindi ito halos mahahalatang gawa sa basura sa unang tingin lang matapos itong paikutan ng mga Christmas lights.

Ayon naman sa Barangay Balabag Council, isang magandang ugali ang pagre-recycle upang maiwasan ang problema sa basura.

Samantala, nabatid na nitong nakaraang Huwebes pa sana gaganapin ang pre-judging, subali’t kinansela ito dahil sa Bagyong Ruby.

BTAC, minamadali na ang pagreresolba sa kaso ng Korean national na binaril sa Boracay

Posted December 13, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Minamadali na ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang pagreresolba sa kaso ng Koreanong binaril sa Boracay.

Ayon kay BTAC Chief Senior Inspector Fidel Gentallan, inihahanda na nila sa ngayon ang mga ebidensyang nakalap sa crime scene at pinag-aaralan na rin ang salaysay ng ilang nakasaksi sa lugar.

Dagdag pa ni Gentallan mayroon na din umano silang iniimbestigahang suspek sa kaso subalit hindi pa ito masasabi sa ngayon dahil sa mabusisi ang kanilang isinasagawang proseso.

Kaugnay nito muli ding silang nananawagan sa ilang mga nakakita sa krimen na makipag-ugnayan sa mga pulis at nang maisampa na ang kaukulang kaso.

Samantala, nabatid na naglaan naman ng 50 mil pesos na pabuya ang Korean Community Association sa sinumang makapagturo sa suspek na bumaril sa kanilang kasamahan.

Magugunitang naglalakad pauwi galing sa isang restaurant ang Koreanong si Jin Woo Lee, nang sundan di umano ito ng dalawang hindi nakilalang pinoy at binaril.

Isang security guard sa Boracay, aksidenteng naputok ang baril, swerting walang natamaan

Posted December 13, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nabulabog ng putok ng baril ang mga risidente at mamimili sa area ng D’Talipapa Bukid kaninang mag-aalas kwatro ng hapon.

Ito’y dahil sa aksidenteng naputok ng isang security guard ang kanyang baril sa ginagawang construction building sa nasabing lugar habang nasa kanyang trabaho.

Dahil dito tumama ang bala ng baril sa isang yero na ginawang bakuran ngunit swerte namang walang natamaan kung saan dagsa rin ang mga tao sa nasabing lugar.

Agad namang nagsagawa ng embistigasyon ang Boracay PNP hinggil sa nasabing insidente kung saan ayon naman sa security guard hindi nito akalain na may bala ang kanyang baril kung saan naikasa niya ito.

Wala namang nagreklamo sa naturang insidente bagamat pinaalalahahan ng mga kapulisan ang naturang guard na ingatan nito ang kanyang baril dahil maaari siyang maharap sa kaso sakaling may natamaan sa nasabing insidente. 

Friday, December 12, 2014

Bayan ng Malay nanguna sa revenue generating sa buong bansa

Posted December 12, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nanguna ang bayan ng Malay, Aklan sa revenue generating locally sourced revenues sa buong bansa.

Ito’y dahil sa nakakolekta ang Malay ng pinakamataas na real property taxes sa kabuuang 286 first class municipalities sa Pilipinas na may income na 81. 23 %.

Pumapangalawa naman rito ang Limay, Bataan na may 79.89 percent, Carmona, Cavite na 78. 87 %, Cabuyao Laguna 69.07 %, General Trias Cavite 63. 65 %, Calaca, Batangas na 62.94 %, Mauban, Quezon 61. 95 %, Sual, Pangsian 59. 16 %, Tagaloan, Misamis Oriental 58. 59 % at ang ikasampu ay ang Norzagaray, Bulacan na may local income na 58.38 %.

Kaugnay nito ikinatuwa ng mga mamamayan sa Malay ang pagiging top dahil na rin sa isla ng Boracay na siyang pangunahing dahilan ng pagtaas ng income ng nasabing bayan.

Ang bayan ng Malay ang natatanging bayan sa buong Region 6 na napabilang sa top first class municipalities.

Problema sa mga badjao sa Boracay, patuloy na inaaksyunan ng LGU Malay

Posted December 12, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Patuloy ngayong inaaksyunan ng LGU Malay ang problema tungkol sa mga katutubong Badjao sa isla ng Boracay.

Kaugnay ito sa reklamo ng publiko sa isla sa mga nasabing katutubo na makukulit at nangbabanta pa umano kapag namamalimos.

Subalit, nahihirapan at maingat ngayon ang ginagawang hakbang ng lokal na pamahalaan ng Malay tungkol dito, dahil na rin sa mga batas na nagpo-protekta sa mga katutubong sangkot sa ganitong gawain.

Ayon kay Boracay Island Chief Operations Officer Glenn Sacapaño, nitong nakaraang araw lang ay mahigit 20 mga katutubong Badjao ang inihatid sa mainland mula sa isla.

Ayon pa kay Sacapaño, hindi lang Badjao ang kanilang minomonitor sa ngayon, kundi pati na ang mga batang hamog na namamalimos sa isla.

Malaki umano kasi ang nagiging epekto nito sa mga turistang bumibisita dito lalo na ngayong papalapit ang pasko at bagong taon.

Samantala, muli rin umanong pag-uusapan ang nasabing problema kasama ang Commission on Human Rights at National Commission for Indigenous People (NCIP), Department Social Welfare Development (DSWD) at iba pang sektor na makakatulong sa pagbibigay solusyon sa nasabing problema.

Nabatid na nagtutulungan na rin ngayon ang LGU Malay, DSWD at Philippine National Police (PNP), upang maisaayos ang buhay ng mga katutubong grupo.

PARDSS, na tumutulong sa mga law enforcers sa Boracay humihiling ng akriditasyon sa SB Malay

Posted December 12, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ang pagtulong sa mga enforcers sa Boracay ang siyang pangunahing adbokasiya ng Public Assistance for Rescue, Disaster and Support Services (PARDSS) International Foundation Inc.,.

Ito ang sinabi ni SB member Jupiter Gallenero sa ginanap na ika-38th regular session ng Malay nitong Martes kung saan nabatid na humihiling ang nasabing foundation ng akriditasyon sa LGU Malay.

Bagamat may sariling opisina ang PARDSS sa Boracay bagamat nais parin nilang makilala ang kanilang foundation para sa tuloy-tuloy na pagtulong sa isla ng Boracay.

Samantala, sinabi pa ni Gallenero na mayroon na rin umanong Chapter ang PARDSS sa bayan ng Kalibo na ngayon ay tumutulong na rin sa mga enforcers sa naturang lugar.

Napag-alaman na aktibo rin ang nasabing foundation sa ibat-ibang bahagi ng bansa pagdating sa pagtulong sa pagpapaigting ng seguridad katuwang ang mga enforcers ng mga Lokal na Pamahalaan.

Muli namang tatakayin sa susunod na Sangguniang Bayan Session ng Malay ang kahilingan ng PARDSS.

Beach cleaner, sinampal ng Dive Master sa Boracay dahil sa pag-iingay

Posted December 12, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagreklamo sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang isang beach cleaner matapos na umano’y sampalin ng isang lalaki sa Boracay kaninang madaling araw.

Ito’y dahil sa nagalit umano ang suspek na kinilalang si “Heremias”, 32 anyos at dive master ng isang resort sa isla dahil sa pag-iingay ng nasabing beach cleaner.

Ayon sa blotter report ng BTAC, aminado ang biktima na kinilalang si “Joser”, 34 anyos ng So. Tambisaan Manoc-Manoc Boracay na nasa ilalim ito ng nakakalasing na inumin at nag-iingay habang naglalakad sa front beach ng Station 3 Manoc-Manoc.

Nagkataon na habang naglalakad umano ito at nag-iingay ay nadaanan nya ang grupo ni “Heremias” na nag-iinuman at pinagsabihan sya na tumahimik.

Subalit, hindi niya umano ito sinunod at sa halip ay patuloy pa rin sa pag-iingay dahilan upang sampalin sya ng nasabing dive master.

Samantala, nakatakda naman ngayong mag-harap ang dalawa sa Manoc-manoc Barangay Justice System.

HRP Boracay, may cardboard standee na rin ni Pope Francis

Posted December 12, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Atensyon sa mga nagnanais makapagpalitrato sa standee ng Santo Papa!

May cardboard standee na rin ngayon ni Pope Francis ang HRP o Holy Rosary Parish Boracay na dumating sa simbahan nitong nakaraang linggo.

Ayon sa HRP Boracay, marami na ring debotong Katoliko sa isla ang nakapagpalitrato sa nasabing standee.

Subali’t inilipat na lamang muna nila ito sa parish office mula sa loob ng simbahan dahil sa pangambang masira ito ng malakas na hangin dulot ng nakaraang Bagyong Ruby.

Nabatid na eksakto ang Pope standee sa itsura at pangangatawan ng mahal na Santo Papa.

Inilabas ang nasabing official papal memorabilia para sa pagdating ni Pope Francis sa bansa sa Enero 2015 para sa mga mahilig magpa-‘selfie’.

Inaasahan kasi na marami ang hindi makakalapit sa Santo Papa sa kanyang pagdating kung kaya’t ipinakalat ng Catholic Radio Station na Radio Veritas ang nasabing standee.

Sinasabing isang mapagkumbaba at malapit sa masa ang Santo Papa na mahilig ding mag-selfie kasama ang mga deboto.

Umano’y bulok na bigas na ipinagkaloob ng PSWDO, pag-uusapan ng SP Aklan

Posted December 12, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nakatakdang pag-usapan sa isang Committee Hearing sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang umano’y bulok na bigas na ipinagkaloob ng PSWDO sa mga residente sa probinsya.

Nabatid sa reklamo ni BAYAN-Aklan Chairperson George Calaor na nahilo ang 13 katao sa kinaing bulok na bigas na ipinagkaloob sa kanila ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Anya, binigyan sila ng 1,500 kilo ng bigas ng PSWDO kasunod ng request nila dahil sa nararanasang gutom ng mga taga-Aklan.

Ipinamahagi umano nila ito sa mga mahihirap na residente at matapos makakain ang ilan sa mga nabigyan ay nakaramdam ng pagkahilo at pagsusuka.

Samantala, kasalukuyan namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang opisina ng PSWDO sa nasabing insidente.

Thursday, December 11, 2014

Korean Community Association, naglaan ng pabuya sa makapagturo sa suspek na bumaril sa kanilang kasamahan

Posted December 11, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Naglaan ngayon ng pabuya ang Korean Community Association sa sinumang makapagturo sa suspek na bumaril sa kanilang kasamahan.

50 mil pesos ang halaga ng pabuyang inilabas ng nasabing asosasyon upang mapadali umano ang pagbigay hustisya sa nagpapagaling na ngayong biktimang spa manager na tinambangan nitong nakaraang November 26.

Magugunitang naglalakad pauwi galing sa isang restaurant ang Koreanong si Jin Woo Lee, nang sundan di umano ito ng dalawang hindi nakilalang pinoy at binaril.

Ayon naman sa Korean Community, nakakasama para sa imahe ng isla ang nangyaring krimen at matindi nila itong kinokondena upang hindi na mangyari pa sa iba lalo na sa mga namumuhunang turista sa isla.

Sa mga may alam, maaari naman umano itong ipagbigay alam sa pulisya o e-txt sa 09075036235.

Boracay PNP Chief PSInspector Mark Evan Salvo, sinibak sa pwesto

Posted December 11, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Sinibak sa pwesto si Boracay PNP Chief PSInspector Mark Evan Salvo.

Nabatid na epektibo December 5 pa ang ibinabang relieve order ni Salvo mula sa Provincial Headquarters ng Aklan PNP.

Kaugnay nito, si PSInsp. Fidel Gentallan naman na dating Boracay PNP Deputy Chief ang umuupo ngayon bilang OIC.

Kinumpirma naman sa text message ni Aklan Police Provincial Office Chief PSSupt. Iver Apellido na sa Aklan Provincial Police Headquarters naka assign ngayon si Salvo.

Iginiit naman ni Appelido na kasama sa police management ang pagkaka-relieve kay Salvo.

Magugunitang umupo bilang hepe si Salvo nito lamang nakaraang Pebrero 2014 kapalit ni dating Boracay PNP Chief PS/Insp. Joeffer Cabural, na kasama sa mga sinibak sa puwesto ni PNP Chief Director General Alan Purisima nitong nagdaang October 2013.

BTAC, nagsagawa ng checkpoint kaninang madaling araw; 16 na motorsiklo, huli sa iba’t-ibang violation

Posted December 11, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Labing-anim na mga motorsiklo sa ngayon ang na-impound sa himpilan ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) matapos mahuli kaninang madaling araw ng mga pulis.

Ito’y matapos na isagawa ang isang check point operation sa Balabag Boracay na pinangunahan mismo ni Police Senior Inspector Fidel Gentallan.

Ayon sa report ng BTAC, ang nasabing mga motorsiklo ay nakitaan ng paglabag sa iba’t-ibang mga batas na ipinapatupad sa isla katulad ng walang driver’s license at expire o walang permit to transport.

Lalaki, nagreklamo sa BTAC matapos hindi hinatian ng pera ng kanyang kasamahan

Posted December 11, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagreklamo sa BTAC ang isang 47 anyos na lalaki matapos na di umano’y hindi ito hinatian ng pera ng kanyang kasamahan.

Sumbong ni Alex Pablo ng Tambisaan Manoc-Manoc Boracay, nagkasundo sila ni El Gregorio ng Tagaroroc Nabas Aklan na kunin ang mga kawayan sa Nabas at Buruanga Aklan para e-deliver sa isla ng Boracay.

Subalit nang nabayaran na umano ang mga ito ng 78, 848 pesos ay tinangay na ni El Gregorio ang nasabing pera at hindi ito hinatian.

Samantala, una nang nag-reklamo ang biktima sa Barangay ng Tagaroroc Nabas at ipatawag ang suspek, subalit hindi umano ito sumipot.

Dito na at nag-sumite ng kaukulang aksyon ang biktima sa himpilan ng BTAC sa isla ng Boracay kaugnay ng reklamo nito.

Mga barge na nagkakarga ng motorsiklong walang permit papuntang Boracay, pananagutin

Posted December 11, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Mananagot ang mga may-ari ng barge na nagkakarga ng motorsiklong walang permit papasok ng isla ng Boracay.

Ito ang binigyang diin ni Malay Transportation Regulation Senior Officer Cesar Oczon Jr.,  aniya, mayroon umanong mga may-ari ng motorsiklo na walang permit na lumalapit sa mga operator ng barge para ikarga ang kanilang mga motorsiklo patawid ng isla.

Sinabi nito na kung sakaling mahuli ang mga may-ari ng motorsiklo ay pagmumultahin ito pati na ang barge na kumarga ng nasabing sasakyan.

Nabatid na dumarami na ngayon ang mga motorsiklo sa Boracay kung saan umabot na ito sa mahigit dalawang libo maliban pa sa walang permit.

Pinayuhan naman ni Oczon na kung sino man ang nagbabalak na pumasok ng motorsiklo sa Boracay ay sumunod nalang sila sa tamang proseso upang maiwasan ang multa o pagkumpiska ng kanilang unit.

Samantala, sakaling lumabag sa ibat-ibang violation ang mga operator ng motorsiklo sa Boracay ay itatawid ito sa mainland Malay at mahaharap sila sa multa.

Aklan, nasa ilalim pa rin ng State of Calamity

Posted December 10, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nasa ilalim parin ngayon ng State of Calamity ang probinsya ng Aklan.

Ito ang kinumpirma ng Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan kaugnay nang pananalasa ng bagyong Ruby sa probinsya.

Muli ring ipinaliwanag ng mataas na konseho na ang pagkaroon nila ng Special Session  upang ideklara ang Aklan sa State of Calamity, ay para magamit ang recovery at calamity fund at para ma-kontrol na rin ang presyo ng mga bilihin na hindi tumaas.

Samantala, una namang iginiit ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) Aklan ang zero casualty sa epekto ng bagyo sa probinsya.

Ang Republic Act 10121 o Philippine Risk Reduction and Management Act of 2010, ay batas na naglalayong ideklara sa State of Calamity ang isang probinsya para na rin magkaroon ng price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga lugar na dinaanan ng bagyo.

Wednesday, December 10, 2014

Gerweiss Motors Corporation, pursigidong isulong ang E-Trike sa Boracay kahit kulang sa support system

Posted December 10, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Pursigido parin ang Gerweiss Motors Corporation na isulong ang E-Trike o Electric Tricycle sa Boracay.

Sa kabila ito ng pag-amin ni dating SB Member at E-Trike Program In-charge Dante Pagsuguiron na kulang sa support system ang Gerweiss.

Ayon kay Pagsuguiron, apektado ang operasyon ng Gerweiss sa ngayon dahil iisa pa lamang ang charging station nito para sa 30 unit ng kanilang E-Trikes.

Apektado din umano ang mga operators na kumuha ng unit ng E-Trike sa Gerweiss dahil sa naging problema sa BMS o Battery Management System nito.

Maaari umano kasing hindi tumugma ang BMS, controller, at ang battery ng E-Trike dahilan ng pagpalya nito.

Samantala, iginiit naman ni Pagsuguiron na gumagawa na ng paraan ang Gerweiss na maging maayos ang operasyon nito sa isla.

Muli din nitong sinabi na madadagdagan pa ng 60 ang kasalukuyang 30 unit ng E-Trike ng Gerweiss sa susunod na taon.

Magugunita namang inalmahan ng mga traditional tricycle driver sa isla ang mga nasabing E-Trike dahil sa mahina umanong kalidad nito.

SB Malay, ikinatuwa ang pagiging zero casualty ng bayan sa bagyong Ruby

Posted December 10, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ikinatuwa ng Sangguniang Bayan ng Malay ang pagiging zero casualty ng bayan nang manalasa ang Bagyong Ruby.

Sa ginanagap na 38th SB Session kahapon, sinabi ni SB Member Rowen Aguirre sa kanyang privilege speech na nakapagtala sila ng zero casualty sa nagdaang bagyong Ruby sa lalawigan ng Aklan.

Nabatid na sumailalim sa signal number 2 ang probinsya bagamat nagdala lamang ito ng mahinang hangin at katamtamang pag-ulan.

Napag-alaman na bago paman pumasok ang bagyo sa probinsya ay nagkaroon na ng paghahanda ang Lokal na Pamahalaan ng Malay katuwang ang mga concern agencies sa mainland Malay at isla ng Boracay.

Kaugnay nito ang pagiging handa rin ng mga residente ang siyang dahilan na walang naitalang insidente sa lugar kaugnay sa bagyo.

Samantala, nagpasalamat naman ang SB Malay sa lahat ng kanilang naging katuwang tungkol dito kung saan balik na ngayon sa normal ang biyahe ng mga bangka sa isla kasabay ng muling pagdagsa ng mga turista sa Boracay.