YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, September 10, 2016

Commodore Tirol humingi ng tulong sa Consuls para sa pagpapabuti ng serbisyo sa Boracay

Posted September 10, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Consul in BoracayIsa si Commodore Leonard Tirol, Adviser/Consultant ng Boracay Action Group (BAG) sa mainit na tumanggap sa Consuls na bumisita sa isla ng Boracay nitong nagdaang araw.

Dahil dito humingi ito ng tulong kina Consuls General LUO Gang at WANG Hao mula sa Embassy ng People's Republic ng China.

Nais umano ni Tirol na matulungan ang BAG/BFRAV sa pagpapabuti ng pagbibigay ng serbisyo hindi lamang sa mga turista kundi pati na rin umano sa komunidad sa isla ng Boracay.

Nabatid na bumisita ang dalawang Consuls upang masiguro ang magandang relasyon ng Boracay stakeholders at ng mga Chinese tourist sa isla ng Boracay.

Ang Chinese nationals ay nasa top tourist arrival na bumibisita sa isla ng Boracay taon-taon upang masilayan ang ganda ng isla.

Commissioner, muling nambiktima ng turista sa Boracay

Posted September 9, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for estafaPanibago na namang sinasabing Commissioner ang inireklamo ng isang turista na kumuha ng  water sports activity sa Balabag, Boracay.

Kinilala ang biktima na si Gazel Delo Reyes, 24-anyos ng Tarlac City.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP, kumuha umano siya ng Island Hopping, Helmet Diving at Parasailing Activity na nagkakahalaga ng P7,000 sa sinasabing suspek na Commissioner na si Mark Anthony Cabalfin, 31-anyos.

Binayaran din agad umano ng biktima sa suspek ang halaga ng kanilang kinuhang water sports activity kung saan ang una nilang ginawa ay Island Hopping at Helmet Diving.

Matapos nito ay tinawagan ng biktima ang suspek para sa mga susunod pa nilang activity ngunit sinabihan umano siya ng suspek na nawawala ang kanyang perang pambayad para sa iba pang activity kung saan sinabihan nito ang biktima na ibabalik nalang sakanya ang pera at bibigyan niya muna ito ng paunang bayad na P500 habang ang kabuuang ibinigay sa kanyang pera para sa activity ay P4, 400.

Subali’t ng muling kontakin ng biktima ang suspek ay hindi na ito sumasagot dahilan para ireklamo na niya ito sa mga pulis kung saan kasalukuyan na rin itong pinaghahanap ngayon ng mga otoridad.

Friday, September 09, 2016

Pag-install ng CCTV sa mga establisyemento, nais ipatupad

Posted September 9, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for cctvHindi lang umano sa mga high risk na lugar dapat paglagyan ng CCTV o Close Circuit Television dito sa Boracay.

Sa naganap na sesyon noong Martes nais ngayon ni SB Dante Pagsuguiron na maglagay o mag-install ang lahat ng mga may-ari ng establisyemento ng CCTV kung saan malaki umano itong tulong upang madaling makilala ang mga magtatangkang gumawa ng krimen.

Ayon naman kay Vice Mayor Abram Sualog, bago umano ang renewal ng permit ng mga Hotel/Resort Stakeholders sa Boracay ay kinakailangang munang maglagay o magkabit ng Closed-Circuit Television Camera para mabigyan ng permit.

Kaugnay nito, meron ng 18 CCTV sa Boracay ang ikinabit sa mga crime prone areas kung saan sa susunod naman na annual budget ay dadagdagan pa ito upang mas mapabilis ang pagrespondi ng mga otoridad sa anumang mangyaring insidente sa isla at bayan ng Malay.

Nabatid na ang CCTV ay malaking tulong upang mapapanatili ang katahimikan at kaayusan ng lipunan at mababawasan ang kriminalidad na nangyayari lalo na sa mga pang-negosyong lugar.

Chinese Consuls bumisita sa isla ng Boracay

Posted September 9, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image by SPO1 Mendoza
Bumisita sa isla ng Boracay nitong Miyekules sina Consul General LUO Gang at Consul WANG Hao mula sa Embassy ng People's Republic ng China.

Dito dinalaw nila ang mga opisina at tanggapan ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), Philippine Coast Guard-Boracay Substation, Boracay Special Fire Protection Unit at Boracay Fire Rescue and Ambulance Volunteers (BFRAV).

Ayon sa report ni SPO1 Christopher Mendoza, nagkaroon umano ng presentasyon si PSINSP Jose Mark Anthony Gesulga, Deputy Chief ng BTAC sa pagbisita ng Consul sa kanilang himpilan kung saan tinalakay nito ang order at situation ng Boracay, prevalent crime, Boracay Integrated Security Deployment Plan at ipinakita din nito ang CCTV ng BTAC.

Maliban dito buong pagmamalaki namang ipinakita ni Commodore Leonard Tirol, Adviser/Consultant ng Boracay Action Group (BAG) ang assets, capabilities at mga dokumento ng BAG sa mga ginawang pagtulong at pag-protekta sa isla sa ibat-ibang klase ng krimen o pagresponde ng BFRAV at pagbibigay ng first aid medication sa residente o turista sa isla.

Samantala, sa ginanap umanong lateral coordination meeting kahapon sa Hennan Regency Resort and Spa ay ibat-ibang kasong kinakasangkutan ng Chinese nationals ang tinalakay.

Nabatid na ang layun ng nasabing meeting ay para mapanatili ang magandang relasyon ng Boracay stakeholders at ang Chinese tourists at lalo pang humikayat ng maraming Chinese Tourists na bumisita sa isla ng Boracay.

Ang pagbisita ng Chinese Consuls sa Boracay ay mainit na tinanggap ng LGU Malay, BFI, DOT at iba pang pribadong sektor sa isla ng Boracay.

Lady Boy sa Boracay, kulong matapos pagnakawan ang turista

Posted September 9, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for theftIsa sa namang Lady Boy sa Boracay ang nasangkot ngayon sa pagnanakaw matapos itong mambiktima ng isang turistang Indian National sa front beach sa Balabag, Boracay kagabi.

Sa report ng Boracay PNP kinilala ang nagrereklamo na si Xavier Jayaseelan, 36-anyos.

Pahayag ng biktima sa mga pulis, nagkakilala umano sila ng suspek na si Romel Langcaon, 27-anyos ng nilapitan siya nito habang siya ay nakahiga sa buhangin at inalok umano siya ng suspek ng masahi.

Subali’t makalipas ng ilang minutong pag-uusap hindi namalayan ng biktima na palihim na umanong kinukuha ng suspek ang kanyang pera sa kanyang wallet na naglalaman ng P8, 000.

Samantala, nagulat nalang ang biktima na isinuli umano ng suspek sa kanya ang hotel key card ng kanyang kwarto kung saan sinasabi nito na naiwan ng biktima sa buhangin saka naman umalis.

Dahil dito, nagulat ang biktima na nawawala na ang kanyang pera kung saan agad na humingi ito ng tulong sa mga naka-duting MAP sa lugar para mahanap ang suspek.

Agad namang nahuli ang suspek ng mga rumisponding tumulong kung saan pansamantala ngayong naka-kulong ang Lady Boy sa Boracay PNP station dahil sa pagnanakaw.

Militar tutulong para sa seguridad ng Malay – Lt. Col. Doctolero

Posted September 9, 2016
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

“Mararamdaman na ang presensya ng mga sundalo sa bayan ng Malay sa mga susunod na araw”.

Ito ang pahayag ni Lieutenant Colonel Leomar Jose Doctolero, Commander ng 12 IB Philippine Army ng Aklan sa kanyang pagdalo sa ginanap na pulong ng Municipal Peace and Order Council sa bayan ng Malay.

Magiging visible umano ang mga sundalo sa mga pantalan at paliparan sa Caticlan kasunod ng deklarasyon ni President Duterte na State of Lawless Violence sa buong kapuluan.

Bagamat wala naman silang natanggap na ano mang banta ng karahasan sa isla ng Boracay, mas makakabuti aniyang handa ang kanilang tropa sa panahon na sila ay kakailanganin lalo at trabaho umano nila na proteksyonan ang mga sibilyan.

Katuwang ang Malay PNP, poposte ang mga sundalo sa mataong lugar ng RORO area ng Caticlan Jettyport at area ng Caticlan Airport na posibleng umanong maging target ng mga may balak maghasik ng karahasan.

Dagdag pa ni Doctolero, makikipag-ugnayan din sila sa AVSE Group ng airport para sa pagpapaigting ng seguridad at paglatag ng security planning lalo na at aminado ang mga opisyal ng paliparan na kailangan nila ng karagdagan security force.

Si Lieutenant Colonel Leomar Jose Doctolero ay mula sa 15 IB ng Lanao Del Norte at kakaupo lang bilang Commander ng Army dito sa Aklan nitong Hulyo taong kasalukuyan.

Thursday, September 08, 2016

Basura sa Boracay, sobra-sobra na – Malay Solid Waste Management

Posted September 8, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for basura itapon“Sobra-sobra na ang basura sa Boracay”

Ito ang sinabi ni Engr. Arnold Solano sa mga miyembro ng SB kung saan kung hindi umano ito ma-aksyonan na mai-transport sa Land Fill sa bayan ng Malay ay lalo pang lolobo ang basura dito.

Nabatid na ipinatawag si Solano sa sesyon dahil sa reklamo sa basura na hindi nahahakot sa Boracay.

Dito tinanong naman ni SB Jupiter Gallenero si Solano kung ano ang sanhi ng problema kung saan  ay idinadaan na ng mga netizen ang kanilang saloobin sa social media lalo na sa facebook.

Aniya, kaya ito ipinatawag para malaman ang problema sa mga basura nang sa gayon ay magawan na ito ng hakbang para maresolba.

Kasabay nito, kasama rin sa ipinatawag na sesyon ang tatlong Punong Barangay ng Yapak, Manoc-manoc at Balabag kung saan naglabas sila ng kanilang saloobin patungkol sa problemang natatamasa ng kanilang mga barangay hinggil sa basura.

Tinatanong umano ng Punong Barangay Lilibeth Sacapano kung ano ang kanilang obligasyon sa paghahakot ng basura upang hindi sila makwestyon ng mga nasasakupan kapag sila ay inimbestigahan na.

Sa Brgy. Manoc-manoc naman labis umanong naapektuhan ang kanilang lugar dahil dito ngayon tinatambak ang mga halo-halong basura dahilan kaya ito umano ay bumabaho.

Samantala dahil naman umano sa residual na hindi nakukulekta sa Brgy. Yapak kaya ito bumabaho kung saan isang taon na umano ito ay hindi parin naaaksyunan kung saan nais naman ng Punong Brgy. Hector Casidsid na maski hapon na ay sana mahakot ang basura ng sa gayon ay mabawasan naman ito.

Sa kabila nito, magkakaroon naman ng Board Meeting ang mga miyembro ng Solid Waste Management kasama ang limang Punong Brgy. ng Yapak, Manaoc-manoc, Balabag, Kabulihan at Caticlan sa bayan ng Malay kung saan pag-uusapan ng mga ito kung paano mareresolba ang problema sa basura sa Boracay.

Ospital sa bayan ng Madalag Aklan, gagawing rehab center sa probinsya

Posted September 8, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for madalag aklanMeron na ngayong magiging Provincial Drug Treatment Center ang probinsya ng Aklan para sa mga sumukong mga Aklanon sa ilalim ng “Oplan Tokhang” ng Philippine National Police.

Ito ay ang Don Leovigildo Diapo Municipal Hospital sa Madalag, Aklan na magsisilbi bilang temporaryong drug treatment center sa probinsya.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuachon ng Provincial Health Office (PHO) ito umanong rehab center ay popondohan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Maliban dito ang PAGCOR din umano ang magbibigay ng pasahod sa karagdagang empleyado na ilalagay dito katulad ng social worker, nurse at mga security guards.

Samantala, sa pagbubukas umano ng naturang pagamutan bilang rehab center ay hindi na muna sila tatanggap ng mga pasyente na magpapagamot kung saan ire-refer naman nila ito sa kalapit na ospital sa bayan ng Libacao.

Aklan Rehabilitation Center isinailalim sa Operation Greyhound at Oplan Galugad

Posted September 8, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for aklan rehabilitation centerMismong si Police Sr. Supt. John Mitchell Jamili, Provincial Director ng Aklan PNP ang nanguna sa ginawang Operation Greyhound at Oplan Galugad sa loob ng Aklan Rehabilitation Center kahapon.

Kasama rin nito ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mula sa Regional office kung saan nakakuha sila ng isang tirbang mga patalim, cellphone at mga drug paraphernalia.

Ayon sa report ng Aklan Police Provincial Office, nakatanggap sila ng impormasyon na talamak umano ang transaksyon ng illegal drugs sa loob ng Aklan Rehabilitation Center.

Naniniwala naman ang mga kapulisan na may gumagamit at nagbibinta ng shabu sa loob ng ARC dahil sa mga nakuhang drug paraphernalia sa mga selda kahit na sa kabila na wala silang nakuhang shabu sa loob nito.

Sa kabilang banda itinanggi naman ni Teddy Esto Warden ng ARC ang nasabing report na may transaksyon ng illegal drugs sa loob dahil sa mahigpit umano silang nagpapatupad ng seguridad sa kulungan, bagamat hindi rin nito inaalis ang posibilidad na baka may naghahagis ng shabu mula sa labas na kinukuha naman ng mga inmates sa loob.

Lalaking may kasong Direct Assault sa Romblon, arestado sa Boracay

Posted September 8, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for arrestedArestado ng mga pulis ang isang lalaking may kasong Direct Assault sa Sta. Fe Romblon alas-8 kagabi sa Brgy. Manoc-manoc, Boracay, Malay, Aklan.

Huli ang suspek na si Jay-R Espenida y Capispisan, 23-anyos, isang habal-habal driver at residente ng Brgy. Pandan Romblon at temporaryong nakatira sa Brgy. Manoc-manoc.

Nahuli ang suspek na may kasong Direct Assault na inisyu ni Cirilie Maduro Foja, Acting Presiding Judge, 3rd Municipal Circuit Trial Court, Looc-Alcantara-Sta.Fe-San Jose, Fourth Judicial Region, Looc, Romblon na may petsang January 27, 2015.

Samantala, nagkakahalaga naman ng P12, 000 ang inilaang piyansa ng korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan na ngayon ay nasa kustudiya na sa Sta. Fe Police Station at nakatakdang i-turn over sa korteng nasasakupan. 

Wednesday, September 07, 2016

Mandatory drug test, nais ipatupad sa mga empleyado ng LGU Malay

Posted September 7, 2016
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for “Mandatory Drug Test.”“Mandatory Drug Test.”

Ito ang binabalak na ipatupad sa lahat ng empleyado ng LGU Malay sa sandaling magpasa na ng resolusyon si SB member Dante Pagsuguiron matapos nitong ipinahayag ang kanyang pagnanais na ipatupad ito.

Ayon sa Konsehal nais niyang tumalima sa maigting na kampanya laban sa droga ni Pangulong Duterte kung saan ipapatupad umano ito sa lahat ng opisyal at empleyado ng Malay at kasama na ang mga Barangay Officials.

Sinabi din nito na kung mayroon mag-positibo sa iligal na droga ay nakatakda naman itong i-refer para sa tamang imbestigasyon ng kapulisan kung saan sang-ayon din dito ang konseho dahil sa mahalaga at maganda umano itong proposal upang ng sa ganon ay malaman na drug free ang mga empleyado ng Malay. 

Samantala, itong usapin ay ini-refer sa Committee on Laws at Committee on Health upang isailalim pa ito sa masusing pag-aaral.

Sa kabilang banda ipinagpasalamat naman ni Pagsuguiron ang ipinakitang pagsuporta sa kanya ng kanyang mga kasamahan para sa nakatakdang pagpasa ng resolusyon.

Boracay makikiisa sa International Coastal Cleanup Day ngayong Setyembre

Posted September 7, 2016
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Coastal Cleanup DayMakiisa ang bayan ng Malay at isla ng Boracay sa gaganaping International Coastal Cleanup Day (ICC) sa darating na Sabado Setyembre 17, 2016 para sa panganagalaga sa kalikasan.

Ito ay sa pamamagitan ng isang cleanup na nakatakdang isagawa ng LGU Malay para maprotektahan ang baybayin ng Boracay at itaguyod ang malakas na alyansa para sa trash free na karagatan. 

Dahil dito isang meeting ang isasagawa mamayang alas-2 ng hapon sa Eurotel Boracay para epanalisa ang ICC event sa tulong ng Boracay Adventures Inc. na siyang magbibigay ng pagkilala sa mga dadalo sa nasabing Cleanup Day.

Samantala, hinikayat naman ng LGU ang publiko na makilahok sa nasabing event para ipakita ang pagmamahal sa kalikasan lalo na sa isla ng Boracay.