YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, July 13, 2017

MS Skysea Golden Era, dumaong sa Boracay

Posted July 12, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Image may contain: skyDumaong nitong Lunes ang MS Skysea Golden Era sa isla ng Boracay sa unang pagkakataon.

Lulan nito ang nasa mahigit kumulang 2,180 na mga pasahero na karamihan ay mga Chinese Nationals at nasa 840 na mga crew.

Nabatid na galing Xiamen, China at dumaan ng Manila bago naglayag papuntang Boracayang nabanggit na cruis ship kung saan nagtagal ito hanggang alas-dos ng hapon at bumalik ding muli patungong Xiamen, China.

Dahil sa maiden call ng luxury cruise ship, ginanap ang exchange of plaque sa loob ng barko sa gitna ng ship captain at kawani ng DOT kasama sina Jetty Port Administrator Niven Maquirang, SP Member Esel Flores Committee on Tourism ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan, SB Dante Pagsuguiron ng LGU Malay at Roselle Ruiz ng Aklan Provincial Tourism Office.

Samantala, aasahan pa ang iba pang barko na dadaong sa isla ngayong taon.

SPO1 mendoza NG BTAC, National Awardee ng PNP

Posted July 12, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 2 people, people sitting
Isang miyembro ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang napabilang sa mga national awardee sa gagawing 22nd Police Community Relations Month ng PNP.


Sa panayam ng himpilang ito kay SPO1 Christopher Mendoza, gaganapin umano ang pagbibigay parangal na ito sa Hulyo 31 ng taong kasalukuyan sa Camp Crame, Quezon City.

Nabatid na national awardee si Mendoza bilang 2017 Outstanding Senior Police Non- Commission Officer sa field ng Police Community Relations.

Magugunitang si Mendoza ay nakatanggap na rin ng parangal sa Regional level bilang isa sa mga nangungunang opisyal ng pulis na aktibo sa mga programa ng PNP lalo na sa pakikitungo at pakikipag-ugnayan sa kumonidad sa isla ng Boracay.

NTC, nagbigay ng babala sa mga kumakalat na text scam

Posted July 12, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

No automatic alt text available.Nagbigay ng babala ang National Telecommunications Commission (NTC) ukol sa mga kumakalat na text scam.

Sa panayam ng himpilang kay Engr. Dyjee Gallegan ng National Telecommunication Commission o NTC, nabatid na ang mga gumagawa ng scam na ito ay nanggaling sa Regular Cellphone Number na mayroong 11- digit number.

Ipinaaabot nito na ang mga natatanggap na mga text message na katulad na lamang ng pagkapanalo sa isang raffle o gadget ay kinukonsidera bilang scam.

Dagdag pa nito, iwasang i-entertain ang mga ganitong mensahe at mas mabuting i-report agad sa NTC Regional Office para maiwasan ang mabiktima nito.

Samantala, ang babala namang ito ay para sa kamalayan ng publiko.

Drainage sa boracay, sinimulan ng bungkalin

Posted July 12, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay


Sinimulan ng buksan ang drainage network kung saan nakitaan ng pagbara at pagbaha sa area ng Balabag.

Isa-isang nilagare at marahan na tinanggal ang mga burak at buhangin na nagbabara lalo na sa mga binabahang bahagi ng main road na matagal ng ini-rereklamo ng mga commuters dahil sa maruming tubig doon.

Sa panayam ng himpilang ito sa mga miyembro task force ng Sanitary Department ng Municipal Health Office, isinagawa nila ito upang linisin ang mga estero na ito kung saan natuklasan nila na merong mga illegal tappers na kumokonekta sa drainage system.

Image may contain: outdoor
Ayon pa sa kanila, nasa pitong establisyemento na ang nabigyan nila ng ticket at sanitary order dahil sa paglabag nito sa regulasyon kung saan kaakibat din dito ang pagbigay ng deadline para maisaayos nila o pagkansela ng kanilang business permit.

Pahayag nila, ang nagiging sanhi rin umano ng pagbaha sa mga kalsada ay ang mga putik na dumadaloy sa mga pipes kung kaya’t bumabara ito maliban pa sa bumubulwak umano na sewer.

Dito rin nalaman na hindi lamang rainwater ang dumadaloy sa drainage kundi may halong sebo at kitchen waste mula sa mga restaurant sa tabing kalsada.

Samantala, katuwang sa pagbubungkal na ito ang contractor kasama ang Zoning at Engineering Office ng Malay at Municipal Health Office.

Kung maalala, umani ng negatibong reaksyon mula sa mga commuters at mga bisita ang pagbabaha sa mga kakalsadahin sa Boracay dahil sa illegal tapping at hindi maayos na drainage system sa isla.

Basura muling umalingasaw, publiko nag-rereklamo

Posted July 12, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay


Muling umani ng samu’t-saring reklamo ang nagpapatuloy na paghahakot ng basura mula sa Manoc-manoc MRF patawid sa landfill ng Malay.

Sa panayam ng himpilang ito sa mga guro ng Manoc- Manoc Elementary School, nag-umpisa umanong umalingasaw ang amoy ng basura nito lamang Lunes kung saan may mga estudyante nang nasuka at sumakit ang tiyan.

Dagdag pa ng isang guro, pinipilit na lamang nila na ipagpatuloy ang kanilang klase sa kadahilanang wala din silang magawa at hindi naman nila maaaring i-dismiss ang kani-kanilang mga klase.

Kaugnay nito, may mga residente rin ang nagbigay ng pahayag tungkol naman sa dumadaang truck ng basura sa Manoc- Manoc Port Area na sana umano ay naselyuhan naman ang basura na hinahakot nila ng sa ganun ay maiwasan ang pag-alingasaw at pagtagas nito sa tuwing dumadaan sa kanilang lugar.

Samantala, naglabas din ng kahalintulad na sintemyento ang mga taga-mainland Malay na sa tuwing dumadaan ang mga truck ay hindi kanais-nais na amoy ang nalalanghap nila doon.

Bilang sagot naman sa mga reklamo ng publiko, ayon kay Executive Officer IV Rowen Aguirre, ginagawa ng LGU-Malay ang lahat upang masolusyunan ang naturang usapin kung kaya’t si Mayor Cawaling ay naroon mismo sa MRF para mamonitor ito.

Ani Aguirre, may humigit kumulang na 55 trucks na nahahakot na basura araw-araw, at umaalingasaw din umano ang amoy nito dahil binubungkal ito kung saan nasa 110 metrics tons kada araw ang nakukuha doon na binubuo ng Mix Waste.

Ang walang-tigil na paghahakot ay ginagawa ngayon ng LGU-Malay pagkatapos na tinaningan ito ng DENR-6 ng hanggang July 17 na kakasuhan kung hindi mahakot ang lahat ng basura na nakatambak ngayon sa kontrobersyal na MRF.

Wednesday, July 12, 2017

Macavinta hinikayat ang publiko na maki-pagtulungan sa isyu ng basura

Posted July 12, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

“Imbes na magsisihan, magtulungan”.

Ito ang sinabi ni Executive Assistant for Solid Waste Management OIC Otic Macavinta sa problemang kinakaharap ngayon ng isla patungkol sa usaping basura.

Ani Macavinta, tuloy-tuloy umano ang kanilang ginagawang paghahakot ng mga nakatambak na basura sa Centralized MRF lalo na ng mga residual waste papuntang sanitary landfill ng Malay.

Paalala ni Macavinta sa publiko, huwag umanong ihalo ang mga basura para hindi mahirapan ang mga naghahakot na i-segregate ito ng mabuti dahil isa itong dahilan kung bakit nangangamoy ang Centralized MRF.

Ani Macavinta, bumabaho lang umano ang lugar kung hinahakot ang residual waste pero paglilinaw ni nito na ginagamitan nila ito ng organic spray para maibsan ang mabahong amoy dulot ng mga nabubulok na kitchen at market waste.

Pakiusap nito na para mapadali ang kanilang pag-aayos sa basura, hinikayat nito ang mga residente na magtulungan upang mapadaling maresolba ang problema.

Illegal structure sa Puka Beach at Ilig-Iligan Beach, pinatatanggal ng LGU-Malay

Posted July 12, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Nagbigay na ng palugit at notice to vacate ang Lokal na Pamahalaan ng Malay na tanggalin ang istraktura sa Puka Beach at Ilig-iligan Beach sa Barangay Yapak.

Sa panayam ng himpilang ito kay Executive Assistant II Jimmy Maming, “No Build zone” umano ang mga nabanggit na lugar lalo na ang kanilang beach area.

Aniya, ipina-alam na umano ito sa Barangay Yapak at binigyan ng isang buwang palugit ni Mayor Ceciron Cawaling ang mga may negosyante doon para tanggalin ang kani-kanilang istraktura.

Dagdag pa ni Maming, marami naman umanong paraan para may mapagkakakitaan, ang nais lang umano ng LGU-Malay ay panatilihin ang kagandahan ng dalampasigan ng dalawang beach site.

Kaugnay nito, umaasa si Maming na maiintindihan ito ng mga tao doon dahil para naman ito sa ikakabuti at ikakaganda ng tinaguriang number one tourist destination ng Pilipinas.

Paggigiit nito, sama-sama umanong haharapin ang problema at babangon lalo na sa usaping kalikasan.

Seguridad sa mga Cargo Port, dapat paigtingin - Pagsuguiron

Posted July 12, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Iminungkahi ngayon ni Sangguniang Bayan Member Dante Pagsuguiron sa kanyang mga kasamahan kahapon sa 23rd Regular Session ang pagpapa-igting ng seguridad partikular sa dalawang Cargo Port sa Bayan ng Malay.

Sa naging Privilege Speech ni Pagsuguiron, nais ng konsehal na inspeksyonin ang mga pumapasok na kargamento na  dumadaan sa dalawang cargo port sa Caticlan.

Aniya, isang paraan umano ito para masiguro na hindi tayo malulusotan ng mga illegalista na may bitbit na kontrabando papuntang Boracay.

Nais din ni Pagsuguiron na ipatawag sa susunod na sesyon ang Coast Guard upang ipaalam sa kanila ang hakbang na gusto niyang ipatupad.

Nabatid kasi na ang Coast Guard ang may mandato at nag-aaproba ng mga cargo bago ito itawid sa isla.

Napagkasunduan ng plenaryo na imbitahan ang opisina ng Philippine Coast Guard, Philippine National Police (PNP), representante ng LGU-Malay at Brgy. Chairman ng Caticlan.