YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, May 17, 2014

Akelco GM Peralta, inanusyo ang maagang pagreretiro sa serbisyo

Posted May 17, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inanunsyo ni Aklan Electric Cooperative (Akelco) general manager Chito Peralta ang kaniyang maagang pagreretiro ngayong katapusan ng buwan ng Hunyo.

Ito ang kaniyang inihayag sa Akelco’s Board Director sa isang meeting sa cooperative’s main office sa bayan ng Lezo nitong Lunes.

Naging usap-usapan naman ang kaniyang maagang pagreretiro kung saan nais umano nitong gamitin ang kaniyang natitirang produktibong taon sa kaniyang pamilya at mga kaibigan gayon din ang pagkakaroon ng pribadong buhay.

Naging emosyonal rin si Peralta kasabay ng kaniyang pasasalamat sa mga empleyado ng Akelco dahil sa suporta nito sa kaniya at ang pagiging didikado sa serbisyo.

Sa kabilang banda nilinaw pa nito na ang kanyang maagang pagreretiro ay hindi isang compromise deal sa National Electrification Administration, kung saan meron siyang nakabinbing kasong inihain ng mga consumer ng ​​kuryente.

Si Peralta, ay naninilbihan sa Akelco bilang general manager sa loob ng anim na taon at sampung buwan sa edad na 58-anyos.

OWWA may Scholarship program para sa mga anak at kapatid ng OFW sa Aklan

Posted May 17, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagkaroon ng dalawang scholarship ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ngayon taon sa pamamagitan ng PESO Aklan.

Ito’y para sa mga anak at kapatid ng isang overseas Filipino Workers (OFW) na nagtratrabaho ngayon sa abroad.

Ang mga scholarship na ito ay overseas dependent scholarship program (ODSP) at education scholarship program (EDSP).

Nabatid na ang (ODSP) ay walang qualifying examination, kung saan kailangang lamang mag-aplay sa nasabing scholarship ang may edad hanggang 21-anyos, nagtapos ng High School ngayong taon at ang income ng kaniyang pamilyang OFW ay hindi sosobra sa $400.00.

Meron lamang 12 estudyante na Aklanon ang tatanggapin sa “First Come First Serve Basis” hanggang sa June 6, 2014 at kaya lamang maka-enroll sa pampublikong paaralan.

Sa kabilang banda ang EDSP naman ay may qualifying examination sa pamamagitan ng Department of Science and Technology (DOST).

Maaari namang mag-enroll ang makakapasa dito sa kahit anong 4-5 taon na kurso saan mang  kolehiyo o unibersidad na accredited ng commission on higher education (CHED).

Ang deadline rin ng nasabing aplikasyon ay sa Hunyo-18, 2014 kung saan maaari lamang magtungo sa Aklan Provincial Capitol o PESO Office ang mga interesado para dito.

Responsibilidad para sa isla, muling ipinaalala sa pagdiriwang ng Boracay Day 2014

Posted May 17, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Responsibilidad para sa isla.

Ito ang muling ipinaalala ni mismong Malay Mayor John Yap kasabay ng pormal na pagsisimula ng pagdiriwang ng Boracay Day 2014 kahapon.

Ayon kay “Mayor John”, dapat may malasakit ang lahat para sa Boracay at may suporta sa kampanya para sa kalinisan.

Samantala, nagpakita naman ng suporta sa programa kahapon si Aklan Governor Florencio ‘Joeben’ Miraflores.

Binati nito ang mga lumahok sa Longest Massage Chain lalo na ang mga Aklanon at Malaynon.

Nabatid na tatlong taon na ngayong ipinagdiriwang ang Boracay Day na suportado rin ng mga stakeholders, sa isla.

Friday, May 16, 2014

Mga development projects sa Aklan at Boracay, minamadali na ng DOTC

Posted May 16, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Minamadali na ng DOTC ang mga development projects sa Aklan at Boracay.

Ito ang sinabi ni DOTC o Department of Transportation and Communications Secretary “Jun” Abaya, kasabay ng ginanap na Phil Water International Conference sa isla ng Boracay kahapon.

Ayon kay Abaya, tiniyak ng DOTC ang mga safety standards sa Kalibo International Airport kasabay ng pagpapalapad sa parking space doon.

Tinatrabaho na rin umano ngayon ang mga planong proyekto sa Cagban at Caticlan Ports bilang paghahanda sa nalalapit na APEC Summit.

Samantala, kinumpirma din ni Abaya na minamadali na rin ang mga development projects sa iba pang lugar sa Panay katulad ng Iloilo Airport, at Philippine Coastguard Search and Rescue base sa Roxas City.

Longest Massage Chain ng Boracay, naging maayos

Posted May 16, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Naging maayos ang ginawang World Record Breaking Attempt ng Boracay sa Guinness Book of Record bilang Longest Massage Chain.   


Kung saan umabot ng isang libo at anim na raan ang mga lumahok sa ginawang pag-attempt ng naturang record kaninang umaga sa beach front station 2.

Nasaksihan ng mga turista doon ang World Record Breaking na haba ng linya ng mga masahistang sabay-sabay na nagmasahi sa kanilang kapwa masahista.

Hindi rin inalintana ng mga partisipante ang init ng panahon maging ang high tide basta’t masungkit lamang ang record na hawak ng bansang Thailand.

Sa kabilang banda ilang opisiyal ng Guinness ang dumalo sa naturang event para saksihan ang ginawang pag-attempt ng Boracay, maliban pa kay Aklan Governor Florencio Miraflores, Malay Mayor John P. Yap at ilang matataas na opisyal ng probinsya ng Aklan at bayan ng Malay.

Puno rin ng kasiyahan ang mga sumali sa Longest Massage Chain dahil sa kabilang sila sa isang malaking kasaysayan sa mundo lalo na at napagtagumpayan nila ito.

Maituturing namang malaking kasaysayan para sa Boracay ang ginawang pagsali sa Guinness dahil na rin sa makakadagdag ito sa turismo ng isla at pagbibigay pugay narin sa mga massage Therapist sa isla ng Boracay.

Mass Blood Donation Drive ng PRC, nagpapatuloy parin

Posted May 16, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay 

Nagpapatuloy parin ngayon ang isinasagawang Blood Donation ng Philippine Red Cross (PRC) Boracay-Malay Chapter.

Ito’y bilang bahagi ng selebrasyon ng Boracay Day ngayong araw kung saan hinihikayat nila ang mga naninirahan at nagtratrabaho sa isla na mag-donate ng kanilang dugo para sa naturang blood donation.

Konsepto naman sa aktibad na ito ay may titulong “Dugtong Buhay, para sa Malay” para maipamalas ang pagmamahal sa Boracay at bayan ng Malay.

Nabatid naman na hanggang alas-tres ng hapon ang isinasagawang Blood Donation sa beach front ng station 2 Boracay.

Ibat-ibang organisasyon na rin ang tumugon sa aktibidad na ito para makatulong sa kanilang kapwa at mga mahal sa buhay na nangangailangan ng dugo.

Samantala, sakali namang makaabot ng mahigit isang daang blood donor ang PRC Boracay-Malay Chapter ngayon ay makakatanggap sila ng parangal na “Sandugo Awards” mula sa DOH .

Ang programang ito ay balak namang isagawa taon-taon lalo na kung maipasa na ang batas na magdedeklara sa Boracay Day bilang Special Non-Working Holiday.

Boracay, naghost sa Phil Water International Conference 2014

Posted May 16, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Naghost sa Phil Water International Conference 2014 ang isla ng Boracay.

Ayon kay Boracay Water Customer Service Officer Acs Aldaba, isang oportunidad ang nasabing conference para sa lahat ng mga water operators, suppliers at service providers ng mga water industries mula sa buong Pilipinas at ibang bansa na maipakilala ang kanilang mga serbisyo.

Pagkakataon din umano ito para sa BIWC o Boracay Island Water Company na maibida ang kanilang serbisyo sa Boracay, sa pamamagitan ng Manila Water Company.

Dinaluhan naman ng mahigit 600 delegates ang tatlong araw na aktibidad na nagsimula nitong Miyerkules.

BIWC, tiniyak na hindi kakapusin ang suplay ng tubig sa kabila ng banta ng El Niño

Posted May 16, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Magiging sapat ang suplay ng tubig para sa mga customer ng Boracay Island Water Company sa kabila ng banta ng El Niño.

Ito ang ni sinabi ni Boracay Water Customer Service Officer Acs Aldaba kasabay ng 22nd International Conference ng Philippine Water Works Association kahapon sa isla.

Bagama’t aminado ito na nakaranas ng ‘low supply to no supply of water’ sa ilang mataas na lugar sa isla nitong nakaraang LaBoracay at Long Weekend.

Ipinaliwanag din ni Aldaba na dahil lamang ito sa di karaniwang demand sa suplay ng tubig dulot ng pagdagsa ng mga turista ng mga panahong iyon na halos na-triple sa nakaraang Holy Week.

Samantala, bagama’t tiniyak din ni Aldaba na walang magiging problema sa suplay ng tubig mula sa Nabaoy River sa susunod na mga taon, hindi umano ito dahilan upang hindi tayo magiging maingat at responsable sa paggamit ng tubig.

Nabatid na pinaghahandaan na rin ngayon ng pamahalaan ang pagpasok ng El Niño sa bansa.

Thursday, May 15, 2014

Aklan Governor Florencio Miraflores, naniniwalang ‘wa epek’ sa mga Aklanon ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa Napoles list

Posted May 15, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Naniniwala umano si Aklan Governor Florencio Miraflores na ‘wa epek’ sa mga Aklanon ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa Napoles list.

Ayon kay Miraflores, wala siyang alam kung saan nanggaling ang tinawag niyang unsigned list, dahil maaari namang gumawa o maglagay ng pangalan sa listahan ang kahit sino.

Samantala, sinabi naman ni Justice Secretary Leila sa isang pahayag na may listahan ito ng mga mambabatas na iniuugnay sa pork barrel scam.

Sinabi pa nito na ipinagbigay alam na rin niya kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda na signed affidavit mula kay Janet Lim Napoles ang kanyang hawak.

Mass Blood Donation Drive ng PRC, isasabay sa Boracay Day

Posted May 15, 2014
Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Isa sa mga aktibidad na katuwang sa selebrasyon ng Boracay Day ay ang paghikayat sa mga naninirahan sa isla na mag-ambag ng kanilang dugo sa gagawing blood donation drive ng Philippine Red Cross Boracay-Malay Chapter.

Ang konsepto ng aktibidad na may titulong “ Dugtong buhay ,para sa Malay” ay para imbitahan ang lahat na mag-donate ng dugo para maipamalas ang pagmamahal sa Boracay at bayan ng Malay.

Ayon kay Marlo Schoenenberger, Administrator ng PRC Boracay-Malay Chapter ,maraming benepisyong pangkalusugan ang maidudulot ng pag-donate ng dugo at ang isang bag nito ay makapagsalba na ng tatlong buhay.

Inaasahan na mahigit sa isang daan ang donors na tutugon sa panawagan na karamihan ay manggagaling sa iba’t ibang organisasyon.

Kapag naabot ang bilang na ito ,makakatanggap ng parangal ang bayan ng Malay ng “Sandugo Awards” mula sa DOH .

Gagawin ang “Dugtong buhay,para sa Malay” Mass Blood Donation Program bukas May 16,2014 kasabay ng unang araw ng Boracay Day.

Ang programang ito ay balak namang isagawa taon-taon lalo na kung maipasa na ang batas na magdedeklara sa Boracay Day bilang Special Non-Working Holiday.

Unang linggo ng biometrics registration ng COMELEC Malay, dinagsa

Posted May 15, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dinagsa ang unang araw ng biometrics registration ng Commission on Elections (COMELEC) nitong nakaraang linggo.

Ayon kay Malay COMELEC Officer II Elma Cahilig, nasa mahigit isang daan ang nagparehistro sa unang araw ng pagbubukas ng nasabing registration.

Samantala, una namang ipinahayag ni Cahilig na hindi maaaring makaboto ang isang botante kung walang biometrics kaya’t kakailanganin ng mga ito na magparehistro para sa biometric data.

Ang biometrics system ang gagamitin para sa fingerprints at larawan ng mga botante at magiging botante bago bigyan ng voter’s ID.

Inaasahan naman ang pagdagsa pa ng mga bagong botante mula sa iba’t-ibang lugar sa Malay na magpaparehistro para sa darating na eleksyon.

Kaugnay nito, muling ipinaalala ng COMELEC sa mga botante na huwag nang antayin pa ang 2015 bago magparehistro para maiwasan ang abala.

Bukas naman ang opisina ng COMELEC Malay sa mga nais magparehistro tuwing office hours mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.

Kailangan lamang magdala ng valid ID, partikular ng government ID at Live Birth para sa pagpaparehistro.