YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, December 07, 2013

Mga nagtutulak ng droga sa Boracay, susuyurin ng otoridad

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Asahan pa umano ang gagawing pagpapaigting na operasyon ng mga ang otoridad sa Boracay para sa mga gumagamit ng droga.

Ito’y matapos na mahuli ang limang suspek na nagbibinta at nagtutulak ng droga kahapon sa isla sa magkasunod na operasyon na ginawa ng Provincial Intelligence Branch Operatives (PIBO) at Boracay Tourist Assistance Center (BTAC).

Dito nakuha sa mga suspek ang ibat-ibang drug paraphernalias, marked money, cash, suspected shabu at cell phone na ginagamit sa ilegal na transaksyon.

Lalo pa ngayong susuyurin ng mga kapulisan ang mga lugar sa isla na maaaring kuta ng mga gumagamit at nagbibinta ng nasabing droga.

Kaugnay nito, ikinababahala naman ng mga mamamayan sa Boracay ang patuloy na pagkakaroon ng ganitong ilegal na gawain na nakakasira sa turismo.

Tiwala naman ang Aklan Police Provincial Office (APPO) na tuluyan ng masusugpo ang ganitong klasing gawasain sa isla.

Samantala, kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng mga suspek.

Mamantika, matataba at maaalat na pagkain, iwasan ngayong Pasko ayon sa Aklan PHO

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Umiwas sa mga mamantika, mataba at maaalat na pagkain.

Ito ang paalala ng Aklan Provincial Health Office (PHO) kaugnay sa pagdiriwang ng mga Christmas party ngayong Holiday season.

Ayon kay Aklan Provincial Health Officer Dr. Cornelio Cuachon, Jr., mahalagang mag-ingat sa mga kinakain sa mga Christmas party lalo na at kung ito ay may masamang epekto sa ating katawan na maaring magdulot ng killer disease, gaya ng sakit sa puso at alta-presyon.

Dagdag pa ni Cuachon, hindi lang ang mga pagkain ang magdudulot ng masamang epekto sa ating katawan dahil kungdi maging ang pag-inom ng alak sa gitna ng nasabing selebrasyon.

Pinayuhan din nito ang publiko na maghanda ng “well-balanced“ na pagkain, kumpleto sa gulay at prutas, sa Noche Buena at Media Noche.

Friday, December 06, 2013

Long weekend celebration ng Aklan PHO tungkol sa World Aids Day naging matagumpay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Naging matagumpay ang ginawang long weekend celebration ng Aklan Provincial Health office tungkol sa World Aids Day ngayong taon.

Ayon kay Aklan Provincial Health Officer Dr. Cornelio Cuachon Jr., ito ang kanilang pang labin tatlong selebrasyon sa probinsya tungkol sa World Aids Day na ipinagdiriwang taon-taon.

Sa pamamagitan ng isang forum, kasama ang mga inimbitahang eksperto mula sa Maynila.

Ipinaabot nila sa publiko lalo na sa mga kabataan kung ano nga ba ang Human immunodeficiency virus (HIV) at kung paano ito maiiwasan.

Dinaluhan naman ito ng mga concerned agencies mula sa probinsya na pinangungunahan ng mga pulis, mga taga rural health center, ilang NGO’s at mga taga hospital.

Tema naman sa naturang forum ang “Getting to Zero” dissemination.

Kaugnay nito nagkaroon din ang Provincial Health Office ng street dancing kaninang alas-kwatro ng hapon sa bayan ng Kalibo bilang bahagi ng kanilang awareness program.

Samantala, halos umabot na sa tatlumput lima ang kaso ng Human immunodeficiency virus (HIV) sa probinsya ng Aklan ayon sa PHO.

BLTMPC, siniguro na hindi makakapag samantala ang mga drivers sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Siniguro ng Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC) na hindi makakapagsamantala ang mga tricycle at multicab drivers sa isla ng Boracay.

Ito ay dahil sa inaasahang pagdagsa ng maraming mga turista at bakasyunista sa isla ngayong kapaskuhan.

Ayon kay BLTMPC Board of Director Enrique Gelito, na-orient na umano ang mga drivers at naipaliwanag narin sa kanila ang mga penalidad sa mga maaring lumabag sa ipinapatupad na regulasyon at alituntunin ng BLTMPC.

Aniya, maaari din umanong isuspende ang mga driver kung umabot na ito sa ikatlong paglabag.

Samantala, payo din ni Gelito sa mga pasahero na tandaan ang mga body number ng bawat masasakyang tricycle o multicab.

Huwag din umanong mahiyang mgsumbong agad sa opisina ng BLTMPC kung may mga nakasalamuhang driver na sobra kung maningil ng pamasahe at hindi nagpapakita ng magandang pakikitungo sa mga pasahero para maaksyunan din agad ito.

Simoy ng kapaskuhan, ramdam na sa isla ng Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Ramdam na sa isla ng Boracay ang simoy ng kapaskuhan sa pamamagitan ng ibat-ibang dekorasyon at pailaw na simbolo ng pasko.

Ito ay kahit na sinalanta ang isla ng bagyong Yolanda halos mag-iisang buwan na ang nakakalipas.

Bilang paglimot nito naglagay ng malaking Christmas tree ang Boracay Mandarin Resort sa Cagban jetty port para pandagdag atraksyon sa isla.

Pinuno ito ng magagandang palamuti at sinabitan ng Christmas lights at pinalibutan ng malalaking regalo.

Bukod dito patalbugan din sa pagpapaganda ng mga Christmas decorations at mga pailaw ang ilang mga resort sa Boracay lalo na sa area ng front beach.

Inaasahan naman ng Department of Tourism (DOT) na dadagsain ng mga turista ang Boracay ngayong holiday season.

Kaugnay nito muling nagpaalala ang Akelco na panatilihing magtipid sa paggamit ng kuryente at kung maaari ay iwasan muna ang paggamit ng mga Christmas lights dahil sa kakulangan ng suplay ng kuryente.

Mga bangko sa Boracay, alerto sa posibleng modus muli ng mga ATM scammers ngayong Disyembre

Ni Christy dela Torre, YES FM Boracay


Sa hangaring hindi na maulit pa ang nangyaring ATM skimming incident noong buwan ng Hulyo ng kasalukuyang taon.

Siniguro ngayon ng mga bangko sa isla na mahigpit ang kanilang pag-i-inspeksyon sa kanilang mga ATM Machines.

Lalo pa nga’t ngayon ay buwan ng Disyembre, at marami ang kanilang kliyente na nag-wi-withdraw ng pera.

Ayon sa Metro Bank Boracay Branch, linggo-linggo ay pinapadalhan sila ng kanilang head office ng reminders may kinalaman sa siguridad ng kanilang mga ATM Machines.

Nagsasagawa din umano sila ng everyday monitoring sa kanilang mga ATM Machines, katulad ng physical check-up sa mga ito.

Siniguro din nitong alerto din sila sa posibleng maging modus muli ng mga scammers.

Paalala naman ng Metro Bank sa lahat ng kanilang mga kliyente na takpan ang kanilang mga PIN number kapag nag-wi-withdraw, at itago ang mga resibo.

Dahil may posibilidad na ito ang maging paraan ng mga scammers para makapambiktima.

DTI Aklan, may paalala sa mga bibili ng laruan ngayong pasko

Ni Jay-ar Arante Yes FM Boracay

May paalala ngayon ang Department of Trade and Industry o DTI sa mga bibili ng laruang pambata ngayong kapaskuhan.

Ayon sa DTI Aklan kailangang suriing mabuti ng mga mamimili ang kanilang binibiling laruan kug ito nga ba ay ligtas gamitin ng mga bata.

Kadalasan kasi sa mga ibinibenta ngayon sa mga shopping center ay yong mga laruan na kuntaminado ng mataas na lead content o toxic chemicals na mula pa sa ibang bansa.

Maliban dito ang ilan pa sa mga ibinibentang laruan ay may dalang Toxic metals na antimony, arsenic, cadmium, chromium, lead at mercury na sadyang dilikado sa mga bata.

Tuloy-tuloy naman ang ginagawang monitoring ng DTI ukol dito para maiwasan na ang pagbibenta ng ganitong klaseng mga laruan.

Nabatid naman mula sa Ecowaste Coalition na mahigit stoy samples ang may dalang lead na isang brain damage toxin na nagiging sanhi ng metal retardation learning difficulties, lower intelligence quotient scores.

Kabilang pa dito ay ang pagkaantala ng paglaki ng mga bata, pagkakaroon ng anemia pagkabingi at pinsala sa bato.

Sa kabilang banda patuloy parin ang pagsulputan ng mga nagbibenta ng mga laruang may lead content sa ibat-ibang pamilihan sa probinsya ng Aklan.

Thursday, December 05, 2013

Pagpapaliban ng Christmas party ng DepEd, pabor sa ilang mga magulang

Ni Jay-Ar M. Arante, YES FM Boracay

Pabor sa ilang mga magulang ang pagpapaliban ng Christmas party ngayong taon sa elementarya at sekondarya sa buong probinsya ng Aklan.

Ito’y matapos manalasa ang bagyong Yolanda sa Visayas halos isang buwan na ang nakakalipas.

Nabatid na personal pang nakipagpulong si Deped Secretary Armin Luistro sa Division office ng Aklan para ipaabot na wala munang magaganap na Christmas party sa buong public schools sa probinsya.

Sinabi pa ni Luistro na hindi lang ang mga paaralan na sinalanta ng bagyong Yolanda ang walang Christmas party kundi pati sa buong bansa.

Napag-alaman na marami parin sa ngayon ang mga batang hindi nakakapasok sa mga paaralan dahil sa matinding paghagupit ng bagyo sa kanilang mga tahanan.

Maliban dito, pinoproblema pa ngayon ng Department of Education (DepEd) ang mga nasirang bubong ng mga paaralan at pagkawasak ng ilan sa mga ito dala ng pagkatumba ng mga punong kahoy.

Nais naman ng DepEd na imbis gumastos ng panghanda para sa taunang Christmas party sa mga paaralan ay ilaan nalang ito sa higit pang kailangan o idonate sa mga sinalanta ng super typhoon Yolanda.

Mga kawatan ngayong nalalapit na kapaskuhan, pinaghahandaan na ng BTAC

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinaghahandaan na ng Boracay Police ang mga kawatan ngayong nalalapit na kapaskuhan.

Ayon kay Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) Chief for Intelligence and Operation Section, P/Insp. Keenan Ruiz.

Ngayon palang ay naghahanda na ang pulisya sa mga nagbabalak na gumawa ng krimen lalo na sa mga may planong magnakaw.

Ito ay dahil malapit na ang Pasko at inaasahan din ang pagdagsa ng mga dayuhan sa Boracay maging ng mga lokal na turista.

Gayong, kaakibat sa pagdagsa ng maraming turista ay ang pagdagsa din umano ng mga turistang may balak mang-dikwat sa kapwa bakasyunista.

Aniya, magpapakalat ang Boracay PNP ng maraming “secret tourism police” na siyang magbabantay sa mga matataong lugar.

Maliban dito, nakaalerto parin umano ang “Theft and Robbery” section sa BTAC na siyang tututok sa mga kaso ng nakawan.

Samantala, ipinaalala din nito sa mga magnanakaw at may balak magnakaw sa Boracay, na maraming marangal na trabaho na maaaring pasukan, kaysa gumawa pa umano ng krimen.

Kapag nalalapit na kasi ang Pasko ay doon din lumulusob ang mga may masasamang balak upang mambiktima ng mga turista lalo na sa Boracay.

Ilang pump boat operator sa Boracay, umalma sa mga barge na walang permit

Ni Jay-Ar M. Arante, YES FM Boracay

Umalma ngayon sa mga barge na walang permit ang ilang pump boat operator sa Boracay.

Sa privileged hour ng SB session nitong Martes, sinabi ni SB Member Jupiter Gallenero na isa sa kanilang pagtutuunan ng pansin ang mga nasabing barge.

Base umano sa kanilang nakuhang impormasyon, umaabot ng ilang araw na naka-dock ang mga barge na ito rason para ang ilang maliliit na mga bangkang nagdadala rin ng ibat-ibang suplay sa Boracay ay walang madaungan.

Nabatid na ang mga barge na walang permit mula sa LGU Malay ay pinoproblema ngayon kung paano nakakalusot sa isla.

Iginiit din kasi ni Gallenero na hindi naman ang mga ito mula sa bayan mismo ng Malay kundi sa ibang mga bayan.

Kaunay nito nais magpasa ng ordinansa ng SB Malay para matigil na ang ganitong klaseng ilegal na gawain sa isla ng Boracay.

Wednesday, December 04, 2013

AKELCO pinayuhan ang mga residente na bantayan ang mga ginagamit na GenSet

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pinayuhan ngayon ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) ang mga residente na bantayan ang kanilang mga ginagamit na generator set (GenSet).

Ayon kay AKELCO Boracay Substation Area Engr. Wayne Bucala.

Wala naman umanong magiging problema kung marami ang gumagamit ng generator set basta’t malaki ang kapasidad nito.

Ngunit, ipinapayo ni Bucala na siguraduhing huwag mag-line sa kanilang system ang mga ginagamit na generator set.

Ibig sabihin, dapat ay naka-off na ito sakaling bumalik na ang kuryente.

Samantala, muli namang ipinaalala ni Bucala na bantayan ang mga nakasaksak na aplayanses sa generator, para maiwasan ang pag-overload nito.

Huwag din umanong gumamit basta-basta ng ibang kable na hindi angkop sa karaniwang ginagamit ng AKELCO, dahil isa ito sa mga nagiging dahilan ng over heating.

Bagama’t sa ngayon ay patuloy parin ang rotating brown out, tiniyak naman ng AKELCO na mareresolba na ang problema sa kuryente sa lalong madaling panahon.

Mga Business-Violators sa Boracay, hindi na papayagan mag-negosyo sa susunod na taon

Ni Alan C.  Palma Sr., YES FM Boracay

Simula Enero a-dos ng susunod na taon ay hindi na bibigyan ng Business Permit ang mga establisyementong nakatanggap ng Notice of Violation na hindi nag-comply sa mga ordinansang nalabag.

Ito ang kalatas mula sa Executive Order No. 14  ng LGU-Malay, kung saan ang Certificate of Compliance ang magiging basehan.

Tinukoy din sa nasabing EO na ang mga walang Building Permit at Occupancy Permit ay kasama sa mga hindi na bibigyan ng permit o papayagan kahit sa pag-proseso man lang ng renewal.

Ang regulasyon ay istrikto umanong ipapatupad kasama na ang pagkuha ng Sanitary Permit at mga Health Cards ng mga trabahante sa Boracay.

Bagamat na nagkaroon daw ng bagal sa pagproseso nito at nagdudulot ng abala sa mga empleyado nitong taon, nagpaalala naman ang LGU-Malay na asikasuhin na ito ng mas maaga.

Samantala ,pinasiguro naman ng Boracay Redevelopment Task Force na tuloy ang pamimigay nila ng Certificate of Compliance sa mga establisyementong patuloy na nagsi-self correct sa mga violation na nalabag.

Layon di-umano ng Executive Order na makuha ang kooperasyon ng bawat establisyemento para lalong lumakas ang industriya ng turismo sa Boracay.

DILG Secretary Mar Roxas at dalawa pang cabinet members ni Pnoy, sinalubong ng protesta sa Aklan

Ni Jay-Ar M. Arante, YES FM Boracay

Sinalubong ng kilos protesta si DILG Secretary Mar Roxas kasama sina DSWD Secretary Dinky Soliman at Defense Secretary Voltaire Gazmin sa probinsya ng Aklan kahapon.

Hindi napigilan ng mga security guard ng Kalibo International Airport ang grupo ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)-Aklan sa ginawa nilang kilos protesta.

Sa mismong arrival area ng nasabing paliparan nagtipon-tipon ang mga raliyesta at ipinagsigawan na wala umanong kwenta ang kasalukuyang administrasyong Aquino para sa mga biktima ng bagyo sa Aklan.

Mabilis namang umiwas sina Roxas at tumungong Aklan Provincial Capitol at nakipagpulong kina Congressman Teodorico Haresco Jr., Gov. Joeben Miraflores at maging si PRO-6 Regional Director General Agrimero Cruz.

Nabatid na pinag-usapan dito kung paano makakabangon ang buong lalawigan mula sa naging pinsala ng bagyong Yolanda at ang muling pagbangon ng turismo ng Boracay.

Nagpahayag rin si Roxas na sa darating na taong 2014 ay maaari nang gamitin ang 20% development fund para sa pagpapagawa ng government structures katulad ng covered court, munisipyo at mga public market sa lalawigan ng Aklan.

Kasama rin sa pulong ang mga alkalde ng mga bayan sa Aklan at siyam na mga mayors mula sa probinsya ng Antique.

MDRRMC, maglulunsad ng blood letting activity sa bayan ng Malay bukas

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Maglulunsad ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Council (MDRRMC) ng blood letting activity sa bayan ng Malay bukas.

Ito ay bilang bahagi umano ng kanilang patuloy na adbukasiya para sa disaster preparedness sa bayan ng Malay at isla ng Boracay.

Katuwang nito ang Philippine Red Cross (PRC) Boracay-Malay Chapter sa pakikipagtulungan din ng PRC Kalibo.

Target ng MDRRMC na maging kasali sa nasabing aktibidad ang mga first responder katulad ng Malay Disaster Rescue Team, Local Government Unit, National Agencies at NGO’S.

Nabatid na bago isagawa ang blood letting activity kinakailangan munang suriin ang mga mag-dodonate kung sila ba ay pasado o hindi.

Kaugnay nito pinaalalahanan ng MDRRMC na bawal mag donate ng dugo ang mga may alcohol intake o nakainom ng alak, walang sapat na tulog, may maintenance na gamot, at may sipon ubo.

Samantala, ang blood letting activity ay magsisimula bukas ng alas-nueve ng umaga hanggang alas-tres ng hapon sa Malay SB session Hall.

Mga nakakalusot na 10 Wheeler trucks sa Boracay, paiimbistigahan ng SB Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Paiimbistigahan ng SB Malay ang mga 10 Wheeler trucks na walang permit, ngunit patuloy na nakakalusot sa isla ng Boracay.

Sa privileged hour ng SB session kanina sinabi ni SB Member Jupiter Gallenero na nilalabag ng mga nasabing 10 wheeler trucks ang local ordinance ng Malay.

Ikinagulat pa nito na mayroon umanong nag-iisue ng permit sa mga operator ng nasabing sasakyan para lang makapasok sa Boracay.

Ayon pa kay Gallenero mula pa sa ibang mga bayan ang mga sasakyang ito na malayang nakakapapasok sa Boracay kahit walang permit to transport.

Sa ngayon nais ng SB Malay na malaman mula sa transportation officer ng isla kung paano ito nangyayari kahit wala namang permiso at sapat na dukomento.

Nabatid na ang mga 10 Wheeler truck na ito ay nagdadala ng mga construction supplies gaya ng buhangin, semento at kabilya para sa mga ginagawang mga establisyemento partikular sa baranggay Yapak.

Samantala, magsasagawa naman ang SB Malay ng kaukulang imbistigasyon ukol sa nangyayaring illegal na transportasyon.

Tuesday, December 03, 2013

PCG Boracay handa na sa pagdagsa ng mga turista para sa paparating na pasko

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Ilang araw na lang ay Pasko na.

Kaya naman naghahanda narin ngayon ang Philippine Coast Guard (PCG) Boracay Sub-Station sa maaaring pagdagsa ng mga turista sa isla ng Boracay.

Ayon kay Coastguard Boracay Sub-station Commander Chief Petty Officer Arnel Sulla, maliban sa mga magbabantay na Coast Guard sa baybayin ay may mga naka-standby din na syang aalalay sa mga  turista lalo na sa mga mag-a- island hopping.

Nakaantabay parin aniya ang mga coast guard sa beach line para sa sitwasyon at mabigyan ng babala ang mga turistang naliligo sa Front Beach.

Dagdag pa ni Sulla, nagkakaroon din umano sila ng security patrol sa Cagban Port at Manoc-Manoc Area para bantayan ang mga sea sports activities.

Samantala, muli namang nagpaalala ang PCG Boracay sa mga sasakay ng motor bangka na magsuot ng life jacket.

Pinayuhan din nito ang mga bakasyunista na huwag maligong mag-isa sa dagat, tiyakin ang kinaroroonan ng mga life guard para sa agarang assistance, alamin ang kapasidad ng mga motor bangkang sasakyan bago mag-island hopping, at huwag mag-atubiling tumawag sa Coast Guard para humingi ng tulong.

HRP Boracay, nakahanda na para sa simbang gabi

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nakahanda na para sa simbang gabi ang HRP o Holy Rosary Parish Boracay.

Katunayan, sinindihan na nitong Linggo ang isa sa apat na kandila sa advent wreath na inihanda ng simbahan, bilang hudyat sa pagsisimula ng tinatawag na adviento o pagdating ng mesias.

Ayon kay Father “Nonoy” Crisostomo ng HRP Boracay, sumisimbolo sa apat na Linggong paghihintay bago mag-Disyembre 25 ang mga nasabing kandila na kulay violet at pink.

Para umano sa taos-pusong pagbabago ang sinisimbolo ng kulay violet, habang sa masayang paghihintay naman sa pagsapit ng pasko ang kulay pink.

Sisindihan din ang iba pang kandila sa advent wreath sa bawat Linggong pinaglaanan nito.

Samantala, kinumpirma rin ni Father Nonoy ang iskedyul ng misa para sa nalalapit na simbang-gabi.

Gaganapin aniya tuwing alas kuwatro ng madaling araw ang misa, simula ika-16 hanggang ika-24 ng Disyembre, bago magpasko.

Inaasahan namang dadagsain ng mga magsisipagsimba ang HRP Boracay dahil sa simbang gabi, kung kaya’t pinayuhan ni father Nonoy ang lahat na magdala ng sariling upuan o pumunta ng mas maaga.

Monday, December 02, 2013

DILG Sec. Mar Roxas, nakatakdang bumisita sa Aklan para sa relief operations

Ni Jay-Ar Arante, YES FM Boracay

Nakatakdang bumisita bukas si Department of Interior and Local Government Unit (DILG) Secretary Mar Roxas sa probinsya ng Aklan.

Ayon sa Aklan Governor's office, kasama sa pagbisita ni Roxas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at isang pribadong sektor ng bansa para sa gagawing monitoring.

Inaasahan namang pupuntahan ni Roxas ang mga bayan sa Aklan na matinding naapektuhan ng super typhoon para sa gagawing relief operations.

Nabatid na umabot sa mahigit 3 billion pesos ang napinsalang inprastaktura at pangkabuhayan sa Aklan noong kasagsagan ng bagyong Yolanda habang 13 naman ang napaulat na namatay.

All-out narin sa ngayon ang ginagawang paghahanda ng probinsya sa pagdating ni DILG Sec. Roxas bukas ng hapon.

Pagsumite ng SOCE ng mga nanalong kandidato sa Malay, walang naging problema

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Walang naging problema sa pagsumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa bayan ng Malay.

Ito ang kinumpirma ni Malay COMELEC Officer II Elma Cahilig, kaugnay sa ginastos sa kampanya ng mga nanalong kandidato sa nakaraang halalan.

Karaniwan lamang umanong naging paglabag sa paghahain ng SOCE ay nawawalang resibo ng mga donor, walang tax identification numbers (TIN) ang mga contributor, walang personal signature ng kandidato at mga nawawalang resibo ng mga gastusin.

Samantala, maaari namang pagbawalan ang mga nanalong kandidato na maupo sa pwesto hangga't hindi nakapagsusumite ng SOCE batay sa section 11 ng Omnibus Election Code.

Nakasaad sa Omnibus Election Code na lahat ng kandidato ay kinakailangang magsumite ng SOCE sa COMELEC, 30-araw matapos ang halalan.

Kinakailangan ding isaad ng mga kandidato sa kanilang mga SOCE ang buo, tunay at itemized statement ng lahat ng kontribusyon na tinanggap ng mga ito at gayundin ang mga ginastos para sa halalan.

Matatandaang alas-5:00 ng hapon nitong nakaraang Nobyembre 27 nagtapos ang pagsusumite ng SOCE sa COMELEC para sa mga nanalong kandidato.