YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, August 17, 2012

Mga life guard ng mga resort sa Boracay, isinailalim sa training program ng Red Cross

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Isinailalim sa halos magkasunod-sunod na training ang mga life guard ng mga resort sa Boracay.

Ayon kay Red Cross Chapter Administrator Marlo Schoenenberger, nararapat na makasabay sa international standard ang ibibigay nilang training, kung kaya’t naging katuwang nila ang isang Australian lifeguard na si David Field.

Si David Field na kasapi rin ng Australian Red Cross ay sinasabing nasa mahigt 30 taon nang dalubhasa sa pagiging lifeguard at life saving.

Tampok sa limang araw na bahagi ng pagsasanay ay ang life saving at survival techniques, at pagsagip ng taong nalulunod.

 Makakatanggap umano ng certificate of attendance, certificate of accomplishment, at pagkilala bilang mga certified lifeguards at water rescuer ang mga nasabing lifeguard.

Nagsimula ang pagsasanay sa mga resort lifeguard dito, nitong ika anim ng Agosto at magtatapos sa ikalabingpito ng buwang kasalukuyan.

Ang naturang training program ay bahagi din ng safety services program ng Philippine Red Cross. 

Nakakaalarmang pag-wangwang ng mga ambulansya sa Boracay, ipinagtanggol ni Sadiasa

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Ipinagtanggol ngayon ni Malay Adminstrator Godofredo Sadiasa ang tungkol sa nakakaalarmang pag-wangwang ng mga ambulansya sa Boracay.
Sa panayam ng himpilang ito kay Sadiasa, sinabi nitong natural lamang na magwangwang ang mga ambulansya sa isla, lalo pa’t “between life and death” na, o kinakailangang itawid kaagad sa mainland ang pasyente.

Idinagdag pa nito na kahit walang pasyente ang ambulansya at kailangan nitong rumesponde sa emerhensya ay hindi rin dapat ipagtaka ng publiko kung bakit ito kailangang magwangwang.

Payo naman ni Sadiasa partikular sa mga drayber sa Boracay ay magbigay-daan sa mga nasabing ambulansya, hindi na kailangang makipagtalo pa tungkol dito.

Ang isla ng Boracay kadalasang inaalarama ng mga ambulansya ng LGU Malay, Red Cross at Boracay Action Group.

LGU Malay, nagpahayag ng kahandaan kaugnay sa pagpasok ng bagyo sa bansa

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Nagpahayag ngayon ng kahandaan ang lokal na pamahalaan ng Malay, kaugnay sa pagpasok ng bagyo sa bansa.

Kampanteng sinabi ni Malay Administrator Godofredo Sadiasa sa panayam ng himpilang ito kaninang umaga, na naririyan naman ang Disaster Risk Reduction Management ng lokal na pamahalaang Malay at Boracay.

Maliban dito, marami naman umanong mga nakaalertong ahensiya ng gobyerno, mga aktibong grupo at mga volunteers sa Boracay na nakahandang umalalay katulad ng Boracay Action Group at Red Cross.

Samantala, bagama’t sinabi nitong nakahanda nga ang LGU Malay, dalangin naman ni Sadiasa na huwag namang tumama sa Malay at Boracay, ang kalamidad na naranasan ng Kamaynilaan at ibang parte ng Luzon.

Bagama’t suportado, DOT Boracay, may suhestiyon sa implementasyon ng bar enclosure

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Suportado ngayon ng DOT o Department of Tourism Office ang bar enclosure sa Boracay.

Sa panayam kay DOT Boracay-Officer in charge Tim Ticar, sinabi nito na maganda at dapat naman talagang bigyang pansin ng LGU Malay ang problema tungkol sa sobrang ingay, dulot ng mga bar sa isla.

Ayon kay Ticar, matagal na itong problema sa Boracay mula pa noong taong 1998.

May mga turista nga naman umano kasi sa Boracay na nais nang magpahinga sa gabi, subalit naiistorbo at naiirita.

Ito’y dahil maliban sa malapit lamang sa kanilang tinutuluyang resort o hotel ang mga disco bar, ay talagang malakas ang pagpapatugtog ng mga ito kahit mag-uumaga na.

Subali’t ayon kay Ticar, sa halip na tuluyang i-turn off o ihinto pagsapit ng alas dose ang pagpapatugtog ng mga nasabing bar.

Mas makabubuti umanong hinaan lang o kaya’y isara na ang inilagay nilang sound proofing upang hindi marinig sa labas ang malakas na tugtugan at hindi maperwisyo ang mga nagpapahinga.

Ito’y dahil hindi naman umano lahat ng mga bar sa isla ay nasa residential area, o may mga katabing resort.

Maliban dito, may mga turista namang naghahanap talaga ng night-life pagdating sa Boracay, kaya’t pangit namang mabitin ang kanilang pagsasaya, kung ihihinto rin ang tugtugan.

Kaugnay nito,isinuhestiyon ni Ticar, na rebyuhing mabuti ang nilalaman ng nasabing kasunduan o memorandum of agreement.

Ang bar enclosure ay inilaraga nitong Agosto a uno, sa pamamagitan ng memorandum of agreement ni mayor John Yap at ng mga bar operators sa Boracay, base na rin sa pagiging noise sensitive ng isla ito.

MOA sa bar enclosure, sisilipin at ipapatupad!

Ni Alan Palma Sr., YES FM Boracay

Usap-usapan ngayon at topiko maging sa mga social networking site ng mga taga isla ng Boracay ang implementasyon ng Memorandum of Agreement o MOA sa Bar Enclosure sa gitna ng mga bar owners at ng lokal na pamahalaan ng Malay.

May ilang natuwa dahil napanindigan na ng LGU Malay na family tourist destination ang isla at may ilan ding nadismaya sa kadahilanang night life ang sadya ng ilang turista sa Boracay.

Bagamat unang araw ng Agosto ang implementasyon ng nasabing MOA na kung saan ay hango din sa municipal ordinance no. 144 na kung saan nagdedeklara na ang Boracay ay Noise Sensitive Zone  o mas kilalasa Noise Pollution Ordinace ng taong 2001, may ilang bar o disco houses pa rin sa isla ang lumalabag at hindi sumunod sa pinirmahang kasunduan.

Ayon kay SB Member Jupiter Gallenero, sisilipin nila ang pag papatupad ng nabanggit na MOA at ordinansa at dagdag pa nito na maaring mapasara o closure ang magiging parusa sa mga violators.

Maalalang kinumpirma ni Boracay Administrator Glenn Sacapaño na may mga lumabag at ipapatawag ng kanyang tanggapan at pagpaliwanagin kung bakit hindi pa nag-comply ang ilan sa mga bar at disco houses na ito.

Nakasaad sa MOA na dapat gawing sound proof at pagsapit ng hating gabi o alas dose ay kailangan nang isara upang hindi na makapaglikha ng ingay sa mga nagpapahingang turista.

Sa ngayon ay may tatlong bar operator ang lumabag ayon sa administrador at MAP na kinabibilangan ng isang disco house sa station 1 at dalawa naman sa station 2.

Unang araw ng 24-hour color coding-scheme sa mga traysikel sa Boracay: “OK pa sa olrayt!”

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Mapayapa  at walang problema.

Ganito ilarawan ni Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative Chairman Ryan Tubi ang bente kuwatro oras na color coding scheme sa mga traysikel sa Boracay na sinimulan noong ika-13 ng Agosto.

Sa panayam kay Tubi, sinabi nitong wala namang nagpaabot ng anumang reklamo sa kanilang opisina hinggil sa pagpapatupad ng naturang kautusan.

Nitong mga nakaraang araw kasi ay ginawang dose oras lamang ang biyahe ng mga traysikel base sa kulay na itinalaga ng nasabing kooperatiba.

Subalit dahil sa kahilingan din umano ng mga traysikel drayber na gawing tag-24 oras ang biyahe ng bawat kulay ng traysikel, ay pinahintulutan din ito ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Rason umano ng mga drayber, bitin parin para sa kanila ang dose oras na biyahe.

Habang pabor naman sa kanila ang bente kuwatro oras, para makapagpahinga naman sila ng maha-haba para sa susunod na araw nilang iskedyul.

Kaugnay nito, ang lahat ng mga namasadang traysikel sa isla kahapon ay pawang kulay blue lamang, habang ngayong araw ng Martes ay tanging ang mga kulay dilaw naman.

Samantala, kampanti din umano si Tubi na nasusunod nga ang ganitong sistema, dahil bente kuwatro oras ding nagbabantay ang mga pulis, municipal auxiliary police, at maging ang taga opisina ng BLTPMC para dito.

Matatandaang kamakailan ay ginawang dose oras ang biyahe ng mga traysikel sa Boracay, sa paniniwalang ito ang magiging sagot sa problema sa trapiko dito sa isla.

Mga lumalabag sa bar enclosure sa Boracay, ipapatawag ni Administrator Sacapaño


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Halos mag-iisang linggo na nang ipatupad ang bar enclosure sa Boracay.

Subali’t sa halip ng pag-asang tutupad sa usapan ang mga bar owners at operators sa Boracay, ay may ilan pa rin umanong lumalabag.

Kung kaya’t dismayadong sinabi ni Boracay Island Administrator Glen Sacapaño na kanyang ipapatawag ang mga lumalabag na ito.

Kinumpirma umano kasi sa kanya ng mga taga-MAP o Municipal Auxiliary Police na hindi pa rin naglalagay ng sound proofing sa kanilang bar ang mga naisumbong na mga violators.

Nabatid na tuwing alas-12 ng hatinggabi ay nagpapatrolya ang mga MAP, at nagpapaalalang dapat ay wala nang ingay na lumalabas sa mga bar sa Boracay.

Kaugnay nito, sinabi ni Sacapaño na dapat magpaliwanag ang mga lumalabag sa kasunduan kung bakit hindi sila sumusunod, gayong tinanggap at pinirmahan nila ang MOA o Memorandum of Agreement mula sa LGU Malay.

Ang naturang bar enclosure ay inilarga nitong nagdaang Agosto a uno, sa pamamagitan ng isang memorandum of agreement ng alkalde ng Malay sa mga bar operators sa isla.

Nakasaad dito na dapat gawing sound proof na ang kanilang mga bars upang pagsapit ng alas dose ng hatinggabi ay i-enclose o isara na nila ito upang makapaglikha ng sobrang ingay na siya namang inirereklamo ng mga nagpapahingang turista. 

Spaghetti wire ng AKELCO sa Boracay, patuloy na binabantayan ng Bureau of Fire

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Matapos ang ilang magkasunod na insidente ng sunog sanhi ng mga spaghetti wire ng Akelco sa Boracay, kinumpirma ngayon ni Fire Inspector Joseph Cadag ng Bureau of Fire Malay-Boracay na patuloy ang kanilang pagbabantay at kampanya laban sa sunog.

Sa panayam kay Cadag, sinabi nitong nakikipag-ugnayan parin sila sa AKELCO o Aklan Electric Cooperative hinggil sa pagsasaayos ng mga spaghetti wire o mga nakahambalang na mga kawad ng kuryente dito.

Kamakailan kasi ay may isang bahay sa sitio Hagdan, barangay Yapak ang muntik nang masunog dahil sa umano’y pagdikit ng dalawang kable ng kuryente sa bubong nito.

Maliban dito ay may mga nagreklamo ding nawalan ng suplay ng kuryente sa barangay Balabag dahil sa isang poste ng AKELCO na nagka short circuit.

Dahil dito ay nanawagan naman itong muli sa lahat ng mga residente at maging sa mga establisemyento komersyal sa Malay at Boracay, na maging maingat sa sunog sa lahat ng pagkakataon.

Dagdag pa nito, ang programa at kampanya umano ng Bureau of Fire ay tuloy-tuloy, sa pamamagitan ng mga pag-inspeksyon para mapalagaan ang buhay at ari-arian ng taumbayan.

Tatlong patay sanhi ng pagkalunod sa Boracay, itinanggi ng Philippine Coastguard

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Itinanggi ngayon ng Philippine Coastguard ang kumakalat na balitang may tatlong namatay sa pagkalunod sa Boracay nitong linggo.

Ayon kay PO1st Bobby Elbano ng Coastguard Boracay, maging sila ay hindi alam kung saan nanggaling ang naturang impormasyon gayong sila ay may hawak namang datos ng mga kahalintulad na insidente sa Boracay.

Lumabas kasi umano sa national media na tatlo ang nalunod at namatay dito, dahilan upang halungkatin nila ang kanilang mga datos upang magpaliwanag sa kanilang district command.

Ayon kay Elbano, may mga nabiktima nga ng pagkalunod dito sa isla subali’t sa tatlong magkahiwalay na petsa.

Isa na rito ang nangyari nitong Hulyo 29 kung saan namatay ang isang 18-anyos na babaeng taga Iloilo.

At ang iba umano’y kinumpirma na lamang sa kanila ng ospital kung saan ang biktima ay isang Korean national.

Sinabi naman ni Elbano na kung may mga kahalintulad na insidente sa Boracay at walang nakapagbibigay sa kanila ng impormasyon ay obligasyon parin nila itong imbistigahan at kumpirmahin.  

Monday, August 13, 2012

Urgency para sa pagsasa-ayos sa drainage, isinigaw ni SB Gallenero

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Umabot na sa sukdulan ang pagngit-ngit sa kalooban ni Sangguniang Bayan Member Jupiter Gallenero kaugnay sa sitwasyong nararanasan sa intersection ng main road at kalsada papuntang Faith Village sa Barangay Manoc-manoc dahil sa bahang nararanasan doon.

Kaya naman muli itong umapela sa kapwa konsehal nitong Martes sa sesyon na kung maaari ay tulungan ito sa kaniyang apela na mapadali ang pagsasa-ayos sa drainage sa nabanggit na lugar dahil sa negatibo din umano ang feedback nito sa bahagi nilang mga opisyal ng bayan.

Lalo pa at hindi lamang umano mga ordinaryong mamamayan ang dumadaan sa lugar na iyon, kundi pati ang mga dayuhang turista na pumupunta sa beach ay nakikilusong na rin sa malaputik na tubig baha na may di kagandahang amoy.

Dagdag pa nito, mas pang lumalala ang sitwasyon ng binabahang lugar na ito ngayon, dahil sa sinara na ang lagusan ng tubig papuntang Lugutan sa Sitio Tolubhan kaya doon na sa kalsada naiipon.

Bagamat nabatid na rin umano ng konsehal mula kay Malay Municipal Engr. Elezer Casisid na tapos na noong isang buwan pa ang bidding para sa pagpapa-ayus sa drainage sa naturang area at nasa estado na sila ngayong ng pagbili ng mga materyales, hiniling pa rin ni Gallenero na sana ay bigyang priyoridad ang proyekto ito dahil grabe na ang pagbaha doon.

Sumang-ayon naman ni Vice Mayor at Presiding Officer Ceceron Cawaling sa apela ng konsehal, sabay sabing marami ngang pera ang bayan ng Malay pero wala naman umano silang nagagawa. 

Tattoo artist sa Boracay, timbog dahil sa pagbi-benta ng shabu

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Luha ang naging kabayaran ng pagpasok ng isang tattoo artist sa isang videoke bar kagabi, sa sitio Angol, Manoc-manoc Boracay.

Hindi dahil sa malungkot na awiting narinig nito doon kundi sa pagkakaaresto sa kanya ng mga pulis dahil sa ipinagbabawala na droga, na umano’y ibinibenta nito.

Sa isang buy-bust operation na isinagawa ng mga taga Boracay PNP, narekober mula sa trentay tres anyos na suspek na si RJ Besana ng Negros Occidental ang isang plastic sachet ng pinaniniwalaang shabu.

Kasama na rito ang ilang marked money, pepper spray, cell phone at abre lata.

Bagama’t inamin nito ang kanyang paggamit ng ipinagbabawal na gamot, itinanggi naman nito ng luhaan ang pagbi-benta ng shabu.

Nakatakda namang ipa-drug test sa bayan ng Kalibo ang suspek kasama ang narekober na droga.

Mga kolorum na L300 Van na may rutang Caticlan, ipinapahabol sa LTO


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Nagbigay na ng paliwanag sa Sangguiniang Panlalawigan ng Aklan ang Land Transportation Office (LTO) Aklan kaugnay sa reklamo may kinalaman na operasyon ng mga kolorum na mga L300 Van na bumibiyahe sa rutang Caticlan-Kalibo vice versa.

Ito ay makaraan magpa-abot ng kaniyang reklamo sa SP ang Pangulo ng Federation of Aklan Integrated Transport, Inc. o FAITI na si Felix “Nonoy” Sefres dahil sa di umano ay nasisira na ang kabuhayan ng mga jeepney driver na may rutang Kalibo, Caticlan, Ibajay, Tangalan dahil sa hindi mapigil-pigil na pananalasa ng mga kolorum na van.

Subalit sa paliwanag ng LTO, madalas din umano silang nagkakaroon ng checkpoint sa National Highway, at sa listahan ng mga plate number na isinumite ni Sefres na siyang pinaghihinalaang kolorum na mga van ay hindi naman umano nila natiyempuhan o may nahuli ni isa sa mga nakalista doon.

Bunsod nito ang SP Aklan na rin ang nagmungkahi sa paraan ng pagpasa ng resulosyon na humihiling sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) Regional Office 6 na kung maaari ay magkaroon sila ng masinsinang pagsisiyasat at agresibong pagman-man ukol sa usaping ito.

CLUP ng Boracay, may kulang pa; SP Aklan, humingi ng joint session sa SB Malay


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Mismong ang Sangguniang Panlalawigan ng Aklan na ang humiling sa Sangguniang Bayan ng Malay upang magkaroon ng joint session para mapag-usapan ang mga kulang pang dukomento sa Comprehensive Land Use Plan o CLUP ng Boracay.

Subalit sinabi ni SP Secretary Odon Bandiola na hindi pa nila alam kung kailan ito mangyayari dahil wala pang sagot ang SB kung kaylan nila isasagawa ang joint session dito sa Boracay.

Ayon kay Bandiola, marami pang mga dokumento ang kulang upang lubusan nang maaprobahan ang CLUP.

Kaya kailangan pa itong pagdebatihan sa Land Use Committee na binubuo ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Tourism.

Target sana umano nila na isigawa ang joint session na ito sa susunod ng buwan ng Setyembre o Oktubre.

Samantala, sa bahagi naman ng SB Malay, maging ang mga ito ay nagtataka rin kung bakit kailangan pang magkaroon ng joint session gayong halos apat na taon na nilang tinatrabaho ang CLUP na ito at lahat ng hinihinging amendments ay ginawa na nila subalit bigo pa rin maipasa at ma-aprobahan ng SP.

Ang CLUP ay siyang magsasabi kung saang bahagi pa ng isla ang dapat at hindi na dapat paglatagan ng gusali o straktura, para maayos na ang mga mali sa Boracay batay sa mapa ng isla.

Sunday, August 12, 2012

DENR Aklan, sinopla ang surveyor na ipinadala ng DENR Regional Office

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Pinagpaliwanag ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) - Aklan.

Ito ay kaugnay di umano ay mali-maling pagsisiyasat sa mga lupa sa probinsiya gawa ng mga surveyor ng DENR kasama na ang pagsisiyasat sa mga lupain sa Boracay.

Subalit sa ginawang pagpapaliwanag ni Provincial Environmental Natural Resources Officer (PENRO) – Aklan Ivene Reyes sa SP.

Sinabi nitong ang mga surveyor na ito ay ipinadala lamang at kinuntrata ng DENR Regional Office.

Mariing itinanggi rin umano ayon kay SP Secretary Odon Bandiola ni Reyes na nagmumula ang delay o pagka-antala sa pagpo-proseso at pagbibigay ng titulo sa DENR.

Sapagkat ayon sa PENRO ang Land Registration Authority (LRA) naman ang gumagawa nito maging sa computerization ng mga titulo.

Kaya sa pagbibigay ng titulo, hindi umano dapat masisi ang DENR at sa pagsisiyasat naman ay dapat ang kinuntratang mga surveyor ang managot.

Pinagpaliwanag si Reyes ng SP dahil na rin sa nakita ng legislative body ng probinsya na balido naman ang ipina-abot na reklamo ng Concern Aklanon sa isang kulumnista ng pahayagn kaugnay sa usaping ito.

Reklamasyon sa Caticlan, nangangailangan pa ng karagdagang pag-endorso


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Lumalabas ngayon na nangangailangan pa pala ng karagdagang pag-endorso mula sa iba’t-ibang sector sa isla ng Boracay at buong probinsiya ang reklamasyon sa Caticlan.

Ito ay upang lubusan na ngang kaselahin at mawalan ng bisa ang Temporary Environmental Protection Order (TEPO) na ibinigay ng Supreme Court laban sa proyekto ito ng probinsiya, makaraang sampahan ng kaso ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) ang may proposisyon at sangkot para mapursige ang proyektong ito sa Caticlan.

Sa panayam kay Atty. Allen Quimpo Legal Consultant ng pamahalaang probinsiya ng Aklan, sinabi nitong humiling umano ngayon ng Korte Suprema na magkaroon pa ng daragdagang pag-endorso mula sa iba’t-ibang sector ang proyektong gaya ng endorsement na maibibigay ng mga Non-government organization (NGOs).

Ito ay dahil ang pag-endorso sa 2.6 hectar na reklamasyon sa Caticlan na ibinigay ng bayan ng Kalibo , Nabas, Malay, Barangay Caticlan at No-objection ng BFI ay hindi pa sapat para makumbinsi ang kataas-taasang hukuman para mawalan ng bisa ang TEPO at maka-usad na nga ang proyekto.

Bunsod nito, umaapela ngayon si Quimpo sa mga NGO’s sa Boracay na maaaring makapagbigay ng pag-endorso sa proyekto na makipatulungan sa pamahalaang probinsiya gayong ang reklamasyong ito ay para din sa ikakabuti umano ng Boracay at mga turista dito.

Matatandaang naging kontrobersiyal ang proyekto ito nang hindi inindurso ng Sangguniang Bayan ng Malay dahil sa tila minaliit ng probinsiya ang kakayanan ng endorsement ng SB sapagkat hindi na umano kailangan pa nang ihabla ng BFI ang pamahalaang probinsiyal, Philippine Reclamation Authority (PRA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na siyang nagbigay ng Environmental Compliance Certificate (ECC) sa reklamasyon sa kabila ng apela ng mga stakeholders sa Boracay na magkaroon muna ng masinsinang pag-aaral kung ano ang epektong dala ng proyekto sa kapaligiran lalo na sa daloy ng tubg sa dagat ng Caticlan at Boracay. 

Pamahalaang probinsiyal, may ultimatum na sa Supreme Court hanggang Setyembre


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Binigyan di umano ng Supreme Court ang pamahalaang probinsiya ng hanggang ika-28 ng Setyembre ngayong taon para i-comply ang mga hinihingi ng hukuman upang tuluyan nang tanggalin ang Temporary Environmental Protection Order (TEPO) na siyang pumipigil ngayon sa pag-usad ng reklamasyon sa Caticlan.

Ayon kay Atty. Allen Quimpo Legal Consultant ng pamahalaang probinsya, kabilang sa mga kondisyon na hinihingi ng korte ay ang paliwanag at ma-klaro ng Philippine Reclamation Authority (PRA) sa SC na nagbago na nga ang plano at hanggang sa Caticlan lamang ang reklamasyon at wala na ang balak na unang nang inaplayan na magkakaroon din ng reklamasyon sa Cagban Area.

Ikalawa, ay ang malinaw din ang usapin kaugnay sa nauna nang sinasabing ang probinsiya ay maaaring makapag-reclaim sa Caticlan hanggang sa 40 ektarya.

Kung saan ang gusto umanong mangyari ng Supreme Court na maging klaro na hanggang sa 2.6 hectares lamang ang pagtatambak na gagawin.

At ang ikatatlo ay ang pagkaroon pa karagdagang pagkunsulta sa publiko para magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga ito hinggil sa proyekto.

Kabilang na dito ang karagdagang pag-endorso mula sa iba’t ibang sector lalo na mula sa mga Non-Government Organizations (NGOs).

Bayan ng Malay, pinakamayamang bayan sa buong Aklan


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Bilang bayan ng sikat na isla ng Boracay na napiling “2012 Best Beach in the World”, ang Malay naman ang itinuturing na pinakamayamang bayan sa buong probinsiya ng Aklan.

Ito ay dahil P78M ang inabante ng Bayan ng Malay mula sa pondo ng bayan ng Kalibo kung Annual Budget ngayong taon ng 2012 ang pag-uusapan, gayong parehong 1st Class Municipality ang dalawang bayang nabanggit.

Ito ang napag-alaman mula sa mga isinumiteng Annual General Fund sa Sanggunaing Panlalawigan ng Aklan ng 17 bayan sa buong probinsya para idaan sa pag-rebyu ng SP.

Pero 13 na sa mga ito ang nakapasa na pag-rebyu at deliberasyon ng legislative body ng probinsiya.

Nabatid na ang bayan ng Malay ang may pinakamataas ng pondo ngayong 2012 na umaabot sa P220M, hindi pa kasama ang P14M pondo para sa Municipal Economic Enterp rise Development (MEED).

Samantala ang bayan ng Kalibo ay may P141.9 milyon lamang at may P45-milyong pondo para sa MEED.

Gaya sa inaaasahan, ang bayan naman ng Lezo na pinakamaliit na bayan ay siya ding may pinakamaliit ng budget ngayong taon na umaabot lamang sa P31.3M.

Samantala, sa kasalukuyan, bagamat matagal nang hinihingi ng probinsiya na i-deklarang 1st Class Province ang Aklan, sa kasalukuyan ay nananatili parin itong 2nd Class kahit pa bilyon piso na rin ang Annual Budget nitong nakalipas na mga taon na isa na sana sa kwalipikasyon upang maging 1st Class Province.

Pero hinihintay pa ayon kay SP Secretary Odon Bandiola ang re-classification ng mga Local Government Unit   ngayong taon na gagawing naman ng Bureau of Local Government Finance ng Department of Finance.