YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, December 14, 2013

DTI Aklan binabantayan ang presyo ng produkto sa Noche Buena

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagsimula na ang pagbabantay ng tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa presyo ng mga bilihin ng noche buena products para sa darating na kapaskuhan ngayong Disyembre.

Ayon kay DTI Aklan Provincial Director Diosdado P. Cadena, Jr.

Namamahagi sila ngayon ng poster ng Suggested Retail Price (SRP) sa mga malalaking tindahan ganundin ang mga may maliliit na negosyo upang sundin ang tamang presyo na ipinatutupad ng DTI para sa kanilang ibenebentang Noche Buena products.

Mahigpit rin na binabantayan ang mga Christmas lights sa mga pamilihan at iba pang mga dekorasyon na gagamitin para sa pasko.

Ipinaalala nito na siguraduhing ang mga christmas lights ay may Import Commodity Clearance (ICC) upang maiwasan ang sunog at iba pang sanhi ng faulty electrical wiring.

Samantalahin na rin umano ang pamimili ng maaga sa mga kagamitan, panregalo at panghanda para sa darating kapaskuhan upang maiwasan ang sobrang siksikan sa palengke.

Paalala pa rin sa publiko na maging matalino ang mga mamimili sa pagbili ng ihahanda nila para sa darating na pasko at kung may problema sa kanilang mga biniling produkto ay magsadya lamang sa kanilang tanggapan. 

Di-umano’y pagtaas ng presyo ng karne ng manok at baboy sa Boracay, kailangang aksyunan ayon sa DTI

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kailangan umanong aksyunan  ang di-umano’y pagtaas ng mga presyo ng karne ng baboy at manok sa isla ng Boracay.

Ayon kay DTI Aklan Provincial Director Diosdado P. Cadena Jr.

Kung totoo umano ang nasabing report at may sapat na ebidensya ang mga nagrereklamong mamimili na meron ngang mga nagbebenta ng mga ito sa mataas na presyo  ay maaring idulog muna ito sa Department of Agriculture (DA).

Direkta naman nitong sinabi na wala silang jurisdiction para pangunahan ang pag-iimbistiga nito dahil sa nakahanay umano ito sa nasasakupan ng Department of Agriculture o ng lokal na pamahalaan.

Maliban kasi sa DTI ay may iba pang mga ahensya ng gobyerno ang naatasang subaybayan ang mga presyo ng bilihin tulad ng Department of Environment at Natural Resources (DENR), Department of Agriculture (DA), at Department of Health (DOH).

Dagdag pa ni Cadena kung may ganitong problemang nangyayari sa mga pamilihan ay dapat na aksyonan ito ng lokal na pamahalaan sa pangunguna mismo ng alkalde.

Maaari naman aniyang imbistigahan ito kasama ang Treasures office ng LGU, PNP at DA na pwedeng mag-implement ng prosecution Act.

Ipinaalala din nito sa mga mamimili na kung may mga nakikitang lumalabag ay ipigbigay alam sa DTI o sa iba pang ahensya ng gobyerno na naatasang subaybayan ang mga presyo ng bilihin.

Samantala, umapela naman si Cadena sa mga nagtitinda na huwag mag-take advantage at dagdagan pa ang pasanin ng ilang mga residente kung saan sinanlanta ng bagyong Yolanda.

DTI Aklan patuloy na minomonitor ang mga bilihin sa probinsya

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Masusing mino-monitor ng Department of Trade and Industry (DTI) Aklan ang  price freeze na kanilang ipinatupad sa mga lugar na matinding naapektuhan ng nagdaang bagyo.

Ayon kay DTI Aklan Provincial Director Diosdado P. Cadena, Jr.

Patuloy ang kanilang isinasagawang monitoring na nagsimula noong November 11 at matatapos umano hanggang January 10.

Aniya, batay sa Seksyon 6 ng Republic Act 7581.

Ang mga presyo ng basic necessities sa isang lugar na nakaranas ng kalamidad ay dapat na nakalagay sa awtomatikong pag-kontrol ng presyo.

Kaugnay nito, muling nagpaalala ang DTI sa mga nagtitinda na huwag mag-take advantage sa mga paninda dahil ang mahuhuli ng ahensya na magbebenta sa mataas na presyo ay papatawan ng kaukulang parusa.

Una rito, naglabas na umano ang DTI Aklan ng listahan ng Automatic Price Control (APC) para sa Basic Necessities na nasa ilalim ng hurisdiksiyon nito.

Ayon pa kay Cadena, hindi rin tumitigil ang mga tauhan ng DTI sa pagiikot sa mga pamilihan sa bansa upang regular na imonitor ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ipinaalala din nito sa mga mamimili na kung may mga nakikitang lumalabag ay ipigbigay alam sa DTI o sa iba pang ahensya ng gobyerno na naatasang subaybayan ang mga presyo ng bilihin tulad ng Department of Environment at Natural Resources (DENR), Department of Agriculture (DA), at Department of Health (DOH).

Friday, December 13, 2013

Lalaki, sugatan matapos malaglag sa sinasakyang tricycle kagabi sa Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Sugutan ang isang lalaki matapos malaglag sa kaniyang sinasakyang tricycle kagabi sa station 1 Barangay Balabag sa Boracay.

Kinilala ang biktimang si Jcar Leonardo bente-siyete anyos at tubong Zamboaga City.

Nagtamo ito ng galos sa katawan at sugat sa ulo dahilan para agad na mawalan ng malay matapos mahulog sa kaniyang sinasakyang tricycle.

Agad naman itong isinugod ng mga rumispondeng lalaki para dalhin sa pinakamalapit na pagamutan.
Basi sa mga nakasaksi lasing umano ang bikitima ng mangyari ang insedente kagabi.

Sa ngayon patuloy paring ginagamot si Jcar sa Don Ciriaco Memorial Hospital para sa agarang pagpapagaling.

Mga live bands at parties sa long beach ng Boracay, aayusin na

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Inakala ng ilang residente sa Barangay Balabag na may gaganaping concert doon kahapon.

Inilagay kasi sa mismong entablado ng barangay ang mga live band equipments na kinumpiska ng mga Municipal Auxiliary Police nitong Lunes ng gabi.

Ito’y matapos ipatupad ng LGU Malay ang Municipal Ordinance No. 183 Series of 2003 at Municipal Ordinance No. 132 Series of 2000.

Nakasaad sa mga nasabing ordinansa na dapat mula alas singko ng hapon hanggang alas sais ng umaga lamang ang mga inilatag na mesa at upuan sa beach front area.

Maliban sa mga mesa at upuan, ipinagbabawal naman ang paglalagay ng mga fixtures, equipments, at furnitures o mga muwebles doon.

Kaugnay nito, kinumpirma ni Boracay Island Chief Operation Officer Glenn SacapaƱo na may apat na establisemyentong lumabag sa nasabing ordinansa, simula nitong December 1, kasama na ang mga nakumpiskang equipments.

Ipinaliwanag na rin umano ni SacapaƱo sa mga violators ang kahalagahan ng mga nasabing batas at sinabing aayusin na ang mga live band at parties sa long beach ng Boracay sa taong 2014.

Pagpapa-ilaw sa mga street light sa isla, posibleng matatagalan pa

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Mukhang matatagalan pa ang pagpapailaw sa mga street light sa isla ng Boracay.

Ayon kay Malay Municipal Engineer Elizer Casidsid.

Hinihintay parin nila ang proposal ng national government sa pamamagitan ng Department of Public and Highways o DPWH, hinggil sa naturang proyekto.

Sinabi pa nito na naka-pending sa ngayon ang naging una nilang plano para sa pagpapa-ilaw ng mga street light sa isla.

Samantala, hiniling naman nito na sana ay dumating na ang proposal ng DPWH upang matapos na rin ang nasimulan nang planong proyekto para sa mga street light.

May plano naman umano kasi talaga para sa nasabing proyekto, ngunit hindi sila makagalaw hangga’t hindi pa nakikita ang proposal mula sa national government.

Ang isa rin sa mga rason kung bakit kailangan nilang hintayin ang proposal, para maiwasang mag-overlap sa kanilang program of works.

Samantala, tinanggal na rin ang mga kinakalawang at bulok na street lights sa mainroad ng Boracay upang hindi makapagdulot ng disgrasya sa publiko.

AKELCO, humingi ng pasensya sa mga stake holders, kaugnay sa rotational power supply sa isla

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Humingi ngayon ng pasensya sa mga stake holders ang Aklan Electric Cooperative (AKELCO).

Ayon kay AKELCO Asst. General Manager Engr. Joel Martinez.

Temporaryong impormasyon lamang ang naibibigay sa kanila ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), tungkol sa kung kailan talaga babalik sa normal ang kuryente sa isla.

Pinasiguro kasi kamakailan ng AKELCO na babalik na sa normal ang suplay ng kuryente sa December 10.

Subali’t hanggang ngayon, nagtitiis parin ang isla sa parasyun-rasyong suplay ng kuryente.

Paliwanag ni Martinez, depende sa trabaho ng line man ng NGCP kung matatapos agad ang pagsasasyos ng mga nasirang poste.

Sinabi din nito na bukas malalaman mula sa NGCP ang pinakahuling update tungkol dito.

Samantala, hinimok din nito ang mga member consumers na magsumbong sa kanila sakaling may mga tauhan ang AKELCO na tumatanggap ng suhol upang maibalik ang suplay ng kuryente sa kanilang lugar para maaksyunan.

Thursday, December 12, 2013

Batas para sa mga building construction sa Boracay, mahigpit na ipapatupad

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Mahigpit na ipapatupad sa isla ng Boracay ang mga batas na nag-reregulate sa pagpapagawa ng mga gusali at resort.

Ito ang paninindigan ng SB Malay kaugnay sa tila kaboteng pagsulputan ng mga gusali sa isla.

Sinabi ni Malay SB Member Rowen Aguirre, Chairman on Rules, Laws and Ordinances na dapat patigilin agad ang mga establisemyentong lumalabag sa batas.

Kaugnay nito, sinabi ni Aguiree na may mga resort na ang inaksyunan at kinasuhan dahil sa kawalan ng mga kaukulang permit.

Nabatid na ipinatigil ng munisipyo ng Malay ang construction sa isang resort sa station 3, habang isang resort naman sa station 1 ang sinampahan na ng kaso.

Samantala, kinumpirma naman ni Aguirre na maaari nang ipatupad ang bagong amyendang ordinansa ng Malay kaugnay sa height requirements ng mga gusali sa isla.

Ito ang Municipal Ordinance No. 328, series of 2013 na inaprobahan na at nailathala na rin sa mga pahayagan.

Subali’t ayon kay Aguiree, posibleng mahirapang makapasa ang ilang establisyemento sa isla tungkol sa nasabing ordinansa, dahil kailangang ikonsidera muna nila ang lapad at espasyo ng kanilang lupa.

Dagdag pa nito, na may mga kaukulang penalidad kagaya ng pagdemolish o pagpapahinto ng konstraksyon ang maaaring kakaharapin ng mga lalabag sa nasabing ordinansa.

Hindi umano kasi ang mga violators ang masusunod kundi ang mga batas at regulasyon na ipinapatupad ng pamahalaan sa isla ng Boracay.

Bodega ng Sol Marina Resort sa Boracay, nasunog

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nasunog kaninang madaling araw ang bahagi ng bodega ng Sol Marina resort sa Barangay Yapak, Boracay.

Ayon kay Boracay Bureau of Fire Protection (BFP) Inspector Joseph Cadag.


Nakatanggap sila ng tawag mula sa isang empleyado ng nasabing resort bandang alas tres-kwarenta na nasusunog umano ang kanilang temporaryong warehouse.

Agad namang rumespondi ang Boracay Fire Department para apulahin ang nasabing sunog.

Naabutan umano nila na ang natutupok na color roof ng warehouse kasama na ang mga nakatambak na construction supplies doon at ilan pang gamit sa resort.

Napag-alaman naman na halos 90 porsyento sa mga supplies ang nilamon ng apoy.

Basi sa kanilang pag-iimbistiga walang suplay ng kuryente ang Sol Marina at gumagamit lamang sila ng generator.

Pero bago umano naganap ang sunog ay agad na itong pinatay bandang alas tres ng madaling araw kanina para pagpahingahin ito.

Ipinagtataka naman ng pamunuan ng Sol Marina Resort kung bakit sa bubong nagmula ang apoy samantalang wala namang kuryente sa mga oras na iyon.

Nabatid na gagawin sana ang nasabing gusali bilang isang convention center na ngayon ay temporaryong ginawang warehouse.

Samantala, patuloy parin ngayon ang imbistigasyon ng Bureau of fire protection Unit Boracay at ng Sol Marina Management sa nangyaring sunog.

Publiko sa Boracay, aburido na sa rotational power supply ng AKELCO

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Brown out na naman ba?

Kailan ba talaga babalik ang power supply ng AKELCO?

Kailan kami magkaka-power ulit dito?

Ilan lamang ito sa mga paulit-ulit na katanungan ng publiko sa kaugnay sa nararanasang rotational power supply o pagrarasyon ng suplay ng kuryente sa isla.

Patuloy parin kasi ngayong naghihintay ang publiko sa ipinangakong petsa ng AKELCO na babalik sa normal ang suplay ng kuryente sa Disyembre 10.

Subali’t nagtataka parin ang lahat kung bakit nagtitiis parin hanggang ngayon sa paggamit ng generator ang mga establisemyento at resort sa isla.

Umaalma na rin maging ang mga maliliit na negosyante dito, dahil sa nauudlot ang kanilang operasyon.

Sa barangay Balabag halimbawa, may mga laundry services na walang magawa kungdi tanggihan muna ang kanilang mga suki, dahil sa hindi malang eskedyul ng brown out.

Maliban dito, may mga residente parin sa isla ang nakiki-charge ng kanilang mga cell phones, flash lights, at mga rechargeable lamps.

Magkaganon paman, patuloy paring umaasa ang publiko na babalik na sa normal ang suplay ng kuryente, matapos manalasa ang super typhoon Yolanda sa buong bansa.

Mga lumabag sa height requirements ng mga gusali at establisemyento sa Boracay, inaksyunan ng LGU Malay

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Inaksyunan ng LGU Malay ang mga lumabag sa height requirements ng mga gusali at establisemyento sa Boracay.

Katunayan, pinahinto ng Malay Municipal Engineer’s Office ang construction ng isang resort sa station 3, habang kinasuhan naman ang isang resort sa station 1.

Ito ang kinumpirma ni mismong Municipal Engineer Elizer Casidsid at Boracay Island Chief Operation Officer Glenn SacapaƱo kaugnay sa mga imprastraktura sa Boracay na walang kaukulang permit for expansion at building permit.

Nitong nakaraang buwan ng Pebrero ng taong kasalukuyan.

Sinabi ni Casidsid na minomonitor nila at binibigyan ng kaukulang notice of violation ang mga lumabag sa ordinansa kaugnay sa height requirements at regulasyon ng building permit.

Iginiit naman ni SacapaƱo na dapat may kaukulang approval o permiso ang ipapatayong gusali dito.

Nabatid na maraming mga environmentalists ang nagpaabot ng kanilang pagkabahala kaugnay sa over development na nararanasan ng isla.

Samantala, inaprobahan na ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang amendatory ordinance ng SB Malay kung saan tinaasan na ang height limits ng mga gusali at mga imprastraktura sa Boracay.

Isang resort sa Boracay na lumabag sa moratorium at height requirements, inaksyonan ng CENRO

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inaksyunan ng CENRO ang paglabag ng isang resort sa moratorium at ordinansa ng SB Malay kaugnay sa height requirements sa isla ng Boracay.

Ayon kay Sharon Teodosio ng CENRO Boracay, buwan-buwan silang nagsasagawa ng monitoring sa isla para sa mga hotel at resort na nagpapagawa ng kanilang mga building.

Isa umano sa mga lumabag nito ay ang isang hotel sa station 2 na umabot sa anim na palapag ang kanilang pinapagawang hotel.

Agad namang nakipag-ugnayan ang CENRO Boracay sa lokal na pamahalaan ng Malay para mabigyan ito ng agarang aksyon.

Napag-alaman na lumabag ito sa ipinatupad na moratorium ng LGU Malay at sa height requirement ng building na dapat ay apat na palapag lamang.

Dahil sa ginawang aksyon ng CENRO at ng mga kinauukulan, nag-request o humingi ng pahintulot ang pamunuan ng nasabing hotel na kung maaari ay payagan silang mag-expand ng kanilang hotel.

Dagdag pa ni Teodosio nasa tanggapan na ngayon ng Regional office ng Department of Environmental and Natural Resources (DENR) ang ipadalang request.

Wednesday, December 11, 2013

Simbahang Katoliko sa Boracay, handa na sa Simbang Gabi

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Handa na ang Simbahang Katoliko sa Boracay para sa nalalapit na Simbang Gabi.

Katunayan ay may mga iskedyul nang ipinalabas ang Holy Rosary Church (HRP) Boracay, kaugnay sa siyam na umagang Misa de Gallo sa isla.

Ayon kay Rev.Fr. Arnold Crisostomo ng HRP Boracay.

Alas 4:00 ng umaga sisimulan ang misa bawat araw, simula sa ika-16 ng Disyembre, hanggang Disyembre 24.

Pero sa mga nais umanong dumalo sa Santo Rosario bago ang misa, ay mangyaring pumunta lamang ng mas maaga.

Samantala, sa darating na ika-24 ng Disyembre, ilang oras bago ang selebrasyon ng kapanganakan ni Jesus ay gaganapin aniya ang misa sa alas 9:00 ng gabi sa Holy Rosary Parish Church.

Habang ang mga misa naman umano sa Chapel ng Yapak at Manoc-manoc sa nasabing petsa ay gagawin alas 6:30 ng gabi bago ang misa sa HRP.  

Dalawang pawikan, nakumpiska sa kustudiya ng isang boatman sa Boracay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Dalawang pawikan ang nakumpiska kahapon ng hapon sa kustudiya ng isang boatman sa isla ng Boracay.

Ito’y matapos mapag-alaman ng mga otoridad na may isang boatman na nag-aalaga ng hawksbill turtle sa kaniyang mismong bangka na ginagamit para mag-island hopping.

Ayon kay Marine Biologist ng Malay Agriculture’s Office Felex Balquin, nakumpiska sa pamamagitan ng pinagsamang pwersa ng PNP Maritime at bantay dagat ang mga nasabing pawikan, kung saan nabatid na matagal na itong nasa pangangalaga ng boatman.

Ayon pa kay Balquin,  ang isang pawikan ay may habang 31 centimeters at may lapad na 20 centimeters, habang ang isa naman ay may habang 27 centimeters at ang lapad ay umabot sa 22 centimeters.

Agad na dinala ang dalawang pawikan sa Malay Agriculture Office (MAO) para suriin ang kundisyon bago pinakawalan sa karagatan.

Samantala sinabi pa ni Balquin hindi na nila sasampahan ng kaso ang boatman, dahil nakipag-uganyan narin umano ito sa mga otoridad noon para i-surrender ang mga nasabing pawikan.

Ang hawksbill turtle ay isang uri ng pawikan na kilala dahil sa kanyang beak-like mouth o bibig na hugis-tuka, at isa sa mga itinuturing na endangered species.

Tuesday, December 10, 2013

“Safe Christmas for Children” ilulunsad ng PHO

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Maglulunsad ang Aklan Provincial health office (PHO) ng kampanya laban sa paggamit ng paputok ngayong Holiday Season.

Ayon sa Aklan Provincial health office (PHO), layunin ng Safe Christmas for Children campaign na maiiwas ang mga bata mula sa pagkasugat o kaya’y kamatayan dahil sa paggamit ng mga paputok sa pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon.

Nabatid na una nang inilunsad ang ganitong programa ng Department of Health (DOH) kung saan nagpakita pa sila ng  sneak preview ng kanilang ‘Iwas-Paputok Dance’ upang hikayatin ang publiko na huwag nang gumamit ng paputok.

Kaugnay nito, ngayong Disyembre a-dose ay magkakaroon ng pagpupulong ang Provincial Health office sa probinsya ng Iloilo para sa isasagawang campaign.

Samantala, hinimok din ng DOH ang mga local government units (LGUs) na mag-organisa na lamang ng community fireworks display o mas ligtas na merrymaking ngayong Holiday Season at iwasan na ang paggamit ng mga indibidwal na paputok.

Sobrang singil ng mga traysikel driver, ikinadismaya ng SB Malay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Ikinadismaya ng Sangguniang Bayan (SB) Malay ang di umano’y pananamantala ng mga traysikel driver.

Ito’y matapos na sabihin ni SB Member Rowen Aguirre sa kanyang privilege speech sa SB session kaninang umaga, na maging sya mismo ay nakasaksi hinggil sa sobrang singil ng isang driver sa isang pasahero sa Cagban Jetty Port.

Ikinuwento nito na habang papunta sya sa SB Session Hall ay meron itong nakasabayang lokal tourist na siningil ng nasabing driver ng 100 pesos sa halip na 15 pesos na regular rate.

Agad naman umanong sinita ng konsehal ang nasabing driver, kinuha ang body number ng kanyang traysikel at inireport sa BLTMPC.

Plano naman ngayon ni SB Member Aguirre na magsumite rin ng report sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para mabigyan ng leksyon ang mga ganitong klaseng driver.

Nagsuhestiyon naman ang ilang SB member na dalhin at ireport sa police station ang mga driver na lumalabag sa batas.

Ang mga ganitong aktwasyon ay nakakasira umano sa turismo ng isla lalo pa’t isa sila sa mga itinuturing na public utilities.

Samantala, maliban kay Aguirre ay nadismaya din sina SB member Natalie Paderes at SB member Floribar Bautista, dahil maging sila mismo ay nakasaksi at nabiktima din umano ng mga mapagsamantalang driver.

Dagdag na motorsiklo para sa BTAC, lalakarin ng PCCI-Boracay

Ni Bert Dalida, Yes FM Boracay

Lalakarin ng PCCI-Boracay ang pagkakaroon ng dagdag na motorsiklo para sa BTAC o Boracay Tourist Assistance Center.

Ito ang sinabi kahapon ni PCCI o Philippine Chamber of Commerce and Industry-Boracay President Ariel Abriam, matapos ang kanilang ceremonial turn-over ng isang motorsiklo sa mga taga Boracay PNP.

Ayon kay Abriam, sila ang sumulat at nag-follow sa national headquarters ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame upang mabigyan ng dagdag na sasakyan ang mga pulis sa isla.

Iisa lamang umano kasi ang sasakyan o patrol na ginagamit ng mga taga Boracay PNP na galing sa Crame.

At dahil mas ok sa trapik at mabilis para sa emergency, kung kaya’t motorsiklo ang sinang-ayunan ng PCCI para sa BTAC.

Samantala, maliban sa lalakarin umano ng PCCI ang dagdag na motorsiklo para sa Boracay PNP.

Sinabi pa ni Abriam na pagtutuunan din nila ng pansin sa susunod na mga araw ang pagkakaroon ng bangka para sa mga taga Philippine Coastguard.

Ginanap naman ang ceremonial turn-over ng nasabing motorsiklo sa Joint Flag Raising Ceremony ng BAG o Boracay Action Group kahapon sa Balabag Plaza.

Monday, December 09, 2013

Pag-deploy ng siguridad para sa Ati-atihan festival sa Boracay, binabalasa parin

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

www.boracaywhitebeach.com  events - ati atihan pic 1Binabalasa parin ngayon ng BTAC ang pag-deploy ng siguridad sa Boracay para sa taunang selebrasyon ng Ati-atihan festival ngayong Enero.

Ayon kay Boracay PNP Deputy Chief Police Inspector Fidel Gentallan, nag-aantay nalang sila ng desisyon mula sa lokal na pamahalaan ng Malay at kay Boracay Action Group Adviser/Consultant Leonard Tirol para sa mga gagawing preperasyon.

Nabatid na magiging maganda pa ang selebrasyon ngayon ng Ati-atihan festival sa isla ng Boracay dahil sa tourism promotion.
Dagdag pa ni Gentallan, magiging all support naman ang Boracay Action Center sa mga ganitong okasyon sa Boracay lalo na at dadagsain ito ng maraming turista.

Samantala ang Ati-atihan festival ay tinaguriang mother of all festival sa bansa bilang paggunita sa kapistahan ni Senior Santo NiƱo na ipinagdiriwang sa bayan ng Kalibo.

Idinaraos din ito sa isla ng Boracay at ilang bayan sa probinsya ng Aklan.

DTI Aklan, maaaring tanggalan ng permit ang nagbebenta ng palpak na Christmas decors

Ni Jay-Ar M. Arante, YES FM Boracay

Maaaring tanggalan ng permit ng DTI Aklan ang magbebenta ng palpak na Christmas decors sa mga shopping mall at iba pang establisyemento.

Ito’y kapag napatunayan na nagbebenta sila ng mga substandard Christmas lights na walang kaukulang safety at standard certificate.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) Aklan, kailangan ang lahat ng manufacturer o importer ng Christmas lights ay nakapasa sa mga panuntunan ng Bureau of Product Standards (BPS) Product Certification Scheme.

Nabatid na posibleng makasuhan pa ang mga mall at pagmumultahin ng hanggang isang daan at limampung daang libong piso (P150, 000).

Kailangan rin ang mga ito na makakuha ng Philippine Standards License at Import Commodity Clearance (ICC) certificates.

Sa ngayon patuloy parin ang ginagawang monitoring ng DTI sa mga pamilihan ng mga Christmas decorations lalo na pagdating sa Christmas lights.

Ilang residente ng Boracay, nagbigay ng reaksiyon sa ikaisang buwan matapos ang pagsalanta ng bagyong Yolanda

 Ni Mackie Pajarillo, YES FM Boracay

“Hindi pa rin normal ang power supply ng kuryente dito sa Boracay”.

Isa lamang ito sa dismayadong sinabi kahapon ng ilang residente sa isla ng Boracay, isang buwan ang nakaraan matapos manalasa ang bagyong Yolanda.

Ayon kay Aling Joy, marami pa rin sa mga taga Boracay ang dismayado dahil sa hindi pa naibabalik ang 1 daang porsiyento ng kuryente.

Marami na nga daw sa mga negosyo dito sa isla ay palugi na.

Magkaganon paman, sinabi pa ni Aling Joy na masaya din naman siya kahit papaano dahil yung mga kapwa nating mas naapektuhan ng bagyo ay paunti-unti na rin ang recovery lalong-lalo na sa ilang parte ng kabisayaan.

Samantala idinagdag rin ng isa sa mga residente na itago natin sa ngalang Gina na maging siya ay dismayado din at nalulungkot.

Sira din kasi ang bahay nito sa Negros na sinalanta ng bagyo, hindi rin daw siya makakauwi ngayong malapit na ang kapaskuhan sa kanyang pamilya dahil wala nga daw pera.

Sa kabila nito, maligaya umano siya dahil safe at buhay ang mga pamilya nito doon at nagsisikap na bumangon.

Eksaktong isang buwan na kahapon ang nakakalipas nang manalasa ang Super Typhoon Yolanda sa bansa na kumitil ng buhay ng libu-libong katao at nag-iwan ng bilyun-bilyung pisong halaga ng pinsala.