YES THE BEST 911 BORACAY

Thursday, April 05, 2018

Mga plano na nakapaloob sa “Total Closure” ng Boracay, hinihintay na ng LGU-Malay


Posted April 5, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Hinihintay na lang ngayon ng Lokal na Pamahalaan ng Malay kung ano ang mga nakapaloob na plano kasabay sa pag-apruba ng Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsara ng isla ng Boracay.

Ito ang sinabi ni Executive Assistant IV Rowen Aguirre sa panayam sa kanya matapos ang pag-anunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na aprubado na umano ng Presidente Duterte ang pagpapasara ng Boracay sa 24th Cabinet Meeting sa MalacaƱang kagabi.

Ani Agurrie, hinihintay at “expected” na nila ang pag-anunsyo ng “total closure” subalit apela niya sa National Government na kung maaari ay ilatag na nila kung ano ang mga plano nito lalo na sa mga apektado sa gagawing hakbang.

Hangad umano ng bayan ng Malay na mailatag ito agad nang sa gayon ay makagawa na sila ng aksyon na ibabase rin sa ibibigay na action plan ng Inter Agency Task Force.

Kaugnay naman sa mga empleyado na posibleng mawalan ng trabaho dahil sa “total closure”, nakipagugnayan narin umano ang Department of Labor and Employment o DOLE sa kanila subalit wala pa silang kumpletong plano para rito.

Samantala, para mapaghandaan ang lahat ay balak ngayon ng LGU Malay na makipag-dayalogo sa mga stakeholders at iba’t-ibang sektor para pag-usapan ang susunod na hakbang na gagawin.

Operation ng RORO sa Caticlan Port, nais ipalipat sa bayan ng Buruanga

Posted April 5, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: one or more people, sky, outdoor and waterBalak ngayon ng ilang opisyal ng Malay na mailipat ang operasyon ng RoRo sa Caticlan Port sa bayan ng Buruanga.

Ito ngayon ang hiling at nais mangyari ni Malay SB Member Nenette Aguirre-Graf upang mabawasan ang trapiko na nararanasan sa Barangay Caticlan.

Ayon sa konsehala, nagpapasikip sa daloy ng trapiko ang mga malalaking cargo trucks na bumababa mula RoRo Vessel na ang ilan umano ay may karga pang livestocks maliban pa sa mga provincial bus na patungong Iloilo.

Ayon kay Vice Mayor Abram Sualog, nag-usap na umano sila ng Buruanga Mayor Concepcion Labindao at sinang-ayunan daw nito ang paglipat ng operasyon ng RORO sa kanilang bayan.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Sualog si Graf na gumawa ng resulosyon sa Philippine Ports Authority o (PPA) na pabilisin ang konstruksyon ng port sa Buruanga upang mapabilis ang paglipat nito.

Samantala, kung si SB Member Fromy Bautista ang tatanungin, hindi pa umano handa ang Buruanga na tanggapin ang operasyon ng RoRo dahil wala pa silang port at ito ay magtatagal pa ng ilang taon bago matapos.

Suhestyon ni SB Member Dante Pagsuguiron, suriin muna ang kalidad ng tubig-dagat sa Caticlan at epekto nito sa patuloy na pagdaong ng malalaking barko.

Ang operasyon ng RORO ay nasa mismong Caticlan Jettyport kung saan entry point din ng mga turistang pumapasok sa isla ng Boracay.

Boracay, isasara sa mga turista sa loob ng anim na buwan

Posted April 5, 2018
Yes The Best Boracay NEWS ---- Kinumpirma ni Presidential Spokeperson Harry Roque na inaprobahan na ni Presidente Duterte ang rekomendasyon ng Inter Agency Task Force para sa temporary closure ng Boracay na mag-uumpisa sa April 26, 2018.

Image may contain: ocean, cloud, sky, tree, beach, outdoor, nature and waterSa isinagawang Press Briefing sa MalacaƱang kaninang tanghali, paglilinaw ni DOT Asec Ricky Alegre, hindi papayagan ang mga turista na makapasok sa Boracay sa panahon ng rehabilitasyon subalit bukas pa rin ito sa mga residente ng isla.

Ayon kay Roque, mag-uumpisa sila sa validation ng lahat ng mga resort kung sila ba ay compliant dahil magkakaroon ng drainage audit para malaman kung talagang konektado ang mga ito sa sewer line.

Bagamat may naunang panukala ang DTI na gawin ito “by phase”, hindi ito kinatigan ng DILG dahil prayoridad umano ngayon ng DENR na makalatag ng sewage line at karagdagang drainage system para masulosyonan ang problema sa waste water management sa buong isla.

Tinukoy din ni DILG Asec Epimaco Densing na polusyon ang pangunahing rason ng pangulo kung bakit ito isasara dahil naging open dumpsite na umano ang Material Recovery Facility ng Boracay maliban pa sa hindi magandang kalidad ng tubig na tinatapon sa dagat ng Bolabog Beach.

Dagdag pa ni Densing, dahil turista ang pangunahing market ng Boracay, makakatulong aniya ang pansamantalang pagsasarado ng isla sa kabawasan ng polusyon sa panahon ng rehabilitasyon kung kaya’t itinuon din sa April 26, panahon na dumadagsa ang turista dahil sa LaBoracay.

Sa ngayon ay hindi pa tiyak kung magkano ang ilalaan na pondo ng gobyerno sa buong rehabilitasyon dahil patuloy pa umano ang kanilang pag-aaral at pangangalap ng datos dahil isasama din nila sa pondo ang tulong na ilalaan sa mga mawawalan ng trabaho.

Nang matanong tungkol sa pananagutan ng mga local officials, ayon sa DILG, may case build-up para sa kasong administratibo sa mga local executives ng Aklan at Malay na ilalabas sa darating na April 14.

Sa darating na April 10, araw ng Martes ay magkakaroon ng Working Conference sa Boracay ang Inter Agency Task Force para mapag-usapan ang plano para sa mga manggagawa.

Samantala, nasa plano na rin ang posibleng massive islandwide clean-up bago ang gagawing closure sa Boracay kung saan target nilang imbitahan ang lahat ng naninirahan sa isla na sumama sa gagawing paglilinis.

Problema sa Boundary ng MATODA at UNRITODA, idinulog sa SB Malay

Posted April 5, 2018

Image may contain: 2 people, people sitting, table and indoorYes The Best Boracay NEWS ----Idinulog ni Liga President at Caticlan Punong Barangay Julieta Aaron sa Sangguniang Bayan ng Malay ang problema hinggil sa ruta at boundary ng dalawang asosasyon ng traysikel na MATODA TMPC ng Malay at UNRITODA ng Nabas.

Una rito, inilipat na ng pamunuan ng Caticlan Airport ang arrival area ng mga pasahero ng eroplano sa Barangay Union na sakop ng bayan ng Nabas at hindi na hinahatid sa mismong arrival area ng nasabing paliparan.

Bago ang paglipat sa Union, ang MATODA ang siyang pumipila sa labas ng airport at naghahatid ng mga turista at pasahero sa Caticlan Jettyport.

Ang problema ayon kay Aron ay nag-umpisa nang hindi na pinayagan ang MATODA na pumila sa Union at ibinigay na ito sa UNRITODA dahil sakop na raw ito ng Nabas.

Dagdag pa ni Aaron, nitong nakalipas na araw ay nagpulong na sila kasama ang MATODA at UNRITODA at nagkaroon ng pansamantalang kasunduan subalit nagkaroon ulit umano ng problema dahil sa usapin ng boundary ng Nabas at Malay.

Sa panayam kay MATODA TMPC Chairman Alex Nadura, wala naman silang problema kung hindi sila papilahin sa Union, Nabas subalit hiling din ng kanilang grupo na huwag din papilahin ang UNRITODA sa Caticlan.

Sa plenaryo, ani Malay Vice Mayor Abram Sualog nagkaroon ng problema problema dahil hindi manlang inabisohan ang Lokal na Pamahalaan ng Malay sa pagbabago ng dalawang pamunuan ng transportasyon.

Sa ngayon nais ni Aron na magkaroon ng joint session ang Sangguniang Bayan ng Nabas at Malay kasama ang Sangguniang Panlalawigan ng Aklan upang maayos ang isyu ng boundary ng dalawang munisipalidad at ruta ng dalawang TODA.

Turistang bumisita ngayong Marso mas mataas kumpara sa nakaraang taon

Posted April 3, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image result for tourist arrival boracayNakapagtala ngayon ng mas mataas na bilang ng turista ang buwan ng Marso kumpara sa nakaraang taon sa kaparehong ding buwan.

Sa datos na ibinigay ng Malay Municipal Tourism Office (MTO), sa nakaraang March 2017 nakapagtala lamang sila ng 167, 445 habang ngayong March 2018 umaabot ito sa 177, 081 na turistang nagbakasyon at piniling mag holy week sa isla ng Boracay.

Sa pahayag ng Municipal Tourism Office, kaya dumami ang bilang ng turista ngayong buwan ng Marso ito’y dahil sa mga cruise hip na dumaong nitong nakalipas na araw.

Samantala, nangunguna parin ang bansang China na may pinakamataas na bilang ng turista na bumisita sa isla, na sinundan naman ng Korea, USA, UK, Taiwan, Hongkong, Malaysia, Russia, Australia at Germany.

Pag-isyu ng special permits para sa Laboracay, itinigil na ng LGU Malay

Posted April 2, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: textItinigil na ng lokal na pamahalaan ng Malay ang pag-isyu ng special permits para sa malalaking events sa nalalapit na LaBoracay.

Sa inilabas na kalatas ng LGU-Malay, “unanimous” ang kanilang naging desisyon na ihinto ang pag-isyu ng permit sa mga malalaking events at organizers ng taunang LaBoracay na mangyayari mula Abril 27 hanggang Mayo 2.

Ang hakbang na ito ng LGU-Malay ay suporta umano sa isinasagawang rehabilitasyon sa isla dahil nakikita nilang maaaring mag-iwan ito ng tambak na basura at wastewater sakaling pahihintulutan ito.

Kaugnay nito, pinapahintulutan naman ang mga maliliit na organizers na magsagawa ng kanilang event.

Nabatid na ang LaBoracay ang pinakamalaking taunang event sa isla na dinadagsa ng mga mahigit kumulang 50,000 partygoers taon-taon.

Boracay Filipino Chinese Association, handang tumulong sa problemang Waste Water sa Boracay

Posted April 2, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 3 people, people sitting and indoorHanda umanong tumulong ang Boracay Filipino Chinese Association partikular sa pangunahing problemang ng isla ng Boracay, ang drainage system at waste water management.

Ito ang pahayag ni Thomas Santiago, Presidente ng Boracay Filipino Chinese Association sa ginawang press conference ng kanilang grupo kaugnay sa planong rehabilitasyon at paghahanap ng solusyon para maisaayos ang isla.

Ani Santiago, may ilang inisyatibo at paraan na sila para makatulong na hindi ipasara ang Boracay katulad aniya ng paggamit ng teknolohiya para madaling malinis ang tubig at pwede umano nila itong ipanukala.

Nagbigay na umano ng proposal ang kanilang grupo sa LGU Malay kung saan nakapaloob dito ang technology na makakatulong sa water treatment ng Boracay.

Image may contain: 2 people, people sitting and indoorSamantala, nagdulot na umano ng pagkalito sa mga turista at investors ang usaping “total closure” dahil hindi pa nila tiyak kung hanggang  sakaling mangyayari ito.

Aniya, apektado na kasi ang ibang flights na papunta ng Boracay halimbawa umano dito ang mga turistang Taiwanese na nagkansela na ng biyahe ngayong buwan.

Dagdag pa nito hindi kailangan magdeklara ng “total closure” sa Boracay dahil maraming maaapektuhan kung ipapasara ito lalo na ang kanilang tour guide association.

Apela nito sa National Government na huwag basta-bastang isara ang Boracay na siyang tourist destination ng marami lalo na ng mga turistang Chinese na siyang may pinakamataas na bilang na bumibisita sa isla.