YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, October 25, 2014

DPWH at LGU Malay, nagpatawag ng forum para ipaliwanag ang “Building Code” sa Boracay

Posted October 25, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dahil sa marami pa rin ang hindi nakakaintindi at hindi sumusunod sa ipinapatupad na “Building Code” sa isla ng Boracay.

Nagpatawag ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pakikipagtulungan ng Local Government Unit (LGU) Malay ng isang forum upang ipaliwanag ito sa mga engineer at business establishment owners sa isla.

Ayon kay Malay Mayor John Yap, bahagi ng redevelopment program ng National Technical Working Group para sa Boracay ang nasabing forum, kung saan layunin umano nito na magkaintindihan at magkaroon ng direksyon ang pagpapatupad sa mga batas sa isla kaugnay sa pagpapatayo ng mga gusali.

Anya, hindi naman lingid sa kaalaman ng  nakararami na may iilan paring mga gusali sa isla ang hindi sumusunod sa ipinapatupad na “Building Code."

Kaugnay nito, ipinaliwanag din ng alkalde na ito’y ipinapatupad para sa ikakabubuti ng lahat ng residente at sa lahat ng aspeto ng isla.

Samantala, umaasa naman ang lokal na pamahalaan na mapapanindigan at maisasakatuparan ito sa tulong ng lahat.

Magugunitang nagbaba rin ng isang moratorium ang lokal na pamahalaan ng Malay sa pamamagitan ng Executive Order No. 006 series of 2014 nitong nakaraang buwan ng Abril.

Boracay pasok sa top 30 bilang best island in the world ng Condé Nast Traveler magazine

Posted October 25, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinarangalan ng Conde Nast Traveler magazine ang isla ng Boracay bilang isa sa top 30 na pinakamangandang isla sa buong mundo ngayong 2014.

Ito ay base sa kanilang isinagawang survey mula sa kanilang mga readers para iboto ang kanilang mga paboritong travel experience sa mga hotel hanggang sa tour operators, isla at mga spa.

Nabatid na ang mga mambabasa ng Condé Nast Traveler ang pumipili ng pinakamagandang isla, siyudad, hotels, resorts, spas at cruise lines para sa readers choice award 2014 na kung saan ay taon-taon nila itong ginagawa simula noong 1998.

Napag-alaman inilagay ng mga readers ng US travel magazine ang Boracay sa ika-12 puwesto dahil sa “gentle coastlines, transporting sunsets and thriving nightlife scene.” na nakakuha naman ng puntos na 82. 683.

Binanggit din ng nasabing magazine na ang Boracay ay isang “itty-bitty island (10 square miles) sa Western Philippines at bilang pangunahing tourist destination sa Pilipinas.

Sa kabilang banda tinanghal naman ang Puerto Princesa Subterranean River ng Palawan bilang top 1 na new seven wonders of the world ng Condé Nast Traveler na nakakuha ng pontos na 88.75.

Kalibo-Numancia Bridge II, target na matatapos sa taong 2015

Posted October 25, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nasimulan na ang malalaking haligi na nagsisilbing paa ng Kalibo-Numancia Bridge II na kasalukayang makikita sa baba mismo ng nasabing tulay.

Ito ang sinabi ni Aklan District Engineer Noel Fuentebella, kung saan tuloy-tuloy na umano ang ginagawang proyekto ngayon at na-umpisahan  na ring itayo ang mga poste ng bagong ginagawang tulay.

Anya, target nilang tapusin ang construction sa March 2015.

Ayon pa kay Fuentebella, magiging isa itong magandang tulay, kung saan may kataasan ng kunti sa kasalukuyang Kalibo-Numancia bridge.

Nabatid na aabot sa P370 million ang magagastos sa 2-Lane Bridge na lalagyan din ng sidewalks, baluster railings at street lights.

Samantala, natulungan na rin umano ni Aklan Congressman Teodorico Harisco at ni Governor Joeben Miraflores ang 17 pamilyang apektado ng pagpapagawa ng bagong tulay, kung saan binigyan na rin sila ng relocation sites.

Asahan din aniya ng mga Aklanon ang mas magandang tulay na hindi na basta-bastang maabot ng tubig dahil sa elevation nito.

Friday, October 24, 2014

68 anyos na lolo, nakitang patay sa Aklan River

Posted October 24, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagpapatuloy pa rin sa ngayon ang imbestigasyon ng Kalibo Police Station hinggil nakitang bangkay ng 68- anyos na lolo sa Aklan River sa Bakhaw Sur Kalibo Aklan.

Ayon kay Police Officer 3 Joel Portos ng Aklan Scene of Crime Operations (SOCO), kinilala ang biktima na si Florencio Ventura Perez ng Jumarap Banga at kasalukuyang naninirahan sa New Buswang Kalibo Aklan.

Anya, base sa  kanilang inisyal na imbestigasyon, isang mangangasag ang nakakita sa bangkay ng biktima ala sais kaninang umaga.

Nabatid na kinailangan ding sumakay ng bangka ng mga myembro ng otoridad para makuha ang bangkay nito sa magubat na bahagi ng ilog.

Samantala, napag-alaman rin sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis na huling nakita ang biktima ala una ng madaling araw nitong nakaraang Myerkules at nakipag-inuman pa di umano.

Ayon naman sa salaysay ng pamilya ng biktima, madalas daw kasi umano itong umaalis at kung saan-saan na lamang pumupunta lalo na kapag nalalasing.

Sementeryo sa Sitio Sinagpa sa Barangay Balabag, planong ayusin ng HRP Boracay

Posted October 24, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Plano na ngayong ayusin ng Holy Rosary Parish (HRP) Boracay ang sementeryo sa Sitio Sinagpa sa Barangay Balabag.

Ayon kay HRP Boracay Priest Moderator Father ‘Nonoy’ Crisostomo, masikip at kailangang ayusin na rin ang nasabing sementeryo upang magkaroon ng sistema ang pagpapalibing doon.

Magkaganon paman, aminado rin ito na hindi pa sila nagkaroon ng pag-uusap ng LGU Malay tungkol dito lalo pa’t naisip din umano nitong ipahinto muna ang pagpapalibing sa nasabing sementeryo.

Samantala, nabatid din mula kay Crisostomo na nauna pa ang sementeryo sa Sito Sinagpa kaysa sa Manoc-manoc Cemetery bago pa nagkaroon ng parokya ang isla.

Nabatid na siksikan ang mga taong bumibisita sa Sinagpa Cemetery sa Barangay Balabag tuwing undas dahil sa maliit at masikip na rin ang nasabing lugar.

First Aid Olympics 2014 ng Red Cross, tampok ngayong araw

Posted October 24, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Tampok ngayong araw ang kauna-unahang First Aid Olympics sa isla ng Boracay.

Nabatid sa Red Cross Boracay-Malay Chapter na iba’t-ibang organisasyon at business establishment sa isla ang naglalaban-laban para dito.

Ayon kay PRC Malay-Boracay Chapter Deputy Administrator John Partrick Moreno, ang nasabing kumpetisyon ay isinasagawa ngayon sa beach area ng Boracay.

Anya, ang nasabing aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang sa World First Aid Day (WFAD) para ibahagi ang mga natatanging kaalaman sa “First Aid Training”.

Ilan lamang umano sa mga kasali dito ang Kabalikat Civicom, Tourism Regulatory Enforcement Unit (TREU) at Airport Fire Fighter.

Nabatid na kasama sa paglalabanan dito ang first-aid na itinuro sa kanila ng Red Cross para maiuwi ang cash prize at matanghal na kauna-unahang First Aid Olympics 2014.

Samantala, ilan pang naglalakihang resort sa Boracay ang sumali rin sa nasabing kompetisyon kasama ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng Malay.