YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, June 07, 2013

TEST POST

mabuhay ang mga hayahay sa Boracay! tune in na sa http://yesfm911boracay.blogspot.com/

Unang linggo ng pasukan sa isla ng Boracay, generally peaceful

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Limang araw na ngayon, mula nang magsimula ang araw ng pasukan ay kapansin-pansin na tila wala namang naging problema ang mga estudyante, mga magulang, maging ang mga guro sa isla ng Boracay.

Katunayan, ayon kay Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) Chief Police Senior Inspector Joeffer Cabural ay generally peaceful ang unang araw ng pasukan sa mga eskwelahan sa isla.

Wala umano kasing natanggap ang BTAC na anumang reklamo o insidente na may kinalaman sa pagbubukas ng klase.

Sinabi din nito na nagpapatuloy sa kasalukuyan ang kanilang operasyon na Oplan Balik Eskwela, kung saan araw-araw ay nakamonitor ang kapulisan ng isla sa buong paligid ng mga eskwelahan sa Boracay.

Matatandaang maging sa buong bansa ay inihayag din ng Philippine National Police o PNP na generally peaceful ang unang araw ng pasukan noong Hunyo a-tres.

Maliban lamang sa mga ilang reklamo kaugnay sa mga problema sa loob ng eskwelahan at ilang problema sa nagpapatuloy na enrollment sa ilang paaralan sa bansa.

Dahil sa baha, ilang silid aralan sa Boracay National High School, hindi pa magamit

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Hindi pa magagamit sa ngayon ang ilang silid-aralan sa Balabag National high school dahil sa pagbaha bunsod ng patuloy ng nararanasang pag-ulan.

Ayon kay Aklan Schools Division Superintendent CESO V Dr. Jesse M. Gomez, ito ang tinututukan ng Department of Education (DepEd) Aklan sa ngayon sa kanilang pagmomonitor sa nasabing paaralan para marisolba ang nasabing problema.

Aniya, hindi naman sana kulang ang mga classrooms doon, ngunit may ilan silid lang na hindi magamit dahilan sa kinasasangkutang kaso sa lupa ng nasabing eskwelahan.

Dagdag pa nito na dahil sa hindi humuhupa ang baha sa nasabing paaralan ay dino-double shift na lamang nila ang klase ng mga mag-aaral kung saan ibang estudyante sa umaga at ang iba ay sa hapon na lamang papasok.

Samantala, ayon pa kay Gomez, wala namang naging problema ang ilang mga paaralan dito sa isla ng Boracay, gayon din sa pagbubukas ng klase sa buong probensya ngayon taon.

Magkasunod na power interruption sa ilang bahagi ng Boracay noong Martes, ipinaliwanag ng Akelco

Ni Jay-r Arante, YES FM Boracay

Ipinaliwanag ng Akelco ang magkasunod na pagkawala ng kuryente kahapon sa ilang bahagi ng lugar sa isla ng Boracay.

Ayon kay Akelco Boracay Area Engineer Arnaldo Arboleda, hindi nila inaasahan ang sama ng panahon kahapon ng madaling araw na nagdulot pagkawala ng kuryente.

Aniya, sa kanilang pag-iikot at pag-iinspekyon sa mga linya ng mga kuryente.

Natukoy nila na ang mga dahon ng niyog sa area ng Balabag ang naging sanhi ng pagkawala ng supplay ng kuryente bunsod na rin ng sama ng panahon.

Nagdulot naman ng kalituhan sa mga mamamayan ang nasabing power interruption kung saan hindi umano sila naabisuhan para nakapaghanda lalo na at nagbukas na ang klase sa Boracay.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Arboleda ang mga residente at stakeholders sa isla ng Boracay na magbibigay naman agad sila ng abiso, sakaling magkakaroon sila ng power interruption para  makapaghanda ang mga residente at mamamayan.

Dengue, pinaghahandaan na ng ilang eskwelahan sa Boracay

Ni Kate Panaligan at Malbert Dalida, YES FM and Easy Rock Boracay

Ang panahon ng tag-ulan ay may iba’t-ibang hatid na kahulugan.

Maaaring para sa iba, ito’y kasiyahan, berdeng kapaligiran, o malamig na panahon.

Subali’t ito din ang panahon kung saan tumataas ang kaso ng dengue.

Bagay namang pinaghahandaan ng ilang eskwelahan sa isla ng Boracay.

Sa panayam kahapon kay Biological Science high school teacher Mr. Fernando Delos Reyes ng Lamberto Tirol National High School sa Brgy. Yapak, sinabi nito na ang kanilang eskwelahan ay palaging iniinspeksyon ang mga daanan ng tubig o mga lugar na pwedeng maimbak ang tubig na maaaring pangitlugan ng lamok.

Ito umano ang mabisang paraan upang mapuksa ang pagdami ng lamok.

Ang mga advisers partikular umano ang mga Science Teachers ay istriktong minomonitor ang “waste management’ and safety precaution” sa kaniolang eskwelahan.

Dagdag pa ni Delos Reyes na maliban sa araw-araw na paglilinis ay sinisiguro din nilang ang kanilang mga mag-aaral ay marunong magtapon ng basura sa tamang lugar.

Ang sakit na dengue ay isang viral infection na nagdudulot ng komplikasyon at nakakamatay.

Isang kompanya ng fast craft na bumibyahe sa Boracay, paiimbistigahan ng SB Malay

Ni Jay-r Arante, YES FM Boracay

Paiimbistigahan ng SB Malay ang isang kompanya ng fast craft na bumibiyahe sa isla ng Boracay.

Sa ginanap na SB session, sinabi ni SB Member Jupiter Gallenero na nakatanggap umano sila ng reklamo kaugnay sa isang fast craft na nagtatapon ng kanilang sea waste sa dagat ng Cagban port.

Ilang dispatchers din umano ng mga bangka ang nakakita nito, kung saan nakuhaan pa ng litrato ang nasabing ferry.

Kaya naman ayon pa kay Gallenero, dapat umanong maimbistigahan ang nangyaring insidente sa dahilang nakakasira ito sa isla ng Boracay.

Sinabi pa umano ng nakasaksi na hindi pa ito naaaksyunan, kung kaya’t kinakailangan din ng atensyon ng tourism officer at ng sanitation office para matigil na ang nasabing gawain.

Samantala, bilang tugon naman ni Chairman on Environmental Protection SB Member Dante Pagsuiron, sinabi nito na agad niyang aaksyonan ang naturang sumbong.  

Thursday, June 06, 2013

Expansion ng sewer line sa Bolabog tatapusin na ng BIWC sa Hulyo

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Tatapusin na ng Boracay Island Water Company Inc. (BIWC) ang kanilang proyektong sewer line expansion sa Bolabog area sa buwan ng Hulyo.

Ayon kay Boracay Water Customer Service Officer Acs Aldaba, maaari nang magpakonekta ang mga establisyemento doon kapag natapos na ang nasabing expansion.

Wala umano kasing sewer line doon kung kaya’t on going o patuloy ang kanilang paggawa nito.

Sinabi din ni Aldaba na hindi nila iiwang butas-butas na lamang ang kalsada, kundi ibabalik nila ito sa dati.

Samantala, kaugnay naman sa nararanasang pagbaha sa Boracay National High School lalo na tuwing umuulan, drainage concern umano ang naturang problema na dati pa nilang inaaksyunan, bilang tulong nila sa nasabing eskwelahan.

Napag-alamang nitong nagdaang Hunyo 2012 pa sinimulan ang nasabing proyekto.

Wednesday, June 05, 2013

Expansion ng Don Ciriaco S. Tirol Memorial Hospital, Boracay hospital malabo pa rin --- SB Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Malabo pa rin sa ngayon ang request ng Provincial Government ng Aklan sa expansion ng Don Ciriaco S. Tirol Memorial Hospital sa isla ng Boracay.

Ayon kasi kay SB Member Rowen Aguirre, hinahanap pa rin nila sa ngayon ang tunay na sukat o kung ilang metro ang pinagtatayuan ngayon ng nasabing ospital at ng health center.

Nabatid na ang nasabing lupa ay idinonate ni Engineer Ciriaco Tirol, noong taong 1987 sa Barangay Balabag sa isla ng Boracay, kaya hindi ito basta-bastang mai-a-alis sa ngayon para sa pagpapalaki ng naturang ospital.

Dagdag pa ni Aguirre, itinayo ang naturang health office para makapagserbisyo sa mga tao sa isla ng Boracay, gayon din ang health clinic para sa mga health services sa maraming komunidad.

Aklan Provincial PESO, nagbabala sa mga Aklanon laban sa mga hindi lisensyadong business establishments at recruitment agencies

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Pinag-iingat ng Aklan Provincial Public Employment Service Office (PESO) ang lahat ng mga nag-a-apply ng trabaho laban sa mga iligal at hindi lisensyadong business establishments at recruitment agencies.

Ayon sa inilabas na press release na pirmado ni Aklan Provincial PESO Manager Vivian Ruiz-Solano, bilang miyembro ng Aklan Provincial Anti-Illegal Recruitment (AIR) Task Force, responsibilidad nilang pangalagaan ang kapakanan ng mga Aklanon laban sa mga mapag-samantalang employers at nagpapanggap na magbibigay ng magandang trabaho sa mga ito.

Ang kanilang tanggapan din ang siyang inatasan na mag-bigay ng impormasyon tungkol sa mga job vacancies.

Kasama na din dito ang pagbibigay ng impormasyon sa radyo, telebisyon at pati sa mga babasahin.

Dahil dito, nanawagan ang Aklan Provincial PESO na bago magbigay o mag-ere ng impormasyon ang media tungkol sa mga hiring at job vacancies ay siguraduhin muna kung dumaan ito sa kanilang tanggapan.

Higit na pinag-iingat ang mga naghahanap ng trabaho, lalo na kung ito ay may kinalaman sa overseas hiring o mga consultancy firms.

Una nang naglabas ng pahayag ang Philippne Overseas Employment Administration (POEA) na pinag-iingat din ang publiko mula sa mga immigration consultants at travel agencies, na maliban sa mga travel packages ay nangangako din ng trabaho sa mga magma-migrate ibang bansa.

Tuesday, June 04, 2013

Problema kaugnay sa barangay ID ng Balabag, aaksyunan ni Barangay Captain Lilibeth Sacapaño

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

“Within this week, basta’t may ink, ipapagawa ko agad ‘yan.”

Ito ang sinabi ni Barangay Captain Lilibeth Sacapaño kaugnay sa reklamong inilapit ng isang residente ng Barangay Balabag sa himpilang ito.

Sa sumbong kasi ng hindi na pinangalanang nagrereklamong babae, hindi pa rin umano nila nakukuha ang kanilang Barangay ID kahit iIang beses pa silang pinababalik-balik doon ng photographer/techinician ng barangay Balabag na si Marvin Maguindanao.

Ang masaklap, sinabihan pa umano siya ni Maguindanao na ibabalik na lamang ang kaniyang pamasahe, na siya namang ikinasasama ng loob nito.

Samantala, ayon pa naman kay Sacapaño, hindi niya alam na may mga ganitong problemang nangyayari tungkol sa pagre-release ng mga barangay ID.

Kaya naman sa pakikipanayam ng himpilang ito kanina kay Sacapaño, sinabi nito na kanyang aalamin kung ano pa ang ibang problema para kaagad na maayos.

Iginiit din nito na ang pagkuha ng barangay ID ay hindi pahirapan, lamang na ma-comply ang mga hinihinging requirements.

Sinubukan namang kunan ng pahayag ng himpilang ito ang photographer na si Maguindanao, subali’t tumanggi itong magbigay ng kanyang komento.

Matatandaang nitong Enero 2013 pa sinimulan ang pagproseso ng mga barangay ID, subali’t hanggang ngayon ay marami paring nag-apply nito na pabalik-balik sa barangay ngunit hindi pa rin nakakakuha ng ID.

Iba’t-ibang ahensya ng gobyerno sa Malay, dadalo sa seminar ng Civil Service Commission

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Dadalo sa seminar ng Civil Service Commission sa Iloilo ang mga kinatawan ng ibat-ibang ahensya ng gobyerno sa Malay.

Ayon kay DOT Officer in Charge Tim Ticar, layunin umano ng seminar na maimprove ang supervisory knowledge ng mga namamahala sa mga government unit.

Magsisimula ang nasabing seminar bukas, a-singko ng Hunyo taong kasalukuyan, hanggang sa araw ng Biyernes.

Ilan lamang sa mga dadalo ay ang lokal government unit ng Malay, NGOs, DILG at ilang mga regional officer.

Layunin din umano ng nasabing seminar ay para ma develop ang mga ginagawang proyekto ng ibat-ibang ahensya ng gobyerno dito sa probinsya ng Aklan lalo na sa isla ng Boracay na sentro ng turismo sa bansa.

Construction Safety Training, ilulunsad ng DOLE sa Boracay

Ni Malbert Dalida, YES FM Boracay

Isang Construction Safety Training ang nakatakdang ilunsad ng DOLE o Department of Labor and Employment sa Boracay sa ika labimpito ng Hunyo.

Ayon kay Aklan DOLE Head Vidiolo Salvacion, mahalaga ang napapaloob sa nasabing training lalung-lalo na para sa mga nagtatrabaho sa mga construction industry.

First come first serve basis at libre din umano ito, kung kaya’t kailangang magparehistro o makipag-ugnayan kaagad sa DOLE Aklan Field Office, sa 2nd floor Casa Martelino Building, 19 Martyr Street, Kalibo, Aklan kasama ang mga taga-Occupational Safety and Health Center Manila.

Ibibigay ng DOLE ang nasabing training sa loob ng limang araw para sa mga tinatawag na small at sub-contractors.

Maaari din umanong makipag-ugnayan sa Aklan Field Office sa 268-5420, 500-7107 at cell phone number 0917-3273-132.    

DepEd Aklan walang naging problema sa unang araw ng pagbubukas ng klase

Ni Jay-ar Arante, YES FM Boracay

Walang naitalang problema ang Department of Education (DepEd) sa unang araw ng pagbubukas ng klase ngayong taon.

Ayon kay Education Program Supervisor DepEd Aklan Michael Rapiz, naging “smooth and peaceful” umano ang unang araw ng pagbubukas ng klase dito sa Aklan dahil na rin sa ginawa nilang pagmomonitor sa mga paaralan.

kaugnay nito, pinasalamatan niya din ang mga tumulong sa kanilang preparasyon ngayong taon kabilang na ang media, education stakeholders at ang ibat-ibang ahensya ng gobyerno na naging kasama sa kanilang mga programa sa pagbubukas ng klase.

Samantala, naging aligaga naman ang mga guro at estudyante lalo na ang mga magulang sa pagbubukas ng klase dito sa isla ng Boracay, kung saan naging katuwang naman nila ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) sa pagsisguro sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Monday, June 03, 2013

Mga operators ng E-trike pauutangin ng BanKO Savings Bank

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pauutangin ng BanKO Savings Bank ang mga operators ng electric tricycles (e-trike) para makakuha ng nasabing sasakyan.

Ayon kay BanKO Vice President for Emerging Markets Gigi Gatti, ito umano ang kauna-unahang proyekto nila na naging kasama ang international sector at ang LGU para sa ganitong proyekto.

Aniya, may mga kwalipikasyon sila na hinahanap sa mga operators na pwede nilang pautangin para mapagkatiwalaan nila sa oras ng pagpagbayad.

Maglalagay din sila ng mga lugar dito sa isla ng Boracay kung saan pwede ding makapagbayad ang mga operators sa hinuhulugan nilang sasakyan.

Isa lang umano ito sa mga benipisyong matatanggap ng mga mga mag-o-operate ng nasabing sasakyan.

Una nang sinabi ni Malay SB Member Dante Pagsugiron na tatlong taong malilibre sa mayor’s permit ang mga naunang nakapag-avail sa nasabing sasakyan.

Matatandaang ang e-trike ang siyang papalit sa mga tricycle unit na bumabyahe dito sa isla ng Boracay na inaasahang mag-uumpisa na sa mga susunod na buwan nitong taon.

Samantala, ngayong linggo naman ay mabibigyan ng certificate ang pangalawang batch na makakakuha ng e-trike.

Apela ng mga hotel at resorts tungkol sa Income Tax Holiday, sinupalpal ng Department of Finance

Ni Mark Anthony Pajarillo, YES FM Boracay

Hindi na kailangan pa ang Income Tax Holiday (ITH) para sa mga tinatawag na “hottest tourism destinations”.

Ito ang iginiit ni Department of Finance Secretary Cesar Purisima kaugnay sa apela ng Philippine Hotel Federation, Inc (PHFI).

Ayon kay Purisima, ang ITH ay para lamang umano sa kapakanan ng iilan at hindi para sa ikauunlad ng tourism investments.
Ang nasabing apela ay kaugnay parin sa epekto ng travel ban ng bansang Taiwan sa Pilipinas kamakailan lang, na naranasan ng mga tourist destination sa Pilipinas katulad ng Metro Manila, Cebu City, Mactan at Boracay Island.

Nabatid sa report na ang PHFI ay umapelang bawiin ng Board of Investments ang  Regulation No. 2013-001.

Nakasaad kasi sa nasabing regulasyon na ang mga accommodation establishments sa mga nabanggit na tourist destination ay magiging entitled o karapat-dapat lamang sa tinatawag na Capital Equipment Incentives.

Ang income tax holiday ay isang government incentive program na nagbibigay ng tax reduction o bawas sa binabayarang buwis.

Comelec Malay, wala pang natatangap na statement of expenditures sa mga tumakbong politiko

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Negatibo pa rin ngayon ang bayan ng Malay sa mga politikong tumakbo noong nagdaang eleksyon.

Ayon kay Kalibo Acting Comelec Chairman Getulio M. Esto, nagbabala ngayon ang Comelec sa mga tumakbong kandidato na maaari silang pagmultahin kung hindi nila maisusumite ang kanilang Statement of Expenditures sa nakaraang eleksyon.

Binigyan lamang nila hanggang sa Hunyo a-trese taong kasalukuyan ang mga tumakbong pulitiko na maipasa ang kanilang mga ginastos sa buong election period.

Batay sa Comelec Resolution 9476, obligado ang lahat ng mga lumahok sa national and local elections na sundin ang mga patakaran tungkol sa campaign finance.

Dagdag pa nito sa mga kandidatong nanalo na hindi makakapag sumite ng kanilang Certificate of Expenditures ay hindi sila makaka-upo sa kanilang pwesto.

Samantala ang mga natalong kandidato na hindi umano makakapasa ng kanilang kabuuong nagastos noong eleksyon ay magkakaroon ng first offense at pagmumultahin ng P1,000.00 hanggang P30,000.00 at ang pangalawang offense ay P2,000.00 hanggang P60,000.00.

Comelec Aklan, hindi pa nakakapag-“move on” sa nakaraang eleksyon

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Aminado ngayon ang Comelec Aklan na hindi pa sila nakakapag-“move on” sa nagdaang eleksyon dahil sa tambak pa nilang trabaho.

Ayon kay Kalibo Acting Comelec Chairman Getulio M. Esto, sa ngayon ay patuloy pa rin ang kanilang trabaho sa nagdaang eleksyon dahil hindi pa nakapag-sumite ang mga tumakbong kandidato ng kanilang total expenses na mga ginastos nila nong silay nangangampanya.

Dagdag pa nito, kung matutuloy umano ang Barangay at SK eleksyon sa Oktubre ay kukulangnin umano sila ng sapat na preparasyon at naninimbang sila sa maikling oras.

Pero ayon kay Esto, meron umanong batas na dapat sundin kung ano ang magiging desisyong na kongreso at tatalakayin pa umano ito sa 16th Congress.

Aniya, maaaring PCOS machine pa rin ang gagamitin kung sakaling matuloy ang eleksyon upang mapadali ito, kahit na baranggay at SK lamang ang sasailalim sa nasabing halalan.

Samantala, ang mga nanalong kandidato nitong nagdaang eleksyon ay inaasahan namang manunumpa sa Hunyo trese at uupo sa Hunyo uno taong kasalukuyan.

Mga masuwerting operator nakakuha na ng certificate para sa e-trike

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Mapalad ang 100 operators na nakakuha ng certificate para makapag-operate ng electric tricycles (e-trike) na papalit sa mga nakasanayan nang tricycle units dito sa isla ng Boracay.

Pinangunahan ni Mayor John Yap ng Malay ang nasabing launching kung saan dinaluhan ito ng mga operators na unang makakapag-avail ng nasabing sasakyan.

Nagpapasalamat naman siya sa mga sumuporta sa nasabing proyekto at masuwerte umano ang mga taga-Boracay sa programang ito dahil ito ang kauna-unahang e-trike project sa bansa na sinuportahan ng international sectors, kasama ang BanKO Savings Bank.

Dagdag pa nito, hindi umano ito para sa kanila kundi para sa napakaraming turista na matutuwa dahil sa hindi ito magdudulot ng polusyon at isa rin itong dagdag atraksiyon sa isla ng Boracay.

Samantala, ang mga naunang masuwerting nakaapag-file para maka-kuha ng e-trike ay may benipisyo dahil tatlong taon silang exempted sa pagbayad ng permit para makapag-operate.