YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, March 15, 2014

International Frisbee Competition sa Boracay, nagsimula na kahapon

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nagsimula na ang sikat na laro at inaabangang 12th Boracay Open International Frisbee Competition sa isla.

Dakong alas-onse ng umaga kahapon ay sinumulan ng buksan ang itinuturing na pinakamalaking beach tournament sa Asya.

Ito ay kinabibilangan ng mahigit sa apat na raang mga partisipante na nagmula pa sa ibat-ibang bansa para lumahok sa nasabing sports event.

Kabilang rito ang Boracay Dragons na naging tanyag na rin sa pagkapanalo sa ibat-ibang bansa dahil sa nasabing kumpetisyon.

Nabatid na ang Boracay Dragons ay ang 2nd best beach ultimate team sa buong mundo matapos nilang makamit ang silver medal finish ng dalawang beses.

Ang una ay noong nakaraang taong 2007 sa Maceio, Brazil kontra sa Australia at ang isa ay kontra USA sa Lignano Sabbiadoro, Italy noong 2011.

Plano namang masungkit ng nasabing kupunan ang gold medal sa susunod na taon para sa World Beach Championship sa Dubai.

Samantala, ang nasabing kumpetisyon ay isinasagawa sa Station 3 Boracay kung saan nagsimula na ito kahapon at magtatapos bukas araw ng Linggo.

Pagtalaga sa bagong Head ng DSWD Aklan, kinumpirma na sa Sangguniang Panlalawigan

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kinumpirma na sa Sangguniang Panlalawigan (SP) Aklan ang pagkakatalaga sa bagong Department Head ng Provincial Social Welfare & Development Office.

Sa ginanap na SP 9th Regular Session nitong myerkules.

Kinumpirma ng mga myembro konseho ang letter request ni Gov. Florencio Miraflores sa pagtatalaga kay Evangelina Gallega bilang bagong Provincial Government Department Head ng ahensya.

Sa kabilang banda, sinabi naman ni Gallega na sa ilalim ng kanyang pamamahala ay plano nya ngayong paigtingin pa ang mga programa at serbisyo ng ahensya lalong lalo na ang sa Child Protection and Protection among women.

Ito’y upang mabigyang diin narin umano ang kanilang mga karapatan at patuloy na maipatupad ang mga programa katulad ng mga skills training at personality development.

Samantala, nagpapasalamat naman si Gallega sa tiwalang ibinigay sa kanyang kakayahan ng Aklan Provincial Government na pamunuan ang nasabing ahensya.

Umupo si Gallega noong March 4, 2014 at kinumpirma naman sa posisyon nitong March 12, 2014.

50 anyos na Deutsch national, ikinustodiya sa BTAC matapos tangkaing hampasin ng umbrella stand ang may ari ng isang bar sa Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Takot at pagkabahala.

Ito ang naramdaman ni Teodora Langley, 47 anyos at may ari ng isang bar sa Boracay matapos na tangkaing hampasin ng umbrella stand ng isang 50 anyos na Deutsch national.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP Station, regular na customer ng nasabing bar ang nasabing turista na nakilala kay Andreas Heinrich Diekman, 50 anyos ng Ludinghausen, Germany at isang Deutsch national.

Lumalabas sa imbestigasyon na lagi na lamang kasi umanong nanggugulo ang turista tuwing pumapasok ito sa nasabing bar at nang-iisturbo sa iba pang mga customer.

Kaya’t minarapat na rin ng may ari nito na huwag nalang muna itong papasukin para hindi na magkagulo.

Subalit, nagalit umano si Diekman at pinagmumura ang may ari kung saan habang naglilinis umano ito sa garden area ng nasabing bar ay tinangka nitong hampasin ng umbrella stand na agad naman umanong nakatakbo at nakapagtago sa isang kwarto.

Samantala, patuloy naman sa pagsisigaw at pagmumura ang Deutsch national na nagresulta rin sa pagkabahala ng ilang mga bisita doon.

Bagay na humingi na ng tulong sa Boracay PNP Station ang nasabing bar na naging dahilan upang pansamantalang ikustodiya ang nasabing turista.

Coral REEFurbishment Project, alternative livelihood program para sa mga mangingisda – Mayor John Yap

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Hindi lamang para sa turismo ang maitutulong ng  Coral REEFurbishment Project o ang proyekto para sa tinatawag na “Coral Restoration” kundi pati na rin sa mga mangingisda.

Ito ang sinabi ni Malay Mayor John Yap sa isinagawang launching nitong byernes ng nasabing proyekto para sa patuloy na pagpoprotekta ng mga korales sa isla ng Boracay.

Aniya, magbibigay rin ito ng alternatibong pagkakakitaan para sa mga mangingisda dahil isa rin sila sa mga aatasan na mangangalaga at magbabantay sa ipatutupad na programa.

Dagdag ni Yap, may ilan din kasi noon ang gumagamit ng mga ipinagbabawal na proseso sa pangingisda kung saan nagreresulta sa pagkasira ng mga korales na karaniwang tinitirhan ng mga isda.

Samantala, sinabi din nito na maliban pa sa mga nabanggit ang magagawa ng nasabing proyekto.

Magiging tulong rin ito upang mas mapatatag ang turismo ng isla dahil magiging atraksyon ito para sa mga under water activities.

Ang Coral Reef Refurbishment Project ay bahagi ng proyekto ng Coastal Resource Management Program at sa ilalim rin ng Boracay Beach Management Program.

BFI President Salme, pinasamalamatan ang Petron Foundation sa patuloy na suporta sa Coral REEfurbishment Program

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

“Preserve what we have; Restore what we lose”.

Ito ang makahulugang sinabi ni Boracay Foundation Inc. (BFI) President Jony Salme, hinggil sa Coral REEfurbishment na isa sa mga proyekto ng Boracay Beach Management Program (BBMP).

Aniya, malaki umano ang maitutulong ng nasabing programa upang maibalik ang mga nasirang korales sa isla ng Boracay at makikita pa ng mga susunod na henerasyon.

Kaugnay nito malaki rin umano ang kanyang pasasalamat sa patuloy na suporta ng Petron Foundation para maisakatuparan ang nasabing programa.

Samantala, sinabi din ni Salme na malaki rin ang papel na gagampanan ng mga mangingisda kung saan sila ang mangangalaga at magmomonitor sa pagtatanim ng mga korales.

Nabatid na nagbigay ng limang-daang libong piso si Marilou Erni ng Petron Foundation bilang suporta pinansyal sa Coastal Resource Management maliban sa pondong inilaan ng ilang ahensya ng gobyerno.

Muli namang ipinaalala ni Salme sa publiko maging sa mga turista na ingatan ang mga likas na yaman sa Boracay lalo na’t parami na ng parami ang mga dumadayo dito at nagkakaroon ng mga iba’t-ibang aktibidad.

Friday, March 14, 2014

Summer sa Boracay, pinaghahandaan na ng AKELCO

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinaghahandaan na ngayon ng Aklan Electric Cooperative o AKELCO ang pagpasok ng summer season sa isla ng Boracay.

Katunayan abala sila sa ginagawang clearing operation sa lahat ng mga poste ng kuryente sa isla.

Ayon sa Akelco Boracay Substation, taon-taon nila itong ginagawa lalo na kapag papalapit na  ang panahon ng summer upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga power interruption.

Paniguro naman ng Akelco na marami na namang mga turista ang dadagsa sa Boracay ngayong tag-init na nagiging dahilan ng pagdami ng mga gumagamit ng kuryerte.

Layunin din umano nila na makapagbigay ng tuloy-tuloy na serbisyo ng kuryente sa lahat ng mga lugar sa Boracay lalo na ngayong mainit na ang panahon.

Sa kabilang banda siniguro naman ng Akelco na isang daang porsyento ng naayos ang lahat ng wire ng kuryente sa isla matapos ang nagdaang bagyong Yolanda o alin mang insidente na may kinalaman sa faulty wire connections.

Samantala, pag-unawa parin ang hiling ng Akelco sa lahat ng kanilang mga miyembro at kunsumidor dahil sa nararasang mga power interruption sa isla ng Boracay at buong probinsya ng Aklan.

Coral REEFfurbishment Project, inilunsad na sa Boracay

Ni Alan  Palma Sr., YES FM Boracay

Inilunsad na ang proyekto ng Boracay Beach Managemant Program para muling paramihin ang mga korales sa karagatan ng Boracay sa pamamagitan ng Coral REEfurbishment Program.

Ito'y ipinagsamang proyekto BFI at Petron Foundation kasama ang lokal na pamahalaan ng Malay kung saan pinangunahan ni Mayor John Yap ang pagpasinaya kasama ang ilang bisita.

Layunin umano ng proyekto na bigyan ng ibang pangkabuhayan ang mga mangingisda sa Malay sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga korales sa palibot ng isla.

Target din na maayos ang yaman-dagat bilang isang importateng atraksyon sa industriya ng turismo.

Naglaan naman ng limang-daang libong piso si Marilou Erni ng Petron Foundation bilang suporta pinansyal sa Coastal Resource Management maliban sa pondong inilaan ng ilang ahensya ng gobyerno.

Maliban sa mga mangingisda , dinaluhan din ang nasabing aktibidad nina BFI President Jony Salme, BBMP Project In-charge Al Lumagod,mga lokal na opisyal ng Malay at  propesor at expert mula  sa JICA o Japan International Cooperation Agency

CENRO Boracay, inihayag ang masamang epekto sa paggawa ng sand castle sa beach front ng isla

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Problema pa rin ngayon ang illegal na paggawa ng mga sand castle sa beach front ng Boracay.

Kaya naman inihayag ngayon ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Boracay  ang masamang epekto nito sa isla.

Ayon kay CENRO Boracay Officer In Charge Jonne Adaniel

Maliban kasi sa ngakakaroon ito ng epekto sa wave of action ng tubig tuwing high tide dahil sa mga naglalakihang sand castle na hindi agad nagigiba.

Mapanganib din para sa mga turista ang maglakad sa gabi o madaling araw sa beach front, lalo na sa mga bahaging madilim.

Samantala, sinabi rin ni Adaniel na isa ito sa mga isyu ngayon na kanilang tinututukan kasama ang lokal na pamahalaan para ma-regulate ng maayos ang mga batang karaniwang gumagawa nito.

Nabatid na batay kasi sa Municipal Ordinance No. 264, series of 2007 ng LGU Malay mahigpit na ipinagbabawal ang paggawa ng sand castle sa isla ng Boracay.

Nakasaad rin sa ordinansang ito na maaaring pahintulutan ang paggawa ng sand castle kung ito’y para sa promotional o special event ngunit kinakailangan parin na makakuha sila ng kaukulang Mayor’s permit at may nakalaan ding bayad para dito.

Nabanggit din sa nasabing ordinansa na maaaring magbayad ng 2,000.00 ang mga violators na gagawa ng sand castle.

Kaugnay nito, nanawagan naman si Adaniel sa lahat ng mga establisemyento sa beach front na makipagtulungan sa LGU Malay upang matigil na ang gawaing ito.

MoA para sa Boracay-Malay bridge, nasa calendar na sa 2nd at final reading ng SB Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nasa calendar na sa 2nd at final reading ng Sangguniang Bayan ng Malay ang Memorandum of Agreement (MoA) sa proposed project na Boracay-Malay bridge.

Ito’y makaraang mag-request si Mayor John P. Yap ng authority sa Committee on Laws at Committee on Public Utilities na pumasok sa Memorandum of Agreement sa Daewoo Engineering and Construction Co. Ltd. para magsagawa ng pag-aaral tungkol sa proposed Project.

Sa ginanap na SB Session sa Malay nitong Martes, muli itong tinalakay kung saan sinabi ni SB Rowen Aguirre na nakapagbigay na ng kanilang Company profile ang Deawoo.

Sakaling ma aprobahan na ito sa SB Malay, maaari ng magsagawa ang Daewoo Engineering and Construction Company ng pag-aaral upang malaman nila ang technical at engineering design, environment at socio-economic aspect ng nasabing proyekto kabilang na ang gagastusin para dito.

Napag-alaman na uunahin ng Daewoo na suriin ang lugar na posibleng pagtayuan ng nasabing tulay at ito rin ang magiging basehan kung maaari na ngang ipatayo.

Samantala, nabatid na sakaling matuloy man ang nasabing proyekto ay inaasahan itong  ipatayo sa Sitio. Tabon Baranggay Caticlan papuntang Manoc-manoc sa isla ng Boracay.