YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, March 02, 2013

Spokesperson ng Ati Community sa Boracay, naihatid na sa kanyang huling hantungan


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Naging “heroic” ang nagyaring paghahatid sa kanyang huling hantungan kay Ati Community Spokesperson Dexter Condez nitong umaga.

Sapagkat hindi maitatanggi kung paano nakisimapatiya ang mga tao, na naging emosyunal sa huling sulyap kay Condez.


Maliban sa mga nasyonal na personalidad na humihingi ng hustisya para sa pinaslang na Ati spokesperson, ang Simbahang Katolika, at mga simpleng mamamayan sa Boracay ay nagpakita ng kalungkutan sa pagkawala nito sa misa na isinagawa kanina.

Punong-puno rin ang Simbahan nitong umaga ng isinagawa ang misa ng mga taong nagmamahal kay Condez at nagpakita ang mga ito ng kanilang simpatya.

Hustisya naman ang paulit-ulit na hiningi ng buong Ati Community para sa kanilang guro, kapatid at taga pagsalita ng kanilang angkan.

Bilang mensahe naman para sa mga naulila ni Condez lalo na sa buong kumunidad ng Ati, pagresolba sa kaso, at malinawan na ang isyu sa lupa na kinatitirikan ng kanilang mga tirahan ang naipangako ng National Commission on Indigenous People Philippines (NCIP) at National Anti-Poverty Commission (NAPC).

Maituturing naman na heroic ang pagkamatay ni Condez, dahil nagdala ito ng maraming bagay upang makita rin ang totoong estado ng mga Ati sa isla at pinaslang ito habang ipinaglalaban ang kanilang karapatan para sa kanilang komundad. 

Itinuturong gunman sa pagpatay sa spokesperson ng Ati Community sa Boracay, itinanggi ang paratang


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Habang nagluluksa ang buong Ati Community sa Boracay dahil sa pagpaslang sa kanilang spokesperson na si Dexter Condez, pagkatapos ng libing nito nitong umaga ay nagpalabas naman ng opisyal na pahayag ang abogado ng Crown Regency Resort na siyang mistulang itinuturo umano ngayon na may motibo sa pamamaslang sa nasabing katutubo.

Sa presscon na ipinatawag ng nasabing resort, mariin nilang itinatanggi na may kinalaman sila sa pagpapatay kay Condez.

Dahil kung agawan umano sa lupa ang rason, wala umano silang isyu sa Ati Community, gayong hindi bahagi ng lupang nabili nila ang kinatitirikan ng bahay ng mga Ati.

Dahil may tatlo pa umanong claimants ng lupang ito na ibinigay ng pamahalaan sa mga katutubo, ayon kay Atty. Deolito Alvares.

Ginawa umano nila ang pahayag na iyon, dahil nakaladkad na ang pangalan ng kanilang resort sa pamamarilna ikinasawi ni Condez na nangyari noong ika-22 ng Pebrero.

Kasabay nito, iniharap din sa media ni Alvares ang tinuturong suspek sa pamamaril upang malinaw din umano ang pangalan nito, kasabay ng pagtatangging may kinalaman din ito sa insidente.

Ang itinuturong suspek ay guwardiya ng nasabing resort hanggang sa ngayon na si Daniel Celestino.

Hinamon naman ni Alvares ang mga tumatayong saksi sa insidente na sumailalim ang mga ito sa lie detector test kasama ang suspek upang mapatunayan kung sino ang nagsasabi ng totoo.

Tinawag naman ng abogado na “fabricated” o gawa-gawa lamang umano ang paratang laban sa kanila at maging sa suspek.

Una rito, duda na ang Simbahang Katolika sa Boracay na posibleng agawan sa lupa ang rason ng pagpaslang kay Condez, na siyang motibo naman na tinututukan ng pulisya sa ngayon.

9 na bahay sa Boracay, nilamun ng apoy!

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Patuloy pa ring iniimbestigahan ng Bureau of Fire Boracay ang sanhi ng nangyaring sunog nito hapon sa Sitio Bantud Barangay Manoc-manoc.

Sa Initial na imbestigasyon, napag-alaman mula kay Fo3 Franklin Arubang, na siyam na pamamahay ang natupok ng apoy na nagsimulang lumiyab bandang 3:50 ng hapon.

Karamihan umano sa pamamahay na ito ay gawa sa light materials.

Kung saan ang nagmamay-ari ay kinilalang sina, certain “Ike”, Aven Casimero, Cheryl Sinomie. Archie Francisco, certain “Doy”, Verlin Dela Cruz, Michelle Tores, Roweda Siquia ,at Llyoda Sibusa.

Sa ngayon ay hindi pa umano matukoy kung saan nagmula ang apoy at kung ano ang sanhi.

Pagpatay ng Ati Spokesperson sa Boracay, naging mitsa para makita ang totoong sitwasyon ng mga katutubo sa isla


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Tila nakita na ngayon ng mga kinauukulan sa national government ang problema ng mga Ati sa Boracay.


At ang pagkamatay ng kanilang spokesperson na si Dexter Condez ang naging rason.

Sapagkat sa libing ni Condez nitong umaga, maging ang kapatid ni Pangulong Benigno Aquino III na si Viel Aquino-Dee, ng Assisi Development Foundation ay nanghihinayang sa biktima, dahil sa maraming mga bagay na umano ang nagawa at magagawa pa sana ni Condez para sa kanilang komunidad.

Dahi dito, maging si Aquino ay nanawagan sa otoridad na gawin ang kanilang trabaho upang napanagot ang salarin at magkaroon ng hustisya ang biktima.

Sa bahagi naman ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) nangako ang mga ito na tutulong din sa mga katutubo para sa hustisyang hinihingi.

Ganoon din upang magbigyang linaw ang mga Ati sa Boracay lalo na sa lupa na ibinigay sa kanila ng pamahalaan, pero hanggang sa ngayon ay inaangkin pa ng iba.

Maging ang buong Simbahang Katolika sa Aklan ay nakikipagsimpatiya at pinapanalangin din na makamit ang hustisya hindi lamang para kay Condez, kundi para sa buong Ati Community sa isla.

Kung saan ang misa nitong umaga na dinaluhan ng halos dalawangpung pari mula sa iba’t ibang bayan sa Aklan, na pinagunhan ni Bishop Jose Corazon Talaoc.

Sinabi ni Talaoc sa kaniyang homily na sana ay mangi-alam at tumulong din ang lokal na pamahalaan para sa ikaka-resolba ng kaso.

Sa mensahe naman ni National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary Joel Recamora  nitong umaga pagkatapos ng misa sa libing ni Condez, nangako din ito na kung hindi man umano naramdaman ang tulong at simpatiya ng lokal na pamahalaan sa pagpaslan sa Ati spokesperson.

Tiniyak nito na sila sa national level ay magtutulungan upang mapanagot ang gunman at maging ang nag-utos sa pagpapatay.

Halos ang laman naman ng mga mensahe ng mga nagmamahal at nakikisimpatiya kay Condez na binitiwan nitong umaga matapos ang misa ay tila tinuturo ang “isyu sa agawan ng lupa” ang motibo sa pamamaslang sa biktima nitong ika-22 ng Pebrero. 032013

Mga guro sa Balabag National High School, may apela sa LGU Malay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kailangan i-angat ang mga silid aralan at lagyan na lamang ng tulay ang Boracay National High School sa Balabag, bilang long-term solution.

Ito ang nakitang solusyon ni Malay Engr. Elizer Casidsid ng Municipal Engineering Office para hindi na maperwisyo ang mga mag-aaral kapag high tide at maulan.

Ang pahayag na ito ay sinabi ni Casidsid sa pamayan dito ng YES FM News Center Boracay.

Anya, sapagkat sa mababa umanong bahagi ang kinalalagyan ng paaralan, kaya konstrasiyon na ang solusyon para dito.

Ganoon pa man, tiwala ito na ngayong nililinisan na ang drainage sa Boracay ng TIEZA, masusolusyonan na rin ang problemang ito.

Pero ayon naman sa mga guro ng paaaralan, alam naman umano nila ang problemang ito.

Subalit, ang hindi malaman ay kung kailan pa ito.

Nais din umano sanang ipatukoy ang pinagmulan ng mabaho tubig na ito para masolusyunan.

Nais na sana nilang maaksiyunan ang bagay na ito, maliban pa sa naunang problema na matagal na rin nilang iniinda.

Paliwanag ng mga guro, natutuwa na sana sila dahil halos na-aksiyunan na ng pansamantala ang unang problema nila sa pagbaha doon.

Subalit ngayon ay panibagong suliranin naman ang kinakaharap nila.

Sa ngayon ay nagsusumamo at umaapela ang mga ito sa kinauukulang ahensiya na aksiyunan na ang problemang ito, kahit ilang araw na lang ay bakasyon na, dahil halos wala na umano silang mapuntahan para hingan ng tulong kaugnay dito. 032013

Balabag National High School, pinapasok ng mabahong tubig!


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Mabahong amoy!

Ito ang inirereklamo ngayon ng mga guro sa Boracay National High School sa Balabag, lalo na at nababahala sila sa epekto na dala sa kalusugan ng estudyante doon.

Dahil simula umano noong Enero ay hindi na nila kayang tiisin pa ang masangsang na amoy ng tubig na lumalabas sa kanal o drainage malapit sa nasabing paaralan, gayong hindi naman high tide at walang ulan.

Katunayan ay ilang beses na rin umano silang nagreklamo sa lokal na pamahalaan ng Malay at Boracay Island Water Company (BIWC) kaugnay dito.

Pero hanggang sa ngayon ay wala pa ring aksiyon.

Ayon sa mga guro ng National High School, pansin nila na tuwing alas tres ng hapon hanggang gabi ay tumataas ang tubig at pumapasok sa compound ng paaralan.

Kaya ang klase sa gabi umano ay apektado at palipat-lipat nalang sila ng silid aralan para makaiwas sa masangsang na amoy.

Kapuna-puna din umano na ang tubig na dumadaloy hanggang main road na ay tila galing sa kusina o pinang-hugasan ng isda at minsan at may mga bula-bula pa na animo ay galing sa banyo. 032013

Deadline sa pagre-renew ng mga business permit sa Boracay, nag-tapos na


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
 
Deadline na para sa mga magre-renew ng mga business permit sa Malay at Boracay kahapon, a-uno ng Marso matapos ang ikalawang extension na ibinigay ng Sangguniang Bayan ng Malay.

Kaya pagsapit ng Lunes, ika-4 ng Marso ng taong ito, ay aasahang papatawan na umano ang penalidad ang hindi pa nalapag-pa-asses ng kanilang bayarin sa Licensing Office.

Ito ang nabatid mula Malay Licensing Officer Jean Salsona.

Aniya, sa ngayon, umaabot pa lang sa 1,800 ang nabibigyan nila ng bagong business permit, mula noong nagdaang taon na nasa 4,000.

Ibig sabihin, marami pa rin umano hanggang sa ngayon ang hindi pa nakukompleto ang pagpoproseso ng kanilang mga requirements.

Sa pagkaka-alam umano nito ay marami na rin ang nakapagpa-assess na.

Pero nasa proseso pa rin ng pagsasa-ayos at pagsumite ng kanilang requirements na hinigingi ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Ayon kay Salsona, sa 4,000 na ang nabigyan nila ng Business permit noong 2012 kung saan 287 dito ay mga resort sa Boracay.

Ang natitirang mahigit 3,000 naman ay kinabibilangan na umano ng mga public transport gaya ng tricycle, banca, at iba pa.

Nakapaloob na rin dito ang iba’t ibang establishemento sa isla gaya ng restaurant, pamilihan, spa at marami pang iba. 032013

Fire Prevention Month, lumarga sa Boracay

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Sirena ng fire truck sa Boracay ang hudyat sa paghihiwatig na mag-ingat sa apoy ngayong buwan ng Marso o buwan ng Fire Prevention Month.

Kasabay ng isinagawang caravan sa tatlong Barangay sa Boracay noong umaga ng unang araw ng Marso ng Bureau of Fire Protection, nagkaroon din ng programa sa Manoc-manoc Elementary School at sinabayan naman ito ng Fire Drill ng kawani ng BFP, Red Cross Boracay, First Responders at iba pa.

Pinangunahan ng BFP at Boracay Island Water Company ang program kung saan pangunahing panauhin naman si Fire Chief Insp. Nestor De Mateo ng Aklan Provincial Fire Protection.

Gayon din ay naging bisita ang mga stakeholder sa isla na pinangunahan ng Boracay Foundation Incorporated (BFI).

Layunin ng mga bumbero sa Boracay na mabigyan ng paalala ang publiko  sa pag-iingat laban sa sunog. 032013

Disiplina sa sarili, nasa kamay na ng mga front liners ng Boracay --- Municipal Tourism


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nasa mga kamay na umano ng mga front liners sa Boracay kung pano nila gagamitin ang mga itinuro sa kanila para mai-angat ang antas ng mga serbisyo sa mga turista sa isla.

Ito ang inihayag ni Chief Tourism Operations Felix Delos Santos sa “Malay Tourism Front Liners Enhancement”, ang programa ng lokal na pamahalaan ng Malay sa pakikipag-tulungan ng Municipal Tourism Office kung saan sumailalim sa seminar sa mga front liners na kinabibilangan ng mga drivers, boatmen, porters, masahista, tour guidse at iba pa.

Ayon kay Delos Santos, nagawa na ng LGU ang bahagi nila para maturuan at madagdagan ang kaalaman at kakayahan, pati na sa pakikitungo sa mga turista ng mga front liners na ito.

Naging bahagi din ng programang ito ay ang maayos at magalang na serbisyo upang mapanatili ang magandang pangalan ng Boracay.

Gayong “international standard” ang nais ng lokal na pamahalaan ng Malay na i-apply sa mga serbisyo ng mga front liners sa Boracay, alinsunod sa demand ng turismo.

Kung gumawa umano ng hindi magandang aksiyon ang isang front liner, nasa mga kamay na umano ng mga ito kung paano nila didisiplinahin ang kanilang mga sarili para sa Boracay.

Nabatid na sa ngayon ay pitong asosayon na ang dumaan sa enhancement seminar ng Municipal Tourism at LGU Malay, sa tulong ng iba’t ibang speaker na may malaking bahagi sa operasyon ng mga kooperatiba, grupo at mga assosasyon ng mga front liners na ito.

Samantala, aasahan naman sa darating na ika 5-6 ng Marso, ang mga boatmen ng BIHA-MPC ang isasailalalim sa seminar ng Malay Tourism. 032013

Reshuffling sa kapulisan sa Aklan, hindi pa tapos


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Hindi pa tapos ang reshuffling sa kapulisan sa Aklan.

Ito ang nilinaw ni Aklan Police Provincial Director P/S Supt. Pedrito Escarilla, kasunod ng balasahang nangyari nitong Enero sa mga Chief of Police sa probinsiya alisunod sa nalalapit na May 2013 elections.

Maliban na lamang sa mga hepe ng Boracay Tourist Assistance Center at Malay Pulis Station, na kabilang pa sa hindi nagagalaw o napalitang hepe, gayong naging isyu na rin sa Boracay ang papalit-palit ng chief og police.

Sa pahayag nitong Lunes, sinabi ng provincial director na hindi umano masisiguro sa ngayon ni Escarilla kung mananatili sa kinauupuan ngayon ang hepe ng BTAC na si S/Insp. Joeffer Cabural sapagkat walang kataupusan ang reshuffling sa pulisya, may halalan man o wala.

Ngunit pinasiguro nito na hindi naman nilang aalisin ang isang hepe sa kinapupuwestuhan nito kung wala naman talagang rason. 022013

Friday, March 01, 2013

Kalibo nadamay lang kaya nasa listahan ng “area of concern” ng Comelec


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Wala na umano dapat na ikabahala ang publiko sa apat na bayan sa Aklan na nasa watch list na area of concern ngayong eleksiyon ng Comelec.

Ito ang pinasiguro ni Aklan Police Provincial Director P/S Supt. Pedrito Escarilla, kasunod ng pagkakadeklara na ang apat na bayan sa probinsiya, ang Kalibo, Malinao, Lezo at Buruanga ay itinuturing na area of concern para sa May 2013 elections.

Ayon kay Escarilla, maging siya nga ay nagtataka kung bakit nakapasok pa sa listahan ng area of concern ang mga bayan na ito gayong ang mga insidente na nangyari aniya sa mga bayan na ito ay naresolba na rin at nagkaroon na ng linaw.

Ganoon pa man, naka-alerto aniya ang otoridad sa mga lugar na ito, kahit na hindi naman masasabing may mga banta sa nabangit na bayan.

Nilinaw din nito na gayong wala umanong naitalang kaso sa Kalibo may kaugnayan sa eleksiyon noong mga nagdaang eleksiyon na siyang rason para isailalim sa area of concern ang isang lugar.

Sinabi nito na nadamay lamang umano ang Kalibo, dahil sa nabangit na bayan napatay o na-ambush ang isang Sangguniang Bayan member ng Lezo noong taong 2010 na si Fernando Baldomero. 

Aklan Pulis pino-problema ang maluwag na implementasyon ng “1-Entry, 1-Exit Policy” sa Boracay


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Aminado ang Aklan Police Provincial Office na mahihirapan silang masawata ang pagpasok ng mga illegal na baril sa Boracay.

Lalo na at nagpapatupad ngayon ang Comelec ng gun ban, dagdagan pa ng implementasyon ng Aklan Police ngayon na “Oplan Katok” para sa mga loose firearms o expired na ang lisensiya at di pa rin nire-renew.

Ito ang sinabi ni Aklan Police Provincial Director P/S Supt. Pedrito Escarilla, kung saan ang tinuturo nitong problema ay ang maluwag na implementasyon ng “1-Entry, 1-Exit Policy” sa Boracay.

Sapagkat marami pa rin umanong pantalan at welcome center ang mga resort, kaya mahirap sa bahagi ng Pulisya na i-monitor ang mga pumapasok na illegal sa isla.

Ganoon pa man, pinasiguro nito na ang Kapulisan ay naririyan lamang at ginagawa ang lahat para mahanapan ng paraan ang katulad ng problema.

Lalo na at masigasig naman umano ang Aklan Firearms, Explosives, Security Agencies and Guards Section (FESAGS) sa pag-inspeksiyon sa mga baril na ginagamit ng mga guwardiya sa Boracay.

Pero paglilinaw nito, na sa Boracay, ay alam naman umano na ng mga awtoridad kung saan makikita o matatagpuan ang mga indibidwal na nagmamay-ari ng mga baril na may pasong lisensiya para sa kanilang “Oplan Katok”.

Una ng sinabi ni PD na mahigit isang libo at limang daang loose firearms sa Aklan ang target nilang ma-recover ngayon.

Thursday, February 28, 2013

Fire Prevention Month, ipagdiriwang sa Boracay

Ni Peach Ledesma, YES FM Boracay

Isang araw na lang at magma-Marso na, at papasok na rin ang summer season o tag-init dito sa Pilipinas.

Kung kaya’t sa unang araw ng Marso ay magkakaroon ng aktibidad ang Boracay Island Special Fire Protection Unit (BISFPU) na may kaugnayan sa pag-daraos ng Fire Prevention Month.

Isang motorcade ang isasagawa ng nasabing ahensya, na gaganapin din sa nasabing araw, at magsisimula ito ng bandang alas-sais y media ng umaga.

Iikot ito sa Cagban Jetty Port, dadaan sa Brgy. Balabag papuntang sa Brgy. Yapak, at babalik din sa paaralang elementarya ng Manoc-Manoc.

Doon ay mamimigay ng mga sertipikasyon sa mga ahensya at organisasyon na nakiisa sa nasabing selebrasyon.

Maaalalang sa Presidential Proclamation No. 115-A na pinirmahan noong 1967 ng dating pangulong Ferdinand Marcos ay itinalaga ang buwan ng Marso bilang Fire Prevention Month sa Pilipinas.

Ito ay dahil sa nasabing buwan ay nagsisimula na ang summer, kung saan madalas na nagkakaroon ng mga sunog.

Petisyon ng BLTMPC na kanselahin ang color coding ng mga traysikel sa Boracay, OK sa DOT

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

OK sa DOT ang petisyon ng BLTMPC o Boracay Land Transport Multi-purpose Cooperative na kanselahin ang color coding ng mga traysikel sa Boracay.

Ayon kay DOT o Department of Tourism Boracay officer in charge Tim Ticar, suportado pa nga umano nila ang ganitong hakbang, lalo pa’t ang mga traysikel drayber ay kinikilala din nila bilang front liner ng turismo.

Subali’t tahasang sinabi nito na dapat pa rin munang pag-aralan kung talaga nga bang kulang ang mga traysikel sa Boracay.

Naniniwala umano kasi si Ticar na marami na ang mga traysikel dito, lamang ang iba ay nakatambay sa mga pilahan at nag-aabang ng mga bisitang gustong umarkila.

Kung saan ang ganitong sistema umano ang nakakaapekto din sa mga lokal na pasahero ng isla, sa kadahilanang tila nai-itsapuwera na sila ng mga ito.

Magkaganoon pa man, sinabi nito na kung talagang makakatulong ang pag-alis ng colorcoding sa mga traysikel sa isla, ay susuportahan ito ng DOT.

Kaugnay nito, pinayuhan naman ni Ticar ang BLTMPC na ipatupad ang tama, para maibigay din ang tamang serbisyo lalo na sa mga turista.

Wednesday, February 27, 2013

Malay Mucipal Engineer’s Office, aminadong may mga lumalabag parin sa regulasyon ng building permit sa Boracay

Ni Malbert Dalida at Alan Palma Sr., YES FM Boracay

May mga lumalabag pa rin sa mga regulasyon ng building permit sa Boracay.

Ito ang inamin ngayon ni Municipal Engineer Elizer Casidsid sa panayam nitong umaga, kaugnay sa ipinapatupad na moratorium sa pagpapatayo ng mga gusali sa isla.

Isa sa halimbawang ibinigay ni Casidsid ay ang umano’y patuloy at talamak na pagkakaroon ng extension ng mga gusali, kahit walang kaukulang permit.

Maging ito ay aminadong may gusali dito sa isla na malapit nang matapos kahit walang kaukulang permit for expansion at kulang sa building permit for construction.

Ang mga ganitong uri ng paglabag ayon pa kay Casidsid ay may mga kaukulang penalidad naman umano.

Magkaganon paman, ayon pa kay Casidsid, ang lahat naman daw ay ginagawa nila lalo na ang pagmomonitor at pagbibigay ng kaukulang notice of violation.

Subali’t may mga ilang kaso na kung saan ang istraktura ay may problema sa mga partidong umaangkin, o tinatawag na property dispute.

Samantala, sinabi naman ni Casidsid na nakahanda ang kanilang departamento na harapin ang anumang posibleng pagpapatawag ng korte, kung ang problema ay umabot na sa hablahan o pagsasampa ng kaso.

Kung maalala, ang moratorium ay ibinaba ng punong ehekutibo para maregulate at masulosyunan ang sobrang dami ng mga nagsusulputang iligal na istraktura sa isla ng Boracay.

Iskedyul para sa vigil at libing ng pinaslang na si Dexter Condez, tuloy na

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Sa darating na Sabado na ang libing ni Dexter Condez, ang pinaslang na Ati spokesman sa Boracay.

Ito ang kinumpirma ni Reverend father Arnold “Nonoy” Crisostomo, mediator ng Holy Rosary Parish team ministry sa isla.

Sinabi nito na tuloy din ang pagpapadasal o vigil kay Dexter sa darating na Biyernes ng gabi.

Katunayan, may programa umanong inihanda ang mga Ati mission para sa araw ng kanyang libing.

Kung saan darating ang mismong Obispo ng diocese ng Kalibo na si bishop Jose Corazon Talaoc, mga pari, mga lideres ng iba’t-ibang organisasyon sa Aklan at mga bisita galing Maynila.

Ayon pa kay father Nonoy, hindi isasakay ang labi ni Dexter sa sasakyan, kungdi bubuhatin mula sa lupang ninuno ng mga Ati sa Brgy. Manoc-manoc papunta sa simbahan sa Brgy. Balabag para sa vigil.

Samantala, ang pinakamaagang oras na napagkasunduan umano para sa iaalay na misa sa kanya ay alas nuwebe ng umaga.

Si Dexter Condez ang tumatayong spokesman ng mga taga BATO o Boracay Ati Tribal Organization na pinaslang nitong nagdaang Biyernes ng gabi.   

Kakulangan ng mga gamit at man power ng MAP sa Boracay, wala paring aksyon ayon kay Salsona

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay 

“Wala pa rin ang [aming] request.”

Ito ang pambungad na sagot ni Municipal Auxiliary Police Chief Rommel Salsona nang makapanayam ng himpilang ito kahapon.

Ito’y may kaugnayan sa matagal na rin umano nilang kahilingan para sa kanilang operasyon sa Boracay.

Napag-alamang sa ginanap na pagpupulong ng Boracay Action Group nitong nagdaang Enero, ay kanila nang inilatag ang umano’y kakulangan nila ng mga equipments sa sea operations.

Maliban kasi sa mga taga Bantay-dagat, lifeguard, at coast guard, kailangan din nilang magkaroon ng bangka para sa pagpapatupad nila ng mga ordinansa sa baybayin ng Boracay.

Ayon pa kay Salsona, hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay manghihiram na lamang sila ng gamit sa ibang ahensya.

Sinabi pa nito na maliban sa mga sea equipments nilang hiniling, kulang din umano ang kanilang man power sa gabi, lalo na ngayon at marami ang bisita sa isla.

Kung saan sa pagmomonitor pa lang umano ng mga lumalabag sa anti-noise ordinance at mga gumagawa ng mga sandcastle sa gabi ay kulang na sila sa tao.

Magkaganoon pa man, sinabi ni Salsona na gagawin parin umano ng MAP sa Boracay ang kanilang trabaho sa kabila ng mga nasabing kakulangan.

Paghingi ng Philippine Coast Guard ng lugar sa beach front para gawing assistance center, wala pang resulta


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Mas maganda umano sana kung may assistance center sa boat station 1 at 3 ng Boracay ang Coast Guard.

Maliban sa mabisang pagmonitor sa mga aktibidad sa beach front, mababantayan din ng mabuti ang pagpapatupad ng manipesto para sa mga island hopping activities sa isla.

Dagdag pa nito, may malalapitan din ang mga turista sakaling mangailangan sila ng assistance doon, lalo na kung may maritime incident.

Subali’t ang lahat ng ito ay malabo pang mangyari sa ngayon.

Ito’y dahil ayon kay PO2nd Condrito Alvarez ng coast guard Boracay detachment sa panayam ng himpilang ito kanina.

Wala pa ring resulta ang inilatag nilang plano hanggang sa ngayon.

Napag-alamang ang nasabing plano ay ipinaabot ng kanilang dating station commander na si Lieutenant Commander Terrence Alsosa, sa pagpupulong nila nitong Enero ng mga taga Boracay Action Group.

Samantala, sinabi naman ni Alvarez na ang bago nilang commander na si Lt. Commander Jimmy Oliver Vingno ay hahanapan umano ng paraan na makapagpalagay ng assistance center sa mga nasabing boat station sa susunod na buwan.

Tuesday, February 26, 2013

Petition Letter ng BLTMPC, tuloy pa rin ayon kay GM Ryan Tubi


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Tuloy pa rin ang petition letter ng BLTMPC.

Ito ang kinumpirma kahapon ni Boracay land Transport Multi-purpose Cooperative general manager Ryan Tubi, kaugnay sa signature campaign o pagkalap ng mga pirma ng kanilang kooperatiba.

Ito’y upang ipabatid umano sa LGU Malay ang kakulangan ng mga unit ng traysikel sa Boracay dahil sa kasalukuyang implementasyon ng color coding sa isla.

Ayon kay Tubi, hinihintay na lamang nilang maibalik na sa kanila ang lahat ng pinaikot nilang sulat.  

Ang mga lagda kasing makakalap nila, ang magiging basehan ng kanilang petisyon upang kanselahin na ang color coding na ito.

Matatandaang sinabi din ni GM Tubi na malaki ang maitutulong ng pinapaikot na sulat, upang maaaksyunan na ng LGU Malay ang kanilang kahilingan.

Mga traysikel drayber ng BLTMPC na hindi nagpapasakay ng pasahero, pinamomonitor ayon kay GM Ryan Tubi


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Maging mabait lang sana sila at disiplinado, maliban sa pagiging guwapo.

Ito ang paalala ngayon ni Boracay Land Transport Multi Purpose Cooperative General Manager Ryan Tubi, sa kanilang mga traysikel drayber na hindi nagpapasakay o namimili ng mga pasahero.

Araw araw umano kasi ay pinamomonitor nila ang mga ito upang matiyak na sila ay mga passenger friendly, lalo pa’t isang tourist destination ang isla ng Boracay.

Maliban dito, kinukulang na rin umano ang mga traysikel sa isla sa dami narin ng mga pasahero, dagdagan pa ng ipinapatupad na color coding ng LGU Malay.

Kaya naman sa panayam ng himpilang ito kay Tubi kahapon, inamin nito na maging siya ay palaging pinapagalitan ng mga nagrereklamong nanay dahil sa pamimili umano ng mga pasahero ng mga drayber, o di kaya’y hindi pagpapasakay sa mga estudyante.

Dahil dito, naglalagay na umano sila ng mga hindi kilalang kolektor nila na magsisilbing taga monitor din sa mga drayber na pasaway.

Naging epektibo din umano ang ganitong sistema nila, dahil marami na rin silang ipinatawag at sinuspendeng drayber, matapos makitaan ng paglabag.

Kaugnay nito, muling nagpaalala si Tubi sa kanilang mga drayber na huwag nang maging makulit at pasaway.

Matatandaang sa panayam din ng himpilang ito, ay hinimok ni GM Tubi ang publiko na kunin ang body number at uniform number ng mga inirereklamong drayber at ireport sa BLTMPC. #022013

Monday, February 25, 2013

Simbahang Katoliko sa Boracay, magpapa-vigil sa pinaslang na si Dexter Condez


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Magpapa-vigil o magpapadasal ang Simbahang Katoliko sa Boracay para kay Dexter Condez, ang pinaslang na katutubong Ati spokesman sa isla.

Ito ang sinabi kahapon ni Rev. Fr. Arnold Crisostomo ng Holy Rosary Parish sa Boracay.

Sa darating na araw kasi ng Sabado, ikalawa ng Marso ay ang tentative o pansamantalang eskedyul ng libing ni Dexter.

Kung matutuloy ayon kay Fr. Crisostomo ang itinakdang iskedyul, sa darating na Biyernes naman ng gabi ay ihihimlay sa Simbahan ang kanyang labi, para mabigyan ng padasal at madalaw ng kanyang mga kaibigan.

Kinabukasan naman ay magkakaroon ng misa para sa kanya, bago ito ihatid sa kanyang libingan sa lupaing ninuno sa Brgy. Manoc-manoc.

Napag-alamang ngayong araw darating ang labi ni Dexter mula sa Ibajay, matapos ipa-autopsy ang kanyang bangkay.

Samantala, umaasa pa rin umano si Fr. Crisostomo na mareresolba na ang naturang kaso.
Si Dexter Condez ay matatandaang binaril ng hindi pa nakikilalang suspek, habang papauwi sa Sitio Lugutan, Manoc-manoc Boracay, nitong nagdaang Biyernes ng gabi.

Siya din ang tumatayong spokesman ng mga taga BATO o Boracay Ati Tribal Organization at nakipaglaban para sa ancestral domain ng mga aeta sa Boracay.

51- anyos na babae, na hit-and-run ng dalawang junkshop helper sa Boracay

Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

“Don’t drink and drive.”

Ito ang isa sa mga madalas na paalala para sa mga motorista kapag nagmamaneho ng anumang klase ng sasakyan.

Paalalang epektibo talaga kapag susundin.

Subali’t kapag sinuway o isinawalang bahala, maaaring ikakapahamak mo o ng iyong kapwa.

Sa ganitong sitwasyon umikot ang istorya ng isang singkwenta’y uno anyos na babae at ng dalawang junkshop helper sa Boracay kahapon.

Ito’y matapos mabiktima ng hit and run si “Aling Mely” ng Agura, Cagayan de Oro City, ng pawang mga bente uno anyos na sina “Mark” at “Russel” ng Sigma at Dao Capiz.

Sa report ng Boracay PNP, nangyari ang insidente dakung alas singko kahapon ng hapon, habang naglalakad sa gilid ng kalsada ng sitio Bantud ang biktima.

Bigla na lamang umano itong nabangga ng minamanehong motorsiklo ni “Mark”, kasama ang angkas nitong si “Russel”.

Kaagad umanong tumakas ang dalawa matapos ang insidente.

Bagama’t tumumba at nasugatan ay nakuha parin umanong tandaan ng biktima ang plate number ng itim na Honda XRM ng mga suspek.

Kaya naman dakung alas-6:45 ng gabi, ay nahuli ang mga ito ng pulis at barangay tanod.

Naisugod naman sa pagamutan ang biktima, habang ang dalawang helper kasama ang minamanehong motorsiklo, ay pansamantalang ikinostodiya ng Boracay PNP, para sa karampatang disposisyon.

Sinasabing nasa impluwensya ng alak ang dalawang helper.

MS Columbus 2, unang cruise ship na dumaong sa Boracay ngayong 2013

Ni Alan Palma, Station Manager, YES FM – Easy Rock Boracay

Eksakto alas-dose ng tanghali nasilayan ng mga taga-Boracay ang pagbisita at pagdaong ng Ms Columbus 2 kahapon, Pebrero 24, taong kasalukuyan.

Lulan ang mga turistang mahigit anim na raan, apat na daang pasahero naman ang sinalubong ng mga lokal na opisyal ng Malay at probinsya kasama ang mga delegado ng Depertment of Tourism Region-6.


Karamihan sa mga turistang ito ay mga taga Europa na kung saan ay binigyan sila ng mahigit anim na oras para maranasan ang pamamasyal sa sikat na puting buhangin ng Boracay.

Maliban sa paghahanda at pagsalubong, naglaan naman ng seguridad ang mga kawani ng pulisya, Philippine Coastguard, Maritime, Bureau of Customs at Philippine Army na may mga bitbit pang mga sniffing dogs.

Labis naman ang galak ng mga bumabang turista na kanilang napuntahan ang pinakasikat na beach sa buong mundo, sabay sabi na babalik sila pag binigyan uli ng pagkakataon.

Kung maalala,una ng sinabi ng pamahalaang probinsya at ng bayan ng Malay na dadagsain ang Boracay ng mag cruiseship ngayong taon pagkatapos ng matagumpay na pagdaong ng cruiseship na Legend of the Seas nitong nakalipas na taon lang.

Pagtanggap ng Boracay sa pagbisita ng MS Columbus 2, ikinatuwa ng DOT


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Ikinatuwa ng DOT o Department of Tourism ang pagtanggap ng Boracay sa pagbisita ng MS Columbus 2 kahapon.

Sa panayam ng himpilang ito kay DOT officer in charge Tim Ticar, sinabi nito na maganda na ang reception o pagtanggap ng Boracay sa mga kahalintulad na pagbisita ng cruise ship.

Maliban kasi sa ginawang paghahanda ng isla, tila nasasanay na rin umano ang Boracay kung papaano i-handle o harapin ang mga bumibisitang cruise ship dito.

Ilan sa mga halimbawang napansin umano ni Ticar ay ang maayos na pagsalubong kahapon ng mga ahensiyang nakatoka sa Cagban port.

Maging ang paghatid-sundo ng mga tender boats ng MS Columbus 2 sa kanilang mga pasahero papuntang Cagban ay wala din umanong naging problema.

Sinabi pa ni Ticar na ang mga pasaherong bumaba mula sa barko at namasyal sa Boracay ay magsisilbing taga “market” ng isla pagbalik sa kanilang lugar.

Ang mga pasaherong ito partikular na ang mga Europeans ang makapagsasabi umano kung gaano kaganda ang Pilipinas, ang pagiging hospitable ng mga Pilipino at kung gaano kaputi ang buhangin sa Boracay. 

Samantala, maliban sa pagpapaabot ng pasasalamat ng DOT sa mga nakibahagi sa matagumpay na pagbisita ng nasabing barko, kinumpirma din ni Ticar na sa darating na buwan ng Marso ay bibisita din dito ang isa pang cruise ship na MS Europa.

BLTMPC nagpapaikot na ng Petition Letter


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nagpapa-ikot na umano ng Petition Letter ang BLTMPC para maipabatid sa lokal na pamahalaan ang demand sa mga tricycle sa Boracay.

Ito ay kasunod ng nararanasang kakulangan sa unit ng mga tricycle na pumapasada sa Boracay ngayon pang nasa Super Peak Season na.

Makaraang ipatupad ng lokal na pamahalaan ng Malay ang Color Coding sa mga ito.

Sa paraan umano ng pagkalap nila ng mga lagda, dito malalaman ng LGU Malay kung ano ang problemang dinaranas ng mga pasahero sa Boracay.

Maliban dito, hinihintay na rin umano nila ang sulat ngayon ayon kay BLTMPC General Manager Ryan Tubi mula sa tatlong paaralan sa Boracay na nagpapahiwatig ng kanilang kahilingan para sa kapakanan ng mga estudyante.

Sinabi din ni Tubi na may nakausap na ito sa bahagi ng LGU, tungkol sa pagpapa-kansela sa implementasyon ng Color Coding.

At naniniwala ito na malaki ang maitutulong ng Petition Letter para magbago ang isip ng lokal na pamahalaan at ikunsidera ang kanilang paki-usap. 

Body number ng tricycle at uniform number mahalaga para mapanagot ang driver. --- BLTMPC


Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Body at Franchise number ng tricycle, gayon din uniform number ng driver.

Ito ang kailangan ng BLTMPC para mapanagot ang driver na namimili ng mga pasahero.

Ito ang nilinaw ni Boracay Land Transport Cooperative (BLTMPC) General Manager Ryan Tubi sa panayam dito.

Ito’y para maaksiyunan umano nila ang mga drivers na inirereklamo, dahil sa pamimili ng pasahero, at iba pang paglabag sa karapatan ng mga commuter.

Ayon sa GM, mahirap kasing magturo kung sinu-sinong tricycle driver lamang sa dami ng mga ito sa isla.

Kaya mas mainam umano kung makuha agad ang body number at uniform number ng mga ito upang mapatawan nila ng penalidad alinsunod sa alitutuning ipinapatupad ng kooperatiba.

Kaya payo ni Tubi, sa pagpara palang ng mga tricycle ay dapat mabilis din ang mata ng mga pasahero sa pagkuha ng mga numero, upang mapatawag agad umano ang driver.

Inihayag din nitong hindi na kailangan pa ngayon ng written complaint, sa halip ay pwede na umanong itawag sa hotline ng BLTMPC kung magrereklamo, pero kailangan parin ang body at uniform driver number.

Ang pahayag na ito ni Tubi ay kasunod na rin ng sunod-sunod na reklamo mula sa mga commuter, lalo na sa magulang ng mga estudyante na umano ay namimili ng pasahero ang mga ito.