YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, February 08, 2014

Mahigpit na pagpapatupad ng 25+5 meter easement, tututukan ng bagong Officer In Charge ng CENRO Boracay

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Mahigpit na pagpapatupad sa 25+5 meter easement sa isla ng Boracay.

Ito umano sa ngayon ang isa sa mga mabigat na hamon na tututukan ng bagong Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Boracay Officer In Charge Jonne Adaniel.

Aniya, bahagi rin umano sa ngayon ng mga makabagong hakbang ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapaigting sa pagpapatupad ng mga batas at alituntunin lalo na ang re-development sa Boracay.

Samantala, nabanggit din nito ang planong pagre-restructure ng mga DENR local offices sa iba’t-ibang mga probinsya.

Sinabi din ni Adaniel na bilang bahagi ng National Task Force na nagpapatupad ng redevelopment sa Boracay.

Gagawin umano nila ang kanilang makakaya  na tulungan ang iba’t-ibang sector upang mapanatili ang isla bilang isa sa mga paboritong puntahan ng mga turista.

Sa ngayon kasi ay patuloy parin ang pagdedemolish ng Boracay Re-development Task Force sa mga establisyemento na lumalabag sa 25+5 meter easement.

Samantala, nanawagan naman ito ng kooperasyon sa mga stakeholders para sa ikatatagumpay ng mga programa na ipapatupad sa isla.

Si Adaniel ay umupo bilang OIC ng CENRO Boracay noong January 27 kung saan dati rin itong Public Information Officer at Planning Officer ng nasabing ahensya.

Phase 2 ng sea wall demolition sa Boracay, sa susunod na linggo na

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Sa susunod na linggo na ang Phase 2 ng sea wall demolition sa Boracay.

Ito ang kinumpirma ni Mabel Bacani ng Boracay Re-development Task Force, kaugnay sa aksyong gagawin nila sa debris ng tinibag na mga sea wall partikular na sa long beach ng station 1.

Ito’y matapos umalma ang mga apektadong establisemyento, mga residente at maging ang mga turista sa isla sa pagbaon ng BRTF Demolition Team sa mga tinibag na sea wall.

Minarapat kasi ng mga taga BRTF na doon lang ibaon sa buhanginan ang mga tinibag na sea wall, sa paniniwalang makakatulong ito upang mapigilan ang nararanasang beach erosion sa isla.

Subali’t ang siste, naglitawan at kumalat sa dalampasigan ang mga tinibag na bato at mga bakal.

Kaugnay nito, sinabi ni Bacani na ilalatag nila sa susunod na linggo ang mga nilalaman ng Phase 2 ng nasabing sea wall demolition program.

Samantala, igniit naman ni Bacani na nasa phase 1 pa lamang ang kanilang ginawang pagtibag, kung kaya’t hiniling nila sa publiko ang sapat na panahon.

Boracay PNP, umaasa na madadagdagan ang mga police personnel ngayong papalapit na ang summer season

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Inaasahan na ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang pagdagsa ng mga turista ngayong papalapit na ang summer season.

Kaugnay nito, umaasa umano ang Boracay PNP Station na madagdagan ang kanilang mga police personnel para mapaghandaang mabuti ang mga papasok at magbabakasyon sa isla.

Ayon kay Boracay PNP Deputy Chief Police Inspector Fidel Gentallan.

Ngayon pa lamang ay napapansin na nila ang pagdami ng mga local at dayuhang turista kung saan sinabi din nito na baka kukulangin ang mga pulis personnel sa isla.

Samantala, muli namang nanawagan ng kooperasyon ang Boracay PNP sa publiko na agad ipagbigay alam sa mga otoridad ang mga nakikitang gumagawa ng hindi maganda sa isla.

Sa ngayon ay nakahanda na rin umano ang mga bagong action plan ng mga pulis para sa mapanatili ang seguridad at kaligtasan ng publiko lalo na ng mga turista.

CENRO Boracay, may bago nang Officer In Charge

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

May bago na ngayong Officer In Charge (OIC) ang CENRO Boracay.

Ito’y sa katauhan ni dating CENRO Public Information Officer (PIO) Jonne Adaniel.

Si Adaniel ang pumalit kay dating CENRO OIC Engineer Norman Dy Lebelo, kung saan nabatid naman na inilipat na sa CENRO Kabankalan City sa Negros Occidental.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng pahayag ang Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) Aklan sa pagkakalipat kay Lebelo.

Ayon kay PENRO - Associate Officer In Charge Engr. III, Charley Zubiaga.

Nasa prerogative kasi ng mga taga Regional Executive Director (RED) ng DENR ang pag-rere-assign ng mga empleyedo.

Samantala, nakatakda namang bumalik ngayong araw si Adaniel mula sa isang pagpupulong sa Iloilo.

Ang Community Environment and Natural Resources Office ng Department of Environment and Natural Resources ay ang syang nangangasiwa sa mga isyung pangkapaligiran lalo na sa Boracay.

ITP Construction, humingi ng paumanhin sa publiko kaugnay sa perwisyong dulot sa trapiko ng Boracay Drainage Project

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay 

Humingi ngayon ng paumanhin sa publiko kaugnay sa perwisyong dulot sa trapiko ng Boracay Drainage Project ang ITP Construction.

Aminado kasi si ITP Construction Project Architect Victor Turingan na malaking abala para sa publiko sa isla ang ginagawang proyekto ng TIEZA o Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority sa Barangay Balabag mainroad.

Sinabi pa nito na naantala ang proyekto dahil sa umano’y naging problema nila sa pagdating ng mga materyales na gagamitin.

Kinumpirma din kasi nito na dapat nitong nakaraang buwan pa ng Enero dapat matatapos ang nasabing proyekto.

Samantala, sinabi pa ni Turingan na humingi sila ng ayuda sa mga taga MAP o Municipal Auxiliary Police-Boracay upang maging maayos ang daloy ng trapiko.

Pinayuhan din nito ang mga motorista partikular ang mga galing Balabag proper papuntang Manoc-manoc, na dumaan sa diversion road sa harap ng Lake Town.

Ito’y upang hindi na maabala sa mabigat ng daloy ng trapiko dulot ng nasabing proyekto.

Inaasahang masusulosyunan na ang problema sa baha sa Boracay kapag natapos na ang naturang drainage project.

Mga turista sa Boracay, hindi excempted sa ordinansa kaugnay sa paggawa ng sandcastle

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Hindi excempted sa ordinansa sa paggawa ng sandcastle ang mga turista sa Boracay.

Ayon sa mga taga MAP o Municipal Auxiliary Police-Boracay.

Bawal talaga ang paggawa ng sand castle sa beach front, lalung-lalo na kung ito’y malalaki, at ginagawang pangkomersyal o pinagkakaperahan, base na rin sa Municipal Ordinance Number 246 series of 2007.

Nasasalaula umano kasi ng mga sand castle na ito ang tinatawag na natural terrain ng dalampasigan.

Magkaganon paman, sinabi pa ng MAP na hinahayaan lamang nila ang mga turistang gumagawa ng maliit sandcastle.

Samantala, nilinaw naman ng nasabing ordinansa na may kaukulang penalidad ang sinumang lalabag dito.

Kapansin-pansin sa isla ang pag-enjoy ng mga turistang gumawa ng sarili nilang sand castle dahil sa ito’y pino at malamig.

Mga guests ng West Cove, naging prayoridad ng DOT sa kasagsagan ng demolisyon

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Naging prayoridad ng DOT sa kasagsagan ng demolisyon ang mga guests ng West Cove.

Ayon kay DOT Boracay Officer In Charge Tim Ticar, hinarap nila ang mga nasabing guests at pinaliwanagan tungkol sa nangyayaring demolisyon upang hindi magpanic at mag-alala ang mga ito.

Ipinaliwanag din umano nila na hindi ang buong gusali ng West Cove ang idi-demolish kungdi ang bahagi lamang na nakitaan ng paglabag o violation.

Dahil dito, sinabi pa ni Ticar na walang guest doon ang umalis o lumipat sa ibang resort.

Nabatid na pinangunahan ng LGU Malay ang demolition team sa West Cove sa Diniwid Boracay nitong Miyerkules, kung saan tinibag ang deck area nito.

Naging kontrobersiyal ang West Cove Resort na kilala din bilang Pacquiao Resort, matapos ipag-utos ng LGU Malay ang closure order o pagpapasara nito nitong taong 2011, dahil sa umano’y kakulangan nito ng business, building at occupancy permits.

Naging mapayapa naman ang nangyaring demolisyon.

DOT, tumulong sa pag-asikaso sa bangkay ng nagbigting Dutch National sa Boracay nitong Miyerkules

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Tumulong sa pag-asikaso sa bangkay ng nagbigting Dutch National sa Boracay ang DOT o Department of Tourism Boracay sub-office.

Ayon kay DOT Boracay Officer In Charge Tim Ticar, nakipag-ugnayan umano sila sa mga taga Boracay PNP at SOCO o Scene of the Crime Operatives sa pagproseso ng mga kinakailangang dokumento katulad ng death certificates at transfer of cadaver, at sa pag-ipon ng mga gamit ng biktimang si Geritt Van Straalen.

Samantala, hindi naman kinumpirma ni Ticar kung kailan ihahatid sa kanyang pamilya ang bangkay nito.

Maaari pa umano kasi itong isailalim sa eksaminasyon ng SOCO.

Nabatid na hiwalay sa kanyang asawa at anak si Straalen at kasalukuyang nangungupahan sa isang kuwarto sa isang apartelle Barangay Balabag kasama ang kanyang kasintahan.

Sa ulat ng Boracay PNP, natagpuan na lamang umano ng kanyang kasintahan ang biktima na nakabigti sa loob ng comfort room ng kanilang kuwarto at wala nang buhay.

Nag-iwan pa umano ng suicidal note sa kanyang pamilya at kasintahan ang 63 anyos na dayuhan.

Friday, February 07, 2014

Mga nakaimbak na tuyong construction materials sa bakanteng lote sa Boracay, nasunog

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagmistulang may prusisyon kanina sa main road ng Balabag Plaza dahil sa naparalisadong daloy ng trapiko dulot ng mga humintong sasakyan.

Isang sunog kasi ang naganap sa Sitio Pina-ungon Ibaba, Balabag mag-aalas tres nitong hapon, rason upang sakupin ng tatlong fire trucks ang kalsada doon.

Lalo pang sumikip ang lansangan nang magsilabasan ang mga residente sa lugar upang panoorin ang sunog.

Kaagad namang umalalay sa sitwasyon ang mga taga Municipal Auxiliary Police (MAP) Boracay at Boracay PNP sa mga bombero upang mapadali ang pagsugpo sa apoy.    

Ayon sa ilang mga residente doon, maaaring may nagtapon ng nakasinding sigarilyo sa mga nakatambak na kahoy at construction materials, mga tuyong dahon at kawayan sa bakanteng lote doon kung kaya’t nasunog ang mga ito.

Sa ngayon ay nagpapatuloy parin ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection Boracay kung ano ang naging sanhi ng sunog.

Isang sunog din ang naganap kahapon sa Barangay Manoc-manoc.

E-Trikes sa isla, inaasahang madadagdagan pa

Ni Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Karagdagang serbisyo para sa lalo pang pagdami ng mga turista sa isla ng Boracay.

Isa umano ito sa mga dahilan kung bakit naipursigeng maipatupad sa isla ang Electric Tricycle o E-trike.

Ayon kay BLTMPC o Boracay Land Transport Multi-Purpose Cooperative General Manager Ryan Tubi.

Bagama’t nasa “on trial stage” pa lamang ang mga E-Trike na tumatakbo ngayon sa isla, ngunit maganda naman aniya ang naibibigay nitong serbisyo sa kumunidad.

Katunayan, maging ang mga operator umano ay gumanda rin ang kita simula nang gamitin nila ang E-Trike.

Ngunit nilinaw ni Tubi na ang kasalukuyang taripa sa pamasahe ng mga E-Trike ay ang taripang  inaprubahan ng Sangguniang Bayan ng Malay.

Ibig sabihin, ang taripa umanong ginagamit ng mga tricyle na kulay yellow at blue ay ganun din sa mga E-trike ng BLTMPC.

Ito umano ay upang malaman din ng mga operator at maging ng
BLTMPC kung sila ba ay kumikita rin gamit ang naturang E-trike.

Samantala, kaugnay nito, dahil na rin sa maganda ang operasyon ng mga E-Trike sa isla, ay inaasahang madagdagan pa ito.

63 anyos na Dutch National, nagpakamatay sa comfort room ng tinutuluyang kuwarto sa Boracay

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Nasa isang punerarya pa ngayon sa Caticlan ang bangkay ng isang Dutch National matapos umano itong magbigti sa tinutuluyang kuwarto sa Boracay.

Kinilala ng Boracay PNP ang 63 anyos na biktimang si Geritt Van Straalen ng Netherland at kasalukuyang nangungupahan sa Sitio Bolabog, Barangay Balabag.

Base sa imbistigasyon ng mga Boracay PNP, naratnan na lamang umano ng kanyang nagpakilalang girl friend na si Liezl Camello ng Cebu City ang biktima na nakabigti sa kanilang comfort room gamit ang nylon cord at wala nang buhay.

Galing umano sa Cebu ang kanyang kasintahan, may good bye note pang natagpuan sa sala na iniwan umano ng biktima para sa kanyang girl friend, at ilang personalized items para naman sa kanyang asawa.

Nabatid na hiwalay sa asawa at isang anak ang biktima.

Nakasaad sa sulat na humihingi sa kanila ng paumanhin ang biktima dahil wala na umano itong trabaho.

Hinihiling din umano ng biktima na dito siya sa Boracay ilibing.

Samantala, nakikipag-ugnayan naman ang mga otoridad sa pamilya ng biktima para sa karampatang disposisyon.