YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, September 21, 2013

Sanitation office ng Malay, muling nagpaalala tungkol sa food poisoning

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Muling nagpaalala ngayon ang Sanitation office ng Malay tungkol sa food poising na maaring mangyari sa mga kainan sa isla ng Boracay.

Ayon kay Malay Sanitation Inspector III Babylyn Frondoza, dapat na maging maingat ang mga cook ng restaurant sa pagluluto ng mga pagkain na-isiniserve sa kanilang mga customer.

Kinakailangan din umano na mayroon silang sapat na sanitation permit mula sa lokal na pamahalaan ng Malay.

Mahigpit namang pinaalalahanan ni Frondoza ang lahat ng mga turistang kakain sa ibat-ibang restaurant sa Boracay na tingnang mabuti ang i-siniserve sa kanila upang masiguro ang kanilang kaligtasan.

Aniya, patuloy naman ang kanilang ginagawang pag-iinspeksyon sa lahat ng mga hotel at restaurant sa Boracay kung sila ba ay may sanitation permit.

Magkakaroon din umano ng pinalidad ang mga restaurant na hindi susunod sa ordinansa ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Dagdag pa ni Frondoza, kinakailangang mayroon ding health card ang lahat ng mga nagtratrabaho sa mga restaurant.

Kung matatandaan ay halos mahigit sa anim naput limang katao ang nabiktima ng food poisoning sa isang resort dito sa isla nitong nakaraang linggo.

Samantala, patuloy naman ang ginagawang aksyon ng Department of Health sa Aklan para hindi na maulit ang nangyaring insidente.

Mga ilegal na Tour guides at komisyoner sa Boracay, pinaalalahaan ng TREU

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinaalalahanan ngayon ng Tourism Regulations Enforcement Unit (TREU) ang mga lokal at dayuhang Tour guides at komisyoner sa isla ng Boracay.

Ayon kay Malay Tourism Regulations Enforcement Unit Head Wilson Enriquez, kahit hindi niya nasasakopan ang mga komisyoner sa Boracay ay dapat parin umanong sumunod sila sa batas na ipinapatupad ng LGU Malay.

Maging ang mga tour guides umano ay dapat ding sumunod sa mga ordinansang ipinatutupad ng nasabing bayan.

Aniya, kinakailangan ng mga ito na magparehistro sa LGU Malay para mabigyan sila ng kaukulang permit na makapag operate.

Patuloy naman umano ang kanilang isinasagawang pag momonitor sa mga ito at kung mapapatunayan na hindi sila rehistrado ay maari silang pagbayarin ng penalidad.

Dagdag pa ni Enriquez, marami pang mga dayuhang komisyoner at tour guides sa isla ang hindi pa rin nagpaparehistro sa munisipyo at wala pang Mayor’s Permit.

Samantala, nagpaalala si Enriquez sa mga ito na sumunod na lamang sa mga ipinapatupad na batas para maging patas naman sa iba.

Mga ilegal na masahista sa Boracay, maaring kasuhan ng LGU Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Maaring makasuhan ng lokal na pamahalaan ng Malay ang mga illegal na masahista sa isla ng Boracay.

Ayon kay Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño, may mga itinalaga silang tauhan ng LGU Malay para e-monitor ang mga ilegal na masahistang ito na kadalasan ay nambibiktima ng mga turista.

Kabilang umano sa mga nagbabantay dito ay ang mga MAP na nag-iikot sa mataong lugar upang tingnan ang mga masahistang may ilegal na ginagawa.

Sa oras naman umanong mahuli ang mga ito na may ginagawang kalokohan ay agad silang huhulihin at dadalhin sa Action Center para bigyan ng sapat na parusa.

Aniya, maaring ma-ticketan ang mga ito at kunin ang kanilang permit kung sila’y mapapatunayang nanloloko.

Nababahala naman si Sacapaño dahil sa pagdami ng mga tinatawag na illegal na masseurs ngayon sa Boracay.

Nabatid na ilang mga turista ang nagrereklamo tungkol sa mga illegal na masahistang ito dahil sa hindi lang pagmamasahi ang inaalok nila sa kanilang mga custumer kundi panandaliang aliw din.

Dagdag pa ni Sacapaño, kung sakaling makunan sila ng mga litrato ay maganda umano itong ebedinsya para sa kanila.

Samantala, ipinapaabot naman nito sa lahat ng mga nagtratrabaho sa Boracay na idaanan sa maayos ang paghahanap buhay at huwag sa panloloko dahil isa umano ito sa makakasira sa isla ng Boracay.

Friday, September 20, 2013

Anti-Bullying Act, mahigpit na ipapatupad ng DepEd Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Matapos lagdaan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Anti-Bullying Act, tinitiyak naman ngayon ng Malay District office na mahigpit nila itong ipapatupad sa mga paaralan.

Ayon kay Malay Public District Supervisor Jessie S. Flores, nagpatawag sila ng PTA Meeting sa Yapak Elementary School nitong Setyembre a-singko upang talakayin ang nasabing usapin.

May mga hakbang naman umano silang ipapatupad kung sakaling may mga batang gagawa nito sa kanilang kapwa mag-aaral.

Kung sakali man umanong mangyari ito ay magtatakda ang principal ng paaralan ng kaukulang parusa at ipapatawag ang mga magulang ng batang masasangkot dito.

Sinabi pa nito na hindi naman hahayaan ng Malay District Office na mangyari ang Anti Bullying sa kanilang mga estudyante.

Nagpapasalamat naman si Flores, sa paglagda ni Pangulong Aquino sa Republic Act 10627 o ang “Anti-Bullying Act of 2013”.

Malaki umanong tulong ito at gabay sa mga mag-aaral na magkaroon sila ng takot na gumawa ng ikakasama nila sa kanilang kapwa.

Dagdag pa nito na kailangan ding ipaalam sa mga batang mag-aaral kung anong magiging parusa nila kung gagawin nila ito.

Samantala, pina-alalahan naman ni Flores ang mga magulang na palaging gabayan ang kanilang mga anak, lalo na kung may kahina hinalang itong pag-uugali kagaya ng pananahimik sa isang sulok at iba pa.

Mainam umanong kausapin ito ng masinsinan dahil baka ito ay na sasangkot sa bullying.

Lima pang mga cruise ships, bibista sa karagatan ng Boracay sa taong 2014 at 2015

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Lima pang kumpanya ng mga cruise ships ang nagbigay ng pahiwatig sa jetty port Administration na bibisita sa karagatan ng Boracay sa taong 2014 at 2015.

Ito ang naging pahayag ni Jetty Port Statistician at assistant to the administrator Mars Bernabe sa panayam ng himpilang ito.

kinabibilangan umano ito ng MS Deutschland, MV Costa Atlantica, MS. Celebrity Century, MS L’ Austral at isa pang MS celebrity century.

Ang pagbisita ng mga cruise ship sa isla ay para ipakita sa mga turistang sakay nito ang kagandahan ng Boracay.

Aniya, Umaabot sa mahigit tatlong libong pasahero ng bawat barko ang sakay nito na tutungo sa isla ng Boracay.

Samantala, abala umano sila ngayon sa paghahanda para sa nalalapit na pagdating MS Superstar Gemini sa Oktobre at MS Aquarius sa Nobyembre.

Nabatid na magkakaroon ng pagpupulong ang lahat ng mga stakeholders at concern agencies ngayong buwan para sa pagdating ng nasabing cruise ship.

Inaasahan naman ang pagdalo sa pagpupulong ng ilang represinante mula sa Wallem Philippines na siyang may hawak ng mga cruis ship na pumupunta sa bansa partikular sa isla ng Boracay.

Mga Lady Boy sa Boracay, problema ng mga kapulisan

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Problema ngayon ng mga kapulisan sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang pagdami ng mga manlolokong Lady boy sa isla.

Ito ay sa kaliwa’t kanang reklamong natatanggap ng mga kapulisan mula sa ilang mga turistang lalaki na nabibiktima ng pagnanakaw ng mga bading.


Ayon sa mga pulis madalas na umiikot ang mga lady boy sa mataong lugar upang maghanap ng customer na puweding maloko.

Kadalasan anilang nag-aabang ang mga ito ng mga lasing na bakasyonistang lalaki at niyayang sumama sa kanila.

Lingid naman sa kaalaman ng mga biktima na ang kanilang sinasamahan ay hindi tunay na mga babae.

Bukod pa sa pagbibigay ng panandaliang aliw ng mga lady boy sa kanilang customer ay may-iba pa silang pakay.

Kung saan kinukuha ng mga ito ang mga mamahaling gamit ng mga biktima at saka tatakas.

Samantala, isa na namang British National ang nagreklamo kanina sa kapulisan dahil sa muntikan umano itong mabiktima ng isang bading.

Laking gulat umano nito ng madiskubrihan na ang kaniyang na pick-up na babae sa isang bar ay isa palang bading matapos nitong dalhin sa kaniyang inuupahang apartment sa Manoc-Manoc.

Inaakusahan pa nito na tinatangkang kunin ng lady boy ang kaniyang cell phone at muntikan nading matangay ang kaniyang gold necklace.

Proyekto ng BIWC sa Bolabog Area, unti-unti ng natatapos

Ni Cristy Dela Torre, YES FM Boracay

Maganda na at malinis tingnan.

Ito ang naging resulta ng proyektong sewer line expansion sa Bolabog area ng BIWC o Boracay island Water Company.

Bagamat ng dulot ito ng abala, ayon kay Boracay Water Customer Service Officer Acs Aldaba, physically ay talaga umanong tapos na ito pero may mga ginagawa pa umano silang mga test upang maging lalo pang maging ligtas ang naturang lugar.

Ito’y bilang pagsunod na rin sa standard implementations, at upang masiguro din ang kaligtasan ng mga residenteng dadaan dito.

Ayon kay Aldaba, mayroon aniya silang ginagawa na ball test para sa sewerage.
Pagugulungin umano nila ang bola sa mga tubo para Masiguro na ang tubo ay naka-align at sa manhole ito babagsak.

Ang madalas na sama ng panahon naman ang rason kung bakit hindi agad ito natapos sa takdang deadline.

Bagama’t pwede ng dumaan ito, may restrictions lang sila na ginawa para maging safe at maganda ang quality ng semento.

Kaugnay nito, maliit na porsyento na lang ng proyekto ang tatapusin para magamit na ang kalsada lalo ang area malapit sa simbahan ng Iglesia ni Kristo.

Samantala, malugod ding ipinabatid ni Acs Aldaba na mayroon umanong major project na ginawa ang BIWC, isa umano itong pumping station na makikita sa Bantud.

Ayon kay Aldaba, ang layunin umano ng nasabing proyekto ay upang mabigyan nila ng aksyon ang mga lugar partikular na sa Brgy. Manoc-Manoc na mayroog low pressure ng tubig.

Sa kasalukuyan aniya, tapos na umano ang line booster upang ma-itaas ang level ng pressure ng tubig.

Nakatakda umano itong buksan sa darating na Sabado, kung sakaling pumasa sila sa bacterial test.

At kapag umano pumasa ay lalakas ang water pressure point, at maaari lalakas ang pressure ng tubig.

Thursday, September 19, 2013

SB Malay, dumalo sa ipinatawag na Environmental Forum ng BFI kahapon

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Dumalo ang ilan sa Sangguniang Bayan ng Malay para sa isinagawang Environmental Forum na ipinatawag ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) kahapon.

Ayon kay Sangguniang Bayan Malay Secretary Concordia Alcantara, nagpadala ng sulat ang BFI sa kanila, kung saan inaanyayahan ang mga SB na dumalo para sa nasabing Forum.

Dito umano matatalakay ang ilan sa mga problemang pangkalikasan ng isla at sa ikakaganda pa nito.

Dinaluhan naman ito ni Malay SB Member Manuel Delos Reyes bilang Chairman ng Environmental protection.

Kasama naman sa ilang mga dumalo ay si SB Member Jupiter Gallenero at ilan pang pribadong sektor ng nasabing bayan.

Samantala, naging abala ngayon ang LGU Malay ng nasabing bayan bilang paghahanda sa nalalapit na pagdating ng dalawang cruise ship ngayong buwan ng Setyembre at Oktobre.

Nabatid na lima pang mga cruise ship ang nagbigay ng abiso na bibisita rin sa karagatan ng isla ng Boracay sa susunod na taon.

Cagban port, planong e-up grade ng Jetty port Administration

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Planong e-upgrade ngayon ng jetty port Administration ang pagpapaganda ng Cagban Jetty port sa Baranggay Manoc-Manoc.


Ayon kay Jetty Port Statistician at assistant to the administrator Mars Bernabe, ihahalintulad na nila ito sa Caticlan jetty port na kung saan ay sarado at air-conditioned ang nasabing pantalan.

Maglalagay din umano sila ng island check-in at ilan pang pasilidad para sa mga turista bilang bahagi ng kanilang implementasyon.


Aniya, nakatuon umano sila sa pagpapaganda ng nasabing pantalan at wala pa umano sa plano nila na palawakin ito.

Nabatid na bahagi ito ng paghahanda sa mga pagdating ng mga star cruise ship sa karagatan ng isla Boracay sa mga susunod na taon.

Sinabi naman ni DOT Boracay Officer In-charge Tim Ticar, na maganda itong move ng sa probinsya ng Aklan kung sakaling matutuloy ito.

Dapat din umanong tutukan ang pagpapaganda ng mga daanan papuntang isla ng Boracay.

Pangarap umano ng Department of Tourism na naka ayon ang mga facilities at amenities ng isla sa World class standard.

Sa kabilang banda sinabi rin ni Bernabe, na inaatay parin nila ang desisyon ng supreme court tungkol sa reclamation project ng Caticlan Jetty port.

2013 SK Regional End-Term Congress, gaganapin sa Boracay ngayong Setyembre

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Isasagawa sa Boracay ang 2013 Sk Regional End-Term Congress ngayong Setyembre para talakayin ang ibat-ibang programang pangkabataan.


Ayon kay Malay SK Federation President Cristina Daguno, lalahukan ito ng buong Sangguniang Kabataan (SK) sa Region 6 na kinabibilangan ng probinsya ng Negros, Iloilo, Guimaras, Roxas, Antique at Aklan.

Ilan umano sa magiging topiko nila ay tungkol sa nalalapit na eleksyon, livelihood program at anti drugs.

Inaasahan naman na magiging panauhing pandangal sa nasabing okasyon ay sina mismong DILG Secretary Mar Roxas, Aklan Governor Florencio Miraflores Mayor John Yap ng Malay at ang National President ng Sk na si Luis Gabriel Del Rosario.

Dagdag pa ni Daguno, ito umano ang kauna-unahang pagkikita ng mga Sk ng nasabing Rehiyon para sa nasabing aktibidad.

Samantala, ang nasabing event ay gaganapin ngayong Setyembre 20-22.

Wednesday, September 18, 2013

Resulta ng imbistigasyon sa umano’y food poisoning sa La Carmela de Boracay, inilabas na ng Sanitation office

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inilabas na ng Malay sanitation office ang resulta ng kanilang imbistigasyon sa umano’y food poisoning sa La Carmela Boracay nitong nakaraang linggo.


Ayon kay Malay Sanitation Inspector III Babylyn Frondoza, umabot sa animnapu’t lima ang mga nabiktima na kinabibilangan ng mga estudyante at guro mula sa Assumption University San Fernando Pampanga.

Batay sa nakuha nilang mga impormasyon sa mga biktima, kumain umano ang mga ito ng fish fillet at chicken curry sa kanilang hapunan sa nasabing resort.

Aniya, ito ang pinaniniwalaang naging dahilan ng kanilang pananakit ng tiyan at pagsusuka na agad namang naagapan nang isinugod sa malapit na pagamutan.

Hindi naman umano nagbigay ng sapat na paliwanag ang pamunuan ng La Carmela tungkol sa nangyaring insidente, kahit sinagot nito ang gastusin ng mga biktima sa ospital.

Samantala, kabilang sa mga inimbistigahan ng mga taga sanitation ang mga cook sa nabanggit na resort at ang mga pinagbilhan ng mga ingredients na lulutuin.

Paalaala naman ni Frondoza na maging maingat sa mga pagkain sa mga restaurant sa Boracay.

Bagong OIC ng CENRO Boracay, nakapag-courtesy call na sa mga stakeholders

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay


Nakapag-courtesy call na sa mga stakeholders si Engineer Norman Dy Lebelo, ang bagong OIC ng CENRO Boracay.

Si Lebelo ay nagmula sa PENRO o Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) sa Negros Occidental at pumalit kay kay Atty. Elizur Militar, Project Evaluation Officer II na pumalit naman kay Boracay CENRO Officer Mirza Samillano.

Nabatid na nagleave si Samillano dahil sa kanyang kalusugan kamakailan lang.

Samantala pormal nang naupo sa pwesto bilang bagong OIC ng nasabing ahensya si Lebelo nitong nagdaang Setyembre a dos.

Mga stakeholders sa Boracay, magpupulong para sa darating na cruise ship ngayong Oktobre at Nobyembre

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

May cruiseship na namang darating sa Boracay ngayong Oktobre at Nobyembre.

Ito ay ang MS SUPERSTAR GEMINI at MS SUPERSTAR AQUARIUS mula sa Xiamen China.

Kaugnay nito, inaasahang magpupulong ang pamahalaang probinsya, MARINA, PNP, Coastguard, DOT at iba pang ahensya upang mapaghandaan ang nasabing aktibidad.

Ayon kay Jetty Port Statistician at assistant to the administrator Mars Bernabe, isang araw lang ang itatagal ng mga cruise ship dito at babalik naman agad sa Xiamen China.

Samantala, inaasahan umanong dadalo sa mismong araw ng pagdating ng cruise ship si mismong DOT Secretary Ramon Jimenez para tumanggap ng plaque.

Gaganapin naman ang pagpupulong sa susunod na linggo

Mga establisemyentong sumunod sa 25+5 meter easement sa Boracay, pinuri ng BRTF

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

  
Pinuri ng BRTF ang mga establisemyentong sumunod sa 25+5 meter easement sa Boracay.

Ayon kay Mabel Bacani ng BRTF o Boracay Redevelopment Task Force, pinuri ng task force ang mga establisemyentong katulad ng Willy’s Beach Club Hotel, Laguna de Boracay, Marzon’s, at Congas Bar and Restaurant, dahil sa kanilang ipinakitang kooperasyon.

Maliban umano kasi sa kusang pagtanggal nila ng mga istrakturang pasok sa nasabing setback.

Namigay pa ng gift certificates ang ilan sa mga ito, upang mabawasan ang pagkadismaya ng kanilang mga naaabalang guest sa nangyayaring demolisyon.

Kaugnay nito, naniniwala umano ang task force na ang kooperasyon ng kumunidad, resort owners, at mga non-government organizations sa pagpapatupad ng redevelopment plans, ang siyang magbabalik sa Boracay bilang sa numero unong beach sa buong mondo.

Samantala, nakatakda ring lumahok sa isang Environmental Forum ng University of the Philippines Marine Science Institute ang mga resort owners sa isla ngayong araw.

Tuesday, September 17, 2013

TransAir at CAAP sa Caticlan Airport, ipapatawag ng SB Malay

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Ipapatawag ng SB Malay ang pamunuan ng TransAir at CAAP sa Caticlan airport sa darating na Martes para sa Committee Hearing.

Ito’y may kaugnayan sa naging privilege hour ni SB Member Jupiter Gallenero, tungkol sa nangyayaring trapiko sa isinasarang National road patungong bayan ng Malay sa tuwing may mag-lalanding at mag ta-take off na eroplano sa nasabing airport.

Aniya, halos umaabot umano ng dalawamput limang oras na sinasara ang daanan kaya kung minsan ay nahuhuli sila sa kanilang pupuntahan.

Dahil dito nais nitong yayain ang mismong namumuno sa nasabing tanggapan upang ipaliwanag sa kanila kung ano ang patakaran ng Caticlan airport sa mga ganitong pangyayari.

Sinang-ayunan naman ito ng buong SB Member ng Malay kung saan magpapadala din sila ng sulat para dito.

Dagdag pa ni Gallenero dapat hindi ipinapasara ang kalsada doon dahil ito ay bahagi parin ng National road.

Isa pa umano sa gusto nilang malaman ay ang patuloy na pagpapalapad ng Caticlan airport na magiging international narin sa mga susunod na taon.

AKELCO, magtataas ng singil ngayong Setyembre

Ni Gloria Villas, YES FM Boracay


Magtipid at maging responsable sa paggamit ng kuryente.

Ito ang paalala ngayon ng AKELCO o Aklan Electric Cooperative sa lahat ng kanilang mga kunsyumidor.

Tataas na naman kasi ang kanilang singil sa kuryente ngayong Setyembre.

Base sa inilabas na power advisory ng AKELCO.

Magtataas ng P0.28/kwh ang kanilang singil, kung saan magmula sa P10.76/kwh ay magiging P11.03/kwh na para sa mga Residential Consumers.

Samantala, magtataas naman ng P0.27 para sa mga Commercial Consumers magmula sa P9.83/kwh at magiging P10.11/kwh na.

Dagdag ng AKELCO, ang nasabing pagtaas ng singil ay dahil rin sa pagtaas ng presyo sa Whole sale Electricity Spot Market o WESM.

Bagamat ayon din sa AKELCO, posible rin umanong bumaba ang singil depende sa mga generation charges at halaga ng power supply.

Coastguard Boracay, may bago nang detachment commander

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay


May bago nang detachment commander ang Coastguard Boracay.

Siya ay si PO1st Arnel Sulla, na dating na-assign sa Caticlan detachment at pumalit kay dating Boracay detachment commander PO1st Condrito Alvarez.

Pormal na umupo sa pwesto si Sulla nitong nagdaang Huwebes matapos umanong sabay na umalis ang anim na coastguard personnel sa Boracay detachment.

Kasama umano sa umalis ang apat na SOG o Special Operations Group ng coastguard at apat din ang pumalit, bilang bahagi ng kanilang rotation of command.

Ayon kay Sulla, hindi na rin bago sa kanya ang Boracay, dahil dati na rin siyang pumupunta dito at nakatoka sa boating team ng coastguard.

Samantala, batay sa ipinag-utos sa kanya ng kanilang station commander na si Lt. Oliver Vingno.

Gagawin umano ni Sulla ang kaniyang trabaho sa abot ng kanyang makakaya.

Mga station 1 owners sa Boracay, Makikipagpulong bukas sa mga taga University of the Philippines Marine Science Institute

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay


Makikipagpulong bukas sa mga taga University of the Philippines Marine Science Institute (UPMSI) ang mga station 1 owners sa Boracay.

Ayon kay Mabel Bacani ng Boracay Task Force Redevelopment, Darating ang grupo ng mga taga University of the Philippines Marine Science Institute, sa pangunguna ni Dr. Miguel Fortes, upang pag-usapan ang tungkol sa mga seawall sa isla.

Nabatid na hinihintay pa ng mga taga re-development task force ang rekomendasyon ng grupo nina Fortes, kaugnay sa tinatawag na environmental code.

Ibig sabihin aniya, kailangang naaayon sa kapaligiran ang anumang gagawing hakbang ng task force partikular na ang sa mga seawall.

Ayon pa kay Bacani, may mga mechanics o patuntunan na kinakailangan para dito, na isusumite din nila sa National Redevelopment Task Force, mula sa mga nasabing grupo, pagkatapos ng kanilang pagpupulong.

Si Fortes ang tumutulong sa LGU Malay sa paggawa ng environmental code at kasama sa mga bumuo ng Boracay Master Plan noong taong 1989.

Monday, September 16, 2013

Relokasyon ng Boracay hospital sa may Mt. Luho, Hindi na matutuloy

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Hindi na matutuloy ang relokasyon ng Don Ciriaco S. Tirol Memorial hospital sa may Mt. Luho Brgy. Balabag.

Ayon kay Aklan Provincial Health officer Dr. Victor Sta. Maria, may ibang pinaplanong ipatayo ang Department of Tourism sa nasabing lugar na isa ring Health facilities para sa Medical Tourism.

Sa ngayon umano ay mananatili nalang ito sa kaniyang kinakatayuan at ipapaayos katulad sa desinyo na kanilang pinaplano na dapat ipagawa sa may Mt. Luho.

Aniya, minamadali na rin nila ito dahil sa kakulangan ng mga equipment ng nasabing hospital sa ngayon.

May funding na rin umano para dito ang Department of Health katuwang ang LGU Malay.

Ayon pa kay Dr. Sta Maria, ang bagong hospital ay inaasahan nilang magiging International standard dahil sa mga bagong equipments at mga staff na ilalagay dito.

Mga biktima ng umano’y Food poisoning sa La Carmela de Boracay, iniimbistigahan parin ng Sanitation office

Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Iniimbistigahan parin ng sanitation office ang nangyaring food poisoning sa La Carmela de Boracay nitong nakaraang linggo.

Ayon kay Malay Sanitation Officer 3 Babylyn Frondoza, marami pa silang iniimbistigahan sa likod ng nasabing insidente, katulad ng mga nagluluto at ang mga supplier ng mga pagkaing idinideliver sa nasabing resort.

Mabusisi umano kasi ang kanilang pag-iimbistiga sa naganap na insidente dahil sa marami ang nabiktima nito.

Maliban dito, inaantay pa nila ang reports ng mga doktor na sumuri sa naging pasyente, at ang paliwanag ng pamunuan ng resort para maidagdag sa kanilang isinasagawang imbistigasyon.

Matatandaang mahigit sa apatnapung mga guro at estudyante ng Asumption University sa San Fernando, Pampanga ang umano’y nalason ng pagkain sa La Carmela Resort nitong nagdaang huwebes.

Boracay, may bago nang CENRO Officer

Ni Mackie Pajarillo, YES FM Boracay


May bago nang opisyal ang CENRO o Community Environment and Natural Resources Office ang isla ng Boracay.

Siya ay si Engineer Norman Dy K. Lebelo na nagmula sa PENRO o Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) sa Negros Occidental.

Si Lebelo ang pumalit kay Atty. Elizur Militar, Project Evaluation Officer II ng DENR Region 6, Iloilo City na pansamantala namang humalili sa naka sick-leave na si dating Boracay CENRO Officer Mirza Samillano.

Samantala pormal nang naupo sa pwesto bilang bagong OIC ng nasabing ahensya si Lebelo nitong nagdaang Setyembre a dos.

Napag-alamang una nang nakapag-courtesy call si Lebelo kay Malay Mayor John Yap at sa kasalukuyan sa mga stakeholders at iba pang ahensya dito sa isla.