YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, April 11, 2015

Isang araw na brown out sa buong Panay bukas, kinansala dahil sa “Capiztahan” sa Capiz

Posted April 11, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Kinansila ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) Inc. ang naka-scheduled sanang brown out bukas sa buong isla ng Panay.

Ayon sa AKELCO Sub-Station Office sa Brgy. Caticlan sa bayan ng Malay.

Nagpadala umano ng power advisory sa kanila ang AKELCO main office na hindi matutuloy bukas ang isang araw na power interruption.

Ito ay dahil umano sa hiling ng Capiz Electric Cooperative (CAPELCO) sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na ikansila muna ang brown out bukas dahil sa kanilang selebrasyon na “Capiztahan” sa nasabing probinsya.

Nabatid na ito ay inire-scheduled sa susunod na Linggo Abril 19, 2015 simula ala-sais ng umaga hanggang ala-singko ng hapon.

Samantala, napag-alaman na ang dahilan ng nakatakdang power interruption ay ang pagsasagawa ng comprehensive maintenance sa area ng Dingle-Panit-An transmission line at Nabas at Malay sa Aklan bilang paghahanda sa nalalapit na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit Ministerial Meeting sa isla ng Boracay ngayong Mayo.

Mga artifacts sa Kalibo, isasailalim sa carbon-dating analysis

Posted April 11, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for carbon-dating analysisMaaari ngayong isailalim sa carbon-dating ang mga nakitang artifacts sa Kalibo Aklan.

Ayon kay National Museum Researcher Giovanni Bautista, kailangang sumailalim sa nasabing pagsusuri ang mga nakitang artifacts upang maberipika ang edad at authenticity nito.

Anya, kasama na umano rito ang mga natagpuang artifacts sa loob ng dalawang kuweba sa pinakamataas na bahagi ng Kalibo.

Nabatid na Setyembre 2014 nang pinangunahan ni Bautista ang isang grupo ng mga researchers sa archaeological digging sa Tigayon Hills, kung saan natagapuan ang ilang sinaunang gamit, mga Chinese ceramics, kalansay ng hayop at mga ngipin ng tao.

Samantala, natuklasan din nila sa kuweba ang Carnelian bead, isang pambihirang semi-precious gem stone na ginagawang alahas sa Europe at South America.

Pagtaas ng kaso ng aksidente sa kalsada dahil sa mga aso, patuloy na pinag-aaralan ng SP Aklan

Posted April 11, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for SP Aklan yes  fm boracayPatuloy parin ngayong pinag-aaralan ng SP Aklan ang pagtaas ng kaso ng aksidente sa kalsada, kung saan sangkot ang mga aso.

Sa ginanap na 12th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan, muling tinalakay ang patuloy na pagtaas ng ganitong kaso.

Ayon sa SP Aklan, mahalagang mapagtuunan ng pansin ang mga asong palaboy-laboy lamang sa kalye o highway na syang isa sa mga naging dahilan ng pagkakaaksidente ng mga motorista.

Magugunita na matagal na ring problema ang mga aso sa kalsada dahil bukod sa naging sanhi ito ng aksidente, nagdudumi din ito at minsa’y nangangagat sa mga taong dumadaan.

Nabatid naman na patuloy na hinihikayat ng Compassion and Responsibility for Animals (CARA) ang lahat na e-report ang gumagalang aso sa otoridad.

SB Bautista, kinalampag ang mga kinauukulan sa 5 meter setback sa mga ilog sa Malay

Posted April 11, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Muli na namang kinalampag ni SB Member Floribar Bautista ang mga kinauukulan sa ordinansa na 5 meter setback sa mga ilog sa bayan ng Malay.

Sa ginanap na 13th regular SB Session ng Malay nitong Martes, sinabi ni Bautista na hanggang ngayon ay hindi parin umano gumagalaw para mag self-demolish ang mga residente na pasok sa 5 meter easement sa river bank sa brgy. Caticlan.

Nabatid na binigyan ng palugit ng Lokal na Pamahalaan ng Malay ang mga residente na kasama sa 5 meter setback na lisanin ang mga ilog o river bank sa Malay ngayong buwan ng Abril.

Napag-alaman naman na ilang bahay ang nakatayo sa gilid mismo ng river bank sa brgy. Caticlan na ikinabahala ni Bautista dahil sa nagdudulot umano ito ng dumi sa ilog.

Matatandaan na isang isang ordinansa ang nilagdaan ni Malay Mayor John Yap, upang ma-protektahan ang kalikasan lalo na ang mga ilog sa bayan ng Malay.

Ito ay ang Municipal Ordinance 198 kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pagtatayo ng ano mang structures o bahay limang metro mula sa ilog kasama na ang mga estero, lakes o lagoon sa huridikasyon ng Malay.

Dahil sa P20.00, tindera sa Boracay pinagtulungang bugbugin ng mag-ina

Posted April 11, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for 20 pesosPasa sa ibat-ibang parti ng kanyang katawan ang tinamo ng isang tindira matapos na pagtulungang bugbugin ng mag-ina sa Boracay.

Sa blotter report ng Boracay PNP Station, itinago ang biktima sa pangalangang Jinky, 27-anyos at residente ng Lanao Del Sur.

Base sa salaysay ng biktima sa mga pulis pinagbintangan umano siya ng anak ng kanyang amo na babae na kumuha ng P20.00 sa kanilang cashier box ngunit itinanggi naman niya ito.

Dahil dito isa umanong mainit na argumento ang namagitan sa kanila kung saan dito umano siya sinugod ng mag-inang suspek at pinag-susuntok kasabay ng paghampas ng matitigas na bagay sa ibat-ibang parti ng katawan nito.

Mabilis naman umano silang naawat ng isa sa kapamilya ng suspek kung saan makalipas ang ilang minuto ay agad namang dumating ang mga pulis dahilan para maaresto ang inang suspek ngunit nakatakas naman ang anak nitong babae.

Iginiit naman ng biktima sa himpilan ng pulisya na ibinigay umano sa kanya ng kanilang kustumer na lalaking lasing ang P20.00 at hindi niya umano ito kinuha sa kanilang kita sa binabantayang carenderia.

Friday, April 10, 2015

E-Trikes, di parin ‘welcome’ sa mga tricycle drivers at operators sa Boracay?

Posted April 10, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Mistulang hindi parin ‘welcome’ sa mga tricycle drivers sa Boracay ang E-Trikes.

Sa kabila ito ng ilang beses nang pakikipagdayalogo ng LGU Malay sa mga traditional tricycle operator sa isla kaugnay ng nasabing E-Trike program.

Muli na naman kasing binuhay ng ilang tricycle drivers at operators sa isla ang usapin tungkol sa ipinapatupad na color coding.

Ayon sa mga umaalmang drivers at operators, ‘unfair’sa kanila na hindi mapagbiyahe ang kanilang unit kapag hindi nito schedule lumabas, habang malayang nakakapamasada ang mga E-Trikes.

Ipinagtataka din umano nila kung bakit sila lang na mga traditional tricycle drivers ang may dalawang kulay ng unit, habang paiba-iba ang sa mga E-Trikes.

Maliban dito, may mga pagkakataon ding naiispatan na sinisigawan ng ilang tricycle drivers ang mga driver ng E-Trikes na “dagdag lang kayo sa trapik”, “pasikip lang kayo sa kalsada” at iba pa.

Magugunita ring umalma ang ilang nakakuha ng E-trike nitong nakaraang taon dahil sa palpak umanong kalidad nito.

Summer Vacation deployment ng mga Police-Boracay, ininspection ng PIAS

Posted April 10, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Photo Credit to Boracay PNP
Ininspection ng PIAS ang Summer Vacation deployment ng mga Police-Boracay.

Pinangunahan ni PSInsp. Lendley Torato ng PIAS o Provincial Internal Affairs Service ang inspection sa mga TADs o Tourists Assistance Desk ng Boracay PNP mula Station 1 hanggang Station 3.

Maliban dito, ininspeksyon din ni Torato ang long beach at nakipag-usap sa mga Municipal Auxiliary Police-Boracay Bike Patrollers at Boracay PNP Bike Patrollers.

Nabatid na patuloy paring tinututukan ngayon ng mga kapulisan sa Aklan at Boracay ang seguridad ng mga turista sa isla, lalo na’t papalapit na ang APEC sa Boracay.

TIEZA, nakatakdang ipatawag sa Sangguniang Bayan ng Malay

Posted April 10, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Gagawa na ngayon ng karampatang hakbang ang Local Officials ng Malay para dumalo ang Tourism Infrastructure Enterprise Zone Authority (TIEZA) sa kanilang Session.

Ito’y dahil sa palagi silang bigong makadalo sa Session sa tuwing ipapatawag ang mga ito gayon din ang pagpapadala ng hindi otorisadong tao na hindi naman makapagbibigay ng sagot na itinatanong ng mga konsehales.

Dahil dito sinabi ni SB Member Frolibar Bautista sa 13th Regular SB Session nitong Martes na kung maaari ay gumawa sila ng resolusyon na kailangang dumalo ang pamunuan ng TIEZA sa kanilang susunod na Session na sinang-ayunan naman ng local body.

Nabatid na ang pagpapatawag sa kanila ay may-kaugnayan sa kanilang mga proyekto sa Boracay kasama na ang drainage project na ipinapaturn-over ng LGU Malay sa Boracay Island Water Company (BIWC) para mabigyan ng karampatang pansin.

Kaugnay nito nais din ng mga konsehales na ang mismong dumalo sa Session ay ang siyang may mataas na panunungkulan sa TIEZA at ang may alam sa mga naturang mga usapin.

Tour guide, kalaboso sa buy bust operation; 3 sachet ng shabu, nasabat

Posted April 10, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kalaboso sa isinagawang buy bust operation sa Sitio Bolabog Balabag Boracay alas onse kagabi ang isang tour guide.

Sa pinagsanib pwersa ng BTAC at Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group.

Nasabat mula sa suspek na si Jamal Marin ang nasa tatlong sachet ng hinihinalang shabu, isang libong piso, improvised burner, rolled foil, improvised bamboo clipper at  isang unit ng cell phone na naglalaman ng mga illegal drug transactions umano nito.

Samantala, nakuha rin mula sa isinagawang operasyon ang perang ginamit bilang marked money.

Kaugnay nito, matapos maaresto, nahaharap naman ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa sa Republic Act 9165 o An Act Instituting The Comprehensive Dangerous Drugs Act Of 2002.

Aklan, target na maging “Smoke Free” ng PHO

Posted April 9, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for smoke freeHinihimok ngayon ng Aklan Provincial Health Office (PHO) ang  mga Aklanon na gawing Smoke Free ang probinsya.

Sa ginanap na Provincial Tobacco Control Network Orientation ng PHO, sinabi ni Provincial Health Officer II Victor Santamaria na sadyang hindi maganda ang epekto ng paninigarilyo lalo na sa mga non-smokers.

Anya, layunin ngayon ng PHO na tulungan ang pamahalaang probinsyal ng Aklan na paigtingin ang mga polisiya at hakbang upang linisin ang mga pampublikong lugar sa buong probinsya laban sa nakalalasong usok ng sigarilyo.

Kaugnay nito, binigyang-diin din ni Santamaria ang mga pinakaepektibong hakbang na nagsusulong sa batas laban sa paninigarilyo.

Kung mapapansin anya, may mga picture warnings sa mga pakete ng sigarilyo, dahil isa ito sa mga estratehiya upang kumbinsihin ang mamamayan na tigilan na ang paninigarilyo.

Samantala, nabatid na may ordinansa ang Aklan hinggil sa mahigpit na pagbabawal ng paninigarilyo sa mga pagtitipong pampubliko, mga pampublikong sasakyan, entertainment areas, opisina, bangketa at mga pampublikong gusali.

Bagkus, maaari lamang umanong manigarilyo sa tahanan, pribadong sasakyan at mga itinalagang outdoor area.

Thursday, April 09, 2015

Red Cross life guards, madadagdagan na?

Posted April 9, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Image result for red cross life guardMay 12 life guard ang PRC o Philippine Red Cross Malay-Boracay Chapter.

Dahil dito, umaasa parin ang PRC na madadagdagan na ang kanilang life guards.

Ayon kasi kay PRC Deputy Administrator John Patrick Moreno, nasa floating status parin ito ngayon at walang katiyakan kung kailan maaprubahan ang budget nito mula sa LGU Malay.

Dahil dito, sinabi pa ni Moreno na volunteers na muna ang mga life guards nila ngayon habang wala pang job order.

Samantala, nabatid na patuloy namang nagbibigay ng first aid trainings at safety courses ang PRC Malay-Boracay Chapter sa isla.

Casino at Entertainment Business balak ipatayo ng isang resort sa Boracay

Posted April 9, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Casino
Gumulong na sa Sanguniang Bayan ng Malay ang request para sa SB Endorsement ng Boracay New Coast Hotel Group Inc. na mag operate ng Casino at Entertainment Business sa Boracay.

Sa 13th Regular SB Session ng Malay nitong Martes ito ay napag-usapan sa Committee Report na pinangunahan ni SB Member Rowen Aguirre.

Ayon kay Aguirre nagkaroon umano ng committee hearing dito ang Committee on Tourism na dinaluhan naman ng New Coast Management at ng Vice Chairman ng Committee on Tourism na si Leal Gelito.

Sinabi pa ni Aguirre na tinukoy umano sa kanila ng New Coast na ang maglalaro lang sa nasabing Casino ay ang mga guest ng nasabing hotel at bukas lamang ito sa mga foreign tourist.

Samantala, tungkol naman umano sa legality ng nasabing Casino tiniyak naman sa kanya ng New Coast na ang magbibigay ng lisensya dito ay ang Philippine Gaming Authority at ang Philippine Navy.

Kaugnay nito ang nasabing usapin ay muling itinakda sa second reading sa susunod na regular SB session ng bayan ng Malay para sa mas mabusising pag-aaral. 

Mga raliyista sa Aklan, nanindigan para sa Emergency Shelter Assistance

Posted April 8, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for we protestNanindigan ngayon ang mga raliyista sa Aklan para sa Emergency Shelter Assitance.

Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan-Aklan coordinator George Calaor.

Kinokondena nila ang Memorandum Circular No. 24 ng gobyerno, kung saan ito ang batayan na sinusunod ng Department of Social Welfare and Development Office (DSWD) sa pagpili ng mga mabibigyan ng financial assistance.

Anya, isa sa pangunahing kakulangan ng administrasyong Aquino ang kawalan nito ng kakayahan o interes na imonitor ang bawat barangay at komunidad na nangangailangan.

Dagdag pa nito na pinipili umano ng DSWD ang kanilang binibigyan ng pinansyal na tulong at mga pabahay.

Isa na umano rito na kapag may pamilya na isang Overseas Filipino Worker (OFW) ang biktima ay hindi nila bibigyan ng tulong.

Bagay na hindi patas at naaayon ayon kay Calaor dahil sa lahat naman umano ay napinsala nang dumaan ang bagyong Yolanda sa probinsya.

Samantala, sa kanilang isinagawang kilos protesta kanina, muling binigyang diin ng mga raliyista ang paghingi ng umano’y patas na pagtugon sa mga naging biktima ng bagyo.

Wednesday, April 08, 2015

Cellphone at pera tinangay ng mga magnanakaw mula sa turista sa Boracay

Posted April 8, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for water proof bag on beach\]Isa na namang nakawan sa beach front ng isla ng Boracay ang naitala ng Boracay PNP Station kaninang umaga sa Station 1 Balabag.

Sa blotter report ng Boracay PNP nakilala ang mga biktimang sina Arthur Estremera, 27-anyos at Kristine Estremera, 24-anyos kapwa bakasyunista.

Nabatid na iniwan umano ng mga biktima ang kanilang water proof bag sa buhagin saka sila nagdesisyong maligo sa dagat.

Ngunit sa kanilang pagbalik ay hindi na nila naabutan ang kanilang iniwang bag na naglalaman ng dalawang cellphone na pagmamay-ari ni Arthur at cash na nagkakahalaga ng P7,000 na pagmamay-ari naman ni Kristine.

Sinabi naman ng mga biktima na mayroon silang napansin na grupo ng mga kabataan malapit sa kanilang pinag-iwanan ng bag ngunit hindi naman umano nila ito pinansan.

Samantala, matapos ang embistigasyon ng mga pulis ay wala parin silang matuntung suspek sa nangyaring nakawan dahil sa kawalan ng sapat na ibedensya.