Matapos ang labimpitong araw ng pag-gawa, sa ika-labingwalong araw, ay ipagdiriwang at gugunitain na ang bunga ng mga paghihirap ng mga nagmamalasakit sa isla ng Boracay.
Ito ay sa pamamagitan ng isang programa bilang selebrasyon ng Boracay Day at ikatlong anibersaryo ng Boracay Beach Management Program (BBMP).
Gaganapin ito ngayong araw na magsisimula mamayang alas-tres ng hapon.
Ayon kay Al Lumagod ng Boracay Foundation Inc. (BFI) at isa sa mga event coordinators, ang Boracay Day umano ay ang pagdiriwang sa mga pinag-hirapan ng iba’t-ibang organisasyon at kumpanya upang protektahan at alagaan ang isla ng Boracay.
Ito rin umano ay ang produkto ng Branding Boracay Workshop sa pangugnuna ni Malay Mayor John Yap na ginawa noong a-otso hangggang a-nuebe ng Abril ng kasalukuyang taon.
Anya, sa tulong na rin ng BFI ay pinagplanuhan ang mga magiging aktibidad ngayong Mayo bago ang mismong selebrasyon ng Boracay Day.
Sa nasabing workshop ay boluntaryo din umanong nag-commit ang iba’t-ibang organisasyon at kompanya ng kanilang mga pangako upang mapangalagaan ang isla.
Samantala, inaasahang sa nasabing programa ay dadalo ang iba’t-ibang organisasyon na aktibong nangangalaga sa isla ng Boracay, at ang ilang indibidwal tulad na lamang nina Mayor Yap at artist-musician Joey Ayala bilang special guest.
Kasabay nito ay nananawagan din si Lumagod na sana ay pangalagaan ng publiko, lalo na ng mga stakeholders at ng mga Boracaynon, ang isla ng Boracay dahil nag-iisa lamang ito at wala nang katulad pa nito sa buong mundo.
Dapat din umanong gawin ng lahat ang kanilang share hindi lamang para sa ikabubuti ng kasalukuyan kundi para na rin sa susunod na mga henerasyon.
Ang selebrasyon ng Boracay Day at BBMP 3rd Anniversary ay may layuning magkaroon ng volunteerism at commitment mula sa mga stakeholders, mga indibidwal at organisasyon sa isla na ibalik ang pabor na ibinibigay ng Boracay sa mga ito.
Matatandaang noong mga nakaraang selebrasyon ng Boracay Beach Management Program ay isinasagawa sa buwan ng Setyembre, ngunit sa bisa ng executive order ay inilipat ito sa buwan ng Mayo at deklarado bilang isang special non working holiday sa bayan ng Malay.