YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, September 29, 2012

Pagkakahati ng Aklan sa dalawang distrito bago ang filling of COC, malabo na

Naipadala na ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang kanilang resulosyon ng pasasalamat para sa pag-sponsor ni Senator Ferdinand “Bong-bong” Marcos Jr. sa Senate Bill No. 3860 na “House Bill creating an additional legislative district in the province of Aklan” ayon kay SP Secretary Odon Bandiola.

Kung saan ang resolusyon naman ng SP ay naglalaman ng pasasalamat nila sa pag-isponsor ni Marcos para gawing dalawang distrito ang probinsiyang ito at ang kahilingan ng mga Board Member na madaliin na ang pagpasa sa Senate bill para maihabol bago paman paghahain ng kandidatura ng mga kandidato para sa May 2013 election.

Ito ay sa kabila ng ilang araw nalang ay itinakda na ang pormal na paghahain ng kandidatura na naka-skedyul sa a-uno hanggang ika-5 ng Oktobre ng kasalukuyang taon.

Gayong nitong Sept. 19 lamang naaprubahan ng SP ang resulosyon para kay Marcos.

Sa pagkaka-alam ni Bandiola, hinaharangan din ni Sen. Sergio Osmeña III ang panukala ni Marcos dahil di umano ay  kinunekta nito sa isyu ng isang daan at labing isang bilyong pisong anomalya na kinasasangkutan ng isa sa napapabalitang  aspirante para sa pagka-Congressman ng Aklan na si Kasangga Representative Teodorico Haresco.

Maliban dito, sa personal na pagkaka-alam umano ni Bandiola, naka-reces na rin ang Senado ngayon kaya malabong makakahabol pa ang pag-aproba sa Senate Bill No. 3860 bago ang Filling of Candidacy na magsisimula ngayong Lunes, a-uno ng Oktobre. | ecm 092012

Resolusyon ng pagkilala ng SP Aklan kay Kasangga Rep. Haresco, inalmahan

Sa halip na makatulong para sa kandidatura ni Kasangga Representative Teodorico Haresco, tila naungkat pa ang kondisyon at kinasasangkutan nitong isyu.

Ito ay dahil mainit na pinagdebatihan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang pagpasa ng resolusyon upang kilalanin ang mga magagandang ginawa ni Haresco para sa probinsiya na humantong sa botohan ng mga Board Member sa sesyon ng SP.

Anim ang bumuto para ma-aprubahan ang resolusyon at dalawa naman ang nag-abstain kaya nanaig ang mayorya at naipasa ito.

Layunin ni Board Member Nemesio Neron sa resolusyon na ito ay pasalamatan at kilalanin si Haresco dahil naging maganda umano itong halimbawa sa mga kabataan sa Aklan at maraming proyekto ang nadala nito sa probinsiya isa na dito ang pagpapatayo ng tulay na nagkokonekta sa  Bayan ng Banga at Madalag.

Pero, bagamat hindi tutol si Board Member Phoebe Clarice Cabagnot sa resolusyon, kinuwestiyon nito kung sigurado ba si Neron na ipasa talaga ang panukal gayong si Haresco ay sinasangkot ngayon sa anomaly sa P111 billion na mga kontrata sa pagtatayo ng mga tulay kasama ang dating Pangulo at ngayong Pampanga Representative Gloria Arroyo kaya laman ito ngayon ng mga balita.

Ayon kay Cabagnot, bakit pa ito gagawin gayong ibinulgar ni Senator Sergio Osmeña III na kasama si Heresco sa iniimbestagahan ng Senado na nasa likod ng maanumalyang kontrata na ito kaya hindi umano magandang role model para sa mga kabataan.

Ipinunto pa nito na ang ipinagmamalaking tulay na ito ay hindi pa naman nga natatapos.

Pero agad naman dininepensahan ni SP Rodson Mayor ang kongresista sapagkat hindi naman umano nangangahulugang dahil sa laman na ito ng balita at iniibestahan sa ay guilty na agad si Haresco hanggang sa mapatunayan talaga at ma-convict na.

Maliban dito, kinuwestiyon din ni SP Member Daisy Briones si Neron kung bakit pa magpapasa ang resolusyon para sa Kasangga Representative gayong marami naman opisyal na nanungkulan sa probinsiyang ito na malaki na rin ang naitulong sa pagpapa-unlad sa Aklan gaya ni Congressman Florencio Miraflores at Governor Carlito Marquez.

Pero sa kabila ng mga komentong ito ng dalawang Board Member, nagawa pa ring mailusot ang resolusyon matapos pagbotohan. | ecm 092012

Residuals sa mga MRF sa Boracay, hindi pa magalaw-galaw

Nakahanap na sana ng kontraktor ang Boracay Solid Waste Management Board ayon kay Sangguniang Bayan Member Dante Pagsugiron para siyang maghakot ng mga residual na basura nakatambak ngayon sa Material Recovery Facilities (MRF) sa tatlong Baranggay sa isla.

Subalit ang problema sa kasalukuyan, hindi ito magalaw-galaw dahil siguradong mapupuno na umano at wala nang paglagyan ng mga basurang ito sa landfill ng Malay sa Brgy. Cabulihan.

Nabatid mula sa konsehal na may dalawang libong cubic meter pang ng residual sa MRF Yapak, pitong libo cubic meter sa Balabag at may tatlong libong cubic meter sa Manoc-manoc ang hindi pa nahahakot at ang iba dito ay noong nagdaang taon pa.

Bunsod nito, nababahala ang SB na kapag hindi ito na nahakot ay baka masira ang imahe ng Boracay dahil sa mga basurang ito.

Kaya nanghingi ng rekomendasyon si Pagsugiron kay Engr. Arnold Solano, Special Project Officer na siyang umaasikaso sa proyektong Land Fill, kung ano ang iba pang paraan para masulosyunan ang problemang ito sa Boracay, makaraang pumalpak ang P38 milyong landfill project.

Dahil sa problemang ito na nararanasan, posibleng magpasa nalang umano ang SB ng batas na taasan ang Environmental Fee dahil masyadong mahal din ang sulosyon sa mga basura sa isla.

Maliban dito, balak na rin nilang madaliin ang pagpasa ng ordinansa na nagre-regulate sa pag-gamit ng plastic bag at styropor sa isla at Mainland Malay ng sa ganoon ay mabawasan ang suliranin sa mga residuals.

Napasama na rin sa mga rekomendasyon ng SB na kung gagastos lang din ng milyong piso para sa ilang taong serbisyo ng landfill, bakit hindi nalang anila bumili ng makinarya upang  mapabilis na maubos ang basurang ito at mapakinabangan pa ang produkto mula sa mga basura.

Kaugnay nito, nilinaw ni Solano na hindi pa naman huli ang lahat, at pwede pang maayos ang sitwasyon ng proyekto, dahil hindi pa nakapagbayad gayong hindi pa na-release ng bangkong pinag-utangan ang pambayad na pera para sa kontraktor.

Kaya pwede pa nilang magipit ang kontraktor na ayusin ang landfill na naaayon sa orihinal na plano at disenyo. | ecm 092012

Pagsasabatas na i-training ng first aid ang mga empleyado sa Boracay hiniling

Kapag maisabatas, aasahang lahat ng mga empleyado ng mga establishmento sa Boracay ay magkakaroon na ng kakayahang tumugon sa oras ng emerhiya.

Sapagkat pormal nang hiningi ng Philippine National Red Cross Malay-Boracay Chapter sa Sangguniang Bayan na magpasa ng batas ang konseho upang gawin nang requirements na isailalim sa pagsasanay ng “first aid” ang mga nagtatrabaho sa Boracay  para sa safety nila ang nga mga turista.

Bagamat naipresenta na ng Red Cross sa SB tatlong linggo na ang nakakalipas ang kaugnay dito at sa kanilang operasyon at mga plano ngayon taon, isinunod agad nila ang kanilang kahilingang ito.

Gayon din huminling din ang Red Cross ng tulong para sa iba pang serbisyo nila gaya ng bulontaryong pag-donate ng dugo at insurance na ino-offer nila sa publiko.

Gayong naisama na ang kahilingang ito ng Red Cross sa agenda ng SB, itatakda naman ang pagdinig para dito na pangungunahan ng Committee on Public Safety, upang lubusan na ngang maging batas ito. | ecm 092012

SB Malay, dismayado sa sinapit ng P38 million landfill project ng Malay

Dismayado ang Sangguniang Bayan ng Malay sa nadiskubrehan nilang sinapit ng P38 million na proyektong land fill ng Malay sa Barangay Cabulihan, na siyang sulosyon sana sa mga basurang nakukolekta sa Boracay.

Ito ay makaraang ihayag ni Engr. Arnold Solano, Special Project Officer ng Malay, ang sinapit ng proyektong ito mula sa kamy ng kontraktor na gumawa ng landfill.

Nabatid na niliitan umano ng kontraktor ang lugar na tinatambakan dapat ng mga residual taliwas sa nakasaad sa planong desinyo at resulta ng pag-aaral na ginawa ng grupong Japan International Company Agency (JICA).

Ilan lamang ito sa problemang nakita at isiniwalat ni Solano sa question hour nitong umaga sa SB.

Bagamat hindi pa naibibigay sa kontraktor ang bayad para sa pag-gawa sa land fill gayong hindi pa na-release ang loan para dito, isiniwalat ng engineer na halos tapos na ang proyekto dahil nasa siyam napung pursiyento na ang nagagawa dito.

Tila hindi rin matanggap ng konseho na binago ng kontraktor ang disenyo ng proyekto na hindi manlang ipinagpa-alam sa LGU Malay.

Dahil dito, nababahala ang mga konsehal na baka mamalisyahan pa sila sa sinapit ng land fill, lalo na at milyong piso ang gagastusin at naging palpak pa.

Dagdagan pa umano na utang ito ng bayan at binabayaran ang interest, gayong ang konseho ang nag-aproba sa proyekto ito kaya lahat halos sila ay may pananagutan sa publiko. | ecm 092012

Mahigit 25 pulis-Boracay, na-relieve

Mahigit dalawampu’t limang pulis-Boracay ang kumpirmadong na relieve mula sa kanilang serbisyo dito sa isla ng Boracay.

Ang bagay ay nakumpirma ng himpilang ito mula sa BTAC o Boracay Tourist Assistance Center, na sinabi rin ni Mayor John Yap nang magpatawag ito ng Municipal Peace and Order Meeting.

Nabatid na simula pa ika labing anim hanggang ikadalawampu’t isa ng Setyembre ng taong kasalukuyan ay dumating ang mga relieve order mula sa Regional at Provincial Command ng PNP.

Kasama sa mga narelieve na mga pulis ay isang SPO1, dalawang PO3, at mga may ranggong PO1 mula sa RMG o Regional Mobile Group na itinalaga dito sa isla.

Napag-alamang ang naunang dalawang ranggong ng mga pulis ay dito lang din sa Aklan inilipat, habang lahat halos ng mga taga-RMG ay ibinalik sa kung saang probinsya sila dating naka assign.

Sinasabing matagal na rin umano talaga gustong magpa relieve ng ilang pulis dito sa isla, habang ang iba naman ay narelieve dahil umano sa kanilang attitude problem. | md092012

LGU Malay, nangakong tulong sa kinakapos na Intelligence Fund ng MPOC

Kulang ang intelligence fund ng MPOC o Municipal Peace and Order Council.

Ito umano ang isa sa malaking problemang kinakaharap ng nasabing konseho, dahilan upang magpatawag ng pulong kahapon si Malay Mayor John Yap.

Sinabi nito na ang ganitong problema ay nararapat na bigyang pansin mismo ng Lokal na pamahalaan ng Malay, para sa ikabubuti ng operasyon ng mga taga Peace and Order Council dito.

Natuklasan umano kasi ng LGU na kulang ang ginagamit na intelligence fund partikular sa mga taga-Pulis Boracay.

Napag-alamang ang nasa kuwerenta’y dos mil pesos na pondo para sa mga taga Boracay pulis, ay kulang na kulang, sa bayarin pa lamang sa tubig at kuryenteng ng nasabing estasyon.

Ayon pa kay Vice Mayor Cesiron Cawaling, papaanong makapagtrabaho ng mabuti ang mga pulis kung kulang ang kanilang pondo, halimbawa sa mga pambili ng mga suplay na ginagamit sa kanilang operasyon.

Napag-alaman ding umaabot sa P1.5 million ang inilaan ng LGU Malay para sa nasabing Intelligence Fund, subali’t talaga lamang na mahigpit umano ang Commission on Audit.

Ayon naman kay Mayor John Yap, hindi rin pupuwedeng basta na lamang silang magbigay ng tulong pinansyal sa mga pulis, lalo na kapag galing sa sarili nilang bulsa.

Ang magagawa na lamang umano ng LGU at nga mga ng mga nangakong resort sa Boracay ay ang tulong pagdating sa mga kinakailangang supplies ng mga pulis.

Maliban sa mga pulis, nangako din ang alkalde na tutulongan din ang mga kahalintulad na problema ng sundalo, Coast Guard, at mga taga-Bureau of Fire dito. | md092012

Surveillance sa mga establishimiyentong hindi nagbabayad ng tamang buwis kompleto na

Nakumpleto na umano ngayon ang surveillance na ginagawa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Aklan sa mga  stablishimiyento sa Boracay na hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Gayon pa man, ayon kay Revenue District Officer Ricardo Osorio, binibigyan naman nila ng pagkakataon ang mga lumabag na makapagbayad.

Alam naman umano ng ahensiya na mahirap para sa mga negosyante na makandado ang kanilang mga establishemento.

Kaya anya, sa ngayon ay pinadalhan na nila ito ng mga sulat para bigyang paalala at idadaan nila ito sa tamang proseso at kung ayaw pa talaga, doon na nila gagawin ang pagkandado.

Samantala, nabatid din mula dito na may lima hanggang sampung malalaking kumpaniya o establishemento sa Boracay ang hindi nagbabayad ng buwis dito sa BIR sa Aklan kundi doon na umano sa Maynila.

Karamihan umano sa mga ito ay mga malalaking kumpaniya.

Magkaganoon man, ayon kay Osorio, hindi naman ito kabawasan para sa target collection ng distritong ito.

Ngunit aminado ito na malaking halaga din naman ang buwis na nire-remit ng mga kampanyang ito sa Maynila. | ecm 092012

Mga establishimiyento sa Boracay na walang ibinibigay na resibo, marami pa rin

Aminado ang Bureau of Internal Revenue (BIR) Aklan na hanggang sa ngayon ay patuloy at marami pa rin silang natatanggap na mga reklamo mula sa mga consumer at turista sa Boracay na may mga establishimiyento parin ditong hindi nag-iisyu ng resibo.

Sa isang eksklusibong panayam kay Aklan Revenue District Officer Ricardo Osorio, sinabi nitong kabila umano ng ginagawa nilang kampiya para mabawasan na ang mga reklamo upang sa bawat transaksiyon at pagbili ng mga costumer ay mag-isyu ng resibo ang mga establishimiyento ay may mga nakakalusot pa rin.

Gayon pa man, sinabi ni Osorio na patuloy ang surveillance na ginagawa nila sa mga establishento sa isla at papanagutin ng ahensya ang hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Ipinunto rin ni Osorio, na hindi lamang sa tanggapan nila dito sa Aklan nakakarating ang mga reklamo, kundi direkta itong ipinapaabot sa tanggapan mismo ng kumisyon o National Office ng mga bisita sa isla.

Naniniwala ito na doon mismo inirereklamo ang mga establishmento dahil ang mga turista sa Boracay ay hindi lang naman mga taga-ibang bansa kundi may nagmumula din sa ibang lugar sa Pilipinas, lalo na sa Maynila.

Kaya pinaalalahanan nito ang mga stakeholder sa isla na magbayad ng tamang buwis at mag-isyu ng resibo sa bawat transaction o may bibili. | ecm 092012

Aklan Provincial Hospital, nalugi ang operasyon noong 2011

Bago pa man kumpirmahin ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang appointment ni Dr. Michael Terencio bilang Head ng Economic Enterprise Development Department (EEDD) ng probinsiya nitong ika-19 ng Sityembre, ibinuking nito na nalugi ng may P40M hanggang P50M ang Aklan Provincial Hospital nitong nagdaang taon ng 2011.

Ito ay dahil karamihan umano sa mga ipinapasok na pasyente sa ospital na ito ay nasa Charity Ward.

Gayong sa pagpapatakbo umano ng pagamutan dapat aniya ay 20% dito ay charity at 80% ang nagbabayad.

Pero kabaliktaran ang nangyayari dahil sa ngayon 80% ang nasa charity at 20% lamang ang nagbabayad na pasyente sa mga serbisyo at pasilidad ng ospital.

Pinasubalian din nito ang mga ipinukol na isyu at tanong ng mga miyembro ng SP, kaunay sa di umano’y itinuturo pa sa mga private room ang mga pasyenteng indigent o kapos palad sa halip na sa Charity ward.

Paliwanag nito, karapatan naman ng mga pasyente na mamili at hindi nila iyon pinipilt, gayong kapag kinulang umano sa beddings ang ospital ay pinahihintulutan naman nila na magdala ng sariling mga gamit ang mga pasyente.

Dahil dito, bago ang kumpirmasyon sa appointment ni Dr. Terencio, hiniling ni Board Member Rodson Mayor sa kaniya na silipin ang ganitong sitwasyon at aksiyunan hanggat maaari sa lalong madaling panahon. | ecm 092012

Produktong Aklanon, todo promosyon

Todo “promote” ngayon ang ng Aklan sa mga produktong gawa ng probinsiya mula sa mga souvenirs items, pagkain, pampasalubong frozen and process food hanggang sa mga damit na gawa mula sa piña fiber at gamit o dekorasyon sa mga bahay.

Ito ay upang bigyan ng pagkakaton ang mga maliliit na mamumuhunang Aklanon na may kakayahan sa pagnenegosyo ay lumikha ng mga bagay-bagay mula sa mga native na materyales para maging kapaki-pakinabang, gayon din para sa kabuhayan nila.

Bunsod nito, lumahok ang may 28 miyembro ng Small Medium Enterprise (SMEs) sa Aklan Expo 2012 sa Iloilo City na nag-simula noong ika-22 hanggang 28 ng Oktobre kung saan ibibida ang mga produktong ito.

Maliban dito, suportado din ng lokal na pamahalaan ng probinsiya ang Aklan SMEs, sapagkat maging ang Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ay may panukala na rin na bigyang prayoridad ang mga produktong gawang Aklan na gustong pumuwesto sa mga stalls sa loob ng Kalibo International at Domestic Airport.

Ito ay sa kahilingan na rin ng pamunuan ng paliparaan upang makilala din ang Aklan hindi lamang sa larangan ng turismo, kundi maging sa mga tourist-oriented na mga produkto. | ecm 092012

Monday, September 24, 2012

Coral Restoration Program sa Boracay, inlarga na

Hindi naman kailangan maging diver pa para makapag-tanim ng korales.

Kaya hinihikayat ngayon ng Project 5 staff ang mga lokal na Boracaynon na makiisa sa programa nila sa “Pilot Technology Demonstration on Coral Reef Restoration” na makiisa o makibahagi dito.

Ang proyekto ito ay pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST) at isa ang Boracay sa napili na makinabang dito.

Bunsod nito, mahigit limangpung katao ang dumalo mula sa iba’t ibang sector sa Boracay nitong umaga hanggang sa kasalukuyan bilang hakbang nilang ginagawa sa pagpatupad ng programang ito.

Ang mga dumalo na kinabibilangan ng mga opisyales mula sa tatlong barangay sa isla, Municipal Auxiliary Police, Philippine National Police, business sector, Bureau of Fire Protection, Boracay Action Group, mga tanod at iba’t ibang Non-Government Organizations.

Layunin ng programang ito na ma-promote ang pangangalaga at kung papaano ang mga paraan upang ma-ayos at maibalik sa dati ang mga korales sa isla sa paraan ng teknolohiya na diskubre nila.

Nabatid na sa programang ito, tuturuan ang mga lokal na indibidwal sa isla na intresadong makibahagi sa proyekto kung paano mapadami sa paraan ng pagtanim, at pangangalaga sa maliliit na korales upang maibalik ang mga yamang dagat na ito.

Ayon kay Rex Samuel Abao, Project Developing Officer, isang taon nilang ipapatupad ang proramang ito sa isla, na inaasahang malaki ang pakinabang ng proyekto para sa turismo ng Boracay.

Samantala, kapag maging maganda ayon dito ang panahon sa susunod na mga araw ay sisimulan na nila ang pagtatanim ng mga korales. | ecm092012

Habal-habal driver sa Boracay, mas wais sa LTO?

Kung “de gulat” ang atake nila sa kanilang operasyon ang taga-Land Transportation Office (LTO) sa Boracay, tila mas magaling pa sa mga ito ang diskarte ng mga drivers ng motorsiklo o habal-habal sa isla.

Ito ay dahil kapag naririto na sa Boracay ang mga law enforcers, may mahuli man sa mga ito ay mabilis din kumalat ang balita kaya nagtatago at hindi na pumapasada ang mga habal-habal driver.

Bagamat natatawa, sinabi ni Raul Rowan, Law Enforcement Team Leader ng LTO-Aklan, na nagsagawa ng operasyon sa Boracay simula nitong nakaraang Martes.

Aniya, kapag naririto sila sa isla ay nagtatago din ang mga driver ng motor, at pagtalikod nila kaniya-kaniyang balik din sa pamamasada kaya mahirap talagang masugpo ang mga ito sa kalye.

Ganoon pa man, may mga nahuhuli naman umano sila at kalimitan sa mga ito ay, driving without license, expired ang lisensiya, walang helmet ang angkas, at kulang ang side mirror ang kanilang mga sasakyan.

Samantala, nilinaw naman nito na ang mga nakumpiskang lisensiya matapos ma-isyuhan ng violation ticket ay dapat sa LTO Office sa bayan Kalibo puntahan dahil dadalhin nila ito at doon din dapat i-proseso at magbayad.

Kaugnay naman sa isyu kung saan ay pinapaunta sa Cagban, Manoc-manoc ang mga may-ari ng lisensiya para doon tubusin, sinabi ni Rowan na hindi nito alam na may ganoon palang mga isyu kaya hindi umano nito masasagot ang nasabing bagay.

Streetlights sa Boracay problema pa rin!

Katulad ng ibang turista, umaasa din si Sangguniang Bayan Member Jupiter Gallenero, Committee Chairman on Public Safety, na bago paman ang Disyembre ay maaayos na ang mga Street Lights sa Boracay at mapapa-ilaw na.

Ito ang pahayag ng konsehal sa panayam dito ukol sa kahilingan ng publiko na sana ay magkaroon na rin ng ilaw ang ilang bahagi ng isla hindi lamang sa main road.

Aniya sa kasalukuyan ang street lights na proyekto ng dating Philippine Tourism Authority (PTA) ay problema parin ang koneksiyon hanggang sa ngayon kaya may mga bahagi parin ng main road ay madilim.

Pero ayon dito, nasa kamay na ng Executive level partikular sa Alkalde ang pagpapaayos dito.

Matatandaang ilang kaso na rin ng krimen ang naitala ng pulis sa isla, kung saan nangyayari ito dahil sa kawalan ng ilaw sa kalye at ilang bahagi ng Boracay. | ecm092012

Mga hindi nakahabol sa Smoke Emission Testing sa Boracay, may pag-asa pa

Bagamat hanggang noong hapon ng Biyernes lamang ang ginagawang Smoke Emission Testing ng isang pribadong kumpaniya at Land Transportation Office (LTO) sa Boracay, umaaasa pa ang ibang hindi nakahabol sa iskedyul na ito ng LTO sa isla na may susunod pang smoke emission testing na gagawin dito.

Ayon kay Raul Rowan, Team Leader ng Law Enforcement ng LTO na dumayo sa para sa Smoke Emission Test, kahit hanggang noong Biyernes lamang ang kanilang operasyon dito, aasahang babalik pa rin umano sila depende sa sitwasyon at sa dami pa ng mga sasakyang hindi pa nakapagpa-smoke emission.

Ayon dito, sa pagtatapos ng paglilista ng 80 units para sa emission noong Biyernes, dahil sa marami pa rin ang hindi nakahabol at may mga sasakyan pa talaga sa Boracay na hindi pa nakapagpa smoke test, ininstraksiyunan umano sila ni LTO Aklan Director Valtimor Conanan na ilista nalang muna para matingnan kung ano ang magagawa nila para dito.

Samantala, tumanggi naman si Rowan na magbigay ng kumento kauganay sa singil o dapat bayaran kung iku-kumpara sa bayan ng Kalibo.

Ito ay may kaugnay naman sa usaping kung magkano ang diperensiya ng binabayaran sa serbisyo nilang ito sa Boracay kaysa sa halaga kapag sa Kalibo nagpa-emission testing, kasunod na rin ng tanong nga ilang may-ari ng mga sasakayan kung bakit mahal ang singgil nila dito sa Boracay.

Matatandaang noong Miyerkules nangsimula ang serbisyo nilang ito sa Boracay at nagtapos noong Biyernes ng hapon. | ecm092012

Kawad ng kuryente, nakalitaw sa beach line; kooperasyon ng stakeholders, kailangan

Bagamat kapag Habagat season lamang ito napapansin, hindi na maitatago pa ang mga nakalitaw na kawad ng kuryente mula sa ilang establishemento sa isla partikular sa beach line sa Station 1, lalo na kung low tide.

Ito ay dahil sa nakalabas na ang ilang tubo na nakabaon sa buhangin, pero ang iba ay nagkabasag-basag na at lumitaw na rin ang mga kawad.

Kaya ayon kay Sangguniang Bayan Member Jupiter Gallenero, Chairman ng Committee on Public Safety, para maging ligtas naman ang mga turista mula sa sakuna na maaaring madala ng mga kawad na ito, hiniling ng SB member sa mga may-ari ng establishemento ang kanilang kooperasyon na sana ay tanggalin ang mga kawad o kaya ay ayusin na lang ang mga ito dahil delikado ito.

Samantala, maliban sa mga kawad sa baybayin, nakausli na rin ang ibang wirings na iligay para sa mga ilaw na ginagamit ng mga establishemento  sa vegetation area , na delikado din para sa publiko. | ecm092012

Negatibong komento hinggil sa isla, welcome! --- DoT Boracay

Aminado si Boracay Department of Tourism Officer In-Charges Tim Ticar na marami naman talagang problema ang Boracay, kaya kung may mga negatibong komento ang mga turista hinggil sa isla ay malugod naman nilang tinatanggap.

Ito ang reaksiyon ni Ticar kaugnay sa sulat na ipina-abot ng isang turistang English national na si John Blancard sa himpilang ito hinggil sa mga negatibong komento niya sa Boracay.

Lalo na nang sabihin nitong “pinaka-pangit” umanong tourist destination na napuntahan niya ang isla.

Kasabay nito ang banta na ipapakalat umano nito sa internet ang kaniyang nakitang sitwasyon dito at nag-rekomenda pang palitan ang namumuno sa Boracay ng may malasakit sa isla.

Nakasaad din sa sulat ni Blancard ang di umano ay napansing pangha-harass ng mga vendors at commissioner sa mga nagre-relax na turista sa front beach, nakakalat na mga basura at mangilan-ngilang basurahan, gayon din ang di umano’y mga restaurant na kulang sa kalinisan.

Pero ayon kay Ticar, tila sobra naman ang mga komento na ito ng nasabing turista, dahil sa totoo lang aniya ay may ginagawa naman aksiyon ang LGU ukol dito.

Ngunit nilinaw nito na may mga punto naman si Blancard sa kaniyang mga sinabi gayong may mga problema naman talaga ang isla.

Subalit welcome naman umano sa kanila ang mga komento katulad nito, dahil makakatulong naman para sa pagbibigay ng mga solusyon sa suliranin ng Boracay.

Kaugnay nito, hinikayat pa ni Ticar ang mga turista na magbigay ng kanilang mga komento, para sa pag-gawa umano ng action plan.

Samantala, ang mga komento umanong ito ng nasabing turista ay ipapaabot niya rin sa kinauukulan. | ecm092012

SB Malay, wala pa ring stand sa pagpasok ng McDonalds sa Boracay

Tila wala naman nakitang problema ang Sangguniang Bayan ng Malay sa pagpasok ng McDonalds sa Boracay.

Ito ang inihayag SB Member Dante Pagsugiron kaugnay sa isinagawa nilang Committee Hearing na may kinalaman sa pagpasok ng fast food chain na ito sa isla makaraang kuwestiyunin ng konseho kung bakit makalusot ito gayong ang unang humingi ng pag-endorso noong nagdaang taon ng 2010 ay ibinasura nila.

Nabatid din mula sa konsehal na walang dumalo sa pagdinig na representante mula sa Business Sector sa kabila ng imbitasyon ng SB.

Aminado rin ito na nabigyan na rin ng Punong Ehekutibo ng Business Permit ang McDonalds at hindi naman umano masisi ang Alkalde dahil karapatan nito na bigyan ng permiso ang nais mag-negosyo sa isla kahit wala pag-endorso mula sa konseho.

Maliban dito, nakita rin umano nila na hindi naman ilalagay sa front beach ang McDonalds, kundi sa isang lugar na may kalayuan naman sa baybayin sa Station 2.

Pero sa ngayon, nilinaw ni Pagsugiron na wala pang opisyal na stand ang SB Malay sa nasabing na isyu, kung haharangin pa ba nila ito o kung anong uri ng ordinansa ang ipapasa nila mula sa katulad na pangyayari.

Kung maaalala, naging mainit ang usapin noong nagdaang sesyon ng SB at nagulat ang mga konsehal na nakapasok na pala sa isla ang McDonalds na hindi nila namalayan.

Naniniwala ang mga ito na maapektuhan ang mga maliliit na negosyanteng Boracaynon kung matutuloy ito. | ecm092012

SP, tiwala na makakahabol sa filing ng CoC ang re-districting ng Aklan

Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan na mahati sa dalawang distrito ang probinsiyang ito bago ang pagahahain ng kandidatura ng mga kandidato para sa May 2013 election.

Ito ay dahil desidido pa ring umapela sa paraan ng resolusyon si SP Member Rodson Mayor kay Senator Bong-bong Marcos na madaliin na ang Senate Bill 3860 na naglalayong gawing dalawang distrito o ang paghahati sa Aklan sa District 1 at 2.

Aniya, hihilingin nito ang mabilis na pag-apruba sa Bill upang maihabol bago pa man ang filling ng Certificate of Candidacy (CoC) ng mga kandidato para sa midterm election sa 2013 election.

Bagamat pinaalalahanan ni Vice Governor Gabrille Calizo-Quimpo si Mayor na sa susunod na buwan na ng Oktubre ang filling ng CoC sa Comelec at tila alanganin na ito, hindi pa rin napigil ng Bise Gobernador ang nasabing Board Member sa panukala nitong resolusyon na sinuportahan naman ng kapwa miyembro ng SP.

Paliwanag ni Mayor, tiwala ito na may magagawa pa rin si Marcos para sa usaping ito at mismong sa sulat din aniya ng senador ay ito na ang nagsabing muling isinulong nito sa senado ang panukala.

Kaya maliban sa resolusyon ng kanilang kahilingan, magpapasa din umano sila ng resolusyon ng pasasalamat para sa pag-sponsor ng Senador sa Bill na ito.

Kung maaalala, nakapasa na sa House of Representative ang panukala ukol dito ni Aklan Congressman Florencio Miraflores at hinihintay nalang sana ang pag-aproba ng Senado sa katulad na layunin ni Marcos subalit sumablay pa ito nitong nagdaang buwan ng Agosto.

At hindi nakaligtas ang usap-usapang ilang opisyal din umano ng probinsiya at ilang Alkalde ng mga bayan ang humarang sa panukalang ito para hindi ituloy. | ecm092012

SB Malay, na-tameme sa COA!

Natameme ang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay ng magsimula ng magsalita ang State Auditor na si Judy Candari ng Commission on Audit (COA) mula sa bayan ng Kalibo sa “question hour” sa katatapos lang na SB session.

Ito ay makaraang ang tono ni Candari ay tila lumalabas na may pagkakamali o pagkukulang ang Sanggunian upang masigurong ligtas ang kaban ng Malay.

Lalo na nang banggitin ni Candari na hindi umano payag ang Legislative Body na idaan na sa Automated Teller Machine (ATM) ang pasahod sa mga empleyado ng LGU Malay at tila umaayaw sa pagkakaroon ng sangay dito ng Land Bank of the Philippines.

Nakita kasi umano ng COA mula sa records na may mga perang lumalabas mula sa bayan na hindi otorisadong tao o disbursement officer ang nag-i-isyu, humahawak at nagdadala ng pera, dagdagan pa na may mga bumabale o nagka-cash advance umano at sa kaha kumukuha ng pera gayong bawal ito.

Ang madalas na alibi aniya ay dahil sa ang disbursing officer ay nasa mainland Malay at ang transaksiyon ay nangyayari sa Action Center sa Boracay.

Dahil dito, nagmungkahi ito na sana ay magkaroon ng karagdang disbursement officer para sa isla upang otorisadong tao na ang hahawak at mag-iisyu ng pondo.

Ang pahayag na ito ng COA Officer ay kasunod ng nakuha nitong impormasyon mula di umano sa Kalibo Branch Manager ng nasabing bangko na ayaw ng SB na pumayag na magkaroon ng Land Bank branch sa bayan ng Malay. | ecm092012

Kawalan ng MAP sa daan papuntang Tabon Port, pinuna ng isang konsehal

Kawalan ng naka-duty na traffic enforcer o Municipal Auxiliary Police (MAP) sa kalsada papasok at palabas ng Tabon Port ang pinuna ni Sangguniang Bayan Member Jupiter Gallenero at isiniwalat sa kaniyang privilege speech sa katatapos lang na SB session.

Aniya, dismayado ito sa sitwasyon dahil kamakailan lang ay nalaman nitong may aksidente na namang nagyari sa nasabing area at ito ay dahil sa kawalan ng nakabantay na traffic enforcer.

Kaugnay nito, nakatakdang padalhan ng kominikasyon ng Committee on Public Safety ng SB ang traffic officer sa mainland ng Malay para sa isang pagdinig.

Sa sitwasyon umano ng kalsada dito at malalaking sasakyan ang dumadaan, inaasahan na ni Gallenero na may mga nakabantay at nagbibigay ng direksiyon sa trapiko, subalit hindi ito nangyayari.

Layunin ng nasabing konsehal na maging ligtas ang publiko na dumadaan dito lalo na ang mga turista.

Kung matatandaan, pinuna ang sitwasyong ito ng ilang miyembro ng konseho may ilang buwan na ang nakakalipas. | ecm092012