YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, November 23, 2018

Transportation Office naglabas ng Tricyle at E-Trike complaint hotline


Posted November 22, 2018
Inna Carol L. Zambrona, Yes The Best Boracay NEWS DEPARTMENT

Dahil sa paulit-ulit na reklamo na natatanggap mula sa mga commuters, naglabas ngayon ang Malay Tranportation and Regulation Office ng Tricycle and E-trike complaint hotline.

Sa panayam kay Senior Land Transportation Officer Cesar Oczon, ang utos ay nagmula kay Acting Mayor Abram Sualog dahil sa pagpili umano ng pasasakayin na pasahero ng ilang mga drivers sa isla ng Boracay.

Base kasi sa mga complaint record nilang natanggap mula sa mga pasahero, noong sarado pa ang isla, ang mga tricycle drivers ang lumalapit para mag-alok ng sakay pero ng simulang magbukas ito ay bumalik ulit sa dating gawi ang mga drivers.

Ang karamihan sa reklamo ay mas inuuna ang mga foreign tourist kesa mga residente at manggagawa.

Ayon kay Oczon, naalarma si Sualog at upang mas maaksyunan at madaling mahuli itong mga pasaway na drivers, minadali nila ang paggawa ng LGU Malay Transportation Assistance FB Page at Hotline na 0999-946-7551 upang dito na nila ipadala ang kanilang mga reklamo.

Aniya, kung sino man ang mahuhuli at mapatunayang hindi nagpapasakay ng pasahero papatawan ito ng penalidad na nagkakahalaga ng P2, 500.

Inabisuhan naman nito ang mga magpo-post sa Assistance Page na maging responsible at makipagtulungan upang masawati ang ganitong pag-uugali.

Kaugnay nito, inimbitahan ni Oczon ang mga drivers na dumalo sa gaganaping Driver Operators Seminar for LGU Accreditation sa susunod na Linggo, Novermber 28-29, 2018 para maayos ang sistema sa pagserbisyo sa mga pasahero.

Wednesday, November 14, 2018

Pangulong Duterte, pormal ng ipinamahagi ang Certificates Of Land Ownership Award sa mga katutubong Ati sa Boracay

Posted November 9, 2018
Inna Carol L. Zambrona, Yes The Best Boracay NEWS DEPARTMENT

(c) Ernesto Bandiola
Pormal nang ipinamahagi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anim na titulo para sa mga katutubong Ati sa isla ng Boracay kagabi.

Ang Certificates Of Land Ownership Award o CLOA na may kabuuang sukat na 3.2 hectares ng lupa sa area ng Sitio Angol ay pakikinabangan ng 44 miyembro ng Ati Tribe.

Ang CLOA ayon sa pangulo ay magpapatunay na sa kanila na itong lupain na magiging daan para may pagkukunan sila ng kanilang pang araw-araw na pangkabuhayan.

Mismong si Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary John Castriciones at Pangulong Duterte ang umanunsyo na kasama sa ibibigay na lupain ang mga garden tools at equipments na gagamitin nila sa pagtatanim ng mga gulay na siyang magiging pangkabuhayan nila.

Sa mensahe ng Pangulo, pinayuhan nito ang mga katutubong Ati na pagyamanin ang lupa na ibinigay ng gobyerno para mapakanibangan ng kanilang mga susunod na saling lahi.

Nais ng pangulo na maabutan ito ng kanilang mga apo at bahala na umano ang mga ito kung ibebenta nila ito pagdating ng panahon.

Samantala, nagbabala naman ito sa ibang claimants ng lupain na sakop ng programa ng DAR at CARP na huwag ng humarang pa dahil ang lahat ng lupain umano sa Boracay ay pag-aari ng gobyerno.

Lubos naman ang pasasalamat ng Ati Community sa Pangulo dahil nabigyan sila ng opurtunidad na mabigyan ng lupa at sa mensahe nila ay humiling ang mga katutubo na sana ay hindi ito magdulot ng ano mang problema sa kanila.

Ayon sa DAR, may karagdagan pang 14 na ektarya sa Balabag ang planong ipamigay naman sa mga tumandok o mga pamilyang original na naninirahan sa isla.

Duterte at Robredo sabay na darating sa bayan ng Malay ngayong araw

Posted November 8, 2018

Naghahanda na ang sa isla ng Boracay para sa pagdating ni Pangulong Rodrigo Duterte mamayang hapon.

Nakatakda kasing mamigay ng ang  ng Certificate of Land Ownership Award o CLOA sa mga aeta na naninirahan sa Boracay.

Prayoridad ng pangulo na mabahagian ng lupa ang mga mahihirap lalo na ang mga matagal ng naninirahan sa isla.

Sa inisyal na datos, 3 hektarya sa kabuuang 8 hektarya ng lupain na sakop ng Boracay ang ipapamahagi ngayon araw.

Mamahagi din ng CLOA ang pangulo sa mga benipisyaryo mula sa mga bayan ng Buruanga, Tangalan at mga taga-Kabulihan sa bayan ng Malay.

Inaasahan din na dadalo ang ilang katutubong ati para sa okasyon na ito.

Samantala, naka schedule din ngayon araw ang pagbisita ni Vice President Leni Robredo dito sa bayan ng Malay.

Magsasalita ang bise presidente sa lahat ng mga youth leaders ng National Youth Alliance - visayas and Malay SK Federation (Leadership Summit ) na Ugyon Pamatan-on mamayang ala una ng hapon sa Caticlan.

Denr Usec. Antiporda sinagot ang reklamo laban sa kanya ng isang negosyante

Posted November 7, 2018

Nagpatawag ng isang press conference si DENR Usec. Benny Antiporda para mailatag ang kaniyang bersyon hinggil sa reklamo ng isang negoyante sa inasal nito sa isang pulong ng Boracay Inter Agency Task Force noong Nobyembre a-singko.

Sa blotter entry ng PNP, ini-reklamo si Antiporda ng direct humiliation, physical assault, and verbal threat ni Boracay Adventures Travel and Tours Inc. General Manager at BFI Board of Director Peter Tay.

Ito ay kasunod ng insidente nang umano’y pagsigaw at pagpahiya ng opisyal kay Peter Tay sa harap ng mga dumalo sa nasabing pulong.

“Walang katotohanan na sinakal ko siya at kinwelyuhan”, depensa ni Antiporda sabay sabi na sa laki ni Tay ay paano ko magagawa ‘yun.

Paglilinaw pa nito, itinulak niya lang umano ang nagrereklamong si Peter Tay bago pinalabas dahil umiikot raw ito at pinagsasabihan ang ilang dumalo na mawawalan sila ng negosyo dahil sa mga polisya ng task force.

Pinasinungalingan din ni Antiporda ang akusasyon ni Tay na pinagbantaan niya itong hindi aprobahan ang lahat ng permit dahil sa katunayan ayon sa huli ay nag-ooperate na si Tay kahit hindi pa ito compliant.

Kasunod ng statement ni Antiporda ay naglabas din ng sagot ang nagrerekalamo.

Ayon sa facebook post ni Peter Tay, hindi raw ito nag “gate crash” dahil may imbitasyon ang BFI at siya ang inatasang dumalo.

Marami rin daw ang nakasaksi kung paano siya pinahiya ng opisyal at pinagsabihan ng hindi maganda.

Nasaktan daw si Tay ng sinabihan ito na minamaliit niya at hindi niri-respeto ang mga Pilipino dahil matagal na ito sa Pilipinas at nakapag-asawa na ng isang Pinay.

Nilinaw din nito na hinihintay na lang nito release ng kaniyang Certificate of Compliance matapos ma-stampahan na ito ng DENR noong October 26, 2018 para sa kanyang compliance.

Dagdag pa ni Tay, ang inasal ni Antiporda ay hindi katanggap-tanggap lalo na isang opisyal ng gobyerno at dahil dito ay gagawa siya ng legal action laban sa opisyal.

Samantala, balak din ni Antiporda na sampahan ng kaso si Peter Tay at planong ideklarang Persona Non-Grata dahil sa pang-iinsulto di-umano at hindi pagsunod sa mga ipinapatupad na patakaran ng pamahalaang nasyonal.

Nag-ugat ang isyu ng maglabas ang Boracay Inter Agency Task Force ng mga polisiya at regulasyon para sa mga seasports at tour coordinators na balak ipagbawal ang pag-aalok sa mga turista sa beach bagkus ay idadaan ang bookings sa mga compliant hotels.

PCG minomonitor ang lumubog na barge sa Malay, oil spill boom inilatag na

Posted November 6, 2018
Inna Carol Zambrona, Yes The Best NEWS DEPARTMENT

Hindi inaalis ng Philipinne Coast Guard ang posibilidad na magka-oil spill matapos lumubog ang cargo vessel na LCT Bato Twin sa  ng Sambiray, Malay noong Linggo ng umaga.

Magkaganunpaman, ayon kay PCG-Aklan Lt. Commander Joe Luviz Mercurio ay naglatag na sila ng limang segment ng oil spill boom para maiwasang anurin ang langis sakaling tumagas ito mula sa lumubog na barge.

Nasa tatlong drum umano ng langis ang karga ng barge at sakaling tumagas ito ay kaya naman itong i-contain para hindi umabot sa dalampasigan ng Boracay.

Image may contain: ocean, sky, outdoor, nature and water
(c) PCG
Dagdag pa ni Mercurio, sinisid nila ito kahapon para isara ang valve ng barko na sa ayon sa huli ay nakatagilid at nasa 10-15 meters ang lalim ng pinaglubogan nito.

Pinayuhan na rin ng PCG ang Island Ventures na may ari ng barge na makipag-ugnayan sa Boracay Maritime Group para sa “emergency salvage” para mahatak ito agad sa dalampasigan.

Samantala, nasa mabuting kalagayan na ngayon ang labing dalawang crew na lulan ng barge na nagsitalunan bago tuluyang lumubog.

May kargang buhangin ang naturang barge na i-de-deliver sana sa isla subalit tumaob umano ito dahil sa malakas na alon.

Mga paraw pinayagan ng maglayag sa Boracay

Posted November 3, 2018

BORACAY ISLAND- Pinayagan na ng Boracay Inter Agency Task Force na muling maglayag ang mga paraw sa isla ng Boracay.

Inanusyo ito ni DENR Usec. Benny Antiporda sa harap ng mga turista bago ang ginawang “parade of watersports” kaninang umaga.

Ani Antiporda, ngayong araw, ang mga wind powered at non-motorized sea activities lang muna ang papayagan at isusunod ang ibang water sports tulad ng jetski, banana boat at parasailing sa November 7.

Naka-schedule naman ang island hopping sa November 15 kung saan ayon kay DENR Task Force Deputy Commander Al Orolfo, may area na sila sa station 1 at 3 para maging pick-up point sa mga turista.

Ani Orolfo, napagkasunduan ng task force at mga asosasyon na sa hotel o resort na ang bookings at reservation ng lahat ng watersports activity para maiwasan ang mga illegal tour coordinator at commisioner.

Pinayuhan din nito ang mga turista na huwag makipag-transaksyon sa mga walang ID at hindi accredited ng LGU-Malay.

Samantala, sa mahigit 160 units ng paraw ng MASBOI, kalahati lang muna ang pinayagang mag-operate kasama ang SUP o Stand Up Paddle, Kiteboarding at Wind Surfing.

Inanunsyo rin ng BIATF na pumalo sa 5,185 ang dami ng turista ngayong araw kung saan nakakalat ang mga pulis at environmental marshalls para pagsabihan ang mga nagkakalat.

Maliban sa ideyang citizens arrest, opsyon din ng task force na patawan ng “community service” ang mga violators sa baybayin ng Boracay.

Boracay, bukas na sa mga turista

Posted 26, 2018
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

Image may contain: one or more people and outdoorPormal ng binuksan ang isla ng Boracay matapos itong isara sa mga turista para isailalim sa anim na buwang rehabilitasyon.

Ngayon araw, October 26, 2018 sa ginanap na programa sa Cagban Jetty Port, pinangunahan ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang pag-deklara ng muling pagbubukas ng isla.

Dinaluhan din ito ng iba pang matataas na opisyal tulad nina PNP Chief Oscar Albayalde, DILG Secretary Eduardo Ano, DOLE Secretary Silvestre Bello III at Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Bago nito, nagkaroon muna ng ribbon cutting ceremony na sinundan ng pagbibigay ng mensahe nina DENR Sec. Roy Cimatu, Aklan Governor Florencio Miraflores, at nang Compliant Association of Boracay.

Sa press conference, ayon kay DPWH Sec. Mark Villar, nasa 80% completion na raw ang Phase I ng kanilang road development project at asahan umano na matatapos ito sa buwan ng Desyembre.

Samantala, muling nilinaw ni Sec. Cimatu na ang mga compliant at accredited resort lamang ang papayagang magbukas at tumanggap ng bisita.

Sa pinakahuling datos ng DOT, umabot na sa 157 compliant establishments na may katumbas na 7, 308 kwarto ang nabigyan ng go-signal para mag-operate.

Isang miyembro ng demolition team, nakuryente

Posted 22, 2018
Teresa A. Iguid, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

BORACAY ISLAND - Isang miyembro ng demolition team ang nakuryente habang nagdi-demolish ng istraktura sa Laketown area kaninang umaga.

Ang biktima ay kinilalang si Arnold Padayao, 40 anyos , residente ng Tulubhan Manoc-Manoc at kasalukuyang nagtatrabaho sa ilalim ng PEO o Provincial Engineering Office .

 Sa panayam ng himpilang ito sa kanilang headman na si Roy Malihan, nangyari ang insidente habang nagtatangal ito ng yero at biglang dumikit sa live wire ang hawak nitong bara na naging rason upang makarinig ng malakas na pagputok ang mga kasama nito.

Hindi rin agad umano napansin ng mga residente at mga kasamahan sa trabaho ang biktima dahil inakala ng mga ito na ang putok na narinig ay mula lang sa mga bagong kabit na linya ng kuryente.

Nang makita ang biktima ay agad itong isinugod sa Ciriaco S. Tirol Memorial Hospital upang malapatan ng paunang lunas.

Samantala, dahil sa kanyang maselan na kondisyon ay pinayuhan ito na ilipat sa isang ospital sa bayan ng Kalibo.

Sa ngayon ay patuloy umano itong binibigyan ng atensyong medikal sa ICU ng naturang ospital.

“Citizens Arrest” sa mga magkakalat ng basura ipapatupad sa pagbubukas ng Boracay

Posted October22 2018
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

Image may contain: 5 people, people sittingPara mahuli ang mga nagkakalat ng basura, “Citizens Arrest” ang nakikitang paraan ng Department of Environment Natural Resources upang mapaigting ang kalinisan ng isla sa muling pagbubukas nito sa October 26.

Nabatid kase na noong October 15 soft opening dry-run ay tumambad ang mga kalat sa dalampasigan na tila animo’y walang pakundangang itinapon ng mga dumalo sa Salubungan Activity ng BIATF.

Ayon kay Benny Antiporda, DENR Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Units Concerns, ang halimbawa ng Citizens Arrest ay kung may makita kang nagkakalat ay kunan ng litrato at ipakita sa kanya para ipadampot ang basura.

Kung sakaling magmatigas ay humingi ng tulong sa kapulisan para ito ay hulihin.

“Kung maaari wala sanang confrontation, i-report sa pulis upang hindi na magkaroon ng away” ani Antiporda.

Samantala, ayon kay LGU Malay Executive Assistant IV Rowen Aguirre, “This is allowed under the law” na maaring hulihin ang sinumang lumabag sa patakaran ng isang bayan basta’t i-turn over ito sa kinauukulan.

Sa monitorig ng kapulisan at pahayag ni Malay PNP OIC PCI Ruel Firmo, sa ngayon ay wala pa naman silang nahuhuli na naaktuhang nagkakalat ng basura pero sa kanilang hanay ay hindi sila tumutigil sa information dissemination drive sa publiko kung ano ang mga rules and regulation sa isla.

Mahigpit na paalala ng DENR sa publiko, itapon ng maayos ang basura at sumunod sa mga patakaran para hindi na maulit ang nangyari.

Malay may tatlong kandidato sa pagka-Mayor

Posted October 18, 2018

Malay, Aklan - Tatlo ang tatakbo sa pagka-alkalde sa bayan ng Malay para sa nalalapit na 2019 National and Local / Midterm Election.

Sa inilabas na certified list of candidates ng COMELEC Malay , muling sasabak si incumbent Malay Mayor Ceciron Cawaling na makakatapat si Former-Mayor John Yap at si Rodgiet Ranara.

Sa pagaka bise-alkalde, hahamonin ni SB Member Frolibar “Fromy” Bautista at Aloy Daguno si incumbent Vice-Mayor Abram Sualog.

Dalawampu’t apat (24) naman ang naghain ng kandidatura para sa konseho o Sangguniang Bayan kung saan walo dito ay ‘independent”.

Ayon sa Comelec Resolution 10420, ang mga naghain ng kandidatura na balak umatras o may kapalit ay pahihintulutan simula Oktubre 18 hanggang Nobyembre 29.

Mahigpit naman ang paalala ng COMELEC na bawal ang maagang pangangampanya dahil Marso 29 – Mayo 11 ang panahon ng kampanya para sa lokal na mga kandidato.




Thursday, October 18, 2018

Terminal Id Pass para sa mga workers at residente hindi na ipapatupad ng Jetty Port

Posted October 18, 2018
Inna Carol Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

No automatic alt text available.Hindi na ipapatupad ng Jetty Port management ang pagkuha ng Terminal Identification Card o ID Pass sa lahat ng workers at residente.

Ito ang kinumpirma ni Special Operation III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port na aniya kanselado na ang pag-obliga nila ng ID Pass para sa mga workers na nagtatrabaho sa isla ng Boracay.

Pero paalala ni Pontero, upang makapasok ng Boracay, ipakita lamang ang company issued ID o any government ID na may address na employed workers ka ng Boracay.

Sa mga residente, i-presenta lang ang Barangay ID o Government ID na may address ng Boracay.

Samantala, paalala naman ni Pontero sa mga tourguides ng mga hotel/resorts na kumuha ng Special Workers Identification Card upang makapasok at ma-assist nila ang kanilang guest sa pagpasok sa Jetty Port sa re-opening ng isla.

Nabatid kase na hiwalay ang pila ng mga sasakay ng bangka kung saan ang mga workers ay sasakay sa reclamation area at sa Jetty Port naman ang mga turista at residente.

Ang pagkansela ng Terminal ID Pass ay hakbang at tugon sa negatibong komento ng karamihan hinggil sa nasabing regulasyon.

Friday, October 05, 2018

PESO-Malay, pinabulanan ang balitang “No Comelec Registration, No Work” sa Boracay

Posted October 5, 2018
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

PESO Malay
Pinabulaan ngayon ni PESO Malay Administrative Officer IV Jona Solano ang mga balitang lumalabas na “No Comelec Registration, No Work” sa Boracay oras na magbukas ito sa October 26.

Ani Solano, walang katotohanan itong mga balita dahil sila mismo sa kanilang opisina ay walang ganitong adhikain lalo na at  sila ngayon sa mga aktibidad tulad ng Job Fair.

Pahayag pa nito na wala silang ipinalabas na order na ang mga workers ay kailangang lumipat o dito magparehistro o dapat ay maging botante ng Malay bago makapasok ng Boracay.

Dinagsa kasi ang Comelec Malay sa mga huling araw ng registration dahil sa kumalat na haka-haka.

Lumalabas din na may nagpapakalat ng balita hindi maka-avail sa mga boarding houses na paupahan sa Mainland, Malay ang hindi botante sa Malay.

Sa katunayan, ani Solano kaya nga nagsasagawa sila ng “Job Fair” para matulungan at mabigyan ng pagakakataon ang mga workers na makabalik at makatrabaho ulit sa isla.

“To vote in Malay should be voluntary, and should never be mandatory” ani pa ni Solano.

Wednesday, September 26, 2018

Job Fair ikinasa ng PESO-Malay bago ang Boracay Re-Opening

Posted September 25, 2018
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

No automatic alt text available.Magandang balita, dalawang araw na Job Fair ang ikinasa ng PESO o Malay Public Employment Service Office na gaganapin sa Malay Covered Court sa darating na Setyembre 28 at 29.

Sa panayam kay Jona Solano Administrative Officer IV ng PESO Malay, isasagawa ang Job Fair sa kahilingan ng mga establisyemento at mga hotel na nangangailangan ng empleyado bago ang muling pagbukas ng Boracay.

Aniya, nasa dalampung establishments ang tatanggap ng mga aplikante sa iba’t-ibang posisyon kung saan prayoridad nilang makakuha ng mga Malaynon workers.

Ipinunto ni Solano na mas madali ang paghahanap ng workers sa Malay lalo at may bagong regulasyon ngayon na ipagbawal na ang paupahang-bahay o boarding house at staff house sa Boracay.

Samantala, paglilinaw ni Solano i-co-comply muna ng mga trabahante ang kanilang requirements sa bayan ng Malay bago sila makapasok sa isla para sa kanilang papasukang trabaho.

Ibig sabihin, bawal ang pumasok sa isla para lang mag-apply ng trabaho.

Payo nito sa mga mag-aaply na magdala ng maraming resume para magkaroon ng malaking tyansa na ma-hire kapag marami ang pinasahang establisyemento.

Pagkaroon ng dalawang Distrito sa Aklan, pirmado na ni Duterte

Posted September 24, 2018

Isa nang ganap na  ang pagkakaroon ng dalawang distrito ng Aklan matapos itong pirmahan ni Pangulong Duterte nitong Septyemebre 21, 2018.

Ito ay kinumpirma ni Aklan Lone District Congressman Carlito Marquez ng makapanayam ng Yes The Best Boracay.

Ayon sa kongresista, natuwa ito dahil naisakatuparan na ang matagal ng proposisyon na nagsimula pa noong 2010.

Sa kanyang pagsasalaysay, ang House Bill 7522 ay nabuo dahil sa suporta ng lahat ng mga alkalde sa Aklan bago ito naipasa sa kongreso at senado.

Paliwanag pa ni Marquez, ang pagkakaroon ng dalawang legislative district ng Aklan ay nangangahulugan na ma-doble ang budget para sa infrastructure projects at social services.

Sa kasalukuyan, ang bawat distrito umano ay tumatanggap ng taunang budget na P 120 Million para sa infra projects at P 150 Million naman sa social services.

Sa loob ng labing-limang araw matapos mailathala sa Official Gazette, inaasahan na magkakaroon na ng kandidato sa pagka-kongresista sa bagong distrito para sa nalalapit na 2019 election.

Ang unang distrito ng Aklan ay binubuo ng mga bayan ng Altavas, Balete, Banga, Batan, Kalibo, Libacao, Madalag, at New Washinton.

Ikalawang distrito naman ang mga bayan ng Buruanga, Malay, Nabas, Ibajay, Tangalan, Makato, Lezo, Numancia, at Malinao.

#YesTheBestBoracayNEWS

LGU Malay wala pang guidelines kung paano ipamahagi ang E-Trikes ng DOE

Posted September 24, 2018

Image may contain: 1 person, sittingSa ngayon ay wala pang guidelines ang Lokal na Pamahalaan ng Malay kung paano ipamahagi ang mga e-trike na donasyon mula sa Department of Energy.

“Kailangan muna naming tingnan ang papel bago pirmahan at tanggapin ni Mayor Ceciron Cawaling”, ito ang tugon ni  Aguirre Executive Assistant IV nang matanong sa Boracay Good News kung ano ang gagawin oras na ma-turn over na ang nasa 200 units ng E-trike.

Bagamat go-signal na lang ng LGU-Malay ang hinihintay ng LTFRB-6, ani Aguirre nais muna nilang aalamin ang mga kondisyones na nakapaloob sa dokumento at kung ito ba ay totoong libre.

Nang matanong kung sino ang dapat makaka-benepisyo nito, aniya dapat ang mga may prangkisa lang ang dapat mabigyan nito.

Ikinukonsidera ng LGU na kailangan maingat sila dahil ang ibang franchise holders at operators ng BLTMPC ay kaka-utang lang ng e-trike mula sa iba’t-ibang suppliers na binigyan akreditasyon ng Lokal na Pamahalaan ng Malay.

Kung maaalala, inihinto na ang pagbibigay ng franchise sa mga tricycle operators sa Boracay at sa kasalukuyan ay mayroong mahigit 260 ang may prangkisa ayon sa BLTMPC.

Nitong nakaraang linggo, inanunsyo ni LTFRB 6 Regional Director Richard Osmeña na handa na nilang i-turn over ang mga e-trikes para mahabol na maipasok sa Boracay bago ang re-opening.

Front Beach muling gagamiting daunganan ng bangka sa pagbubukas ng Boracay

Posted September 24, 2018
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

Image may contain: cloud, ocean, sky, tree, beach, outdoor, nature and waterMuling gagamitin ang kahabaan ng long beach bilang daungan ng mga bangkang papasok at palabas sa nalalapit na pagbubukas ng isla sa Oktubre 26.

“Gaya ng nakasanayan dati muli nating gagamitin ang front beach sa re-opening ng Boracay”, ito ang saad ni DENR Sec. Roy Cimatu sa isinagawa nilang inspection nitong nakalipas na araw kasama ang DPWH.

Kinumpirma rin ni Jetty Port Administrator Niven Maquirang ng makapanayam sa Boracay Good New na dahil sa sitwasyon ng “kalsada”, ito ang kanilang napagkasunduan ng Boracay Inter-Agency Task Force.
Aniya, mahirap gamitin ang kalsada lalo pa at tuloy ang trabaho ng DPWH.

Sa pagsasalarawan ni Maquirang, hiwalay ang pila ng mga sasakay ng bangka kung saan ang mga workers ay sasakay sa reclamation area patawid ng ManoManoc Cargo Port.

Ang mga turista at residente ay pwedeng sumabay sa isang bangka at idadaong saan man sa Boat Station 2 at 3.
Ang mga pribadong sasakyang pandagat ay maaaring dumaong sa area ng BTR sa Sito Sinagpa, Balabag.

Kaugnay nito, payo ni Maquirang, mas mainam na dala-dala ang mga ID para malaman kung saan pwedeng sumakay at para wala ng abala.
Samantala, biberipikahin din ang mga turistang papasok sa port area para malaman kung compliant hotel ang kanilang accomodation sa Boracay.

#BoracayReOpening

Tuesday, September 11, 2018

Kalsada sa Tulingon, Nabas, nakatakda ng buksan sa Sabado

Posted September 11, 2018
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS

Image may contain: sky and outdoor
Photo CTTO
Nakatakda ng buksan sa mga sasakyan ang national highway sa Brgy. Tulingon, Nabas simula sa darating na Sabado, September 15.

Ito ang pahayag ni Aklan Provincial Engineering Office Planning Department Head Engr. Fritz Ruiz subalit ang kabilang bahagi lang muna ang pwedeng daanan dahil ang isang lane ng kalsada ay inaayos pa.

Lininaw din nito na hindi pa ito pwedeng daanan ng mga malalaking sasakyan tulad ng mga truck at bus.

Ipinasiguro nito, na agad rin itong bubuksan pero sa ngayon umano ay kailangan itong ayusin ng mabuti nang sa gayon ay maging matibay.

Matatandaan na pansamantalang ipinasara ang lugar dahil sa patuloy na pagguho ng lupa dulot ng walang tigil na pag-ulan.

Sa ngayon ay pinapayagan namang makadaan ang tao huwag lang sa kanilang work hour na alas otso ng umaga hanggang tanghali at ala una hanggang alas singko ng hapon para hindi maabala ang ginagawang konstruksyon.

Monday, September 03, 2018

62 establishments maglalagay ng sariling STP

Posted September 3, 2018
Inna Carol L. Zambrona, Yes The Best Boracay NEWS DEPARTMENT

Image may contain: 1 personNasa animnapu’t dalawa na ngayon ang magpapagawa ng kanilang sariling Sewage Treatment Plan o STP kasunod ng inilabas na Memorandum Order ng DENR.

Ito ang sinabi ni Jojo Tagpis, Operations Manager ng Boracay Tubi.

Aniya, imbes na mag-clustering ang ibang mga hotel/resorts establishments ay mas pinili umano nila na magkaroon ng kanilang sariling STP kahit na hindi sila pasok sa limampu at pataas na kwarto na dapat na magkaroon ng STP.

Hindi umano kinatigan ng ilang negosyante ang clustering dahil sa pangamba na baka magkaproblema sa huli o kaya ay hindi sila mabayaran ng mga kasama sa pag-cluster.

Iginiit ni Tagpis, na bago nila lagyan ng STP ang isang establisyemento sinisiguro muna nila na maayos at walang problema ito sa requirements sa opisina ng LGU Malay.

Sa mga nagpaplano umano na magpalagay ng sariling STP makipag-ugnayan lang sa kanilang opisina dahil kanila pa itong ini-inspeksyon kung gaano kalaking tubo at saang area ilalagay.

Kung maalala, naglabas ng polisya ang Inter Agency Task Force na No Compliance, No Operation policy kung saan ang paglalagay ng STP ay isa sa mga requirement.

Ayon sa DOT at BFI, ang STP implementation ay isa sa mga nakitang dahilan kung bakit nasa 25 accomodation establishments pa lang ang compliant bago ang buwan ng Septyembre.

Samantala, obligado pa rin na kumunekta sa sewer line o gray water line ang mga nagpa-install ng STP alinsunod sa patakaran na ipinapatupad ng Envionmental Management Bureau.

Friday, August 24, 2018

DENR inabisuhan ang publiko na hintayin muna ang listahan ng mga compliant na hotel bago magpa-book

Posted August 24, 2018

Image may contain: one or more people, ocean, sky, tree, water, outdoor and natureInabisuhan ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang publiko na hintayin muna ang listahan ng mga compliant na mga establisyemento bago magpa-book sa re-opening ng Boracay sa October 26.

Magkakaroon din muna ng dry run bago ang re-opening para matukoy ang carrying capacity ng isla at mga establisyementong papayagan mag-operate.

Lilimitahan din muna ang mga foreign tourist sa dry-run period subalit papayagan naman ang mga Aklanon at local tourist na makapasok.

Ayon pa kay DENR Secretary Cimatu, pansamantalang hindi papayagan ang mga turista na mag-party sa beach.
Maaari parin namang mag-party ang mga ito pero sa loob na ng mga bar o establisyementona kanilang pinuntahan.

Samantala, kahilingan ng ilang hotel operators na habaan pa ang serbisyo ng One Stop Shop para ma-proseso ang ilang requirements tulad ng ECC.

Sakit din sa ulo ng mga negosyante ang mahigpit na pagpapatupad ng DENR ng STP sa mga hotel at resorts.
Nanindigan ang DENR na dapat sundin ang polisiya para mapangalagaan ang kalidad ng tubig sa Boracay na isa sa mga dahilan kung bakit ito isinara ni Pangulong Duterte.

Sa panghuli, paalala ng DENR na hintayin ang ilalabas na listahan ng Department of Tourism ng mga compliant establishments bago magpa-book ng hotel accomodation.

Wednesday, August 15, 2018

LTO nagsagawa ng Sticker Tagging sa mga sasakyan sa Boracay


Posted August 15, 2018
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

Nagsagawa ng Sticker Tagging o paglalagay ng sticker sa lahat ng mga sasakyan sa Boracay ang Land Transportation Office  pakikipagtulungan ng Malay Trasportation and Regulatory Office.

Sa panayam kay LTO Kalibo Acting Chief Engr. Marlon Villes, ang Motor Vehicle Sticker Tagging ay proyekto ng DOTr, LTO at LTFRB para ma-inventory at madaling matukoy ang mga legal o lehitimong sasakyan sa loob ng Boracay.

Ang ang mga nalagyan ng sticker ay nangangahulugan na kumpleto at hindi expired mga dokumento kasama na ang nagmamaneho nito.

Ayon pa kay Villes, sa pagkuhka ng Motor Vehicle Tagging sticker kailangan ang pagsumite ng updated Official Receipt at Certificate of Registration ( OR/CR), Permit to Transport (LGU-Malay) at photo copy ng Driver's License.

Layunin din ng proyekto na maalis ang mga illegal na sasakyan dahil sa record ng MTO-Malay ay nasa mahigit limang libo na umano ang sasakyan sa loob ng Boracay dahilan ng pagsikip ng kalsada na hindi angkop para sa isla.

Kaugnay nito, hinihintay din umano nila ang abiso ng Boracay Interagency Task Force kung lilimitahan na ba ang pag-operate ng  sa isla, pero sa ngayon ani Vellis itong hakbang ay bahagi ng pakikipagtulungan sa rehabilitasyon para ma-decongest ang sobrang dami ng sasakyan.

Samantala, ipinasiguro ni Vellis sa mga hindi nakakuha ng Sticker Tagging na pwedeng silang kumuha tuwing Miyerkules dahil narito naman sila para sa kanilang ginagawang mobile inspection ng mga sasakyan.

Panawagan nito sa lahat ng motor vehicle owners at operators na puntahan sila sa opisina ng BLTMPC para mapabilang sa ginagawa nilang inventory ng mga sasakyan sa isla.

#YesTheBestBoracayNEWS

Tuesday, August 14, 2018

Kalsada sa Barangay Tulingon Nabas, isasara na sa Miyerkules

Posted August 13, 2018
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST News Department

Image may contain: outdoorUpang maiwasan ang disgrasya, isasara na sa lahat ng mga sasakyan ang national highway sa Brgy. Tulingon, Nabas simula sa darating na Miyerkules.

Inanunsiyo ito ni Department of Public Works and Highway (DPWH) - Aklan District Engr. Noel Fuentebella dahil napaka-delikado na ng lugar dahil sa patuloy na pagguho ng lupa sa sirang bahaging ng kalsada dulot ng walang tigil na pag-ulan.

Apela ni Fuentebella sa mga motorista at pasahero na magbaon ng kaunting pasensya dahil mahaba-habang oras ang igugol nila sa pag-byahe.

Dagdag pa nito, papayagang makadaan ang tao huwag lang sa kanilang work hour na alas otso ng umaga hanggang tanghali at ala una hanggang alas singko ng hapon para hindi maabala ang ginagawa nilang konstruksyon.

Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na sila sa mga kapulisan na siyang magbabantay sa Buruanga at Antique para abisuhan ang mga sasakyan papuntang Malay, na sa Pandan, Antique na sila dadaan palabas ng Buruanga gayundin pabalik papuntang Kalibo.

Ayon kay Fuentebella, nais nilang matapos agad ang gagawing construction ng kalsada kung saan naglaan ng siyam na milyong pondo ang DPWH para sa naturang pagsasa-ayos.

PHOTO (c) Aklan Forum I Elmer Pelilio

#YesTheBestBoracayNEWS

"Fixer" na kumakausap sa mga hotel owners, huwag Paniwalaan – EMB REGION 6

Posted August 13, 2018
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay News Departmet

“No to fixer”, ito ang panawagan ni Atty. Ramar Niel Pascua, Chief ng Legal Section ng Environmental Management Bureau-Region 6 kaugnay sa kanilang natanggap na sumbong na mayroon umanong  “fixer” sa mga may-ari ng hotel/resorts establishment dito sa Boracay.

Ani Pascua isa umanong modus ang ginagawa ng “fixer” na magpakilala na nagtatrabaho sa opisina ng DENR at nag-o-offer na sila ang mag-aayos ng papeles partikular sa pag-proseso ng Environmental Compliance Certificate (ECC).

Dagdag pa ni Pascua, bawal ang fixers at hindi nila otorisado itong mga maling hakbangin.

Muli namang ipina-alala nito sa mga hotel/resorts owners kung may mga katanungan lalo na sa pag-aayos ng kanilang papeles para makapagbukas sa re-opening ng isla, pumunta lang sa “One Stop Shop” sa City Mall at doon makipag-ugnayan sa mga opisyales ng departamento.

Nabatid na istrikto ngayon ang DENR sa pag-review ng lahat ng mga sinuspendeng ECC ng mga establisyemento upang masiguro muna nila na itong mga establisyemento ay complaint bago ma-sertipika.

Photo (C) Leonard Tirol, BFRAV

#YesTheBestBoracayNEWS
#BoracayOpening

Capizeño na wanted sa kasong murder, arestado sa Boracay

Posted August 10, 2018
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay News Departmet

Image may contain: 1 personArestado ang isang security guard na napag-alamang wanted sa kasong murder matapos isilbi sa kanya ang Order of Arrest ng mga kapulisan sa Barangay Balabag.

Kinilala ang suspek na si Niño Blanco @ “Ninjie Blanco”, aka Niño Bienes y Blanco, 29 –anyos, at residente ng Calapawan Panay Capiz.

Hinuli si Blanco ng pinagsamang puwersa ng Panay MPS at Boracay PNP sa bisa ng Warrant of Arrest na may Criminal Case Number C-548-17 People Of The Philippines sa kasong Murder na inisyu ni Hon. Ignacio I. Alajar, Presiding Judge, RTC, 6th Judicial Region, Branch 18, Roxas City, Capiz.

Samantala, wala namang inilaang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek at nakatakda itong iturn-over sa korte kung saan nakabinbin ang kanyang kaso.

(c) Boracay PNP



Wednesday, August 08, 2018

Mataas na kaso ng Dengue sa ManocManoc, naitala ng PHO-Aklan

Inna Carol Zambrona, Yes The Best Boracay NEWS Department
Posted August 8, 2018

Sa kabuuang 45 kaso ng dengue sa bayan ng Malay, nakapagtala ng dalampu’t siyam na kaso ng nakamamatay na sakit dulot ng kagat ng lamok ang Boracay ayon sa pinakahuling datos ng Provincial Health Office ng Aklan.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuachon Jr. ng PHO Aklan, ang ManocManoc ang may pinakamataas na kaso ng dengue sa Malay na mayroong dalampu’t apat habang ang Brgy. Balabag ay mayroong apat at isa naman ang naitala mula sa Brgy. Yapak.

Nagkaroon na umano ng clustering of cases ng Dengue sa ManocManoc dahil may naitala na tatlo o higit pang kaso sa loob ng apat na magkasunod na linggo.

Naka-alerto na raw ang MHO-Malay at may nakahanda ng gamit tulad ng mosquito fogging machine sakaling magkaroon ng impending outbreak.

Habang patuloy ang kanilang monitoring, payo ni Cuachon, kapag may lagnat at rushes na minsan ay may sakit ng tiyan at pagsusuka ay agad magpakunsolta sa pinakamalapit na health center, hospital, o klinika.

Sa record, lumalabas din na sa buong rehiyon ng Western Visayas, ang probinsya ng Aklan ang may pinakamataas na attack rate na umabot na sa 750 na kaso mula Enero hanggang Hulyo 29.

Dahil sa pangyayaring ito, ayon kay Cuachon, magpapadala na ng Dengue Test Kit ang Department of Health sa susunod na buwan na gagamitin ng mga Rural Health Unit.

Ang dengue test kit na ito ay libre na pwedeng sumuri sa mga nilalagnat na ng limang araw para malaman kung may dengue.

Samantala, upang maiwasan ang pagkakaroon ng dengue virus, payo ng PHO sa publiko,gawin ang 4'o clock habit kabilang na ang paglilinis sa paligid na posibleng tirahan ng mga lamok.

#YesTheBestBoracayNEWS

Tuesday, August 07, 2018

Top 3 most wanted person ng Iloilo City at high value target drug personality, arestado sa Boracay

Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay
Posted August 6, 2018

Image may contain: one or more people and text
Arestado sa isinagawang operasyon ng pinagsamang pwersa ng mga kapulisan ang top 3 most wanted person at high value target drug personality sa Iloilo sa Sitio Tulubhan, Brgy. ManocManoc kahapon ng hapon.


Kinilala ang wanted na suspek na si Rommel Quidato, 29 -anyos tubong Veterans Village, Iloilo City at temporaryong nakatira sa Sitio Tulubhan, , Boracay.

Nahaharap sa kasong Violation of Section 5 at 12, Article 2 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at kasong homicide si Quidato.

Nahuli ang suspek katuwang ang Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) na may warrant of arrest na binaba ni Hon. Judge Victor Gelveson, presiding judge ng Regional Trial Court (RTC) branch 36, Iloilo at warrant of arrest sa kasong homicide na ibinaba ni Hon. Gemma Lyn Tarol , acting presiding judge, RTC branch 31, Iloilo.

Samantala, wala namang inilaang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

Nakatakda itong iturn-over sa Iloilo para sa karampatang disposisyon.

#YesTheBestBoracayNEWS

DILG-6, pinayuhan ang mga resort at hotel na maging “Compliant” bago tumanggap ng turista sa Boracay re-opening

Posted August 6, 2018

No automatic alt text available.“Wala pa dapat na establishments ang makapagsasabi na sila ay maka-open na sa Oktubre”.

Ito ang pahayag ni DILG Regional Director Atty. Anthony Nuyda matapos malaman ng huli na ang ilang resort sa Boracay ay nagsagawa na ng anunsyo na sila ay tatanggap na ng bisita sa Oktubre 26, 2018.

Sa huli umanong Inter-Agency meeting na kaniyang dinaluhan, napagkasunduan na kapag na-kumpleto na ang lahat ng permits at na-validate na ng DENR ang ECC, ang DOT ay magbibigay ng certification o accreditation.

Ang DOT accreditation na ito ang magpapatunay na opisyal ng “compliant” ang isang establisyemento at maaari na itong tumanggap ng bookings o mag-promote bago ang re-opening ng Boracay.

May mga proseso na dapat pagdaanan para hindi magkaproblema ang mga turista sa bookings sakaling hindi pahintulutang magbukas ang isang resort hotel.

Ayon pa kay Nuyda, posibleng i-publish ng Inter-Agency Task Force at DOT ang listahan ng mga compliant para malaman ng publiko at turista kung sino ang legal at pwede lang tumanggap ng bisita.

Pero bago nito ay dadaan pa sa masusing pagbeberipika sa One Stop Shop ang mga isinusumeteng dokumento ng mga negosyante tulad ng LGU Permits, BFP Certificates at higit sa lahat ang validation ng DENR sa ECC at compliance sa STP.

Sa pinakahuling datos ng DILG, sa 2,366 na napuntahan ng inspection team, nasa 314 pa lang ang may kumpletong permits na binigyan na ng #ISavedBORACAY tarpaulin.

#YesTheBestBoracayNEWS
#BoracayClosure

Monday, August 06, 2018

Satellite Office ng LTO sa Malay, itatayo na

Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay
Posted August 6, 2018

Isanggroundbreaking ceremony ang isinagawa nitong Sabado para pormal na i-anunsyo ang pagtatayo ng bagong opisina ng Land Transportation Office o LTO sa Sitio Bacolod Caticlan sa bayan ng Malay.

Ang seremonya ay pinangunahan ni LTO-6 Asst Regional Director Atty. Gaudioso Geduspan na dinaluhan nina Aklan Congressman Carlito Marquez at ni Malay Administartor Ed Sancho.

Ang itatayong opisina ayon kay Geduspan ay malaking tulong para mapadali ang pag-proseso ng mga dokumento ng mga sasakyan at papeles ng mga drivers na hindi na kailangan pang pumunta ng Kalibo.

Aniya, ang bayan ng Ibajay, Nabas, Malay, Buruanga, mga taga-Antique at iba pang lugar na gustong mag-proseso ay pwedeng tanggapin oras na matapos ang itatayong gusali.

Ikinatuwa rin ni Cong. Carlito Marquez ang inisyatibong ito na aniya ay napapanahon ang paglalagay ng LTO satellite office para mapagsilbihan ang kalapit na lugar dahil sa dumaraming tao at lumalagong ekonomiya ng probinsya.

Samantala, pinasalamatan din ni LGU-Malay Executive Assistant V Eduardo Sancho ang may-ari ng lupa at si Atty. Rey Traje ng (Traje-Panado-Wacan) Group Inc. dahil sa naisakatuparan ang proyektong ito.

Saksi rin sa ground breaking ceremony sina SP Member Nemesio Neron, Acting Chief LTO Kalibo Eng. Marlon Villes, LTO 6 Legal Officer Alan Sacramento at iba pa.

Ang nasa 1,200 sq. m. lawak ng pagtatayuan ay posible umanong matatapos ang construction bago ang re-opening ng isla.

#YesTheBestBoracayNEWS

Monday, July 23, 2018

Environmental Compliance Certificate (ECC) Sa Boracay, sinuspendi ng DENR

Posted July 23, 2018
Inna Carol L.  Zambrona, YES THE BEST Boracay

Image may contain: textSinuspendi ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang lahat ng Environmental Compliance Certificate (ECC) ng mga may-ari ng establisyemento sa isla ng Boracay.

Sa panayam kay Atty. Richard Fabilla, OIC ng CENRO-Boracay, ito ang nakapaloob sa ibinabang Memorandum Circular No. 2018-08 ni DENR Sec. Roy Cimatu na inaatasan ang EMB at MBG para masuri kung compliant ang mga nabigyan nito.

Layunin din kautusan na alamin ang dahilan kung may mga nalabag na batas pangkalikasan ang mga nabigyan nito na nagdulot ng pagkasira ng Boracay.

Dagdag pa ni Fabila, ilan sa mga bubusisiin ay ang - Land Title Tenurial Instrument, Certificate mula sa PENRO Aklan sa status ng project area, certificate of compliance sa 25+5 meters shoreline at road easement, Zoning Certificate, survey plan, site development plan, vicinity map or topographic map, certificate of connection mula sa BIWC, Department of Tourism endorsement para sa bagong project at Geo Hazard Identification Report para sa mga building na apat o higit pa na palapag.

Image may contain: textAng hakbang na ito ay upang masiguro muna nila na lahat ng mga establisyemento ay complaint sa ECC ng DENR bago ang pagbubukas nito sa October 26.

“Book at their own risks! ”, ito ang dagdag na babala ni Fabila sa balitang tumatanggap na umano ng bookings ang mga hotel/resort owners sa isla na hindi pa nakapag-comply at kulang ang mga permits.

Aniya, ang mga may-ari ng hotel ang nakaka-alam kung ano ang estado ng kanilang ECC kung sila ba ay compliant dahil maliban sa ECC kailangan din ng mga ito ng certification mula sa DENR bago mag-operate sa re-opening Boracay.

Kapag matapos na ang gagawing review sa mga ECCs, pwedeng itong ibalik o kanselahin depende sa lumabas na resulta ng inspeksyon sa isang establisyemento.

#YesTheBestBoracay
#DENR

STP hindi na ipapatupad sa maliliit na hotel at restaurant sa front beach

Posted July 23, 2018

No automatic alt text available.Bilang konsiderasyon sa mga bar, restaurant, at maliliit na hotel na hindi aabot sa limang kwarto, papayagan na sila ng DENR na mag-operate kahit walang STP o Sewage Treatment Plant.

Ayon sa Memorandum na inilabas at pinirmahan ni DENR Secretary Roy Cimatu, papayagan silang hindi na magkaroon ng individual o clustered STP basta sumunod sa panuntunan at kondisyon na ilalabas ng EMB Region-6.

Narito ang mga dapat sundin at gawin:

1. Kailangang kumuha ng Discharge Permit mula sa Environmental Management Bureau (EMB) Region 6 at isaad ang volume at kalidad ng wastewater na ilalabas.

2. Paglalagay ng pre-treatment facility tulad ng grease trap, istraktura at sistema para sa paglilinis ng tubig, flow measuring device, at lugar na pwedeng tingnan sa tuwing may inspeksyon ang EMB. Lahat ng ito ay mga kondisyon bago bigyan ng Discharge Permit.

3. Sa mga konektado sa sewer line ng BIWC, kumuha ng Certificate of Exemption na isang requirement sa Discharge Permit at RA 9275 o Clean Water Act. Hihilingin ito sa lahat ng mga establisyemento na konektado sa sewer line ng BIWC.

Samantala, inatasan na ang EMB Region-6 na magsagawa ng inspeksyon sa mga restaurant at maliit na hotel malapit sa front beach para alamin kung may espasyo ang mga ito para sa STP bago bigyan ng certification.

Bago nito, nakapaglabas na ng hiwalay na Memorandum Circular ang DENR na inaatasan ang lahat na hotel na may 50-rooms pataas na maglagay ng sariling STP habang clustered STP naman sa mga maliliit na hotel.

Paalala ni Atty. Richard Fabila ng CENRO Boracay, sundin ang mga panuntunan ng ahensya para payagang makapag-operate sa re-opening ng Boracay sa Oktubre.

#YesTheBestBoracayNEWS
#BoracayRehabilitation


Thursday, July 19, 2018

“No Compliance, No Bookings” sa re-opening ng Boracay – DILG

Posted July 19, 2018

Boracay Island--Pinayuhan ngayon ng Depeartment of Interior and Local Government o DILG ang mga resort owners na huwag tumanggap ng mga bookings kapag hindi pa kumpleto ang mga permits para sa pag-operate ng kanilang mga negosyo.

Kasunod ito ng deklarasyon ni  Secretary Roy Cimatu na tuloy na ang pagbubukas ng Boracay sa itinakdang petsa na October 26, anim na buwan pagkatapos na isinara ang isla para sa rehabilitasyon.

Sa panayam kay DILG Action Officer Martin Despi, patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga establisyementong may mga kulang na dukomento at permits para punan ito bago ang pagbubukas at nang sa ganun ay ma-sertipika na “compliant”.

Sa mahigit dalawang-libo na inispeksyon ng DILG at Licensing Office ng Malay, nasa mahigit 300 pa lang umano ang compliant sa kasalukuyan.

Payo nito sa mga hindi pa compliant, i-proseso ang kulang sa checklist ng mga permits at isumite sa DILG Operation Center para hindi maantala ang kanilang pagtanggap ng turista lalo na sa online bookings.

Karamihan sa mga nakitang paglabag sa ginawang inspeksyon ay kulang na mga dokumento sa Buerau of Fire na Fire Safety Inspection Certificate, occupancy permit at building permit.

Paglilinaw ni Despi, kahit na may Mayor’s Permit/Business Permit subalit may kulang na dokumento ay maituturing pa rin na non-compliant.

Nagpatulong na rin ang DILG sa BFI at PCCI para mapayuhan at mahikayat ang mga nasa 520 na saradong establisyemento na ma-update ang mga ito sa hakbang na ginagawa ngayon ng ahensya.

Samantala, malaking hamon naman sa ngayon sa panig ng DENR kung sa papaanong paraan nila ipatupad ang Memorandum Circular patungkol sa STP o Sewage Treatment Plant sa mga malalaking resort sa nalalabing mga buwan bago ang re-opening ng Boracay.

Kung maaalala, kinasuhan na ang ilan sa mga identified violators na naglalabas ng wastewater sa dalampasigan at posibleng hindi rin papayagang mag-operate kung hindi aayusin ang mga nilabag na batas.

#YesTheBestBoracayNEWS
#BoracayClosure