Dapat nang sumali sa Boracay Action Group ang BIHA o Boracay
Island Hopping Association.
Kailangan na umano kasing i-upgrade at i-ayon sa standard ng
turismo ang lahat ng mga sea sports activities sa isla ng Boracay.
Ito ang sinabi kanina ni Boracay Island Administrator Glenn
Sacapaño kaugnay sa mga regulasyong pinag-usapan kahapon sa pulong ng LGU Malay
at mga taga Boracay Island Hopping Association.
Maliban sa sinabi nito kanina na papi-pinturahan ng bughaw
at puti ang mga pump boat ng BIHA, ikinatuwa umano ni Sacapaño na nagkasundo
ang lahat sa mga inilatag ng alkalde at ng konseho doon.
Ilan sa mga ito ay ang pagkakaroon na ng 200 meter setback para
sa anchoring ng mga bangka saan mang bahagi ng isla, upang hindi maapektuhan
ang rehabilitasyon ng mga korales.
Dapat ay ipatupad na rin umano ng BIHA ang pag-‘display’ng
taripang inilatag ng MARINA o Maritime Industry Authority, upang maiwasang
malito at mabiktima ng mga nananamantalang komisyoner ang mga turista.
Naniniwala umano si Sacapaño na hindi na sana umabot sa puntong
pinag-uusapan ang tungkol sa mga komisyoner kung wala silang natanggap na
reklamo ng pang-aabuso.
Kung kaya’t sinabi nitong dapat ang mismong mga taga BIHA na
ang magsilbing pulis para sa kanilang mga quest o turista, at tumulong sa mga
programa ng BAG, sa pamamagitan ng pagsali dito.