Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay
Mag-ingat sa sobrang pag-inom ng alak. Dahil baka sa sobrang
kalasingan, ika’y manakawan.
Ito ang sinapit ng bente nuebe anyos na Korean national,
matapos manakawan noong madaling araw ng Hunyo 27 taong kasalukuyan, sa boat station 2 Balabag, Boracay.
Nabatid sa police report ng Boracay PNP, na isang lalaki ang
napansin ng mga pumapatrolyang pulis doon ang nakatulog na sa dalampasigan at
walang kasama.
Dahil sa mga insidente ng mga nakawan sa isla, minarapat
umano ng mga ito na gisingin ang biktima, subali’t hindi ito nagising sa
paniniwalang labis ang kalasingan ito.
Minarapat din umano ng mga ito na bantayan saglit ang naturang
turista, hangga’t napansin ng mga ito ang isang lalaking lumapit at animo’y
ginigising ang biktima.
Sa di kalayuan nama’y nasaksihan umano ng mga nagbabantay na
pulis na tila ninanakawan na ng suspek ang Koreano at nagtangkang lumayo.
Kaagad hinuli ng mga pulis ang suspek na nakilalang si Efren
Garcia y dela Cruz,ng Bakhaw, Jaro, Iloilo.
Narekober mula rito ang mga umano’y nakaw na gamit sa suspek
kasama pa ang mahigit dalawang libong pisong pera ng biktima, at iba pang
cellphone na pinaniniwalaang hindi naman pag-aari ng suspek.
Laking pasalamat ng nahimasmasang biktima nang maisuli ang
mga ninakaw sa kanya, habang inamin naman ng suspek ang krimeng nagawa.