YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, September 07, 2012

Hiling na TRO ng West Cove, hindi kinatigan

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Aminado si Crisostomo Aquino, ang may-ari ng West Cove Resort, na nag-aplay sila ng Temporary Restraining Order (TRO) para ipatigil muna ang demolisyon na ginagawa sa di umano’y illegal na straktura doon.

Pero maging ito ay aminado na hindi umubra ang kanilang inaplayang TRO dahil sa hindi ito kinatigan.

Bunsod ng pangyayaring ito, dismayado pa rin di umano siya sa nangyayari ngayon sa Boracay kung bakit sa kanilang resort lang ito ipinatupad na ipinatibag ang illegal na straktura samantala ang iba aniya ay hanggang sa ngayon ay naririyan parin at patuloy na lumalabag.

Kung maalala, pinasok ng demolition team ang West Cove noong ika-19 ng Hulyo, sa bisa ng kautusang ibinaba ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG) at LGU Malay
Samantala, tila nababahala naman ngayon si Aquino sa maaaring mangyari sa kapaligiran doon lalo na sa tubig dahil mistulang hindi naliligpit ng maaayos ang mga bahagi ng istrakturang giniba at nahahayaan na lang ito sa tubig.

Demolition site sa West Cove, binisita ng COA

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Mahigit isang milyong piso ang inaasahang magagastos ng lokal na pamahalaan ng Malay hanggang sa matapos ang ginagawang demilisyon sa naging kontrobersiyal na resort sa Boracay, ang West Cove.


Sa panayam kay Island Administrator Glenn Sacapaño, sinabi nitong sa pondo ng LGU Malay magmumula ang pambayad sa kinuntratang demolition team na siyang tumitibag sa ngayon sa mga illegal na istraktura ng nasabing resort.

Ito makaraang babaan ng kautusan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG) at LGU Malay na ipatanggal ito dahil sa lumabag sa batas pangkapaligiran.

Ayon kay Sacapaño, hanggang sa ngayon ay tuloy pa rin ang ginawang demolisyon sa istraktura ng West Cove na di pasok sa hawak na Tenorial Instrument na Flag T ng resort na ito.

Hindi rin umano masasabing matatapos ito loob ng isang buwan simula ngayon dahil nagpapahirap sa sitwasyon ang panahong Habagat na nararanasan sa isla kaya hindi rin sila makadala  ng mga heavy equipment na gagamitin ng demolition team.

Samantala, dahil sa ang pondo para sa demolisyon ay nagmula sa LGU Malay, inihayag ni Sacapaño na nitong nagdaang Biyernes, katapusan ng Agosto, ay bumisita sa site ang Commission on Audit (COA) para silipin kung saan ginastos ang pondo.

Kaugnay dito, sa pagbisita ng himpilang ito sa site, kapansin-pansin na halos mahigit kalahati pa lang ang natitibag nila sa ngayon sa iisang istraktura pa lang doon na siyang unang pinunterya ng demolition team noong ika-19 ng Hulyo.

Kung titingnan, magdadalawang buwan na pero wala pa rin kahit sa 25% ng lahat ng illegal na straktura sa West Cove ang natibag ng demolition team ng LGU Malay sa ngayon.

Bagong hepe ng Boracay PNP, nagsisimula nang magpakilala sa Malay at Boracay


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Nagsisimula nang magpakilala sa bayan ng Malay at Boracay ang bagong hepe ng Boracay PNP Station na si Police Senior Inspector Joeffer Cabural.

Sa panayam ng himpilang ito kay Cabural, sinabi nitong una na niyang binisita bilang pagbibigay-kortesiya ang Sangguniang Bayan ng Malay nitong Martes kung saan ito ay humarap at nagpakilala sa mga miyembro ng konseho.

Maliban sa SB Malay, nakipagkita rin umano ito sa mga taga-Boracay Foundation Incorporated (BFI), Department of Tourism (DOT)-Boracay, simbahan, at tatlong barangay kapitan sa Boracay.

Tiniyak ni Cabural ang 24/7 na police visibility sa isla, lalo pa’t ngayong linggo ay nag-oobserba ang Philippine National Police (PNP) ng Crime Prevention week.

Nakatakda na rin umano itong bumisita sa Muslim Community sa isla sa susunod na mga araw.

Si Police Senior Inspector Joeffer Cabural ay matatandaang dumating dito sa isla bilang bagong hepe ng Boracay PNP Station, kapalit ni Police Senior Inspector Al Loren Bigay.

Boracay, “big challenge” sa bagong hepe ng BTAC

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Katulad ng ibang hepe ng Boracay pulis na dumaan sa panunungkulan dito, isang malaking hamon din umano para kay Police Senior Inspector Joeffer Cabural, bagong chief of police ng BTAC na ma-assign dito.

Pero desidido pa rin umano itong ipatupad ang mandato ng pulisya sa isla.

Kaya sa panayam ng himpilang ito kay Cabural ay nanawagan ito sa mga Boracaynon at mga stakeholders na suportahan ang kapulisan sa isla para sa pagsugpo ng kriminalidad, sa paniniwalang malaki ang maitutulong ng komunidad dito.

Bilang reaksyon naman nito sa hiling ni Vice Mayor Cesiron Cawaling na dapat pagtuonan ng pansin ang problema sa mga “ladyboy” na nanghahabol ng mga turista tuwing madaling araw sa front beach, lamang makakuha ng kustomer, sinabi ng bagong hepe na walang indiskriminasyong mangyayari sa mga bading sa Boracay, sakaling magkaroon man sila ng operasyon para sa gawaing ito.

Dahil kapag nahuli o naaktuhan umano nila na ang labas ay stalker na sa mga turista ang mga bading, ay hindi na umano iyon pwede kaya kailangang panagutin.

Kaugnay naman sa usapin na kung magtatagal pa ito sa BTAC bilang hepe dahil halos ang mga hepe na dumaan dito ay napapalitan agad at di nagtatagal, sinabi nitong ang bagay na ito ay hindi niya masasagot sa ngayon.

Basta’t ang alam lang umano nito ay gawin ang mandatu sa kaniya, para sa siguridad, katahimikan at kaayusan ng Boracay.

Si Cabural ay iniluklok na hepe ng BTAC epektibo nitong ikadalawampu’t siyam ng Agosto.

Thursday, September 06, 2012

Dahil sa walang “road right of way, concreting project sa Yapak, naantala

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Yapak Punong Barangay
Hector Casidsid at
representante ng
Department of Public
Works and Highways
Aklan.
Swerte na sana ng Yapak, dahil sa pinagkalooban ang barangay na ito ng P60 milyong piso para sa proyekto.

Subalit problema pa rin ngayon mga opisyal ng barangay ang lugar na paglalatagan dahil sa hindi pagbigay ng road right of way.


Bunsod nito, kasama ni Yapak Punong Barangay Hector Casidsid ang taga Department of Public Works ang Highways (DPWH)-Aklan na dumulog sa Sangguniang Bayan ng Malay.

Ito ay para umapela ng tulong na mabigyang solusyon ang problemang kinakaharap ng poyekto.

Mula doon, nabatid mula kay Casidsid na ang concreting project na ginagawa ng DPWH mula sa area ng Balinghai papuntng Ilig-iligan ay nakaranas ng problema dahil sa may isang lot claimant doon ay ayaw pumayag na sa gitna ng property nito dadaan ang kalsadang ginagawa.

Pagdulog sa Malay SB session tungkol
sa road right of way para sa pag-aayos
ng daanan sa Brgy. Yapak.
Ang resulta: naantala umano ang pagpapatupad sa proyekto sa portion na ito kung saan 57 metro ang haba ng kalsa na may 63 metro ang lapad na siyang makakain mula sa pinagmamay-ariang lupa ng lot owner o claimants.

Tanging ang area na ito na lang na pag-aari umano ng nagngangalang Metalino Sacapaño ang problema nila sa ngayon.

Sa pang-uunsisa din ng SB sa taga-DPWH, nalaman na wala ding alokasyon mula sa pondo ng proyekto na gagamiting pambili ng lupang dadaanan ng ginawang kalsada dahil ang alam di umano ng lokal na pamahalaan, ang mga lupain sa isla ng Boracay ay pag-aari din ng gobyerno.

Dahil dito, hindi man nangako ang konseho na mareresolba agad ang problemang ito, ay umaaasa ang mga konsehal na magkakaroon pa rin ng negosasyon sa tulong nila, kaysa ipatupad anila ang batas ng pamahalaan kaugnay sa katulad na problema.

Ang pondo ng proyektong ito na nagkakahalaga ng P60 milyong piso ay nagmula sa national government para sa Barangay Yapak.

Mga pulitiko sa Malay, “malaya” pa rin hanggang ngayon


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Ngayong wala pang opisyal na kandidato ang bayan ng Malay, wala pa ang filling of Candidacy at Election period para sa May 2013 eleksiyon, wala pa umanong ipinagbabawal ang Commission on Election (COMELEC) sa ngayon sa mga may balak na tumakbo sa darating na eleksiyon kaya malaya pa ang mga ito na makagawa ng nais nila.

Ayon kay Malay COMELEC Officer Elma Cahilig, kapag campaign period na ay doon na sisimulan ang pagpapatupad ng mga bawal na gawain para sa mga pulitiko.

Kapag magsimula na rin aniya ang election period, aasahan magkakaroon din ng panibagong rules ang COMELEC kaugnay sa election law.

Comelec Malay, tumatanggap pa rin ng mga magpaparehistro

Elma Cahilig ng Malay Comelec
Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Bagamat pansamantalang ititigil ng limang araw ng Comelec Malay ang kanilang pagtanggap ng maghihistro para makapagboto, nilinaw ni Malay Comelec Officer Elma Cahilig na tuloy parin ang pagtanggap nila ng mga nagpaparehistro hanggang ika-31 pa ito ng Oktubre.

Aniya, ang tanggapan nila ay bukas simula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.

Dagdag pa nito, ang kanilang tanggapan ay bukas kahit araw ng Sabado at holiday upang bigyang-daan ang mga magpaparehistrong mga empleyado at estudyante na hing pwede sa schedule na office hour ng Comelec.

Ngunit sa darating na Oktubre a-uno hanggang a-singko para bigyang daan umano ang filling of Candidacy para sa mga aspirant candidate sa bayang ito na tatakbo sa May 2013 election.

SB Malay, nalula sa teknolohiya para gawing langis ang basurang plastic sa Boracay

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Halos kumbinsido na sana ang Sangguniang Bayan ng Malay sa bagong teknolohiyang inilatag ng grupo ni Dante Diamante ng BLEST Summit Mechanical Industry para masolusyunan ang problema sa mga plastic na basura sa Boracay.

Ito ay makaraang mabatid mula kay Diamante na marahil ito na ang solusyon sa problemang ito sa isla dahil hindi na maituturing na basura ang mga plastic, sa halip ay idadaan ito sa iba’t ibang proseso gamit ang teknolohiyang ipinresinta ni Diamante na likha umano sa Japan.

Ayon kay Diamante, kapag ginamit ang teknolohiyang ito, ang mga plastic ay maaari palang gawing langis na maaaring gamitin din para sa pagpapagana ng machine na ito.

Maliban dito, ang langis aniya na nakuha mula sa na-process na plastic ay pwede ding gamitin sa mga sasakyan.

Ang langis na lalabas mula sa refinery ng teknolohiyang ito ay awtomatikong na nakahiwalay na ang gasolina, krudo at gaas kaya anumang oras ay pwede din magamit sa anumang uri ng makina.

Subalit halos nalula naman ang mga konsehal ng malamang nagkakahalaga ng P142 milyon ang isang set ng machine na gagamitin.

Kaugnay nito, bagamat intresado na ang mga konsehal, gayong wala pa umanong sapat na pondo ang lokal na pamahalaan ng Malay para dito, umaasa sila na balang araw o baka sa susunod na tatlong taon ay makaya rin ng LGU na bumili nito upang masolusyunan na ang problema sa plastic ng basura lalo na sa Boracay.

Wednesday, September 05, 2012

Responsableng amo ng aso, hiling ng Island Administrator

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Bagamat walang ordinansa sa Boracay na nagbabawal sa pag-aalaga ng aso, hiling na lamang ni Island Administrator Glenn Sacapaño na sana ay maging responsible lang din ang amo ng aso.

Hangga’t maaari aniya ay talian na lang ang kanilang mga alaga, upang hindi na makaperwisyo sa kapit-bahay, makakagat ng tao, at hindi pakapagbigay ng problema sa kapaligiran gayong ang Boracay ay isang tourist destination.

Kaya naman mas mainam aniya ay iparehistro at alagaang mabuti ang mga aso, nang sa ganoon ay hindi gumala ang mga ito.

Samantala, sa kasalukuyan aniya ay muli nilang itutuloy ang paghuhuli ng mga galang aso sa Boracay.

Ito’y makarang maayos na ang sasakyang ginagamit ng mga dog catcher dito.

Kung mapapansin, ang mga galang aso na ito sa isla ay isa sa pinuproblema, dahil maliban sa kinakalat ng mga ito ang basurang inilalagay sa tabing kalsada para sa pagkolekta, kalimitang pangunahing dahilan din ito ng sakuna sa kalye.

Bar enclosure sa Boracay, umabot na sa ikalawang notice

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Apat pa sa pitong disco bar sa Boracay ang hindi pa sumusunod sa ipinapatupad na bar enclosure ng lokal na pamahalaan ng Malay sa isla.

Ito ang nabatid mula kay Island Administrator Glenn Sacapaño sa panayam dito.

Aniya, sa kasalukuyan ay umabot na sila ng pangalawang paalala, o nakapagbigay na sila ng ikawalawang notice sa mga bar na ito.

Matatandaang ang nakasaad sa ordinansa ay kapag sumapit o umabot na sa ika-tatlong notice, awtomatik na gagawa na sila ng rekomendasyon para sa pagpapasara ng bar na lumabag.

Samantala, gayong ang disco bar ang punterya ng lokal na pamahalaan ng Malay para mabawasan ang malalakas na ingay na dala mga establishment, hindi umano kasama sa bar enclosure na ito ang sariling bar ng mga hotel at resort.

Pero dapat pa rin aniyang limitado lang din ang lakas ng kanilang tugtog.

Kaugnay naman sa mga nagpapatugtog sa vegetation area gaya ng banda at acoustic, hindi rin umano sila saklaw ayon kay Sacapaño, pero dapat hanggang alas dose lang din ang operasyon ng mga ito.

Batas para hindi kumalat ang hepatitis sa Boracay, pinag-iisipan ng SB Malay

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Maingat na pinag-iisipan ng Sangguniang Bayan ng Malay kung pagbibigyan nila ang kahilingan ng isang grupo ng mga doctor mula sa bayan ng Kalibo.

Ito’y ang magpasa ng lokal na batas para sa Boracay na lahat ng empleyado ay isailalim sa Hepa Test, para hindi na makahawa at masiguro ang kanilang kaligtasan laban sa sakit na ito.

Ito rin ay makaraang ipinresinta ng grupong GAINS Incorporated ang kanilang produkto na pambakuna para makaiwas sa sakit na Hepatitis B.

Layunin umano ng mga ito na hindi na kumalat ang nabanggit na sakit na maaaring makuha mula sa isang kliyente o kostumer.

Pwede din umanong ang isang empleyado ay makahawa sa kostumer at sa kapwa nito empleyado lalo na at madali lamang ito makahawa dahil maaring makuha sa body fluids ng isang indibidwal.

Kaya mabuti na anila na magkaroon ng batas para dito, dahil sa tourist destination ang Boracay at ang trabaho ng karamihan dito ay may kinalaman sa pagbibigay serbisyo, gaya ng waiter, chef, masahista at iba pa na may direktang kontak sa mga turista.

Subalit isa sa mga naging tanong doon ng konseho kung ano ang mangyayari sa mga empleyadong maging positibo dahil posibleng mawalan ang mga ito ng trabaho.

Aminado naman GAINS sa bagay na ito, kaya isa ito sa mariing pinag-iisipan ng SB maliban sa may kamahalan ang bakuna para makaiwas sa sakit na ito.

Gayon pa man, hindi muna nagbigay ng pasiguro ang mga konsehal na sakaling makapasa nga sila ng ordinansa gaya ng hinihiling ng grupong ito.

Nilinaw agad ng SB na hindi siguradong sa kanila din kukuha ng gamot o bakuna dahil baka may ibang kumpaniya ding may katulad na produkto sa kanila na mas mura pa ang presyo.

Ika-18 ng Mayo, nais ipadeklarang araw ng paglilinis sa Boracay

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Nais ipadeklara ni Malay Mayor John Yap na maging opisyal na araw ng paglilinis sa Boracay ang petsang ika-18 ng Mayo.

Bunsod nito, hiniling ng Alkalde sa Sangguniang Bayan ng Malay na magpasa ng ordinansa kaugnay dito.

Target ng din ng Punong Ehekutibo na maipasa ito sa Senado, upang hindi lamang sa Malay at Boracay ang gagalaw kung saka-sakali, kundi maging bahagi din ang iba sa adhikaing ito.

Layunin ng panukalang ito na malaman ng publiko na sa islang ito ay seryoso ang kanilang adhikaing mapanatiling malinis ang baybayin dito.

Kaugnay dito, nakatakda pa itong dinggin ng konseho sa susunod pang mga sesyon.

Nabatid mula sa Malay SB Secretary Concordia Alcantara na napili ang nasabing petsa, na napapaloob sa peak season, upang maipabatid sa karamihang dapat ay pangalagaan ang kapaligiran sa Boracay at makiisa din ang mga ito sa pagmamalasakit para sa isla. 

Monday, September 03, 2012

Hirit na karagdagang tricycle unit para sa cargoes, mariing pinag-iisipan ng SB

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Mistulang umaasa pa rin ang Boracay Land Transportation Multi-purpose Cooperative na sa muli nilang pag-apela sa Sangguniang Bayan ng Malay na pahintulutan na ang kapareho nilang hiling dati na minsan na ring dineny o ibinasura ng konseho.

Sapagkat muling humirit ang kooperatibang ito ang karagdagang 17 pang unit ng tricycle para sa cargoes.

Bagamat ang kahilingan ito ng BLTMPC ay tinanggap ng konseho at muling ipina-ubaya sa komitiba ng transportasyon na pinangungunahan ni SB Member Welbic Gelito, mistulang hindi naman sang-ayon dito ang konseho, sapagkat nais na rin umano nila ngayon na kumbinsihin ang public transport partikular sa sasakyan para sa cargoes na pinapasok sa isla na dapat ay de apat na gulong o 4 wheels na. lalo pa at ang mga daan umano sa Boracay ay mabundok o matataas na terrain.

Gayon pa man, ikinunsedira pa rin ito ng SB at muling pag-aaralan umano ng kumitiba.

Magugunitang sa unang kahilingan ng BLTMPC na ibinasura ng konseho, nanindigan ang mga konsehal na hanggang limampung unit lamang talaga ang pinahihintulutan nilang bilang ng tricycle para sa cargoes.

Kasalukuyan nang may 50 units ang BLTMPC, bagay na pinag-iisipan pa ng mga konsehal ng bayan kung pagbibigyan pa ang apelang ito.