Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
Target ni Pangulong Benigno Aquino III na maisakatuparan ang kanyang mga pangako nang nangangampanya pa lang ito noong nagdaang eleksyon.
Ito ang rason kung bakit muli itong bumisita sa lalawigan ng Aklan kahapon para masigurong naipapatupad ng tama ang mga programa ng kanyang administrasyon tulad ng naipangako niya lalo na sa mga mahihrap.
Ang pangulo na mismo ang namahagi ng tulong sa mga kapus-palad na Aklanon sa pagbisita nito sa bayan ng Kalibo, tulad ng programang Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) na pinangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH).
Maliban sa pormal na pagbibigay nila ng pondo para sa Feeding Program ng mga batang may edad na tatlo hanggang apat na taong gulang sa pitong bayan ng Aklan, namahagi din ito ng libreng PhilHealth Cards sa piling mga matatanda.
Namigay naman ng mga titulo ng lupa ang Department Agrarian Reform (DAR) at ng pondo ng Department of Agriculture (DA) para sa mga binhi, imprastraktura at pangkabuhayan ng mga Aklanon.
Sa kabilang banda, ikinatuwa naman ng mga dumalo ang mga linya ng Punong Ehekutibo kung saan gumamit ito ng mga salitang Aklanon, pati na rin ang pagpaparinig nito patungkol sa kanyang lovelife kung saan pinapahiwatig nito na dapat ay makasal na daw siya.
Samantala, matapos ang labingwalong minutong talumpati nito na nagsasaad ng kanyang pasasalamat sa suportang nakuha noong eleksyon at isang oras na pamamalagi nito sa Kalibo, agad din itong umalis patungo ng Roxas, Capiz kasama si Sen. Franklin Drilon, DSWD Sec. Dinky Soliman, DOTC Sec. Mar Roxas at Presidential Spokesperson Abigail Valte.