YES THE BEST 911 BORACAY

Tuesday, July 31, 2012

Biyahe ng mga bangkang Ro-Ro sa Caticlan, kanselado ; mahigit dalawang daang pasahero, stranded


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Dahil sa pa rin sa nanalasang sama ng panahon dulot ng bagyong Gener,  kinumpirma ni Jetty Port Administrator Nieven Maquirang na kanselado muna ang biyahe ng mga bangkang Ro-Ro sa Caticlan ngayong araw.

Malakas pa rin umano kasi ang mga along humahampas sa pier ng Caticlan port, dahilan upang hindi nila mapayagang makadaong ang mga barkong ito.

Maliban sa na stranded mula kahapon ang mahigit dalawang daang pasahero ng 2GO na galing pang Batangas, nakatambay na lamang sa kani-kanilang terminal ang mga bus katulad ng Dimple, Balisno, R.N at PhilTranco.

Kaugnay nito, pinayuhan na rin umano ni Maquirang ang Phil. Coastguard at ang mga bus company na ihinto na muna ang biyahe at maghintay hanggang sa maging normal ang takbo ng panahon.

Humihingi naman ang pamunuan ng Jetty port ng pang-unawa ng publiko dahil sa nasabing sitwasyon. 

Tulay sa Tangalan, Aklan, madadaanan na ulit


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Magandang balita sa mga biyahero at mga turista papuntang Kalibo o kaya’y Caticlan at Boracay.

Idineklara nang “passable” o pwede nang daanang muli ang tulay sa Tangalan, Aklan, matapos mabutas ang lupa at kalsadang kinaroroonan nito kahapon dahil sa pinagsamang pwersa ng DPWH, National Disaster Risk Management Team, lokal na pamahalaan at mga pulis-Tangalan.

Ayon kay PO2 Mario Sestorias ng Tangalan PNP, tinambakan at muling siniksik ang lumambot at bumigay na lupa nito, dahilan upang muling makatawid ang mga sasakyan at biyahero.

Nabatid na bumigay ang lupang kinaroroonan ng tulay, sanhi ng malakas ng pag-ulan at pagbaha nitong mga nagdaang araw dulot ng bagyong Gener.

Dakung alas-6:30 na kagabi nang ideklara ng DPWH na passable na ang naturang tulay na siyang dinadaanan ng mga turista at motorista mula sa bayan ng Kalibo at Caticlan.

Ilang flights ng AirPhil sa Caticlan, kanselado dahil sa hagupit ng bagyong Gener


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Hanggang sa mga oras na ito ay ramdam pa rin ang hagupit ng bagyong Gener.

Maliban sa mga napaulat na pagbaha sa iba’t-ibang parte ng Aklan at pagguho ng lupa sa tulay ng Tangalan, kanselado naman ang anim na flights sa Manila at Caticlan, at anim na flights din sa Caticlan pa Manila, ayon kay DOT Boracay assistance Cris Villete.

Dakong alas-3 umano kahapon nang kumpirmahin mismo ng AirPhil ang kanselasyon ng kanilang flights dahil sa sama ng panahon dulot ng bagyong Gener.

Nag-abiso naman umano ang mga ito sa DOT Regional office na magbabalik sa regular na operasyon ang kanilang flights bukas.

Dahil sa paglambot ng lupa, tulay sa Tangalan, Aklan, di na madaanan


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

“Huli man at magaling, huli pa rin.”

Ito ang sinapit ng mga estudyante, mga nag-oopisina, mga komyuter at maging mga lokal na turistang papunta sana ng Boracay.

Hindi na umano kasi madaanan ang main bridge sa Tangalan, Aklan na siyang ruta papuntang Kalibo at Caticlan, sanhi ng paglambot ng lupang bahagi nito.

Ayon kay PO2 Peryl Antaran ng Tangalan PNP, natuklasan na lamang ng mga residente at biyahero doon ang nasabing insidente dakung alas sais kaninang umaga.

Sinasabing lumambot at nagkaroon ng malaking butas ang lupang kinakapitan nito dahil sa malakas na pagbahang naranasan doon sanhi ng malakas na pag-ulan.

Kung kaya’t maliban sa late o huli na sa kani-kanilang destinasyon ang mga naperwsiyong publiko, naging dagdag na abala pa sa kanila ang pagbaba mula sa sasakyan papuntang kabila ng tulay upang doon sumakay sa ibang sasakyan.

Sa kabila nito ay kaagad namang sumaklolo ang lokal na pamahalaan ng Tangalan, DPWH at mga pulis doon upang gabayan ang publiko.

Sa pinakahuling ulat naman mula kay Antaran, pansamantalang tinatambakan ang nabutas na lupa upang hindi makapagdulot ng anumang sakuna,  habang plano naman umano ng DPWH na lagyan din muna ito ng steel plate.

Boracay, apektado pa rin ng bagyong Gener at hanging habagat


Ni Malbert Dalida, News Director, YES FM Boracay

Bakas sa pagmumukha ng mga residente at turista ang pagkadismaya sa pananalasa ng sama panahon.

Apektado pa rin kasi ng bagyong Gener at hanging habagat maging ang isla ng Boracay.

Kaugnay nito, apektado rin ang biyahe ng mga bangkang tumatawid sa isla dahil sa halos maya’t-mayang pagbugso ng hangin, biglang paglakas ng alon at ulan kahapon.

Dagdag pang kalbaryo sa mga pasaherong dumadaan sa temporaryong daungan sa Tabon port, ang kawalan ng masisilungan kung kaya’t napipilitang tumakbo pabalik sa terminal ng sasakyan doon ang mga ito.

Ayon naman kay PO1st Bobby Elbano ng Coastguard Boracay Detachment, bagama’t hindi nila ipinakansela ang biyahe ng mga bangka ng kooperatiba dito, ay kanselado naman ang operasyon ng mga fast craft bunsod na rin ng malalakas na alon.

At dahil lalo umanong pinalalakas ng bagyong Gener ang hanging habagat na nararanasan ngayon, minarapat ngayon ng coastguard na paalalahanan ang publiko na ipagpaliban na muna ang paliligo sa dagat ngayong araw dahil sa delikadong sitwasyon nito.