YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, July 02, 2011

Probinsya at LGU Malay, mag-babati na?

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Senior Field Reporter)

“Dapat mag reconcile tayo”.

Ito sagot ni Caticlan Jetty Port Nieven Maquirang sa kahilingan ni Vice Mayor Ceceron Cawaling na tulungan sila sa pagpapatupad ng Anti Smoking Ordinance sa Caticlan Jetty Port.

Ito ay dahil kahit umano ang gusali ng pantalang ito ay sakop ng probinsya ay napaloob pa rin ito sa Malay, kaya kung ano ang batas na ipinapatupad sa bayang ito, ay maaari din ipatupad sa loob ng Jetty Port.

Subalit inihayag ni Maquirang na mayroon din silang sinusunod na Anti-Smoking Ordinance, at iyon ay ang batas na binuo ng probinsya na ukol din dito.

Gayon pa man, sinabi ng Administrador na pwede naman siguro ang hinihingi ni Cawaling.

Ngunit dapat aniya ay pag-isahin na lang nila ang ordinasa, sapagkat iba ang mga probisyon na nakasaad sa ordinansa ng probinsya kung ikukumpara ito sa ordinansa ng Malay.

Partikular na dito ay ang ipinatutupad na penalalidad na hamak na mas malaki kaysa sa nabuo na ordinansa ng Malay.

“Saan pumupunta ang dumi ng West Cove?” --- SB Malay

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Senior Field Reporter)

Nag-aalala lamang si Malay SB Member Rowen Agguire sa disposal ng mga dumi mula sa West Cove, ang establishimiyento sa Boracay na ikinokonekta kay Pambansang Kamao at Saranggani Representative Manny “PacMan” Pacquiao, nang isa-tinig nito sa harap ni CENRO Officer Merlita Ninang ang ukol sa kanyang napunang malaking pagbabago sa operasyon resort.

Sa pagkaka-alam umano ng SB Member, noong ilang kwarto pa lang ang mayroon dito at hindi pa binuksan upang ipagamit sa publiko ay batid nila na may septic tank ito pero hindi konektado sa sewer.

Kaya lalong tumindi ang pag-alala nito nang madiskubre na dumami na ang mga kwarto dito at mayroong nang mga serbisyong ibinibigay ang West Cove katulad ng Bar at Restaurant.

Dahil dito ay inaasahan na nila umano na mas dadami na rin ang mga dumi mula dito.

Naging pala-isipan tuloy para sa SB kung saan nga ba lataga napupunta ang duming nagmumula sa nasabing resort.

Dagdag pa ng konsehal, ngayon ay nagsisimula na ang lokal na pamahalaan ng Malay na magmalasakit sa kapaligiran kaya dapat ay ma-imbestigahan na rin ito ng kinauukulan.

Samantala, bilang tugon ay sinabi ni Ninang na sisilipin nito ang nasabing lugar dahil sa totoo lang ay hindi pa umano nito alam na may mga bagong development na dinagdag doon dahil bago pa lang din siyang opisyal ng CENRO.

Boracay CENRO Officer, ginisa sa konseho

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Senior Field Reporter)

Mistulang na-gisa ng Sangguniang Bayan ng Malay si Boracay CENRO Officer Merlita Ninang nang inbitahan ito sa nagdaang sesyon upang bigyang linaw ang ukol sa lupang inookupa ngayon ng probinsya at sa legalidad ng operasyon ng mga ito sa baybayin ng Caticlan.

Ngunit tila naghalo-halo na ang mga tanong na ibinato sa kanya dahil na rin sa mga isyung nagsisi-litawan ngayon na may kaugnay sa kapaligiran ng Boracay at sa mga lumalabag sa batas dito.

Naisingit din ang usapin hinggil sa kontrobersyal na West Cove Resort sa isla.

Naging sobrang maingat naman si Ninang sa pag-sagot sa mga tanong ng konseho.

BFI, may bagong administrasyon na

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Senior Field Reporter)

Kinumpirma ni Loubel Cann, dating pangulo ng Boracay Foundation Incorporated (BFI), na epektibo noong katapusan ng Hunyo ay bago na ang administrasyon ng nasabing organisasyon.

Ayon dito, noong ika-tatlumpu ng Hunyo ay tuluyan nang nagsimula ang panunungkulan ng bagong administrasyon ng BFI sa pamumuno ni Jony Salme bilang bagong luklok na lider ng samahan ng stakeholders sa isla ng Boracay.

Nabatid din mula dito na pangalawang halal na ito kay Salme bilang pangulo, kaya tiwala ito na maipagpapatuloy ng bagong opisyal ang adhikain at mga proyekto ng BFI.

Kaugnay nito, sa darating na ika-siyam ng Hulyo ay gaganapin ang panunumpa ng bagong administrasyon.

Samantala, nagpasalamat naman si Cann sa mga miyembro at stakeholders ng organisayon dahil sa mga suporta at dasal na ibinigay sa kanya upang malampasan nito ang mga pagsubok nang pinamumunuan pa nito ang organisayon.

Nasisiguro din nito na kung ano ang suportang ibinigay sa kanya ng mga miyembro ay iyon din ang ibibigay kay Salme upang lalo pang tumatag ang BFI.

Wednesday, June 29, 2011

Kaso laban kay Punong Brgy. Hector Casidsid, nakatakda nang dinggin ng konseho

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Senior Field Reporter)

Minamadali na ngayong ng Sangguniang Bayan ng Malay ang pag-aksyon sa reklamong idinulog sa konseho laban kay Yapak Punong Brgy. Hectro Casidsid ni Malay Mayor John Yap at Boracay Administrator Glenn SacapaƱo.

Ito ay bilang tugon sa natanggap ng konseho na paliwanag ni Casidsid.

Itinakda na ng konseho ang Preliminary Conference sa darating ng ika-anim ng Hulyo, upang dinggin ang paliwanag ng bawat kampo na dawit o kasama sa kasong ito sa harap ng konseho.

Kasabay ng pagpapadali sa pagdinig ng kaso ni Casidsid, ngayong araw mismo ayon kay Vice Mayor Ceceron Cawaling ay magpapadala na sila ng imbitasyon sa mga mahahalagang tao na dapat makadalo kasama na ang mga sangkot.

Gayun pa man, umaasa ang SB Malay na sa unang pagdinig palang ay mgakakaroon na ng magandang resulta.

Subalit kung hindi aniya mangyari ang inaasahan nila, posibleng isusunod nila ang marathon hearing ukol sa reklamong ito.

Magugunitang si Casidsid ay inireklamo ng alkalde at ng administrador ng Boracay dahil sa umano ay iligal na pagtanggal nito sa ilang empleyedo ng Yapak MRF, pagiging sinungaling nito, kawalan ng respeto at iba pa.

SB Malay, naglabas ng sentimeyento sa bagong pangalan ng dating Caticlan Airport

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Senior Field Reporter)

Hiniling ni Sangguniang Bayan Member Rowen Aguirre sa sesyon ng konseho kahapon, ika- dalawangpu’t-walo ng Hunyo, na magpasa ng resolusyon upang iparating ang pagkadismaya ng SB Malay sa pag-gamit sa bagong pangalan na “Boracay Airport” mula sa pangalan nitong “Caticlan Airport” hanggang sa naging “Godofredo Ramos Caticlan Airport” na pinamamahalaan na ng San Miguel Corporation sa kasalukuyan.

Nilinaw ni Aguirre na ang pagpasa nito ng resolusyon ay hindi ibig sabihin na tutol sila sa proyekto, kundi nais lamang umano nilang iparating ang nilalaman ng kanilang sentimiyento  para sa mga taga- Caticlan lalo pa at hindi ito dumaan sa konsultasyon.

Dagdag pa nito, papaano umanong naging Boracay Airport ang nasabing paliparan gayong nasa Caticlan ito, at may batas na umano mula sa dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na palitan ito ng Godofredo Ramos Caticlan Airport.

Bagama’t naiintindihan nitong para sa negosyo ang rason ng pagpalit ng pangalan ng paliparan, pero inililigaw o nililito lamang umano nito ang tao.

Samantala, maliban sa pangalan ng paliparan, kinuwestiyon din ng mga ito ang planong pagpapalapad na balak ilagay sa bayan ng Nabas ang entrance nito, na umano ay lalong nakadagdag sa konplikto ng pangalan na Boracay Airport.

Samantala, wala namang pagdadalawang-isip na inaprubahan at sinegundahan ng kapwa nito konseho ang naturang resolusyon.

Tuesday, June 28, 2011

Hotel na ilalagay sa Caticlan Airport, hindi kakumpitensya --- BFI

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Senior Field Reporter)

Hindi maituturing na ka kompitensya ng mga stake holders sa Boracay ang itatayong hotel sa Caticlan Airport.

Ito ang tinuran ni Boracay Foundation Inc. (BFI) President Loubel Cann sa hotel na balak itayo ng San Miguel Corporation bilang bahagi ng kanilang proyekto doon.

Sa halip na mag-isip ng kompetisyon, mas mainam din aniya na magkaroon ng hotel doon upang may matulugan ang mga turistang mai-i-stranded o maalangan sa Mainland Malay.

Gayunpaman, hiniling ni Cann na sana ay unahin muna ang paglalagay ng housing project sa Caticlan, at ayusin ang transportasyon upang lumuwag naman ang pagpasok ng mga turista sa Boracay.

Samantala, isiningit nito sa kanyang pahayag ang pasaring na hindi pa puno ang mga resort at hotel sa isla at marami pang bakante dito.

Proyekto ng San Miguel Corporation sa Caticlan, hindi tinututulan ng BFI

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Senior Field Reporter)

Tanggap at suportado ng Boracay Foundation Inc. (BFI) ang proyekto ng San Miguel Corporation sa Caticlan Airport.

Ito ang kinumpirma ni BFI President Loubel Cann, matapos inagurahan ang nasabing proyekto kamakailan.

Maging ang mga planong pagkakaroon nito ng sariling jetty port ay hindi rin umano nila tinututulan,sa kondisyong walang masisirang bahagi ng kalikasan doon.

Nilinaw din ni Cann na noon pa man ay hindi sila tutol sa mga pag-unlad na maaaring gawin sa nasabing lugar.

Ang ayaw lang umano nila ay ang pagtatambak sa dagat na makapagbabago sa kalikasan, katulad ng proyektong reklamasyon doon.

Pinasaringan naman nito ang pamahalaang probinsyal ng Aklan na dapat tumutok din sa mga imprastraktura katulad ng kalsada, pagamutan, street lights at seguridad ng taumbayan.

DENR Boracay, hindi nababahala sa kinasasangkutang kaso sa reklamasyon

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Senior Field Reporter)

Tila hindi apektado ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) Boracay sa kasong kinahaharap nito sa makontrobersyal na reklamasyon sa Caticlan.

Ayon kay CENRO Officer Merlita Ninang, hindi naman sila sa DENR ang nagbigay ng Environmental Compliance Certificate (ECC) sa reklamasyong ito, kundi ang Environmental Management Board (EMB) na si Director Cabanaya.

Dagdag pa nito na kahit ang DENR-EMB sa Regional Office ang nagbigay ng ECC ay may magkahiwalay na tangapan naman ang DENR-CENRO dito.

Kaya’t  nilinaw nito na wala silang kontrol pagdating sa ganitong proyekto, maliban sa Regional Office.

Gayun paman sinabi ni Ninang na sa ECC na ibinigay ng EMB ay ang obligasyon nila ang magsagawa din ng buwanang pagmonitor sa proyekto upang masiguro na nasusunod nga ang nilalaman ng sertipikasyong ito.

Kampante naman ito sa nasabing usapin, dahil aniya’y nasa magkaibang tanggapan naman sila ng EMB.

Monday, June 27, 2011

Pag-unlad ng Paliparan, dapat sabayan ng Boracay --- Cann

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Senior Field Reporter)

Labis na ikinatuwa ng mga stakeholder ang pagbabagong nangyayari sa Caticlan Airport na ngayon ay Boracay Airport na.

Ayon kay Boracay Foundation Inc. (BFI) President Loubel Cann,suportado at sinasang-ayunan ng mga ito ang nasabing proyekto.

Subalit umalma ang mga ito sa naging pahayag ng San Miguel Corporation na tatlong milyong turista na kanilang target para sa Boracay.

Aniya,ang ganito kalaking proyekto ay dapat sabayan ng inspraktura sa isla upang mapagsilbihan ang ganito karaming turista.

Dapat din aniyang magkaroon ng Development Plan sa Boracay, dahil sa mga nararanasang problema dito, katulad ng sewerage system.

Kailangan din umanong humabol ang gobyerno para masabayan ang mga kahalintulad na mga proyekto upang hindi mapag-iwanan at bumagsak ang isla.

Samantala, ikinatuwa naman ng mga nasabing negosyante ang pagkakaroon ng magandang relasyon ng pribadong sector at gobyerno lalo pa’t nangangahulugan din ito ng pag-asenso sa isla ng Boracay.

Pangulong Benigno Aquino III, may kahilingan sa talumpati nito para sa Boracay

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Senior Field Reporter)

Matuwid na daan, kahalagahan ng matibay na inprastraktura at proyekto,trabaho at ugnayan ng pribadong sector at gobyerno.

Ito ang naging sentro ng talumpati ni Pangulong Noynoy Aquino III nang pasinayaan nito ang bagong Caticlan/ Boracay Airport nitong araw ng Sabado.

Subalit ang labis na nakatawag pansin sa kanyang talumpati ay ang pagsinggit nito ng kanyang disposisyon tungkol sa Casino.

Tahasan nitong sinabi maging sa harap ng mga dumalong negosyante doon ang mga katagang “huwag na ninyong lagyan ng Casino dito”.

Ang nasabing pahayag ay ikinagulat at ikinamangha ng mga naroon.

Matatandaang, ang talumpati nito ang isa sa inaabangan ng tao doon,kung ano ang magiging plano nito para sa Malay at Boracay kasabay ng pagpalit ng Adminitrasyon mula kay dating PGMA. 

SB Malay, sinupalpal ni Pangulong Aquino sa Casino

(Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay Senior Field Reporter)

Mistulang mga blanko ang mukha ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay,makaraang tahasang ipag- utos ni Pangulong Noynoy Aquino III na huwag nang lagyan ng Casino sa Boracay.

Naganap ang nasabing pahayag nang pasinayaan ng pangulo ang bagong Caticlan-Boracay Airport nitong araw ng Sabado.

Sa kabila ng kanilang pagnanais ng konseho ng Malay na magkaroon ng Casino dito,ay nangibabaw pa rin ang mga salitang binitiwan ng pangulo doon.

 Magugunitang si Sangguning Bayan Member Jonathan Cabrera ay nagpasa ng Resulosyon sa konseho na hilingin sa Pangulo na payagan na ang PAGCOR na magkaroon ng operasyon ng Casino sa Boracay.

Bagamat  wala pang pormal na sagot si Aquino sa resulosyon na ipinasa SB Malay,narinig na ng mga dumalo sa nasabing pagpapasinaya ang disposisyon nito sa Casino.