YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, March 28, 2015

Pagdagsa ng maraming turista sa Boracay ngayong Holy Week pinaghahandaan na ng Jetty Port Administration

Posted March 28, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinaghahandaan na ng Jetty Port Administration ang pagdagsa ng maraming turista sa Boracay ngayong Holy Week.

Ayon kay Special Operation III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port, naglagay na umano sila ng Tent bilang passengers assistance desk sa entrance ng Caticlan Jetty Port katuwang ang Philippine Coastguard, Philippine National Police, Philippine Army at MARICOM.

Dito maaari umanong lumapit sa kanila ang mga pasaherong nangangailangan ng kanilang assistance lalo na ngayon at dagsa ang mga taong pupunta sa Boracay at mga pasahero ng Roro Vessel.

Naka-standby na rin umano ang isa nilang x-ray machine sa mismong entrance ng Caticlan Jetty Port para sa inaasahang pagbuhos ng mga turista.

Dagdag pa nito inalerto na rin umano nila ang lahat ng mga bangka na may biyaheng Caticlan at Cagban vice versa.

Paalala naman ni Pontero sa mga pasahero na habaan ang kanilang pasenya sa ipapatupad na seguridad sa dalawang pantalan dahil para din umano ito sa kapakanan ng mga biyahero.

Nabatid na domudoble ang bilang ng mga turistang nagbabakasyon sa isla ng Boracay sa tuwing Semana Santa dahil sa ilang araw na walang pasok sa opisina at ang closing ng klase sa mga paaralan.

DENR Aklan, inanyayahan ang publiko na makiisa sa “Earth Hour” ngayong araw

Posted March 28, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Inanyayahan ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Aklan ang publiko na makiisa sa “Earth Hour” ngayong taon.

Ayon kay DENR Aklan Administrative Officer IV Merlita Ninang, layon ng Earth Hour ang maimulat ang lahat hinggil sa lumalalang problema ng climate change at patuloy na maprotektahan ang kalikasan.

Samantala, ang “Earth Hour” ay lalahukan din ng iba’t-ibang mga bansa sa buong mundo ngayong araw ng Sabado.

Ang inisyatibo ito ay tumutukoy sa pagpapatay ng mga ilaw ng isang oras na magsisimula ng alas otos y medya ng gabi hanggang alas nueve y medya ng gabi sa Pilipinas.

Nabatid rin na ang “Earth Hour” ay hindi lang sa pagpapatay ng ilaw kundi sa pag-off rin ng mga gadget, gaya ng cellphone at iba pang mga kagamitang pambahay na gumagamit ng enerhiya.

Van, nakabangga ng nagbibisekleta sa Nabas, Aklan

Posted March 27, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Muling nagpaala ang Nabas PNP sa mga driver na mag-ingat sa kanilang pagmamaneho.

Kasunod ito ng nangyaring aksidente kahapon sa Nagustan, Nabas, Aklan kung saan isang van ang nakabangga ng isang nagbibisekleta.

Una nito, nabatid mula kay SPO4 Crispin Calzado ng Nabas PNP station ang insidente.

Kinilala ni Calzado ang biktimang si Mark Magluyan 13 anyos, ng Nagustan Nabas, Aklan na nagtamo ng pinsala sa ulo at katawan dulot ng pagkakabangga.

Nabatid na parehong sa direksyon patungong Kalibo ang biktima at driver na si Gilmar Intela, 24 anyos ng Banga, Aklan nang mangyari ang insidente.

Subali’t lumiko umano ang biktima nang bumusina ang drayber bagay na hindi na niya ito naiwasan.

Samatala, kaagad namang dinala ng driver sa Ibajay Hospital ang biktima at kusa rin itong sumuko kay Calzado.

Implementasyon ng road setback sa Boracay, problema ng mga tinamaang residente

Posted March 27, 2015
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Image result for road in boracayKung ramdam ngayon ng mga malalaking establisyemento sa Boracay ang pagpapatupad ng road setback sa isla.

Aminado naman ngayon ang ilang mga Boracaycon na sakit sa ulo ang nasabing kautusan kahit na malaki din umano ang maitutulong sa pagpapaunlad ng isla.

Ayon kasi sa isang residente sa Barangay Bolabog, Balabag, Boracay, maliban sa magdadag umano ito ng gastos sa kanila ay masisira din ang kanilang bahay.

Hindi lamang sa gastos kungdi abala din umano ito dahil kailangan muli nilang ipaayos ang kanilang masisirang propiedad.

Samantala, nabatid na nakipagdayalogo na ang LGU Malay sa mga establisemyentong apektado ng road easement.

Hinihimok din nito ang lahat na makipagtulungan at tumungo sa tanggapan ng Boracay Redevelopment Task Force (BRTF) para sa legal na hakbang.

Kaugnay nito, may mga kusa na ring nag-demolish ng kanilang istrakturang tatamaan ng road easement sa isla na kinumpirma naman ng ilang opisyal ng LGU Malay.

Magugunita na ang pagpapatupad ng Municipal Ordinance No. 2000-131 ng Malay ay nag-uutos ng anim na metrong road set back mula sa sentro o gitna ng kalsada sa anumang temporary o permanent structures.

Aklan-PPO naka-heightened alert na ngayong Semana Santa

Posted March 28, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nakalagay na sa heightened alert ang lahat ng mga opisyal at personnel sa iba’t-ibang units ng Aklan Police Provincial Office (APPO) sa probinsya para sa nalalapit na Semana Santa.

Ayon kay Police Officer 1 Jane Vega ng Aklan Police Provincial Office (APPO) Public Information Office, nagpalabas umano ng kautusan si APPO Officer In-Charge PSSupt. Iver Apellido na bumuo ng Task Group para sa Semana Santa katuwang ang mga top agencies sa probinsya na puweding tumulong sa kanilang operasyon.

Ito umano ay para masiguro ang seguridad ng Kalibo International Airport (KIA), Caticlan Airport, Jetty Port at ang kalsada papuntang Caticlan kung saan dagsa ang mga taong magbabakasyon sa Boracay.

Kaugnay nito pinaalalahanan naman ni Vega ang lahat ng mga magbibiyahe ngayong Semana Santa na huwag magdala ng madaming pera at magsuot ng mamahaling alahas para maiwasan ang mga magnanakaw.

Samantala, kasama pa sa kanilang paghahada ay ang paglalagay ng mga assistance desk sa mga lugar na dadagsain ng mga tao katulad ng mga terminal ng bus at ang pagkakaroon ng checkpoint sa mga pangunahing kalsada sa Aklan.

Mga resort sa ‘Northern Alliance’, isasailalim sa Expropriation Proceedings

Posted March 28, 2015
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Isasailalim sa Expropriation Proceedings ang mga resort at establisemyento sa ‘Northern Alliance’.

Kinabibilangan ito ng Jony’s Beach Resort, Maya’s Cuisine, True Home Hotel, Nigi-nigi, at Sea Wind Beach Resort na nagpahayag ng kusang pag-demolish.

Ayon kasi kay BRTF o Boracay Redevelopment Task Force Secretary Mabel Bacani, madi-demolish parin ang bahagi ng kanilang gusali o property na tatamaan ng 6-meter road set back, sa kabila ng kanilang pinanghahawakang ‘Approved 1998 Building Plan’.

Ayon pa kay Bacani, hindi naman puwede na hindi sila titibagin habang nagsimula nang tumibag ang iba.

Magkaganon paman, kinukumpleto pa umano nila ang record ng nasabing grupo dahil tinitingnan din nila ang kahilingan ng mga ito na sa ‘kanang bahagi’ na lamang ng kanilang property ang babawasan, sa halip ng sa ‘kaliwa’.

Sa kabila nito, nilinaw pa ni Bacani na kailangan pang isumite sa office of the mayor at SB Malay ang kahilingang ito ng mga taga ‘Northern Alliance’.

Magugunitang nitong nakaraang taon nang sinimulan ng MPDO o Municipal Planning and Development Office ang Road Setback Clearing Operation sa bisa ng Municipal Ordinance No. 2000-131.

Friday, March 27, 2015

Grupong ‘Juana’, wagi sa Trash Can Fun Theory contest

Posted March 27, 2015
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Tumataginting na P10, 000.00 at sertipiko.

Ito ang iniuwi ng grupong ‘Juana’ o Boracay Women Producers Cooperative sa ginanap na Trash Can Fun Theory contest.

Ilan sa mga miyembro nito ang naging emosyonal na tinanggap ang kanilang gantimpala bunga ng kanilang pag-decorate o pagdesinyo sa limang basurahang container.

Nasungkit naman ng Happy Planet ang ikalawang pwesto na nakatanggap ng P5, 000.00 at sertipiko, at 3rd place ang ‘Warriors Red’ o Philippine red Cross-Youth.

Samantala, bagama’t natalo ang pito pang kalahok, naniniwala naman ang mga ito na panalo parin sila dahil sa kanilang taus-pusong pakikiisa sa adbokasiya para sa isang malinis at ‘zero waste’ na isla.

Ginanap kahapon sa Club Paraw ang paligsahan kung saan binigyan ng 2-3 oras ang bawat kalahok na binubuo ng 3-5 miyembro upang pagandahin ang mga basurahan gamit ang pintura at mga recyclable materials katulad ng plastic at Styrofoam.

Ilang establisemyentong apektado ng road easement sa Boracay, mistulang nalalabuan sa implementasyon

Posted March 27, 2015
Ni Bert Dalida YES, FM Boracay

Image result for unclearMistulang nalalabuan ngayon ang ilang establisemyento sa Boracay sa estado ng road easement sa isla.

Partikular dito ang mga establisemyentong may violation sa road easement.

Base kasi sa impormasyong nakalap ng himpilang ito.

May mga establisemyentong nagpahayag ng compliance o kusang magdi-demolish ng kanilang istraktura matapos ang ibinigay na notices, habang may iba namang marami parin ang katanungan tungkol sa pinanghahawakan nilang dokumento.

Kaugnay nito, payo naman ni Boracay Redevelopment Task Force (BRTF) Secretary Mabel Bacani na isumite ang kanilang mga dokumento sa Zoning Department ng Malay para sa nararapat na disposisyon.

Samantala, sinabi pa ni Bacani na may mga establisemyento ding may mga violations subali’t binigyan umano sila ng 30 days upang maayos ito.

Minomonitor din umano ito ng BRTF kung kaya’t maaaring ma-revoke sakaling hindi nila ito nasunod.

Mas maigi rin umanong huwag nang hintayin pa ng mga nasabing resort at establisemyento na matapos ang ibinigay sa kanilang notice.

Mga motorsiklo pinagbawalang mag-parking sa loob ng Cagban Jetty Port

Posted March 27, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Hindi muna ngayon pinayagan ng Jetty Port Administration na makapag-parking ang mga motorsiklo sa loob ng Cagban Jetty Port.

Ito’y para mamintina ang kalinisan sa loob ng nasabing pantalan dahil sa pagpasok ng Holy Week Season kung saan dagsaan ang mga turistang magbabakasyon sa Boracay.

Ayon kay Special Operation III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port, ang desisyon umanong ito ay nagmula sa kanilang head of security kung saan isa pa umanong dahilan dito ay may mga driver na ginagawang ihian ang nasabing parking area.

Sinabi pa ni Pontero na mayroong P10.00 na nakatalagang parking Fee sa mga motorsiklo ngunit karamihan umano sa mga ito ay hindi nakapagbabayad.

Napag-alaman na maraming mga driver ng motorsiklo ang nagulat dahil sa ipinalabas na kautusan ng Security Department ng Jetty Port kung kaya’t dahil nahihirapan sila ngayong maghanap ng parking space sa labas ng nasabing pantalan.

Samantala tinukoy naman ni Pontero na bahagi na rin ito ng kanilang mga pagbabago at  paghahanda para sa darating na APEC Summit Ministerial Meeting sa Boracay ngayong Mayo.