YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, April 01, 2019

Phase II ng Project BeSST ng PNP, tututok sa Traffic Management

Posted April 1, 2019
Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST BORACAY NEWS DEPARTMENT

Image may contain: 1 person, outdoor
Photo (c) Project BESST Page

Matapos ang matagumpay na Phase I na tinaguriang “Battle of the Front Beach”, ngayong Abril ay ikinasa na ng Malay PNP at Task Force ang Phase II ng Project BESST o Boracay Enhanced Security Strategy and Tactics.

Sa panayam kay Malay PNP Chief PSI Jose Mark Anthony Gesulga, ang Phase II ay tututok sa traffic management at pagdisiplina sa mga drivers.

Ani Gesulga, ang implementasyon ay sisentro sa loading/unloading, parking, at pag-check sa mga dokumento tulad ng driver’s license kasama na ang PTP (Permit to Transport) ng sasakyan at LTO Registration.

Ang mag-iiwan ng mga sasakyan sa mga non-designated parking areas o sa gilid ng kalsada ay hahatakin din ng mga enforcers alinsunod sa Traffic Ordinance No. 342

Maliban sa mga nabanggit, ayon kay Gesulga, ang pagtanggi at hindi pagpapasakay ng pasahero ng mga drivers sa pampublikong sasakyan ay isa rin sa kanilang pakatutukan.

Ayon kay Gesulga, inaantay na lang nila ang mga traffic signages na mailagay para malaman ng mga motorista ang mga designated traffic loading and unloading areas.

Samantala, kaninang umaga sa pagsisimula ng operasyon, pinulong ni PSUPT Ryan Manongdo ng Metro Boracay Police Task Force MBPTF ang composite enforcers na MAP, TREU, Beach Guard, at mga pulis na siyang pagsasamahin upang ipaalam sa kanila ang mga gagawin sa paghuli ng mga violators.

Nagpasalamat si Manongdo sa mga enforcers dahil hindi raw maisakakatuparan ang Phase II kung hindi naging matagumpay ang Phase I.

Katunayan, sa kanilang datos simula February 21 hanggang March 25, nasa 601 violators na ang naisyuhan ng citation ticket ng ilunsad ang “Battle of the Front Beach” kung saan 24.16% dito ay local violators habang 75.84% naman ay ang turista.

Dahil dito ay nakalikom sila ng kabuuang P 771,000 mula sa mga penalidad na gagamitin sa ibang proyekto at para mapondohan ang gastusin sa Phase II ng Project BESST na tinaguriang "Battle of the Mainroad".