YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, February 01, 2013

BIHA, problemado na sa bagal ng serbisyo ng MARINA


Namomoblema ngayon ang kooperatiba ng mga bangkang pang-island hopping sa Boracay.

Ito ang isiniwalat ni Sangguniang Bayan Member Jupiter Gallenero, Chairman ng Committee on Cooperative, sa sesyon ng SB Malay kahapon.

Aniya, ang Boracay Island Hopping Association o BIHA umano ay namomoblema na sa ngayon at umaapela ng tulong.

Sapagkat ang mga dokumento umano ng bangka ng mga ito para sa kanilang operasyon na nire-renew pa lang ay nasa Marina pa rin hanggang sa ngayon.

Kaya naman umaalma na ang mga bangka operator na ito sa tagal ng proseso ng kanilang mga dokumento.

Lalo na at masigasig na rin umano ang Philippine Coast Guard o PCG sa Boracay sa operasyon nila, na hulihin ang mga bangka na wala pang kaukulang dokumento para sa taong ito. #ecm012013

Demolisyon sa mga illegal structure sa Boracay, hindi malinaw kung matutuloy na


Hindi pa malinaw kung matutuloy ngayong buwan ang demolisyon sa lahat ng illegal structure sa Boracay.

Ito ang nilinaw ni Department of Tourism Region 6 Director Atty. Helen Catalbas na siyang tinalaga na spokesperson ng National Task Force: “Bantay Boracay”.

Sa panayam kay Catalbas, sinabi nito na nakatakda palang na pag-usapan nila sa National Technical Working Team  sa darating na ika-25 ng Pebrero ang resulta ng isinagawang consultation sa Boracay noong ika-16 ng Enero, para sa gagawing nilang finalization.

Kaya wala pa umanong linaw ngayong kung kailan ito gagawin.

Kung saan ang tinuturong dahilan naman kung bakit wala pang linaw ang balak na demolisyon sa lahat ng illegal structure sa Boracay ay dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa rin napadalhan ng Notice of Violation ng DENR ang mga establishementong sinasabing illegal sa Boracay.

Kung maaalala, una ng sinabi ni PENRO Aklan Iven Reyes na ngayong Marso o Abril ay isasagawa na ang paglilinis sa beach ng Boracay na nakapasok sa 25+5 meter easement.

Ang National Task Force Bantay Boracay ay kinabibilangan ng mga Departments of Justice, Local Government, Tourism, Public Work and Highway at Environment. #ecm012013

Wednesday, January 30, 2013

Mga vendors nagreklamo dahil sa pagbabawal sa kanila sa Brgy. Balabag


Reklamo na ipinagbabawal di umano ang mga vendors sa Brgy. Balabag.

Kaya naman nagkukumahog ang Sangguniang Bayan ng Malay ngayon, kung anong aksiyon ang gagawin nila sa reklamo na ipina-abot ng asosasyon ng mga vendors dahil sa tinataboy na umano ang mga ito sa nasabing Barangay.

Ito isa sa mga inilatag sa sesyon ng konseho kahapon ni Vice Mayor at Presiding Officer Ceceron Cawaling, kung saan ay nagtataka pa nga ang mga ito.

Dahil sa pagkaka-alam umano nila, hindi kailan man ipinagbabawal ang maglako sa front beach, basta huwag lang sa baybayin talaga.

Maliban dito, ang alam umano nila na naa-ayon sa ordinansa sa Boracay ay nireregulate lamang ang mga vendors na ito at kailan man ay hindi ipinagbabawal.

Sa panig kasi ni SB Member Dante Pagsugiron, ang mga vendors ay bahagi na rin ng turismo sa Boracay kaya hindi dapat ipagbawal, sa halip ay hanapan lang umano ng lugar para maging maaayos naman.

Dahil dito, nagpasya ang SB na imbitahan ang opisyales ng Brgy. Balabag sa SB ng sa ganoon ay matanong sila hinggil dito.

Nagsuhestiyon din si SB Member Wilbec Gelito na kung maaari ay pati ang opisyales ng dalawa pang barangay sa Boracay ay ipatawag din kaugnay dito. #ecm012013

Suspensyon para i-require na sumailalim sa x-ray examination ang mga empleyado sa Boracay, hiniling


Isuspinde muna ang pagrerequire ng x-ray examination sa lahat ng mga empleyado sa Boracay.

Ito ang hiling ni Sangguniang Bayan Member Dante Pagsuguiron.

Sa kanyang privilege speech sa SB Session kahapon, hiniling ito ng konsehal dahil nagpapahirap ito sa mga empleyado at ganoon din sa employer.

Anya, sa bilang ng mga x-ray machine sa Boracay ngayon, kulang na kulang ito sa dami ng empleyado sa isla kaya naaantala ang proseso sa pagre-renew ng business permit.

Bunsod nito, gagawa na lamang umano ng sulat ang SB sa alkalde na naglalaman ng kanilang apela.

Nakita kasi umano nila na naging rason pa ito ng delay lalo pa at isa pang hinihintay ang resulta na isang linggo pa ang hihintayin bago ibigay, dagdagan pa ng sangkatutak na requirements. #ecm012013

Mga vendors sa vegetation area ng Balabag, tuluyan nang ipagbabawal sa Pebrero uno


Inikot na nitong Lunes ng mga tanod ng Barangay Balabag ang Beach Front na kanilang nasasakupan.

Ipinag-utos kasi ni Brgy. Balabag Chairman Lilibeth Sacapaño sa mga ito, na muling paalalahanan ang mga vendors tungkol sa kanilang napagkasunduan nitong mga nagdaang linggo.

Sa panayam ng himpilang ito kay Chairman Sacapaño, sinabi nitong napagkasunduan umano nila ng mga taga-Vendors Association, na sa Pebrero 1 ay wala nang dapat nagtitinda pa sa vegetation area ng Brgy. Balabag.

Alam na rin umano ito ng mga vendors na bawal talaga base sa ordinansa ng munisipyo ang magtinda doon, subali’t matagal nang pinagbigyan lang.

Katunayan, nagpasalamat pa nga umano ito dahil naintindihan ng mga vendors na long term o pangmatagalang turismo ang kanilang hangad para sa Boracay.

Mismong ang mga vendors din nga daw na ito ang sumang-ayon na pangit na ang vegetation area dahil sa dami ng mga nagtitinda doon.

Samantala, bagama’t nagkasundo na sila ng mga taga-Vendors Association, ipinag-utos pa rin umano nila sa mga tanod na muling paalalahanan ang mga ito, maliban pa sa ibinigay nilang notice. #bd012013

Mga miyembro ng BAG, hinimok ni Island Administrator Glenn Sacapaño na magtulungan ngayong 2013


Ang mga kakulangan nitong nagdaang taon ng 2012 ay dapat punuan ngayong 2013.

Ito ang sinabi ni Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño sa panayam ng himpilang ito, kaugnay sa unang pagpupulong ng mga taga BAG o Boracay Action Group ngayong taon.

Matapos pasalamatan ang mga naging kontribusyon ng mga taga pribado at business sector at iba pang miyembro ng BAG, hinimok ni Sacapaño na magtulungan ang mga ito para mapanatili ang kung anuman ang narating ng islang ito, katulad ng pagiging premier tourist destination.

Naniniwala umano kasi ito na ang pagkakaisa ng lahat kasama ang Boracay Action Group ay may malaking maidudulot para sa isla.

Ang Boracay Action Group ay nasa mahigit dalawang taon nang naitatag, matapos itong naging Boracay Action Team na binubuo ng mga volunteers mula sa iba’t-ibang sector sa isla. #bd012013

Tuesday, January 29, 2013

Umano’y mabagal na pagproseso ng mga business permit, idinepensa ni Island Administrator Glenn Sacapaño


Nagpalabas ngayon ng transmittal letter ang opisina ni Administrator Glenn Sacapaño, bilang pagdepensa tungkol sa pagproseso ng mga business permit.

Ito’y may kaugnay sa komento ng SB Malay na umano’y mabagal na pagproseso ng mga business permits, maliban pa sa paghingi ng mga umano’y walang basehang requirements.

Nakasaad sa sulat na ipinadala ni Sacapaño sa YES FM Boracay News Center, na ang mga puna sa sistema at pagproseso sa pagkuha ng mga business permits ay bukas para sa pagpapabilis nito.

Ang mga requirements umano kasing ito ay malaking paraan upang mapangalagaan ang isla ng Boracay, maliban pa sa ang mga ito ay nag-ugat sa mga ordinansang pinag-iisipan, ipinasa at isinabatas ng mismong Sangguniang Bayan mismo.

Kung may mga hindi pagtalima o pagsunod sa mga batas regulasyon at ordinansa na nakakasira sa isla.

Ang mga requirements din umanong ito ay maaaring gamitin upang maiwasto ang anumang paglabag sa mga ito.

Naniniwala pa si Sacapaño na ang mga kakulangan sa mga requirements marahil ang nagiging sanhi ng pagtagal o pagbagal ng proseso.

Kaugnay nito, nananawagan din ang nasabing administrador na magtulungan ang lahat kasama na ang nagkomentong SB upang mapabuti ang mga naturang pagproseso.

Matatandaang pinuna ng SB Malay ang umano’y mabagal na serbisyo at pagrelease ng mga pampublikong mga dokumento sa mismong sesyon ng Malay kamakailan lang. #bd012013

Seguridad sa pagdating ng mga cruise ship sa Pebrero at Marso, hindi binago --- Cabural


Ganoon pa rin ang [ating] security preparations.

Ito ang kampanteng sinabi ni Police Senior Inspector Joeffer Cabural, hepe ng Boracay PNP Station, kaugnay sa pagdating ng dalawang cruise ship sa darating na Pebrero at Marso.

Base umano kasi sa kanilang pagpupulong kasama ang Boracay Action Group, DOT, at pamunuan ng Cagban at Caticlan Jetty Port kamakailan lang, ang anchorage o pagdadaungan ng mga nasabing barko ay doon din dati sa kung saan dumaong ang Royal Caribbean nitong nagdaang buwan ng Oktubre ng nagdaang taon.

Ibig sabihin, hindi sila dadaong sa front beach, kundi sa pagitan ng Caticlan at Boracay.

Bagama’t hindi na nito dinitalye pa ang tungkol sa kung gaano karami at kung saan ipapakalat ang mga pulis para dito, sinabi ni Cabural na mas maliit lamang ang darating na cruiseship kung ikukumpara sa Royal Caribbean.

Ang pagdating ng mga bibisitang cruiseship sa isla ng Boracay ay isa sa mga pinaghahandaan ngayon ng pamahalaang probinsya at ng Departamento ng Turismo.  #bd012013

Monday, January 28, 2013

2013 Ati-ati sa Ibajay, matagumpay na idinaos


Naging matagumpay at mapayapa ang halos isang linggong Ati-ati sa bayan ng Ibajay.

Kung saan nagtapos ito sa paraan ng prusisyon at pagbalik sa mirakulo ng imahe ni Sr. Sto. Niño sa kumbento nang ilipat ito noong Sabado, ika-26 ng Enero, mula sa simbahan ng St. Peter sa nasabing bayan.

Sa isang linggoong selebrasyon, pinangunahan ng pamahalaang lokal ng Ibajay ang mga aktibidad sa Municipal Plaza, habang Parokya naman ang sa aktibidad ng Simbahan.

Nagpakita din ng partisipasyon ang 35 barangay sa bayan para sa 2013 Ati-Ati at 19 pa sa mga ito ang sumali talaga sa patimpalak ng mga tribo at kanilang mga float ng kanilang mga produkto. #ecm012013