BORACAY ISLAND-
Kalaboso ngayon ang isang Club DJ matapos itong mabilhan at makuhanan ng
ipinagbabawal ng droga sa ginawang buy-bust operation ng Malay PNP kaninang
madaling-araw sa Sitio Sinagpa, Balabag isla ng Boracay.
Ang suspek ay kinilalang si Rueben Mendoza y Makalintal
alyas “Rio Mendoza”, 36-anyos ng Quezon City at pansamantalang naninirahan sa
naturang na lugar.
Sa spot report ng Malay PNP, nabilhan si Mendoza ng isang
sachet ng shabu kapalit ng P 1,100 ng poseur buyer na isang pulis.
Maliban dito, nakuha rin posesyon at kontrol ng suspek
ang dalawa pang sachet ng suspected shabu at tatlong sachet ng suspected
cocaine.
Ayon sa bagong upo Chief of Police ng Malay PNP na si
PSI Jose Mark Anthony Gesulga, nasa drug watchlist ang suspek at matagal na
itong minamanmanan ng mga otoridad.
Photo (C) Malay PNP |
Sa pahayag pa ni Gesulga, maliban sa pagiging user, mga
foreigner ang kadalasang parokyano o pinagbebentahan ng suspek.
Dagdag pa nito, ang mga cocaine na nasabat sa suspek ay
posible umanong galing pa ng Maynila.
Kaugnay nito, ibenyahe na papuntang Iloilo ang suspek
para sa drugtest at para i-sumite sa Regional Crime Laboratory Office-6 ang mga
nakumpiskang illegal drugs.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165
o Comprehensive Drug Act of 2002.