YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, May 05, 2017

Lalaki sa Boracay, kalaboso sa buy-bust operation

Posted May 5, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay


Nasakote ang isang lalaki sa ikinasang drug buy-bust operation sa Brgy., Yapak, Boracay, Malay, Aklan alas-onse  kagabi.

Nagpanggap na poseur-buyer ang isang pulis para bumili ng P1,000 halaga ng shabu mula sa target ng operasyon na si “alyas” Arsaf, 29-anyos, isang Pest Control Technician residente ng Fuentes Subdivision, Roxas City, Capiz at temporaryong nakatira sa nabanggit na Brgy..
 Nakuha sa kamay nang suspek ang isang sachet ng suspected shabu at isang libong peso na buy-bust money.

Samantala, sa isinagawa pang body search ng mga oto
ridad nasabat pa kay “alyas” Arsaf ang dalawang hinihinalang droga, baril at cellphone na naglalaman ng illegal drug transaction.

Nakatakda namang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5, Section 11 Article II Republic Act 9165 o dangerous drugs act ang suspek.

Ang operasyon ay isigawa ng Aklan Police Provincial Office Provincial Drug Enforcement Unit (Aklan PPO PDEU), Boracay PNP, Aklan Provincial Public Safety Company, 12th Infantry Battalion at MIG 6.


Wednesday, May 03, 2017

Obserbasyon sa katatapos na LaBoracay, problema parin sa basura- Balabag Captain Sacapaño

Posted May 3, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

No automatic alt text available.
“Kulang sa pag-manage ng basura”.

Ito ang naging obserbasyon ni Balabag Punong Barangay Lilibeth Sacapaño, sa katatapos na LaBoracay nitong Abril 28 hanggang Mayo 1 ng taong kasalukuyan.

Aniya, maliban sa problema sa traffic dahil sa pagdagsa ng mga Local at Foreign tourist na nakisaya sa taunang big event na LaBoracay ay labis naman na naging suliranin ang hindi maayos at pag-manage ng mga basura.

Dagdag pa ni Sacapaño, sa mga nakalipas umano na taon bago magsimula ang LaBoracay event ay ipinapatawag ang mga taga-Barangay para malaman ang kanilang mga dapat gawin bago payagan ang organizer  katulad umano ng pagkuha ng sariling mag-aayos ng basura subalit ngayon umano ay walang nangyaring meeting.

No automatic alt text available.
Paglilinaw ni Sacapaño, ginawa pa rin nila ang kanilang obligasyon sa kabila ng kakulangan sa tao.

Sa  kabilang banda, kahapon araw ng Martes ay nagsagawa ng Beach Clean-up ang mga volunteers mula sa Balabag at ilang organisasyon kasama si Vice Mayor Sualog at mga empleyado ng San Miguel Corporation.

Ayon kay Kap Lilibeth, taunan na umano nila itong ginagawa sa pagtatapos ng LaBoracay na siya namang magandang paraan para ipunin ang kalat ng mga bisita.

Sa panayam kay Jerome Embate ng San Miguel Corporation, layunin umano nila na mahikayat din ang ibang kompanya katulad ng mga hotel, Non-Government Organizations (NGO’s) at iba pang negosyante sa isla na gawin ang kahalintulad na aktibidad.

Laboracay goers naging “iresponsable”– BFI President

Posted May 3, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image may contain: one or more people, sky and outdoor
“Naging iresponsable”.

Ito ang naging pahayag ni BFI President Diony Salme, bilang reaksyon nito sa katatapos lamang na LaBoracay.

Aniya, personal nitong nakita ang mga lumulutang na mga bote na nasa baybayin ng Boracay maging ang mga kalat na dulot ng nabanggit na event.

Bagama’t may nagsagawa naman ng paglilinis sa mga event area ay hindi pa rin maitatago ang mga nasaksihang dumi sa white beach na na-ipost pa ng iba sa social media.

Image may contain: one or more people, crowd and night
Pinaaabot nito na ang lahat ng mga organizers ay may obligasyon upang ipaalala sa mga bisita o party goers na maging responsible dahil kung ihahambing sa nakalipas na LaBoracay ay di hamak na mas organisado umano ito.

Kaugnay nito, kinulang umano ang mga garbage bin sa isla na kailangang dagdagan para sa susunod na taon.

Nabatid na hindi rin daw umano naging mabilis ang usad sa jettyport dahil sa volume ng mga turista na labas- masok at local tourist kahit na may iba pang sasakyang pandagat na ginamit para rito.

Ayon pa kay Salme, makikita na kinawawa at sinamantala ang paggamit ng isla sa mga iniwang bakas ng LaBoracay kaya’t pinababatid nito sa mga party goers na dapat ay magkaroon ng malasakit para sa susunod na taon ay maging mas maayos na ito.

Samantala, sa isang komunikasyon na ipinadala ni SB Committee on Environment Chairman Nenette Aguirre-Graf, aminado ito na wala pa umanong konkretong plano patungkol sa isyu subalit imumungkahi nito na dapat magkaroon ng Post- LaBoracay meeting  sa mga concerned group at LGU para sa assessment kung aaprubahan ni Mayor Cawaling.

Monday, May 01, 2017

Color coding ng tricycle sa Boracay, kinansela na ng BLTMPC

Posted May 1, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Dahil sa dagsa ng mga bakasyunista, pansamantala muna ngayong kinansela ng BLTMPC ang Color Coding Scheme ng mga tricycle unit sa isla ng Boracay dahil sa kakulangan ng masasakyan ng mga pasahero.

Ayon kay Boracay Land Transportation Multi Purpose Cooperative o (BLTMPC) Operation Manager John Pineda, ipinag-utos na umano kagabi ng Chairman na si Joel Gelito ang pagkansela ng color coding sa isla.

Aniya, mismong siya ay naranasan ang pahirapan sa pagsakay ng traysikel dahil sa dami ng mga bisitang pumupunta at nakiki-pagsaya sa taunang event na LaBoracay o party on the beach.

Idinagdag pa ni Pineda, hindi pa nila alam kung hanggang kailan magtatagal ang color coding subalit kanila naman itong i-aanunsyo kung maging maayos na ang flow ng operation.

Samantala, paalala parin ni Penida sa mga driver operators na mag-ingat sa kanilang pagbyahe at huwag mag-overprize sa paniningil sa mga pasahero.

Payo din nito sa mga pasahero kung sila ay may mga reklamo ay idulog lamang ito sa kanilang opisina upang kanila agad na maaksyunan.

Nabatid na kinansela ang color coding ng mga tricycle noong nakaraang taon sa kapareho ring event dahil sa sobrang dami ng mga turista.

Isa patay, isa sugatan sa pamamaril ng riding in tandem sa Boracay

Posted May 1, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for riding in tandem
Isa patay habang isa ang sugatan sa nangyaring pamamaril ng riding in tandem sa Sitio Ambulong, Brgy. Manocmanoc, Boracay noong Abril a-trenta, taong kasalukuyan.

Nakilala ang napatay na biktimang si Ryann Arcibal Raymundo alyas “Otoy”, 38- anyos, residente ng Sitio Hagdan, Brgy. Yapak habang ang isang sugatan ay kinilalang si Michael Pablo Raymundo, 30- anyos.

Sa blotter entry ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), habang sakay ng kaniyang motorsiklo kasama ang dalawang angkas habang binabagtas umano ng biktima ang pababang parte ng Sitio Ambulong, nang bigla umanong may nag-over take sa kanila na isa pang single na motorsiklo.

Nang maungusan ng mga salarin, dito na binaril ng backrider si Raymundo kung kaya’t natumba ito sa kalsada kung saan hindi pa raw umano nakuntento ang suspek at bumaba pa ito sa sinasakyang motor at binaril muli ang biktima.

Matapos umanong barilin si Raymundo, sunod namang pinaputukan ang angkas nitong si Michael Pablo, kung saan nagtamo ito ng tama sa tiyan at kanang bahagi ng kanyang panga habang ang isa pang kasama nito na si Bernard Raymundo, 34- anyos, ay nakatakbo mula sa pinangyarihan ng insidente at nakapagtago.

Base pa sa blotter report, pagkatapos umano ng nasabing pamamaril ay kumaripas ang mga hindi pa nakikilalang-suspek sakay ng kaniyang motorsiklo papunta sa direksyon ng Brgy. Balabag.

Isinugod naman sa isang klinika sa isla si alyas “Otoy”subalit idineklara na itong DOA o Dead on Arrival ng doktor habang si Michael naman ay ini-refer sa isang hospital sa Bayan ng Kalibo.

Samantala, agad namang nagresponde sa lugar ang SOCO team ng Boracay Crime Laboratory Satellite Office sa pangunguna ni PCI Robert Layador, at na-rekober dito ang mga basyo ng baril na ginamit ng suspek.

Sa ngayon, ang labi ng biktima ay nasa Prado Funeral Parlor, kung saan patuloy din ang isinasagawang imbestigasyon ng BTAC sa motibo ng nasabing pamamaril at sa pagkakakilanlan ng suspek.

Construction worker, natagpuang patay sa Boracay

Posted May 1, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for dead
Nadatnan ng walang buhay ang isang lalaki sa pababa sa bahagi ng Sitio Ambulong, Brgy. ManocManoc, Boracay nitong ika-27 ng Abril.


Kinilala ang biktima na si Cerelo Sta. Ana Y Policher na isang construction worker, residente ng Cantila Poblacion Occidental, Consulation, Cebu at pansamatalang nanunuluyan sa kanilang barracks sa Barangay Balabag.

Base sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng Boracay Tourist Assistance Center, nakita ang  ang katawan nito sa bakanteng lote kung saan wala na itong pangtaas at pangbaba na kasuotan.

Sa pag-iimbestiga ng SOCO sa pangunguna ni PCINSP Layador, narekober sa Crime Scene Processing  ang isang brown wallet na naglalaman ng COMELEC ID, pera, isang brown pants, isang pares ng sapatos at putting polo.

Ayon sa SOCO, hindi nakitaan ng anumang sugat ang katawan ng biktima kung saan dinala agad ang labi nito sa Prado Funeral Homes sa Cubay Norte, Malay.

Samantala, nabatid na ang nasabing biktima ay nai-rekord na nawawala noon pang Abril 25.

Dalawang lalaking wanted sa kasong drugs, timbog sa Boracay

Posted May 1, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for drug buy bust in word
Kalaboso ang isang lalaki matapos na mahuli kahapon ng hapon sa Sitio Tulubhan Brgy Manocmanoc, Boracay.


Kinilala ang suspek na si Wilkin Yano Y Sanza, 30- anyos, tubong Lumakil Polumolok South Cotabato at pansamantalang nanunuluyan sa nasabing lugar.

Naaresto si Yano, sa pinagsanib pwersa ng APPO Tracker Team na pinangunahan ni PINSP Angelito De Jose, APSC 1st Manuever Platton, RIU6 at BTAC PNP Aklan sa bisa ng warrant of arrest sa paglabag sa Section 7, Article II of Republic Act 9165, o “Comprehensive Dangerous Drug Act” of 2002 na may Criminal Case Number 13605 noong April 17, 2017 na nilagdaan ni Presiding Judge Montalid P. Patnubay Jr at Regional Trial Court 6 Branch 9, Kalibo, Aklan na may piyansang nagkakahalaga ng P 200,000.

Sa parehong araw, nahuli rin ang suspek na kinilalang si Jomar Bertoldo Y Enrique, 31-anyos, tubong San Jose Romblon at temporaryong nanunuluyan sa Sitio Bantud Brgy Manocmanoc.

Nahuli si Bertoldo sa bisa ng  Warrant o Arrest sa paglabag ng Section 7, Article II of Republic Act 9165, o ang “Comprehensive Dangerous Drug Act” of 2002 na may Criminal Case Number 13592 noong April 17, 2017 kung saan ang piyansa ay nagkakahalaga ng P200,000.

Samantala, nasa kustodiya na ngayon ng APPO Tracker Team ang nasabing mga akusado para sa tamang disposisyon.