YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, December 27, 2014

Isa sa pinakamalaking Airbus mula Japan lumapag KAI kaninang hapon

Posted December 27, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Isang chartered flights mula sa Japan ang lumapag sa Kalibo International Airport (KIA) kaninang hapon sakay ang 198 Japanese packs.

Ayon kay DOT Boracay Sub-Office Tourism Assistant Kristoffer Leo Velete, ito umano ang isa sa pinakamalaking airbus na lumapag sa nasabing paliparan.

Nabatid na dumiritso ang mga ito sa isla ng Boracay kung saan kinabibilangan ito ng ilang pamilya at mga Very Important Person (VIP) mula sa bansang Japan.

Kaugnay nito nanguna naman ang mga taga Department of Tourism (DOT) Boracay sa mainit na tumanggap sa mga nasabing bisita na sakay ng Airbus.

Sa kabilang banda ang patuloy na paglapag ng mga mga charted flights sa Kalibo International Airport ay dahil sa patuloy ding pag-market ng DOT ng Boracay sa ibat-ibang bansa.

Samantala, sinabi pa ni Velete na ngayong Lunes ay may inaasahan din silang 198 packs sakay ng Philippine Airlines (PAL) na lalapag sa KIA mula sa Boston.

Ilang hotel at resort sa Boracay 100% fully booked na dahil sa dami ng turista

Posted December 27, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

100% na ngayong fully booked ang karamihan sa mga hotel at resort sa isla ng Boracay dahil sa sobrang dami ng mga turista dulot ng mahaba-habang bakasyon.

Ayon kay DOT Boracay Sub-Office Tourism Assistant Kristoffer Leo Velete, karamihan sa mga hotel sa Boracay ay nasa 70-100% na umanong okupado ng mga turista na kung saan majority dito ay mga Pinoy.

Nabatid na nangunguna din umano ang bilang ng mga Russian at Korean Tourist sa Boracay maging ang mga Taiwanese.

Sinabi pa Velete na makikita ang dami ng mga turista sa Boracay lalo na sa oras ng gabi dahil sa sobrang siksikan ng mga taong naglalakad sa beach front kung saan maging ang mga bar, restaurant ay puno rin ng mga tao kasama na ang white beach area.

Sa kabilang banda inaasahang dudoble pa ang bilang mga turista ngayong besperas ng bagong taon hanggang sa Enero 4 bilang huling araw ng bakasyon.

Dahil dito ang mga walk in guess ay pahirapan na rin ngayon sa paghahanap ng kanilang matutuluyang hotel dahil sa karamihan sa mga ito ay puno na sa ngayon.

Ilang sinalanta ng bagyong Yolanda sa Aklan, wish sa pasko na dumating na ang tulong mula sa gobyerno

Posted December 27, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Isang taon na ang nakalipas nang manalasa ang bagyong Yolanda sa Aklan.

Subalit ilan sa mga sinalanta ng bagyo ang hindi pa umano tuluyang nakakabangon at hanggang sa ngayon ay inaantay pa rin ang tulong ng gobyerno.

Kaya naman, sa isang panayam sa ilan sa mga naapektuhan ng nasabing bagyo, wish umano ng mga ito nitong nkaraang pasko na dumating na ang tulong ng gobyerno.

Nabatid na may ilan pa rin kasing mga probinsya sa bansa ang hindi pa naaabutan ng tulong ng pamahalaang nasyonal kabilang na ang Aklan dahil sa ilang mga problemang kinakaharap ng pamahalaan.

Sa kabila nito, magugunita na kabilang naman sa mga multi-year plan ng administrasyong Aquino ang iba’t ibang proyekto tulad ng paglilipatan ng mga nawalan ng tahanan, imprastraktura, kabuhayan at serbisyong panlipunan sa lugar na tinamaan ng nasabing kalamidad.

Samantala, patuloy pa rin na umaasa ang ilang mga residente sa Aklan na mabigyan ng mga short-term at medium-term rehabilitation project sa kanilang mga lugar.

Seguridad sa mga mall sa Aklan, mahigpit na ipinatutupad

Posted December 27, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Mahigpit ngayon ang ipinapatupad na seguridad sa mga mall sa Aklan.

Maliban sa mga nakakalat na sekyu ay ipinakalat din ng Aklan Police Provincial Office (APPO) ang kanilang mga opisyal sa labasan ng mga establisyemento upang makaiwas sa mga mandurukot o kaya nama’y mga batang kalye na nanghahablot ng mga gamit.

Ayon sa APPO, sinasamantala din umano kasi ng mga ito ang dami ng mga mamimili o di kaya naman ay namamasyal sa lugar.

Samantala, ipinaalala naman nito sa mga mamimili na ibayuhing mag-ingat at bantayang maigi kung may mga dalang bata.

Nananawagan din ang mga ito ng kooperasyon sa publiko na kaagad i-report sa kanilang tanggapan o sa mga nakaantabay na pulis kung mayroong mga nakasalamuhang mapagsamatala.

Nabatid naman na tuwing araw ng pasko at bagong taon ay karaniwang nagpapakalat at nagdadagdag pwersa ang mga pulis sa probinsya lalo na sa Boracay at Kalibo na karaniwang dinadayo.

Mga nagbibinta ng paputok para sa bagong taon, pinag-iingat ng APPO

Posted December 27, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Muling nag-paalala ang Aklan Police Provincial Office (APPO) sa mga retailers ng paputok para sa pagsalubong ng bagong taon.

Mismong si Senior Police Officer 4 Rene Armenio ng Firearms Explosives Security and Guards Supervision Section (FESAGS) ng APPO ang nanguna sa ginagawang pagmo-monitor sa mga nagbibinta at gumagamit ng paputok at pyrotechnics devices upang masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.

Nabatid na 71 lamang na retailers ng paputok sa Aklan ang nakakuha ng permit mula sa Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection Unit (BFP).

Mahigpit ding pinaalalahan ni Armenio na ang pag-testing sa firecrackers at pyrotechnics ay mahigpit nilang ipinagbabawal kung saan kailangan din umanong maglagay ng sign na “no smoking” sa mga lugar na may tindahan ng paputok kasabay ng pagkakaroon ng fire safety equipments.

Samantala, kung sino man ang mahuling nagbibinta ng paputok na walang anu mang permit ay maaaring maharap sa penalidad sa ilalim ng Republic Act 7183 na kung saan ito ay batas na nagre-regulate sa mga nagbibinta, gumagamit at gumagawa ng paputok.

Bilang ng mga pasahero sa Cagban at Caticlan Jetty Port, dumoble

Posted December 27, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Dumoble ang bilang ng mga pasahero sa Caticlan at Cagban Jetty Port dahil sa kakatapos na pagdiriwang ng araw ng pasko.

Katunayan, isang mahabang pila ang muling masasaksihan sa nasabing mga pantalan kung saan dumami ang mga turistang pumupunta sa isla ng Boracay dahil sa mahabang bakasyon hanggang sa bagong taon.

Dahil dito mahigpit ang ipinapatupad na seguridad ng Jetty Port Administration lalo na ang ginagawang pag-check sa mga bagahe ng mga pasahero sa pangunguna ng Malay PNP.

Pinaigting din ng Philippine Coastguard Caticlan ang kanilang pagbabantay sa mga bangkang bumibiyahe para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero lalo na sa roro vessel.

Samantala, inaasahan na dadami pa ang mga pasahero na magsisiuwian at magbabakasyon sa isla ng Boracay ngayong papalapit na bagong taon.

Pagdiriwang ng pasko, tahimik at masayang sinalubong ng mga Aklanon

Posted December 27, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tahimik at masayang sinalubong ng mga Aklanon ang kapaskuhan sa kabila ng malakas na buhos ng ulan sa ilang lugar sa probinsya.

Base sa naging monitoring ng Aklan Provincial Police Office (APPO) wala silang naitalang malaking insidente na may kaugnayan sa pagdiriwang ng pasko sa buong lalawigan.

Nabatid na maraming mga balikbayan ang nagsiuwian bago ang pasko lalo na nitong bisperas kung saan bumuhos ang libo-libong tao sa mga pantalan ng barko kasama na ang mga paliparan sa Aklan.

Kaugnay nito mas pinaigting na tinutukan ng mga pulis ang seguridad sa mga mall, airport, terminal ng bus at mga pasyalan sa Aklan lalo na sa bayan ng Kalibo at isla ng Boracay hanggang sa pagsapit ng bagong taon.

All-out naman ang pwersa na inilatag ng APPO sa mga nasabing lugar upang maiwasan ang anumang insidente lalo na ang mga taong mapagsamantala na nanloloko sa pamamagitan ng kanilang ginagawang modus operandi.

Samantala, tutukan naman ngayon ng APPO ang paghahanda para sa seguridad sa nalalapit na pagdiriwang ng bagong taon na kung saan inaasahan ang kaliwat kanang selebrasyon at putukan.