YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, May 02, 2015

Mga turista sa Boracay patuloy na dumadagsa, mga basura pinangangambahan

Posted May 2, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay


Nangangamba ngayon ang ilang organisasyon sa isla ng Boracay na baka maulit muli ang nangyari noong nakaraang taon na pagtambak ng maraming basura sa beach area.

Ito’y dahil sa ginanap na LaBoracay noong nakaarang taon kung saan dumagsa ang libo-libong katao para makisaya sa nasabing event ngunit pagkatapos nito ay maraming naiwang basura sa puting buhangin lalo na ang bote ng alak.

Dahil dito nangangamba ang Boracay Foundation Inc. (BFI) na baka maulit ito kung kayat todo ngayon ang kanilang paalala at kampanya sa mga turista at mamayan sa Boracay na maging responsable sa pagtatapon ng kanilang basura.

Maliban dito ilang oraganisasyon din ang nagpaabot ng kampanya para mapangalaan ang Boracay lalo na ang puting buhangin ng isla.

Nabatid na halos doble ang bilang ng mga turista ngayon sa Boracay para makisaya sa LaBoracay at ibat-ibang event na handog ng malalaking kumpanya at commercial products sa bansa.

Lasing na lalaki patay matapos tumalon sa Aklan River

Posted May 2, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Wala ng buhay ang isang lalaki ng makarating sa Dr. Rafael S. Tumbukon Memorial Hospital matapos bawian ng buhay ng tumalon sa Aklan River kahapon.

Sa police report ng Boracay PNP nakilala ang biktimang si Joel Icawalo, 43-anyos ng bayan ng Kalibo kung saan tumalon umano ang biktima sa nasabing   sa C. Quimpo St., Kalibo, Aklan kahapon ng tanghali.

Nabatid na naka-inom diumano ang biktima ng nagdisisyon itong maligo kasama ang kanyang ibang kaibigan ngunit makalipas ang ilang minuto ay hindi na ito nakaahon matapos tumalon sa nasabing ilog.

Agad namang rumispondi ang mga pulis kasama ang Search and Rescue team ng Kalibo PNP at pamilya ng biktima kung saan matapos ang halos 30 minutong paghahanap ay natagpuan nila ang biktima sa layong 15 metro mula sa kung saan ito tumalon.

Samantala, pinaniniwalaan namang tumama sa matigas na bagay ang ulo ng biktima nang tumalon ito sa ilog dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Brgy. Caticlan at Sambiray kampeon sa 12th Fiesta De Obreros ng Malay

Posted May 2, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tinanghal na over-all champion ang Brgy. Caticlan at Sambiray sa ginanap na 12th Fiesta De Obreros sa bayan ng Malay kahapon na bahagi ng kanilang municipal at parochial fiesta.

Sinundan naman ito ng brgy. Poblacion , Balusbos at  Motag bilang 1st runner up habang, 2nd runner-up ang Nabaoy, Cubay Sur at Cubay Norte, 3rd runner-up naman ang Naasog, Dumlog at Cabulihan at 4th runner-up ang Cogon, Argao at Napaaan.

Maliban sa pagiging Champion ng Caticlan at Sambiray nanalo rin ang mga ito ng minor awards katulad ng best in production design, best in costume at best in music.

Nabatid na hinati sa limang cluster ang 14 na sumaling brgy. kung saan bawat grupo ay may bilang tatlo maliban na lamang sa itinanghal na champion.

Napag-alaman na hindi naman sumali sa taunang festival ang tatlong brgy. sa Boracay na kinabibilangan ng Yapak, Balabag at Manoc-manoc dahil sa abala ang mga ito preparsasyon sa APEC ngayong Mayo.

Samantala, mahigit sa limampung libong peso naman ang natanggap na premyo ng itinanghal na kampeon dahil sa kanilang nakaka-mangha at makulay na presentasyon.

Vice Mayor Gelito pinakansila ang color coding dahil sa LaBoracay

Posted May 2, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for tricycle sa  BoracayPansamantalang pinakansila ni Malay Vice Mayor Welbec Gelito ang color coding ng mga tricycle unit sa Boracay dahil sa dami ng turista.

Ayon kay Boracay Land Transportation Multi Purpose Cooperative Board of Director Enrique Gelito, nagpadala umano sa kanila ng sulat si Vice Mayor para hilingin na kung maaari ay ikansila muna ang color coding dulot ng kakulangan ng masasakyang tricycle sa isla.

Sinabi nito na simula kahapon ng ala-sais ay sinimulan nilang suspendihin ang color coding hanggang sa Mayo 3 kung saan inaasahan ang pagdagsa ng maraming turista dahil sa LaBoracay ngayong araw hanggang Linggo.

Dagdag pa nito na lalong tumindi ang traffic ng mga sasakyan sa mainroad dahil sa nasabing suspensyon na matatapos sa susunod na araw.

Samantala, sinabi pa ni Gelito na nakatakda silang magsagawa ng inspeksyon sa lahat ng mga tricycle at multicab driver na sakop ng kanilang kooperatiba kung ang mga ito ay miyembro nila kasama na ang proper grooming.

Nabatid na doble-doble ang bilang ngayon ng mga turista sa Boracay na karamihan ay puro magbabarkada para makisaya sa sikat na LaBoracay o party on the beach.

Seguridad sa Caticlan Jetty Port, pinaigting dahil sa pagdagsa ng maraming pasahero

Posted May 2, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for caticlan jetty portDoble-doble ngayon ang ginagawang seguridad sa Caticlan Jetty Port dahil sa sobrang dami ng pasahero na papuntang isla ng Boracay.

Mismong si Jetty Port Administrator Niven Maquirang ang siyang nag-iikot sa buong pantalan para makita ang sitwasyon ng nasabing lugar.

Nabatid na ilang araw ng nararanasan ang mahabang pila ng mga turista sa Caticlan Jetty Port para sa kanilang bakasyon sa Boracay.

Dahil dito hinigpitan naman ni Maquirang ang seguridad sa lahat ng daraanan ng mga pasahero kung saan may itinilaga rin sila K-9 Dog Unit sa loob mismo ng Jetty Port para sa kapakanan ng mga pasahero.

Todo aletro rin ang Philippine Coastguard (PCG) Caticlan sa pagbabantay sa mga sasakyang pandagat lalo na sa mga pampasaherong bangka at Ro-Ro Vessel.

Napag-alaman na kahapon ay narasanan ang matinding haba ng pila sa pantalan ng Cagban at Caticlan dahil sa ubusan ng mga bangka gayon din ng mga tricycle na may biyaheng Boracay dahil sa sobrang dami ng pasahero.

Friday, May 01, 2015

Malay NHS at Caticlan ES, muling nag-kampeon sa Drum, Lyre and bugle Contest

Posted May 1, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for drum and lyreMuling nasungkit ng Caticlan Elementary School at Malay National High School ang pagiging kampeon sa ikalawang Drum, Lyre bugle Contest ng DepEd Malay.

Anim na mga paaralan mula sa elementarya ang naglaban-laban at tatlo naman sa High School ang sumali sa nasabing patimpalak.

Sa elementary level nauwi ang consolation price ng Malay ES at Balabag ES, habang third place ang Naasog ES, second place ang Manoc-manoc ES, 1st place ang Yapak ES at ang muling nanalo na Caticlan Elementary School.

Habang sa secondary Level nakuha ng Boracay NHS ang 2nd place, 1st place naman ang Boracay NHS Manoc-manoc Extension at ang nag-champion ay Malay National High School.

Napuno naman ng panauhin ang Malay Public Plaza para suportahan ang kanilang mga represintante sa ikalawang Drum, Lyre bugle contest.

Nabatid na ang nasabing patimpalak ay bahagi ng Malay municipal parochial fiesta ngayong araw kung saan ngayon din gaganapin ang inaabangang Malay 12th Fiesta De Obreros kung saan lalahukan ito ng 14 na Brgy. ng nasabing bayan para sa street at ground presentation.

Lalaki sugatan matapos saksakin dahil sa Lucky 9 na sugal

Posted May 1, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Lucky 9Mabilis na naisugod sa Dr. Rafael S. Tumbukon Memorial Hospital ang isang lalaki matapos saksakin ng kanyang kalaro sa Lucky 9 sa isang lamay sa Altavas, Aklan.

Sa blotter report ng Altavas PNP, kinilala ang biktimang si Dave Bobier, 45 ng Sitio Sapa, Brgy. Cabangila, Altavas, Aklan habang ang suspek naman ay nakilalang si Rey Arcenio ng kapareho ring lugar.

Nabatid na naglalaro umano ang mga ito ng Lucky 9 ng biglang sabihin ng biktima sa suspek na hihinto na ito sa paglalaro dahil sa nanalo na siya.

Ngunit bigla namang uminit ang ulo ng suspek dahil hindi pa siya nakabawi sa kanyang talo kung kayat agad nitong nitong binunot ang kanyang kutsilyo sabay unday saksak sa biktima.

Dahil dito malalim na sugat ang tinamo ng biktima sa kanyang tagiliran matapos ang pananaksak ng suspek na ngayon ay nakakulong sa Altavas Police Station.

Samantala base pa sa report ibineta umano ng suspek ang kanyang mga alagang baka at baboy upang may pang-kapital sa sugal sa isang lamay sa kanilang lugar.

Dalawang lineman ng Akelco sa Boracay agaw buhay matapos makuryente

Posted May 1, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Lineman AkelcoAgaw buhay ang dalawang lineman ng Aklan Electric Cooperative (Akelco) sa Boracay matapos makuryente ang mga ito habang inaayos ang kanilang mainline sa isla.

Nagtamo ng sugat at paso sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktimang sina Jomarie Icabandi, 30 anyos ng Brgy. Manhanip, Malinao at si Leonel Reyes, 31 anyos ng Tangalan, Aklan.

Nabatid na bandang tanghali ng makuryente ang mga biktima sa inaayos na linya ng kuryente sa Sitio Ambulong Brgy. Manocmanoc kung saan napag-alaman na may biglang pumasok na 7,620 volts na supply ng kuryente sa kanilang ginagawang single phase na linya dahilan ng kanilang pagkakuryente.

Dahil dito mabilis namang pinagtulungan ng mga kasamahan ng lineman na maibaba ang mga ito na agad namang idinala sa isang pribadong kilinika sa isla ngunit dinala din agad sa ospital sa bayan ng Kalibo.

Ayon pa sa mga health officials na gumamot sa dalawang biktima posibleng umanong magkaroon ng damage sa kanilang internal organs ang mga ito dahil sa natamong sugat sa palad at talampakan kung saan tumagos ang kuryente.

Samantala, patuloy naman ang ginawang embitigasyon ng Akelco hinggil sa nangyaring insidente at kung papaanong may pumasok na supply ng kuryente sa kanilang ginagawang single phase.

Mga bangka at tricycle sa Boracay nagka-ubusan dahil sa dami ng pasahero

Posted May 1, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for Caticlan Jetty PortNagka-ubusan ang mga bangkang biyaheng Caticlan at Cagban kasama na ang mga tricycle sa Boracay dahil sa sobrang dami ng mga pasahero lalo na ang mga turista.

Sa Caticlan Jetty Port pa lamang ay naranasan na ang sobrang haba ng pila ng mga pasahero patawid ng Boracay kung saan karamihan sa mga ito ay puro local tourist.

Dahil dito halos magkaubusan ang mga bangkang bumibiyahe patawid at pabalik ng isla hanggang sa pagdating ng Cagban Port ay wala ring masakyang tricycle unit kung saan karamihan sa mga ito ay arkilado ng mga turitsa.

Kaugnay nito isang matinding trapik din ang nag-pabagal sa operasyon ng mga pampasaherong sasakyan sa isla dahilan para matagalan ang mga pasaherong makasakay.

Samantala, binuksan na ng Jetty Port Caticlan ang isa nilang luggage x-ray machine dahil sa sobrang dami ng pasahero na karamihan ay mga kabataan na makikisaya umano sa sikat na  LaBoracay ngayong May 1.                     

APEC 2015 Malay Task Group nagdagdag ng media relation officers

Posted May 1, 2015
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Image result for APECNagdagdag ngayon ng media relation officers ang APEC 2015 Malay Task Group upang lalong mapaghandaan ang APEC ministerial meeting sa Boracay ngayong Mayo.

19 ang napiling mapabilang sa listahan ng nasabing Task Force na kasali sa APEC Media Relations para sa data base, production ng ID, uniform at ipa pang applicable na benipisyo.

Ito naman ay kinabibilangan ng mga empleyado ng LGU Malay, guro at ibat-ibang indibidwal sa bayan ng Malay na handang tumulong sa paghahanda sa APEC meeting sa Boracay.

Nabatid na ang labin siyam na mga volunteers ay madadagdagan pa upang lalong mapalakas ang APEC 2015 Malay Task Group sa pamamagitan ng Media Relations.

Samantala, ilang araw nalang at magsisimula na ang APEC sa Boracay kung kaya’t doble-doble naman ngayon ang kayod ng mga kinaukuulan sa isla ng Boracay sa pangunguna ng LGU Malay at Provincial Government ng Aklan.