Ni Inna Carol L.
Zambrona, YES THE BEST Boracay
Pinaghahandaan na ng Philippine National Police (PNP) ang
seguridad ng publiko sa isla ng Boracay para sa nalalapit na Semana Santa.
Ayon kay Boracay Joint Task Force at Metro Boracay Task
Force PSUPT Ryan Manongdo, naka-alerto ang kanilay hanay lalo sa pagbabantay ng
mga papasok at palabas sa Jetty Port at Cagban Port ng Boracay.
Paalala ni Manongdo na mag-ingat at maging mapagmatyag upang
hindi mabiktima at upang maiwasang masilisihan ng magnanakaw.
Bukod dito, may mga itinalagang Assistance Desks ang
kanilang tanggapan kung saan ito ang magsisilbing sumbungan sa oras ng
emerhensya katuwang ang MDRRMO, Coast Guard, Maritime at iba pang law
enforcers.
Samantala, nagbigay paalala naman ang Municipal
Transportation Office sa mga motorista na bumabyahe sa bayan ng Malay
partikular sa isla na tiyaking maayos at ligtas sa byahe.
Mahigpit ring paalala sa mga drayber na huwag gumamit ng
cellphone kapag nasa pasada at dapat ding sumunod sa batas trapiko upang
makaiwas sa disgrasya.
Samantala, mahigpit naman ang kanilang ginagawang
pagbantay sa mga kalsada upang mabantayan ang daloy ng trapiko.
Kaugnay nito, sa Boracay istrikto ring ipapatupad ang “No
Party on Good Friday” na mahigpit na ipinagbabawal ang ano mang klaseng ingay
sa araw ng Biyernes Santo hanggang sumapit ang alas-sais ng umaga ng Sabado de
Gloria.