YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, February 10, 2017

Urine at Stool Analysis, Malay Health Office lang ang susuri

Posted February 10, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

May bago na ngayong patakaran ang Malay Health Office o (MHO) sa pagkuha ng Urine at Stool test para sa mga magre-renew ng Health Card sa isla ng .

Ayon kay Sanitary Inspector IV Baby-lynn Frondoza, nagsimula ang bagong patakaran ngayong taon kung saan may system installation na sila para sa mga kukuha at magre-renew ng kanilang urine at stool test na isa sa mga requirement bago bigyan ng Health Card.

Ani Frondoza, sa ganitong paraan ay naka-encode na sa kanilang system ang mga pangalan ng mga kumuha nito para mapadali ang pagdetermina kung may rekord na sila sakaling kukuha silang muli sa susunod na taon.

Nabatid na noon pa sanang nakaraang taon ito ipapatupad subalit meron lang umanong kaunting problema sa kanilang system.

Sa ngayon, dadaan muna sa seminar ang mga first time na kukuha at naka-schedule naman ang mga magre-renew para sa mas organisadong pagbibigay serbisyo ng Malay Health Office.

Club Galaxy Bar, pina-Iimbestigahan ng SB-Malay

Posted February 10, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Nais ngayong pa-imbestigahan ni Sangguniang Bayan Member Dante Pagsuguiron ang bagong tayong Club Galaxy Bar sa Sitio Tulubhan Brgy. Manoc-Manoc, Boracay.

Sa 5th Regular Session ng Malay, naging laman ng Privilege Speech ni Pagsuguiron ang tungkol sa operasyon ng bagong bar sa lugar.

Ayon sa konsehal, ang imbestigasyong kaniyang nais ihain sa plenaryo ay para tingnan ang umano’y violation nito sa setback ordinance.

Bukod dito, may nakausap pa umano siya na isa sa mga trabahante doon na meron umanong kwarto na eksklusibo lang sa mga foreign costumer.

Samantala, nais din ni SB Jupiter Gallenero na tanungin ang licensing office kung meron ba itong building permit at kung kumpleto ba ito sa dokumento.

Ani Gallenero, sakaling may business permit ito ay saka na lamang imbestigahan kung ano ang purpose ng nasabing eksklusibong kwarto at kung bakit hindi pwede sa mga pinoy.
Sa isang panayam kay SB Fromy Bautista, nabanggit nito na may nakita siyang paglabag sa firewall ng gusali ng nasabing bar at pinuna rin nito ang malaking promotional tarpaulin sa Laketown area.

Bunsod nito, ang nasabing usapin ay nakatakdang imbestigahan ng Committee on Housing, Land Utilization and Building Construction at Committee on Tourism Industry, Trade Economic Enterprise and Cooperatives.

Pro-6 nagpulong para sa seguridad ng ASEAN SUMMIT sa Boracay

Posted February 9, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Nagpatawag ng isang pulong ang pamunuan ng Police Regional Office -6 para sa nalalapit na pagdaos ng ASEAN SUMMIT 2017 sa Boracay.


Nilatag ni Police Superintendent Ben Gabion, Team Supervisor at Police Senior Inspector Silverio Castillo ang mga plano sakaling magkaroon ng insidente katulad ng bomb threat o banta sa seguridad ng mga delegado lalo sa mga lugar na pagdarausan ng ASEAN meetings.

Dahil dito, pinulong ng mga bomb experts ang mga hotel security personnel kasama ang mga desk supervisors at law enforcers kung ano ang gagawin ng mga ito sa oras na mangyari ang ganitong sitwasyon o senaryo.

Maliban sa ginawang presentasyon, nagbigay din ng mga leaflets na naglalaman ng mga importanteng tips at hotline numbers ang PRO-6 para sa maagap na pagresponde.

Samantala, ipinaabot naman ni Gabion na makipagtulungan at huwag mahiyang magtanong o ipaalam sa kina-uukulan ng sa ganoon ay maging matiwasay at ligtas ang lahat ng delegates sa ASEAN Summit maging ang komunidad.

Menor de edad nabiktima ng hit and run sa Boracay

Posted February 9. 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for hit and run
Isinugod agad sa isang kilinika ang isang menor de edad matapos itong ma-hit and run kagabi sa Sitio Diniwid, Brgy. Balabag.

Base sa salaysay ng ama ng biktima, habang naglalaro umano malapit sa kalsada ang anak nito ay saktong dumaan ang isang traysikel rason na nabangga ang kanyang anak.

Nabatid na matapos umano nitong banggain ang biktima ay hindi man lamang ito nagbigay ng tulong at sa halip ay nagpatuloy pa ito sa pagpapatakbo ng traysikel.

Samantala, patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis sa naturang insidente at ang pagkakakilanlan ng driver.

Menor de edad sa Boracay, hinuli ng mga otoridad matapos umanong magnakaw

Posted February 9. 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for theft
Nasa pangangalaga na ngayon ng Women and Children’s Protection Desk o WCPD ng Boracay PNP ang menor de-edad na suspek sa pagnanakaw sa Station 1 Brgy. Balabag, Boracay kagabi.


Sa pulis report ng BTAC, kinilala ang nagrereklamong si Hyerin Han, 20-anyos Foreign National at temporaryong nanunuluyan sa isang resort sa naturang lugar.

Salaysay ng nagrereklamo, habang naglalakad umano sila kasama ng kanyang mga kaibigan, napansin na lamang nito na may nagbukas ng kanyang sling bag kung saan kinuha ang cellphone nito.

Hinabol nila ang suspek at tinawag ang atensyon ng mga pulis na nasa lugar kasama na ang miyembro ng beachguards at MAP.
Agad naman nilang naaresto ang menor de edad kung saan tinurn-over rin ito sa DSWD.

Thursday, February 09, 2017

Traffic Re-Routing Plan handa na para sa Asean Summit

Posted February 9, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo at Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Handa na ang ruta na inilatag ng LGU-Malay para sa nalalapit na hosting ng Boracay sa ASEAN Summit 2017.


Sa pulong ng LGU na pinangunaha ni Executive Assistant IV Rowen Aguirre kasama si Malay Transportation Officer Cesar Oczon, inilatag nila ang pansamantalang re-routing plan na ipapatupad kung saan tinukoy na ang lahat ng mga delivery at service vehicle na mula sa Cagban Port ay liliko sa AKY Tulubhan papuntang Mangrove Park ay lulusot sa Laketown bago lumabas sa Lying Inn intersection.

Ang mga sasakyang galing Balabag papuntang Manoc-manoc ay liliko pakaliwa sa Crafts intersection at tatahakin ang ruta papuntang Lugutan Mangrove Area palabas ng Manoc-manoc Elementary School.

Habilin din ni Oczon sa mga miyembro ng Malay Auxiliary Police o (MAP) at Boracay PNP na ang mga malalaking sasakyan tulad ng mini dump truck ay bawal gumamit ng kalsada sa araw at papayagan lamang sa gabi sa itinakdang oras na alas-nuebe ng gabi hanggang alas singko ng madaling-araw.

Sa re-routing scheme, ang lahat ng mga service vehicle ng mga hotel at resorts na papuntang Balabag at Yapak ay pinakiusapan na gamitin ang circumferential road.

Ayon kay Oczon, layunin nitong ma- decongest ang daloy ng trapiko kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga delegates.

Apela ng LGU-Malay, sundin muna ang ipapatupad na traffic re-routing scheme na magsisimula bukas Pebrero 10 at magtatapos sa Pebrero 23 para sa maayos na daloy ng trapiko sa kasagsagan ng ASEAN SUMMIT.

Top of Form

Wednesday, February 08, 2017

Boracay hospital pansamantalang sarado muna sa publiko

Posted February 8, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image may contain: text
“Hospital services will resume until further notice.”

Ito ang naka-paskil sa bukana ng bagong pinasinayaang ospital na Don Ciriaco S. Tirol Memorial Hospital pagkatapos ang ginawang soft opening noong unang araw ng Pebrero ng taong kasulukuyan.

Ayon  kay Medical Officer IV Lily Ann Eslabra, hindi pa umano kumpleto ang mga facilities at equipments na gagamitin para sa mga pasyente.

Dagdag pa nito, ang soft opening umano na nangyari ay para ipaalam sa publiko na handa ng buksang muli ang inayos at pinalaking ospital sa isla ng Boracay.

Pina-abot din ni Eslabra na nais din umano niyang mabuksan na sa madaling panahon ang naturang ospital para maserbisyohan ang mga nangangailan ng serbisyo-medikal.

Sa kasalukuyan, may mga orientation at training na ginagawa ang pamunuan para sa mga kawani at nurses sa nasabing ospital.

Tuesday, February 07, 2017

Sangguniang Panlalawigan, kwenistyon ang 445 Million Loan ng Aklan Province

Posted February 7, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Kwenistyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang halaga ng pera na planong i-loan ng probinsya sa Land Bank of the Philippines.

Kahapon sa 26th Regular Session, pinag-usapan ang planong paghiram ng pera para umano mapondohan ang lahat ng mga proyekto ng probinsya katulad na lamang ng Training Center, Provincial Engineer's Office, Paseo de Akean, expansion ng Provincial Assessor’s Office, improvement ng ABL Sports Complex at Caticlan Jetty Port.

Nagkakalaga ng mahigit 445 million ang perang nakatakdang i-loan kung saan naniniwala naman umano ang probinsya na kayang mabayaran ang perang uutangin.

Kaugnay nito, pag-uusapan pa sa plenaryo ang perang ilo-loan ng probinsya.


Barkong MS Celebrity Constellation, dadaong sa isla ngayong Pebrero

Posted February 7, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for MS CELEBRITY CONSTELLATION
Dadaong na sa isla ng Boracay ngayong darating sa araw ng mga puso  Pebrero 14 ang MS Celebrity Constellation.

Ayon sa Jetty Port Administration, napag-usapan na ang preparasyon at seguridad na ilalatag para sa maiden call ng barko sa darating na Martes.

Ayon kay Jetty Port Administrator Nieven Maquirang, kinakailangan umano ang suporta at kooperasyon ng lahat para sa pagdaong ng barkong ito na lulan ang 2,038 na mga pasahero at ang 999 na mga crew kung saan ang arrival nito sa ganap na alas- otso.

Nabatid na mula Singapore, ito ay tutungo sa Vietnam, Hong Kong, at pagkatapos ay maglalayag papuntang Pilipinas sa baybayin ng Maynila sa Pebrero 13 bago ang kanyang pagbisita sa Boracay kung saan pagkatapos dito ay didiretso sa Malaysia at babalik sa Singapore.

Kaugnay nito sa Pebrero 15 naman araw ng Miyerkules ay aasahan din ang pagdating ng MS Europa II.

Samantala, ito ang pangalawang barko na dadaong sa Boracay kung saan 13 pa ang inaasahang bibisita sa isla ngayong taong 2017.

Sanggol inabandona sa basurahan sa Boracay

Posted February 7, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for iniwang sanggolKaawa-wa ang sinapit ng isang sanggol matapos itong makitang wala ng buhay at nakabalot ng damit, bed sheet at garbage bag sa Material Recovery Facility o (MRF) sa Barangay Manoc-manoc Boracay alas nuebe ng umaga kahapon.

Sa report ni PO2 Lyn-lyn Agapito ng Women and Children Protection Desk ng BTAC, isa umanong tawag ang kanilang natanggap mula sa supervisor ng MRF na may nakita umanong sanggol si Nanie Elano habang ito ay nagse-segregate ng basura.

Base sa kanilang imbestigasyon isang lalaki at walong buwan na ang naturang sanggol.

Napag-alaman na ang basurang na-segregate ay galing sa Barangay Balabag.

Samantala, patuloy pang ini-imbestigahan ng mga otoridad ang naturang kaso kung saan agad namang pinamisahan ng Manoc-Manoc Brgy. Council ang naturang sanggol at inilibing sa Manoc-Manoc Cemetery.

Monday, February 06, 2017

Limang cruiseships dadaong sa isla ngayong Pebrero

Posted February 6, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES FM Boracay

Image result for cruise ships
Inaasahan ang pagdaong ng limang cruiseships sa isla ng Boracay ngayong buwan ng Pebrero.

Kinabibilangan ito ng MS Celebrity Constellation, MS Europa II, MS Seaborne Sojourn, MS Crystal Symphony at ang MS Seven Seas Voyager.

Sa ginawang pulong sa Jetty Port Caticlan, napag- usapan ang seguridad at preparasyon ukol dito kung saan nakahanda na ang mga hanay ng pulis katuwang ang Philippine Army, Malay Auxilliary Police (MAP), MARITIME Police, Philippine Navy at Philippine Coast Guard.

Samantala, ang pagbisita ng mga cruiseships na ito ay upang maipakita ang angking kagandahan ng isla ng Boracay.

Tricycle Driver sa Boracay, nag-sauli ng pera sa pamamagitan ng YES FM

Posted February 6, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image may contain: 3 people, people standingNakuha na ng may-ari ang pera na nakita ng tapat na driver na nagkakahalaga ng mahigit P 25, 000 ngayong hapon sa himpilang ito.

Idinaan ni Wilfredo Zausa 48-anyos residente ng Sitio Balinghay Brgy. Yapak, Boracay ang pagsauli sa himpilang ng Yes FM matapos niyang mapulot sa kalsada ang pera kahapon habang siya ay namamasada.

Kwento ni Zausa, galing umano siyang Pinaungon sakay ang dalawang pasahero papuntang Balabag nang makita niya ang pera na nakalagay sa isang plastic.

Dahil dito, agad niyang dinala sa YES FM ang naturang pera at ipina-rekord kung saan agad naman itong inanunsyo ng himpilan at pinost sa facebook para ipagbigay alam kung kanino ang nawawalang pera.

Ang pera ay pagmamay-ari pala ng dating artistang si Martin Jickain na ngayon ay may negosyo dito sa isla ng Boracay.

Nabatid na galing si Jickain sa kanyang restaurant ng mahulog ito sa kanyang bulsa habang sakay ng golf cart.

Malaki naman ang pasasalamat ni Jickain na naisauli sa kanya ang pera kung saan una na nitong inakala na hindi na ito maibabalik sa kanya subalit ng makita ito sa facebook ay nagulat siya na meron pa palang magandang puso na magsasauli ng pera.

Nagkita ang dalawa sa himpilan kung saan bilang pasasalamat binigyan nito ng token si Zausa sa kanyang pagiging tapat.

Samantala, pina-alalahan naman ni Wilfredo ang kanyang kapwa driver o maging sino man ang makakita ng pera o gamit na hindi sa kanila ay ibalik ito sa may-ari o ipagbigay- alam sa mga kinauukulan.

Lolong Wanted sa kasong rape, arestado sa Banga, Aklan

Posted February 6, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image result for wantedArestado ang wanted na lolo sa kasong rape sa Barangay Toralba, Banga, Aklan.

Ayon kay PO2 Mark Anthony Lorico ng Banga PNP, kinilala ang suspek na si Dionesio Narosa Y Raga-As, 74-anyos residente ng nabanggit ring lugar.

Nahuli si Narosa sa pinagsanib pwersa ng Aklan PPO Tracker Team, Banga Municipal PNP Station, Aklan Public Safety Company, RIU 6 at CIDG Aklan kung saan may Warrant of Arrest ito na may Criminal Case number 13451 sa kasong RAPE na nilagdaan ni Hon Judge ELMO F. DEL ROSARIO, Presiding Judge, RTC Branch 5, Kalibo, Aklan.

Samantala, wala namang inilaang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

LGU-Malay, naghahanda na sa ASEAN Summit 2017

Posted February 6, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES FM Boracay

Image may contain: 2 people, people sittingNaka-heightened alert na ang beach line ng Boracay para sa nalalapit na ASEAN Hosting sa isla.

Sa naging panayam ng himpilang ito kay Executive Assistant IV Rowen Aguirre ng LGU-Malay, mahigpit ang gagawing enforcement sa long beach ng Boracay kasama na ang pagbibigay ng implementasyon sa mga bangka at paraw.

Katunayan, sinimulan na nila ang pag-rescue sa mga batang lagalag at pagsita sa mga bangkang wala sa mooring area o tamang pantalan.

Aniya, sumulat na sila ng Memorandum sa opisina ni Mayor Ceciron Cawaling upang mabigyang aksyon ang beach regulations, kung saan kasama dito ang MSWDO sa katauhan ni Magdalena Prado at kapulisan, para tuloy-tuloy ang implementasyon at maging maayos na ang beach line pati na ang mga existing ordinances dito.

Kaugnay nito, simula na ang pagdating ng mga security forces para sa seguridad sa isla kung saan sa Pebrero 13 sa susunod na linggo inaasahang darating ang isang daan na delegates ng ASEAN kung saan ito ay kinabibilangan ng bansang Singapore, Malaysia, Indonesia, Thailand, Myanmar, Vietnam, Brunei, Cambodia at Laos.
Samantala, hindi na umano dadaanan ang mga bisita sa Cagban Port dahil sa front beach na ito dadaan papuntang Paradise Garden kung saan gaganapin ang pagpupulong.

Kaugnay naman sa traffic management plan, magpupulong umano sila ni Malay Transportation Cesar Oczon para ma-isapinal na ang re-routing na gagawin sa mga sasakyan sa isla.

Samantala, apela naman ni Aguirre sa publiko, kung maaari ay makipag-cooperate at huwag munang magreklamo sa mga inconveniences o abalang maidudulot nito, ang importante aniya dito ay mabigyan ng magandang serbisyo ang mga bisita, nang sa ganun maipakita naman sa mga ito na karapat-dapat na premiere tourist destination ang isla ng Boracay.