YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, October 06, 2012

Gov. Marquez, hindi nagsisi na pinili ang Kasangga Partylist

Tila walang pagsisi sa bahagi ni Aklan Governor Carlito Marquez na tinanggap nito ang hamon na maging nominee upang maging kinatawan ng Kasangga Party List kapalit ni Rep. Teodorico Haresco.

Sapagkat ayon kay Marquez, bagamat lumawak ang kaniyang nasasakupan na dati ay ang kabuuang Aklan lamang at ngayon ang kakatawan na siya sa isang sector para sa buong Pilipinas.

Naniniwala itong mas madali pang manalo sa kaniyang posisyon na napili ngayon kaysa sa magpahalal sa isang posisyon sa probinsiya.

Kasunod nito, ipinangako naman ni Aklan Representative Florecio Miraflores sa harap din ni Marquez na naririyan pa rin ang suporta ni Haresco sa gobernador, gayon din ng mga probinsiya sa Western Visayas gaya ng naipangako na umano sa Kongresista sa mga probinsiyang kabilang dito sa Panay kay Miraflores na tutulong sila sa Kasangga.

Naniniwala din siMiraflores na malaki ang suporta na makukuha ng Kasangga sa Mindanao, dahil kung 1st Nominee si Marquez, 2nd Nominee namansi Gwen Pimentel na kapatid ni Sen. Koko Pimentel.

Kung saan ang Mindanao aniya ay inaasahang balwarte ng Pimentel, at hindi rin makakaupo ang 2nd Nominee kung hindi muna makaka-upo ang 1st Nominee na si Marquez.

Kung matatandaan, unang lumabas ang usaping si Governor Marquez ang napipisil na kapalit sa pagka-kongresista ni Miraflores gayong huling termino na ito.

Subalit nagbago ito nang di umano ay napagka-sunduan ng nasabing gobernador at ni Kasangga Representative na si Haresco ang mga posisyon nilang napili para sa 2013 elections.

Tibyog Akean, tiwala na hindi mapapataob ng ibang political party


Kumpiyansa ang grupo ng Tibyog Akean na mas lamang sila kaysa sa ibang grupo na makakatunggali ng kanilang mga kandidato sa iba’t-ibang bayan sa Aklan.

Dahil ang lahat ng koneksiyon at makinarya ay nasa sa kanila pa.

Ito ay makaraang ihayag ni Aklan Representative Florencio Jeoben Miraflores na kampante pa rin sila, gayong kaalyado nilang lahat ang mga nasa puwesto ngayon at may malaking maitutulong upang mabigyan ng proyekto ang o anumang programa ng gobyerno para sa mga nasasakupan ng kanilang mga ka-grupo.

Aniya, lahat ng advantage ay nasa Tibyog, sapagkat halos lahat ng mga kandidato ay kaalyado nila na naka-puwesto at mga incumbent na kaya tiwala ito na hindi mapapataob ng anumang local political party ang grupo nila.

Kaya gagawin umano ng administrasyon ang lahat ng tulong para sa nasasakupan ng mga Alkaldeng nasa ilalim ng bandera ng Tibyog.

Ang pahayag na ito ni Miraflores ay sinabing Kongresista sa harap ng kanilang mga supporters sa isinagawang Candidate presentation noong Oktubre a-singko, matapos ang paghahain nila ng Certificate of Candidacy.

Si Miraflores na magtatapos na ang termino sa pagiging-Congressman ng Aklan at isa din sa utak ng grupong Tibyog ay magpapapili sa mas mababang posisyon na Gobernador sa 2013 Midterm Elections, kung saang makakatungali nito si Makato Mayor Jun Legaspi.

Samantala, ang Tibyog Aklan naman ay siyang grupo na sinasandalan ngayon ng karamihan sa mga opisyal ng bayan at probinsiya o tinatawag na grupo ng Adminstrasyon.

Esel Flores ng Malay, nag-hain na ng CoC para Board Member ng Aklan



Pormal nang naghain ng Certificate of Candidacy sa Commission on Election (Comelec) nitong Biyernes, a-singko ng Oktubre, bandang alas-10 ng umaga si Malay Sangguniang Bayan Member Esel Flores para sa pagka-Board Member sa Western Side ng Aklan para sa 2013 Midterm Elections.

Kasama ng buong partidido sa lokal na “Tibyog Akean” sa ilalim ng Liberal Party at Nacionalista Party na naghain ng kani-kanilang CoC nitong umaga ika-5 ng Oktubre, naisumite na rin Flores ang kaniyang kandidatura.

Si Flores na kasalukuyang miyembro ng SB Malay ay magpapahalal sa mas mataas na posisyon.

Kasalukuyan ay nasa ikatlo at huling termino na rin siya ng kaniyang panunungkulan sa bayan ng sikat na islang Boracay. | ecm102012

Pagkakaroon ng E-Games at Bingo sa isang resort Boracay, sinimulang pag-usapan sa sesyon ng SB Malay

Sinimulan nang pag-usapan sa sesyon ng SB Malay ang tungkol sa pagkakaroon ng e-Games at Bingo sa isang resort sa Boracay.

Sa committee report ng sesyon nitong Martes, ay inilatag ni mismong SB Member at committee chairman on tourism, games and amusement Wilbec Gelito ang nasabing proposisyon.

Sinabi nitong ang e-Games at hi-tech na pa-bingong ito ay sa loob at bahagi lamang ng pasilidad ng resort, na mistulang isang coffee shop.

At pag nagkataon, ay wala ring ilalagay na anumang karatula sa labas na nagsasabing may pa-bingo doon.

Idinipensa pa ni Gelito na ang kinaroroonan ng nasabing e-Games ay malayo sa simbahan at paaralan, kung kaya’t kampanti nitong hiniling sa sesyon na i-adopt ng SB ang naturang proposisyon.

Itinakda namang muling pag-usapan sa ikalawang pagdinig ng konseho ang tungkol sa nasabing sugal. | md102012

Kahalagahan ng CCTV, kinilala ng SB Malay

Ang CCTV o close circuit television, ay itinuturing napakahalagang tulong pagdating sa seguridad.

Ginagamit ito kadalasan ng mga malalaking establishimiyento, pribado man o sa gobyerno.

Sa pagbabantay ng mga ari-arian, at sa mismong buhay ng tao.

Ang nasabing bagay ay kinikilala rin maging ng mismong mga taga-SB Malay.

Katunayan, sa sesyon itong Martes ay pinag-usapan ito ng konseho, kung saan sinabi ni SB Member Jonathan Cabrera, na aprubado na ang ordinansa para dito.

Kung kaya’t inaasahang ang lahat ng mga establishimiyento dito ay obligado nang magpakabit ng CCTV.

At dahil ganap na itong naaprobahan, inaasahang isasama na ito sa mga requirements kapag magre-renew ng business permit.

Sa Jetty Port Caticlan at Boracay, ang pagkakaroon ng mga CCTV ay nagsilbing mata at taga bantay sa kaligtasan ng mga turista. | md102012

SB Malay, kumbinsido na sa pagpasok ng McDonald’s sa Boracay


Kumbinsido na ang SB Malay sa pagpasok ng McDonald’s sa Boracay.

Ito’y matapos pagpasa-pasahan ng mga miyembro ng konseho kahapon sa sesyon si Golden Arches Executive Vice President and CFO Romeo Bachoco, tungkol sa mga katanungan at mga isyung bumabalot sa pag-operate ng nasabing fastfood chain dito.

Ilan sa mga sinabi at nilinaw ni Bachoco kahapon ay ang tungkol sa isyung umano’y makakaapekto sa mga kahalintulad na negosyo ang kanilang paglalagay ng McDonald’s sa Boracay, partikular ang mga maliliit na restorant ng mga Malaynon at Boracaynon.

Ayon kay Bachoco, hindi dapat na ikabahala ng lokal na pamahalaan ng Malay ang bagay na ito, dahil ang presyong gagamitin nila para sa isla ay nasa standard naman, upang maging patas sa iba.

Lalo pang nakumbinsi ang konseho nang sabihin ni Bachoco na susunod naman sila sa sinasabi ng ordinansa ng Malay, na dapat ang mga magtatrabaho sa kanila ay nasa animnapung  porsiyentong manggaling sa lokalidad ng bayang ito.

Tiniyak din nitong sa mga isyung pangkapaligiran ay nakahanda silang makiisa sa LGU, lalo na sa kampanya laban sa paggamit ng plastic o styropor sa isla.

Kanya ding sinalungat ang pananaw ng ilang SB Member na magiging pangit ang impresyon ng mga tao sa pagiging “World’s Best Island” ang Boracay, dahil sa McDo.

Dahil sa mga nailatag na ito ni Bachoco, ay kapansin-pansing kumbinsido na ang mga taga konseho, at hindi na pinatagal pa ang pag-iimbistiga.

Matatandaang umalma ang SB Malay nang mabatid na papasok ang McDo sa Boracay, na hindi nila nalalaman kung papaano, at kung bakit ito nabigyan ng basbas ng alkalde ng Malay na makapag-operate. | md102012

Thursday, October 04, 2012

Bangkang sinasakyan ng tatlumpung Taiwanese nationals sa Boracay, lumubog: tatlo, patay!


Nauwi sa trahedya ang sana’y pag-a-island hopping ng tatlumpong Taiwanese national, matapos tumaob ang kanilang sinasakyang bangkang “Kevin II”.

Nangyari ang insidente mag-aalas dos kahapon ng hapon sa Sitio Tambisaan, Manoc-manoc, Boracay, nang biglang hampasin ng malakas na unos ang kanilang bangka.

Ayon sa mga residenteng nakasaksi, napansin na lamang umano nilang nabalot na ng madilim na ulap ang bangka.

Ilang sandali pa at sa paghupa ng unos ay nakataob na ang bangka, habang kumakaway na nagpapasaklolo ang mga pasahero nito.
 
Kaagad sumaklolo ang bangka ng Maritime Police, speedboat, at ilang mga maliliit na bangka doon, kung kaya’t naisalba ang karamihan sa mga nasabing turista.

Samantala, dead on arrival naman sa Caticlan Hospital ang kuwarenta’y otso anyos na babae at ang dalawang taong gulang na bata matapos malunod.

Patay din sa ospital sa Boracay ang sitenta’y uno anyos na babaeng kasama ng mga naunang nabanggit na biktima.

Nangako naman ng tulong ang Allan B. Fun Tours na operator ng nasabing bangka, sa mga naperwisyong Taiwanese National. | md102012

Limang HRM students ng Arellano University, nalunod sa Boracay; isa, patay! Bakasyonistang tumulong sa pagliligtas, patay din!

Ni Edzel Mainit, YES FM Boracay

Trahedya ang sinapit ng masayang bakasyon ng limang HRM Students ng Arellano University, matapos malunod sa Station 2, Boracay kahapon ng umaga.

Sa imbestigasyon ng Boracay Coastguard, naligo ang nasabing grupo pasado alas-8 ng umaga nang bigla na lamang umano ang mga itong hilahin ng malakas na alon papunta sa gitna.

Kaagad umanong nalunod ang mga biktimang sina Riza Del Mundo at Gino Socito.

Sa agarang pagresponde ng mga rescuers ay nailigtas si Riza, subali’t dead-on-arrival naman sa ospital ang 20-anyos na si Gino.
Patay din ang isa pang bakasyonistang si Dobby Pedrosa ng Valenzuela City na sinasabing tumulong lang para mailigtas ang mga nasabing mga estudyante.

Nagkataon umanong naroroon din ito malapit sa lugar nang mangyari ang insidente kung kaya’t kaagad siyang sumaklolo.

Samantala, kaninang tanghali ay idineklara naman ng ospital na ligtas na ang iba pang mga biktima na sina Matthew Yambao, Francis Harina, at JR Apostol, lahat ng Pasig City.

Payo naman ng mga taga-Coastguard sa publiko, ipagpaliban na muna ang paliligo sa dagat lalo na kung masama ang panahon.

Wednesday, October 03, 2012

Bangkang sinasakyan ng tatlumpung Taiwanese nationals sa Boracay, lumubog: tatlo, patay!


Nauwi sa trahedya ang sana’y pag-a-island hopping ng tatlumpong Taiwanese national, matapos tumaob ang kanilang sinasakyang bangkang “Kevin II”.

Nangyari ang insidente mag-aalas dos nitong hapon sa Sitio Tambisaan, Manoc-manoc, Boracay, nang biglang hampasin ng malakas na unos ang kanilang bangka.

Ayon sa mga residenteng nakasaksi, napansin na lamang umano nilang nabalot na ng madilim na ulap ang bangka.

Ilang sandali pa at sa paghupa ng unos ay nakataob na ang bangka, habang kumakaway na nagpapasaklolo ang mga pasahero nito.

Kaagad sumaklolo ang bangka ng Maritime Police, speedboat, at ilang mga maliliit na bangka doon, kung kaya’t naisalba ang karamihan sa mga nasabing turista.

Samantala, dead on arrival naman sa Caticlan Hospital ang kuwarenta’y otso anyos na babae at ang dalawang taong gulang na bata matapos malunod.

Patay din sa ospital sa Boracay ang sitenta’y uno anyos na babaeng kasama ng mga naunang nabanggit na biktima.

Nangako naman ng tulong ang Allan B. Fun Tours na operator ng nasabing bangka, sa mga naperwisyong Taiwanese National. | md102012

Mga kandidato sa Aklan, “free” pa sa ngayon sa mga galaw nila

Dahil sa nakapag-simula nang makapag-hain ng kandidatura ang ilang pulitiko at maging ang mga ito ay aminado na may nakakalusot talaga na maagang nangangampaniya kahit wala pa ang petsang itinalaga na election campaign.

Nilinaw ni Atty. Ian Lee Ananoria, Comelec Supervisor ng Aklan, na sa ngayon ay free muna ang mga pulitiko ngayon hanggang sa sumapit ang araw ng eleksiyon period sa darating na Enero ng 2013.

Kaya sa ngayon, nakatutok aniya muna sila sa filling of Candidacy at Registration kapag matapos na ang iskedyul ng paghahain ng CoC.

Simula sa Lunes ay balik sa pagtanggap ng magpaparehistro ang komisyon.

Bunsod nito, umapela ang Election Supervisor sa mga lihitimong botante na nais magparehistro na mag-rehistro na sa kanilang mga Comelec Offices sa mga bayan sa Lunes at huwag nang hintayin pa ang deadline.

Bagay na pina-alalahanan ni Anonaria ang mga ito na hanggang ika-31 ng Oktubre lamang ang registration.

Samantala, bagamat sinabi nito na may petsa talagang itinalaga para sa mga bontanteng Pulis at miyembro ng Armed Forces sa Aklan o mas kilala sa tawag na “absentee voting”.

Pero sa kasalukyan, hindi pa umano nito malaman sa ngayon kung kaylan ang schedule sa Aklan at hindi rin nito masabi kung may “absentee voting” din para sa mga mamamahayag o mga miyembro ng media. | ecm102012

Grupong administrasyon sa Aklan, di pa nakapaghain ng kandidatura

Sa kabila ng mga espekulasyon na nagkasamaan ng loob ang ilang kandidato partikular ang grupo sa local na partidong Tibyog Akean dahil sa mga desisyon ng ilan na naka- apekto sa kandidatura ng mga kasama sa grupo pagdating sa probinsiyal ng mga pulitiko.

Nilinaw ni Atty. Allen Quimpo, isa sa mga opisyales ng nasabing partido na tiwala parin sila na buo ang kanilang mga grupo.

Dahil sa bago umano nagdisisyon ang mga ito ay nag-usap na ang mga involve na indibidwal, at ang ginawa lamang ng partido nila ay nagkumpirma lamang sa mga ito.

Kung saan kung may mga nagbago man umano kaysa sa unang mga planong Tibyog, iyon ay napagkasunduan naman partikular na tinutukoy nito ay ang pagbabago sa desisyon ni Kasangga Representative Teodorico Haresco na magpapapili sa posisyon ng Congressman ng probinsiya habang si Governor Carlito Marquez naman na dapat ay magpapahalal din bilang Congressman ng Aklan, ay pinili nalang na tumakbo kapalit ni Haresco sa Kasangga Party List.

Ayon kay Quimpo, sa pagbabago ng kanilang mga posisyon na ito ni Haresco at Marquez, walang isyu o pamimilit na nangyari, dahil naging malaking factor sa twist na ito ang hindi pagkatuloy ng pagka-re-district ng probinsiya para gawin sanang dalawang distrito.

Samantala, ang mahigpit na mga katunggaling Tibyog Akean ay kahapon nakapag-hain na ng Certificate of Candidacy, gayong sa grupo nila Quimpo sa probinsiyal level ay wala pang nakapaghain kahit isa.

Ang Tibyog Akean ay siyang sinasabing grupong Administrasyon sa Aklan. | ecm102012

Malay Comelec Officer, safe na sa re-shuffling sa ngayon

Kinumpirma ni Atty. Ian Lee Ananoria, Comelec Supervisor ng Aklan na mananatili bilang Comelec Officer ng Malay si Elma Cahilig dahil sa noong nagdaang eleksiyon ng 2010 ay isa na rin ito sa mga officer na napasama sa mga nare-shaffle.

Kaya sa panayam dito, mismong si Ananoria na ang nagsabing si Cahilig pa rin ay mananatili sa Malay Comelec Office sa ngayon, dahil hindi na ito apektado pa ng Section 44 ng Republic Act 8189 na dapat kada apat na taon ay nailipat ang mga ito.

Pero inihayag ng Comelec Supervisor na may balak ngayon si Comelec Chairman Sixto Brillantes na i-re-shuffle ang lahat ng Comelec officer mula sa Regional office pababa sa provincial Comelec Officer ng mga bayan.

Matatandaang sa panayam kay Cahilig, sinabi nito na kampante siya na hindi na siya lilipat ng area ngayong eleksiyon. | ecm102012

Mga endangered species na illegal na naipasok sa Boracay, kinukumpiska ng CENRO

Hanggang sa ngayon ay naghihintay pa rin ng sagot ang CENRO Boracay mula sa DENR Bacolod, kaugnay sa naunang nang sinasabing may mga endangered species ng mga hayop na naipasok sa isla na walang kaukulang dokumento.

Kaya hanggang sa ngayon ay wala pa rin ni isang hayop mula sa isang park sa isla na nakukumpiska ng CENRO, dahil sa kailangan parin ng kumpirmasyon mula sa Bacolod na siyang pinagmulan ng mga hayop na ito ayon kay Boracay CENRO Officer Merza Samillano.

Ang mga hayop na ito ay kinabibilangan ng dalawang buwaya at iba’t-ibang uri ng mga ibon na sa ngayon ay makikita sa nasabing parke sa Boracay.

Nabatid mula kay Samillano na bawal ang pag-alalaga ng ganitong uri ng mga hayop maliban nalamang kung isang institusyon o kaya ay  mayroong certificate of donation, ang lugar na paglalagyan ay accredited ng DENR at kwalipikado ang isang indibidwal na mag-alaga ng naturang mga hayop.

Ayon sa batas ng Wildlife Act, bawal talaga ang isang indibidwal ang mag-alaga o sirain ang mga endangered species o kaya ay ilipat ang mga hayop na ito mula sa kanilang orihinal na habitat.

Pero aniya, nakapagsumite ng donation certificate ang nagdala ng hayop na ito sa isinagawang inspeksiyon ng CENRO Boracay.

Subali’t hindi pa talaga ngayon matukoy kung kanino talaga nanggaling at kung may transportation permit na nga ang mga ito, bagay na sumulat na aniya sila sa DENR Bacolod.

Bunsod nito, kapag napatunayan umanong illegal ang pagpasok ng mga hayop na ito sa isla, at hindi mapatunayang donasyon nga ito sa nag-alalaga ngayon, maaari na umano itong kumpiskahin ng CENRO.

Matatandaang buwan na rin ang nakakalipas ng imbestigahan ng CENRO ang mga hayop na ito pero hanggang sa ngayon ay wala pang sagot mula sa Bacolod. | ecm102012

Limang HRM students ng Arellano University, nalunod sa Boracay; isa, patay! Bakasyonistang tumulong sa pagliligtas, patay din!

Trahedya ang sinapit ng masayang bakasyon ng limang HRM Students ng Arellano University, matapos malunod sa Station 2, Boracay kaninang umaga.

Sa imbestigasyon ng Boracay Coastguard, naligo ang nasabing grupo pasado alas-8 kaninang umaga nang bigla na lamang umano ang mga itong hilahin ng malakas na alon papunta sa gitna.

Kaagad umanong nalunod ang mga biktimang sina Riza Del Mundo at Gino Socito.

Sa agarang pagresponde ng mga rescuers ay nailigtas si Riza, subali’t dead-on-arrival naman sa ospital ang 20-anyos na si Gino.

Patay din ang isa pang bakasyonistang si Dobby Pedrosa ng Valenzuela City na sinasabing tumulong lang para mailigtas ang mga nasabing mga estudyante.

Nagkataon umanong naroroon din ito malapit sa lugar nang mangyari ang insidente kung kaya’t kaagad siyang sumaklolo.

Samantala, kaninang tanghali ay idineklara naman ng ospital na ligtas na ang iba pang mga biktima na sina Matthew Yambao, Francis Harina, at JR Apostol, lahat ng Pasig City.

Payo naman ng mga taga-Coastguard sa publiko, ipagpaliban na muna ang paliligo sa dagat lalo na kung masama ang panahon. | md102012

Tuesday, October 02, 2012

UNA sa Aklan, imbukada sa paghahain ng CoC

Sumulong sa tanggapan ng Comelec kahapon ang grupo ng UNA sa Aklan ang kauna-unahang grupo din na naghain ng kandidatura sa probinsiyal level.

Ang grupong ito ay kinabibilangan ng kasalukuyang Board Member o Sangguniang Panlalawigan Member ng Aklan Rodson Mayor, Board Member Victor Manuel Garcia para sa pagka-Bise Gobernador, Makato Mayor Jun Legaspi sa pagka-Gobernador, Atty. Harry Sucgang at Jossel Rata para Board Member sa eastern side ng Aklan, gayon din si Banga Mayor Antonio Maming na magpapapili para sa pagka-kongresista.

Sa grupo naman ng Tibyog Aklan na siyang mahigpit na katungali mga taga-UNA, hanggang niting hapon ay wala pang nakakapaghain ng CoC.

Todo bantay naman ang mga media sa Aklan sa ilan pang twist o pagbabago na mangyayari hanggat hindi pa natatapos ang filling ng CoC dahil may mga spekulasyon na may isang opisyal ng probinsiya na tila magbabago ng isip sa posisyon nito.

Samantala, sinimulan na rin nahigpitan ang siguridad sa tanggapan ng Provincial Commission on Election Aklan kasabay ng unang araw ng filling of Certificate of Candidacy (CoCs) kahapon.

Dahil maliban sa inaasahang maglalagay ng miyembro ng Philippine Army nanaka-duty sa tanggapan ng Comelec, nitong umaga ay sinimulan na rin ng Philippine National Police mula sa Aklan Public Safety Company ang pagbantay sa opisina ng komisyon. | ecm102012

Malay, nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga botanteng transferees

Nakuha ng bayan ng Malay at isla ng Boracay ang pinakamataas na bilang ng mga lehitimong botante na nagpa-transfer mula sa kanilang mga orihinal na bayan papuntang listahan ng botante ng Malay.

Ito ay batay sa naitalang datos ng Provincial Commission on Election hanggang nitong nagdaang ika-22 ng Agosto sa consolidated Quarterly Progress Report ng komisyon.

Ayon sa report, ang Malay ang nakapagtala ng pinakamataas na umabot ng 696 na transferee voters papuntang Malay at sinundan naman ng bayan ng Kalibo na umaabot ng 474 na transferees.

Sa kasalukuyan, umabot naman sa 772 ang mga bagong botante ang naitala ng Malay.

Samantala, ang mga bilang na ito ng mga nag-transfer at listahan ng mga botante mula sa mga 16 na bayan sa Aklan, kasama na ang bayang ito, ay inaasahang madaragdagan pa gayong hanggang ika-31 pa ng Oktubre ang deadline ng pagpaparehistro.

Pero habang filling pa ng Certificate of Candidacy (CoC) hanggang a-singko ng buwang ito, pansamantala munang sinuspende ang pagtanggap ng mga nagpaparehistro sa mga Comelec Offices sa Aklan. | ecm102012

Unang araw ng filling of COC sa Comelec Aklan, kalmado

Kalmado pa ang unang araw nitong umaga ng tanggapan ng Commission on Election (Comelec) provincial office dahil wala pang kandidato mula sa pagiging Congressman pababa sa pagiging Board member ng Aklan ang naghain ng kandidatura.

Ayon sa Comelec Aklan, batay noong mga nagdaang taon, aasahan din ngayong sa ikatlong araw pa dadagsa mga magsusumite ng kanilang COC na magpapapili sa provincial level.

Ito ay dahil kalimitan umano sa mga naghahaing ng kandidatura, ginagawa ito tatlo o dalawang araw bago ang deadline.

Ganon pa man, bagamat hindi pa nagsusumite, ilang kandidato na rin na may balak magpapili para sa Board Member ng Aklan ang nagtungo sa COMELC nitong umaga para kumuha ng mga pormas para sa pag file ng COC.

Nabatid mula sa tanggapan ng COMELEC Aklan na minuto lamang ang aabutin ng paghahain ng COC dahil matapos makuha ang anim na kupya ng kanilang aplikasyon ay at malagdaan ang dukomento at maisumite ang endorsement ng kani-kanilang partido ay tapos na ang proseso.

Samantala, kung gaano ka-kalamado ang mga magpapapili para sa provincial level, unang araw palang, bandang alas-diyes nitong umaga ay naghain ng ng kanilang kandidatura si Atty. Allen Quimpo sa pagka-alkalde ng bayan ng Kalibo at ang running mate nitong si Aklan Board Member at katulad din nitong dating Akalde ng Kalibo na si Raymar Rebaldo.

Makaraang maisumite ang kanilang COC, kapwa tumanggi na magpa-interview ang dalawa, sabay paliwanag na sa ngayon, ang magagawa pa lang nila ay ang manahimik.

Sa ibang dako, sa bayan naman ng Malay, wala pang nagpa-file ng kanilang COCs.

Ayon kay Comelec Malay Officer Elma Cahilig, kalimitan umano ay sa ikatlo o ikaapat na araw pa nagpapasa ang mga kakandidato sa bayan ng Malay.

Ngunit sa kabila nito, handa na naman umano ang kanilang opisina na tumanggap ng mga COCs sakaling may magpasa na.

Ang filling ng COC ay magsisimula ngayong araw hanggang ika-lima ng Oktubre. | ecm102012

Matapos mabawasan, mga pulis sa Boracay, muling nadagdagan


Matapos mabawasan ang puwersa ng mga pulis Boracay nitong nagdaang buwan ng Setyembre, kinumpirma naman ni Police Senior Inspector Joeffer Cabural, hepe ng BTAC o Boracay Special Tourist Assistance Center, na mayroon nang dagdag at bagong puwersa ng mga pulis dito.

Ito’y matapos matanggal at mailipat sa ibang police station ang mahigit dalawampung pulis nitong nagdaang ika-labing anim hanggang dalawampu’t isa ng Setyembre, dahil sa iba’t-ibang kadahilanan.

Subalit ang naipalit umano sa dalawampung na-relieve na mga pulis dito ay anim pa lamang, mula sa Regional Mobile Group.

Nabatid na bago madagdagan ang mga pulis dito sa isla ay kailangan pang idaan sa karampatang proseso.

Ibig sabihin, magre-request muna ang Boracay PNP sa Provincial Command, at ang Provincial Command naman ang hihiling nito sa PNP Regional Office.

Samantala, habang ginagawa ang balitang ito ay hindi pa masabi ni Cabural kung madadagdagan pa ang anim na bagong pulis dito, kapalit ng mga narelieve at mga kusang nagparelieve mula sa Boracay PNP.

Matatandaang nangako ng 24/7 o bente kuwatro oras na police visibility sa isla ang nasabing hepe, nang mag courtesy call ito sa mga LGU Malay, iba pang offices at mga stakeholders sa Boracay. | md102012

Monday, October 01, 2012

P914-M, target collection ng BIR Aklan ngayong 2012

Target ngayon ng Bureau of Internal Revenue-Aklan na makapagkolekta ng P914-million na buwis ngayong taon sa buong probinsiya kasama ang isla ng Boracay.

Ayon kay Aklan Revenue District Officer Ricardo Osorio, ang P914-M na ito ay inaasahan niyang makokolekta lahat bago paman ang buwan ng Nobyembre ng kasalukuyang taon.

Ito ay dahil ngayon buwan pa lang ng Agosto, simula nitong Enero ng kasalukuyang taon, umabot na lahat sa P804.6 million ang koleksiyon ng BIR.

Kaya nasa 108.6 million na lang umano ang kulang para makumpleto ang target goal ng BIR Aklan ngayong taon.

Bunsod nito, naniniwala si Osorio na bago ang buwan ng Nobyembre ay maaabot na ang target nila.

Taong 2011, ang BIR ay nakapag-kolekta ng P615 million.

Samantala, dahil sa magandang performance ngayon ng BIR, nagpapasalamat naman si Osorio sa kooperasyon ng mga taxpayers sa Aklan. | ecm102012

Malawakang clean up sa Boracay, lumarga sa ikalawang anibersaryo ng BBMP

Dalawang taon na ang nakalilipas nang ilunsad ang BBMP.

Clean up sa kaliwa, clean up sa kanan. Clean up sa mga kalsada at sa ilalalim ng karagatan.

Ito ang mga eksenang agaw pansin sa isla ng Boracay, kaugnay sa malawakang clean up drive na ginanap noong Sabado, ika-29 ng Setyembre.

Ikalawang taong anibersaryo na kasi ng BBMP o Boracay Beach Management Program ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Ayon kay Malay Tourism Office Chief Felix De Los Santos sa isang ekslusibong panayam ng himpilang ito, ang nasabing aktibidad ay talagang pinaghandaan ng LGU.

Kasama ang mga taga-pamahalaang probinsya ng Aklan, Department of Tourism, mga pribadong sektor, stakeholders at mga kooperatiba, nilinis ng mga taga BBMP ang baybayin ng Boracay bandang alas sais ng umaga.

Bitbit ang kanilang mga sakong lalagyan ng mga basura, nilinis naman ng iba pang sumama sa clean up ang highway ng Boracay, habang inako naman ng mga taga-Coast Guard at mga kasama nito ang paglilinis sa ilalalim ng dagat.

Magtitipon naman ang mga sumali sa clean up sa Barangay Balabag para sa isang palatuntunan.

Kaugnay pa rin sa nasabing aktibidad, nagtakda naman ng mag-tree planting sa Balosbos ang mga taga-Malay Elementary School na ginanap noong alas otso ng umaga, habang nag-painting naman ang mga mag-aaral sa Elementarya ng Manoc-manoc.

Napag-lamang tampok din sa nasabing inihandang programa ng BBMP ang isang audio-visual presentation tungkol sa mga narating na ng Boracay Beach Management Program.

Ang YES FM 9.11 at 93.5 Boracay ay kasama din sa adbokasiya ng BBMP. | md102012

Pagpaparehistro sa Comelec Malay, hanggang katapusan na lang ng Oktubre

Sa oras na matapos na ang deadline sa pagsumite sa paghahain ng kandidatura para sa 2013 Midterm Election na magsisimula sa a-uno hanggang a-singko ng Oktobre, kinaumahagan, ika-6 ng Oktubre, ay muling ipapatuloy ng Commission on Election (Comelec) ang kanilang pagtanggap sa mga aplikante na magrerehistro para makapagboto.

Ayon kay Elma Cahilig, Comelec Officer ng Malay, limang araw nilang sinuspinde ang pagtanggap ng mga magpaparehistro para mabigyan daan ang mga pulitikong magsusumite ng Certificate of Candidacy.

Kaya ang tatlong linggong nalalabi para sa pagpaparehistro ay muli nilang bubuksan sa ika-6 Oktubre at matatapos ito sa ika-31 ng nasabing buwan din.

Ang petsang ika-31 ng nabanggit na buwan ay siyang itinakdang deadline ng Comelec para sa mga botante na nagpaparehistro. | ecm102012

Boracay Action Group, “fully operational” na

Isa ka ba sa mga nag-aalala para sa seguridad ng Boracay? Kung ganoon, magandang balita ito para sa sa ‘yo:

Ang BAG o Boracay Action Group na sinimulang ilarga nitong mga nagdaang taon ay fully operational na at nakahandang tumulong para sa seguridad ng isla sa lahat ng oras.

Napag-lamang may 24/7 na ito ngayong opisina at mga linya ng teleponong matatawagan sa oras ng emerhensiya.

Meron narin itong fire truck o bomberong nakahandang tumulong kapag may sunog, ambulansya at tatlong beach sand motor vehicle na magpapatrolya sa baybayin ng Boracay.

Nabatid na ang Boracay Action Group na dating tinawag na Boracay Action Team, ay ang pinagsamang puwersa ng mga taga pribadong sektor sa isla at ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Ayon naman kay Boracay Island Administrator Glenn Sacapaño, suportado at kinikilala maging ng office of the mayor ang mga kahalintulad na adbokasiya.

Kung kaya’t sinabi nito na kung may mga interesado pang tumulong para sa seguridad ng isla, ay lumapit at makipagtulungan, kaysa sa sirain ang imahe ng Boracay.

Ang serbisyo ng Boracay Action Group, ay libre para sa lahat at maaaring tumawag sa mga hotlines 888, o sa 036-288-2338. | md102012

Comelec Malay, mahigpit na ipapatupad ang “no extension” sa pag-file ng CoCs

Kung dati ay hanggang alas-12 ng madaling araw ay tumatanggap pa ng Certificate of Candidacy (COC) ang Commission on Election (Comelec) mula sa mga kandidato na magpapahalal, ngayong taon ay may bagong pamantayan na para sa paghahain ng kandidatura na magsisimula sa a-uno hanggang ika-lima ng Oktobre para nalalapit na 2013 Midterm election.

Sa paraan ng resolusyon na ililabas ng Comelec na may petsang ika-21 ng Setyembre, ang mga kandidato ay may hanggang alas-5 ng hapon lamang sa pagsumite ng kanilang mga CoC.

Ito ang nilinaw ni Elma Cahilig, Comelec Officer ng Malay.

Subalit, inihayag naman nito na sakaling marami pa umanong nakapila sa tanggapan nila na magsusumite ng kanilang kandidatura, bago pa man mag-alas-5 ng hapon ay ililista nila ang mga pangalan ng naroroon at tatawagin na lamapng para mai-proseso ang kanilang CoC hanggang sa maubos ang mga ito sa mismong araw din na iyon.
Kaya hiling nito sa mga kandidato na maghahain ng COC na mag-file ng maaaga at wag nang hintayin pa ang rush hour.

Samantala, mariing sinabi din ni Cahilig na hanggang a-5 ng Oktubre lang talaga ng sila tatangap ng COC at ito ay naaayon sa itinakdang iskedyul ng kumisyon, dahil hindi na umano magbibigay pa ng extension ang Comelec.

Aniya pa, para mabigyan ng sapat na oras, asahang kahit lunch break ay bukas ang kanilang tanggapan para sa mga ito,  pero sa hapon at umaga ay ipapatupad nila ang regular na oras ng trabaho. | ecm102012