YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, September 06, 2013

Arrangement ng SB Session hall, Papalitan na sa susunod na taon

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay

Papalitan na sa susunod na taon ang arrangement ng SB Session hall.

Ito ang sinabi ni SB Secretary Concordia Alcantara, kaugnay sa panukala ni SB Member Aguirre nitong Martes sa session.

Iminungkahi kasi ni SB Aguirre na mas maganda kung nakaharap sa presiding officer ang mga miyembro ng konseho.

Mapapansing nagkakaharap-harap ang mga konsehal sa loob ng session hall tuwing may sesyon habang nakatagilid naman sa presiding officer.

Ayon pa kay Alcantara, dati na rin umano nilang arrangement na nakaharap sa presiding officer ang mga konsehal, subali’t pinalitan lang sa panahon ni dating Vice Mayor Ceciron Cawaling.

Wala namang pagtutol mula sa iba pang miyembro ng konseho ang suhestiyong ito ni Aguirre.

LGU Malay, “wait and see”na lang sa kaso ng West Cove

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay


“Wait and see”na lang ang LGU Malay sa kaso ng kontrobersyal na West Cove o Pacquiao Resort.

Ayon kay Malay Administrator Godofredo Sadiasa.

Korte na ang bahala sa kung anuman ang iginigiit ng nasabing resort kaugnay sa kanilang ginawang development doon.

Ito’y matapos lumabas nitong mga nagdaang araw sa ilang pahayagan ang paglilinaw ni West Cove CEO Crisostomo Aquino na labas na ang West Cove sa ipinapatupad na 25+5 meter easement sa Boracay.

Ayon kay Aquino, ibinase umano kasi nila sa FLAG-T o Comprehensive Use Agreement for Tourism Purposes na inisyu ng Department of Environment and Natural Resources ang ginawa nilang pagpapaunlad sa West Cove.

At kahit sinang-ayunan ito ni Sadiasa, hindi rin nila mabibigyan ng mayor’s permit ang West Cove.

Bagama’t umaasa umano ang LGU Malay na naiintindihan ng mga resort owners ang layunin ng 25+5 meter easement sa isla.

Sinabi pa ni Sadiasa na matatag ang kanilang paninindigan na ang batas ay batas.

Ayon naman sa ulat, buo ang suporta ng West Cove sa utos ni Pangulong Aquino III sa pagbubuo ng Task Force upang mapabilis ang Master Development Plan sa Boracay.


Comelec Malay, Tuloy ang preparasyon sa Barangay at SK Elections

Ni: Christy Dela Torre, YES FM Boracay

Bagama’t nakalusot na sa Senate Committee Level ang Senate Bill 1186 na ipinasa ni Senator Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. para ipagpaliban ng SK Polls.

Wala pa umanong natatanggap na anumang direktiba mula sa Commission on Elections ang Comelec Malay para sa postponement ng SK Elections.

Ayon kay Malay Comelec Election Officer II Elma Cahilig

Sumusuporta naman ang buong pamunuan ng ahensya sa naturang panukala, base na rin umano sa naging pahayag ni Comelec Dir. James Jimenez.

Ngunit ayon kay Cahilig, wala sa kanilang mga kamay ang desisyon ukol sa naturang postponement.

Naniniwala ito na sakaling ma-amyendahan ang Republic Act 9164 na nagsasabing magkakaroon ng synchronized Barangay and Sangguniang Kabataan elections sa huling Lunes ng Oktubre at bawat tatlong taon pagkatapos ay saka pa lamang umano maisasakatuparan ang pag-postponed sa darating na SK Elections.

Pero hangga’t wala pa umano silang natatanggap na anumang mandato tungkol dito, ay magpapatuloy pa rin ang kanilang preparasyon para sa nalalapit na Barangay at SK Elections.

Nabatid na layunin ng ipinasang Senate Bill ni Marcos, na sa halip ngayong taon ang SK Polls ay ipagpapaliban ito sa 2016 kung saan isasabay na lamang sa barangay elections sa huling Lunes ng Oktubre 2016 o anumang petsa na itatakda ng batas ang SK elections.


Mga trasysikel drayber sa Boracay, Pinayuhang huwag pag-interesan ang gamit ng mga turista

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay


Mas magandang isauli kaysa pag-interesan.

Ito ang sinabi kahapon ni Boracay PNP Deputy Chief Police Inspector Fidel Gentallan, kaugnay sa pagkakarekober nila ng mga naiiwang cell phone ng mga turista mula sa ilang traysikel drayber sa Boracay.

Ayon kay Gentallan, mas makabubuting isauli na lang ng mga traysikel drayber ang mga naiiwang gamit ng kanilang mga pasahero, sa halip na angkinin ito.

Nakakadismaya pa umano kasi na kahit positibong itinuturo sila ng kanilang pasaherong turista ay itinatanggi pa ng mga ito ang naiiwang gamit sa kanilang trasysikel.

Dahil dito, pinayuhan ni Gentallan ang mga nasabing drayber na i-surrender at iparekord sa kanila ang mga naiiwang gamit ng mga pasahero.

Ayon pa kay Gentallan, ang sinumang nakapagsasauli ng mga naiiwang gamit ng mga turista ay binibigyan nila ng parangalan sa Joint Flag Raising Ceremony ng Boracay Action Group.

Napag-alamang isang drayber ang nahulog sa entrapment operation ng Boracay PNP nitong Miyerkules, matapos umano nitong humingi ng sampung libong piso kapalit ng naiwang cell phone ng isang Koreano sa kanyang traysikel.



Mga vendors na tinamaan ng 25+5 meter easement, Wala pa ring mapaglilipatan

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay

Wala pa ring mapaglilipatan ang mga vendors na tinamaan ng 25+5 meter easement.

Ito ang sinabi ni Balabag Barangay Captain Lilibeth SacapaƱo, kaugnay sa estado ng mga vendors na nawalan ng puwesto sa vegetation area.

Kasama kasi sa ipinatanggal na mga istraktura ng Boracay Re-development Task Force doon ay ang mga nagtitinda ng barbeque, souvenirs, accessories at iba pa.

Kaugnay nito, pinayuhan na lamang ni “Kap Lilibeth” ang mga vendors na maghintay na lang muna hanggang sa matapos ang 25+5 meter easement sa isla.


Muli din nitong iginiit na talagang bawal ang magtinda sa vegetation area.

Thursday, September 05, 2013

Resolusyon para sa PIBO-APPO at BTAC, Aprubado na para sa ikalawang pagbasa

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay

Aprubado na para sa ikalawang pagbasa ang resolusyon para sa PIBO-APPO at BTAC.

Ito’y may kaugnay sa pagkilala ng SB Malay sa mga taga Aklan Public Safety Company at Provincial Branch Operatives (PIBO-APPO) at BTAC o Boracay Tourist Assistance Center sa kanilang matagumpay na pag-raid nitong nagdaang buwan sa umano’y illegal na pasugalan sa isla ng Boracay.

Ang nasabing resolusyon ay inisponsoran ni SB Member Frolibar Bautista.

Samantala, ayon naman kay SB Secretary Concordia Alcantara.

Kukunin din nila ang mga pangalan ng iba pang mga pulis na sumama sa nasabing operasyon, para mapadalhan ng kopya ng nasabing resolusyon.

Matatandaang maging si Boracay Foundation President Jony Salme ay nanindigan na dapat walang lugar sa Boracay ang illegal gambling, kasabay ng pasasalamat sa mga kapulisan sa pagsugpo sa ipinagbabawal na sugal sa isla.

Mga miyembro ng iba’t-ibang kumitiba sa konseho ng Malay, Pina-alalahanang dumalo sa mga committee meeting

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay

Ang mahigit sa tatlong beses na pag-absent ay may kaukulang disciplinary actions o pagdidisiplina.

Ito ang paalala ni Malay SB Member Rowen Aguirre sa kanyang mga kapwa konsehal, sa tuwing may gaganaping committee meeting.

Dapat umano kasi ay nasusunod mismo nila ang kanilang rules o patakaran tungkol dito.

Kaya naman sinabi pa ni Aguirre na dapat ipagbigay-alam kaagad sa SB Secretary o sa mismong committee chairman, sakaling hindi makakadalo ang isang miyembro ng kumitiba.

Bagay na sinang-ayunan naman ni mismong Vice Mayor Wilbec Gelito sa ikawalong regular session nitong Martes.

Samantala, ayon pa sa Bise Alkalde.

Kapag hindi umano naipagbigay-alam ang dahilan kung bakit hindi makakadalo sa meeting ang isang miyembro ay ma-antala ang oras ng lahat lalo na kapag may inimbitahang bisita.


Iginiit din ni Gelito na sila sa LGU ay dapat na maging punctual o laging maagap.

Wednesday, September 04, 2013

Inilatag na disenyo ng sea wall ng mga taga station 1 owners, Pag-aaralan pa

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay

Maghahanap pa ang task force ng eksperto sa kung ano ang nararapat para sa Boracay.

Ito ang sinabi kanina ni Boracay DOT officer in charge Tim Ticar kaugnay sa desinyo ng sea wall na ipapalit sa sea wall ng mga taga station 1 owners.

Kahapon ay nakipagpulong sa Boracay Redevelopment Task Force ang mga nasabing grupo, upang ipresenta ang idinesenyo nilang sea wall.

Nag-aalala umano kasi ang mga ito na kapag tinanggal ang kanilang sea wall ay baka maapektuhan ang kanilang mga gusali at buong propidad.

Dahilan upang lumapit ang mga taga station 1 owners sa Boracay Redevelopment Task Force.

Subali’t ayon kay Ticar.

Hindi masyadong napag-aralan ang inilatag nilang desinyo kung kaya’t kailangan ng task force ng eksperto para dito.


Samantala, masaya umano ang task force na humihingi sa kanila ng tulong ang mga nasabing establishment owner.

Solid Waste Management System ng Boracay, Ininspeksyon ng isang Japanese expert

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay




Ininspeksyon nitong umaga ng isang Japanese expert ang Solid waste management system ng Boracay.

Ayon kay Boracay DOT Officer Tim Ticar.

Ang nasabing inspeksyon ay may kaugnayan sa matagal nang problema sa basura sa isla na kailangang masolusyunan.

Kung saan isa sa itinuturong dahilan ni Ticar ng pagdami ng basura ay ang pagdagsa ng turista na higit pa sa kanilang inaasahan.

Sa pagtataya umano kasi ng mga taga JICA o Japan International Cooperation Agency, ay maaabot na ng Boracay ang 1 million tourist target nito sa taong 2016.

Subali’t nitong 2011 pa lamang ay naabot na ito ng isla, na sinabayan din ng pagdami ng basura.

Kaugnay nito,nakipag-usap na ang national office ng Department of Tourism sa isang Japanese expert para mapag-aralan ang naturang problema.


Samantala, alas nuwebe nitong umaga nang dumating ang grupo ng Japanese expert at nakipagkita kina Mayor John Yap, sa mga taga MRF o Material Recovery Facilities ng tatlong barangay sa isla, at Boracay Island Water Company.

Naantalang operasyon ng Task Force Save Bolabog, muling lalarga

Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Muling lalarga ang operasyon ng Task Force Save Bolabog.

Ito ang kinumpirma kahapon ni Municial Engineer Elizer Casidsid, matapos maantala ang kanilang de-cloging at paglilinis sa mga illegal na koneksyon sa drainage system doon.

Ito’y kasabay din ng kanyang pagtanggi sa kuwento na nasapawan na ng 25+5 meter easement ang kanilang proyekto.

Ayon kay Casidsid, na-operate na rin naman ang de clogging doon, subali’t lumipat na umano sa ibang lugar ang taong incharge sa pagbibigay sa kanila ng report.

Bagay na kailangan na naman nilang magpulong para mapag-usapan ang mga susunod na hakbang ng Task Force, kasama ang contractor ng de clogging.


Ang nasabing Task Force Save Bolabog ay matatandaang inatasan ni Mayor John Yap upang iligtas ang beach doon sa pagkasalaula at pagkasira.

Tuesday, September 03, 2013

SB session kaninang umaga, Naantala dahil sa fire drill

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay


Tuwing alas diyes ng umaga ng Martes nagsisimula ang regular session ng SB Malay.

Subali’t mag-aalas onse na ng umaga kanina ito nagsimula, matapos palabasin ng mga taga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ang mga empleyado ng munisipyo.

Isang fire drill kasi kanina ang isinagawa sa mismong plaza ng Malay.

Ayon kay Senior Public Utilities Regulation Officer Jose Oczon Jr.

Ang nasabing fire drill ay siyang kauna-unahan sa bayan ng Malay na nilahukan ng mga taga munisipyo.

Layunin umano nito na magkaroon ng kamalayan at maging laging handa sa sunog ang mga empleyado doon.

Sa tulong ng isang fire truck ng Boracay Airport.

Ipinakita ng mga taga Bureau of Fire ang tamang gagawin kapag may sunog at ang tamang pagpuksa ng apoy.

Maliban sa mga taga munisipyo, ay nakilahok din sa nasabing fire drill ang mga taga Malay Municipal Auxiliary Police, Bantay-Dagat, Malay PNP, at iba pang ahensya doon.



MABOVEN, Umaangal na sa mga illegal na masahista sa Boracay

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay

Umaangal na ang mga taga MABOVEN o Malay Boracay Vendors Association sa mga illegal na masahista sa Boracay.

Ayon kay Malay SB Member Jupiter Gallenero.

Nagpapatulong na sa kanila ang grupo ng mga lehitimong masahista sa isla laban sa mga tinatawag na fly by night.

Nakakasira na umano kasi sa kanilang reputasyon ang mga fly by night na tumatambay sa vegetation area at nag-aabang ng mga turista.

Sinasabing ang mga masahistang ito ay nagbibigay ng kanilang “service with a happy ending”.

Samantala, sa SB session kaninang umaga, ay iminungkahi ni Vice Mayor Wilbec Gelito na iparating ang bagay na ito kay Mayor John Yap upang pakilusin ang mga MAP o Malay Auxiliary Police para masawata ang nasabing aktibidad.

Ayon pa kay Gallenero, umaasa ang mga taga MABOVEN na maaaksyunan ng kinauukulan ang kanilang hinaing.


Alternatibong disenyo ng sea wall, Ilalatag ng mga taga station 1 owners ngayong araw

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay


Magpupulong ngayong araw ang mga taga Task Force Redevelopment at station 1 owners para sa alternatibong desinyo ng sea wall.

Kasama kasi ang mga sea wall na ito sa mga tinatawag na illegal structures na kailangang tanggalin sa beach front.

Kung kaya’t ayon sa Boracay Task Force Redevelopment.

May ipipresentang desinyo ang mga taga station 1 owners na kailangan ding pag-aralan ng mga taga national task force.

Sinasabing ang desinyong ito ay hindi magmumukhang sea wall.

Sa halip ay nagha-harmonize o nakikiisa pa nga umano ito sa beach front, dahil matatabunan ito ng buhangin kapag panahon ng amihan at makikita naman kapag habagat.

Samantala, kinikilala naman umano ng task force ang inisyatibong ito ng mga taga pribadong sektor, lalo pa’t sila ay magkasama sa ikakaunlad ng Boracay.

Iba pang lugar sa Boracay na sakop ng re-development, Isusunod na ng task force


Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay

Isusunod na ng task force ang iba pang lugar sa Boracay na sakop ng re-development.

Ito ang sinabi kahapon ni Mabel Bacani ng Task Force Re-development, kaugnay sa estado ng self demolition sa istraktura ng mga establisemyentong tatamaan ng 25+5 meter easement sa Boracay.

Kung saan umabot na umano sa pitumpu’t apat na porsiyento ang mga nag-comply o sumunod sa ipinag-utos ng task force.

Kapag natapos na aniya ang sa vegetation area ay isusunod na ring linisin ang sa back beach at iba pang bahagi ng isla.

Samantala, nilinaw ni Bacani na ang task force ay mananatili sa isla para sa monitoring hangga’t hindi pa natatapos ang redevelopment, lalo pa’t may CLUP o Comprehensive Land Use Plan.


Monday, September 02, 2013

Willy’s Rock, Pababantayan na!

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay


“Pababantayan na ang Willy’s Rock’’.

Ito ang sinabi ni Barangay Balabag Lilibeth SacapaƱo, kaugnay sa mga insidente ng nakawang nangyayari doon.

Ayon kay “Kap” Lilibeth, may tanod naman umano silang nilagay doon subali’t kulang talaga ang mga ito.

Nakapokus din aniya kasi ang skedyul ng mga tanod sa harap ng Boracay National High School, maliban pa sa mga lugar kung saan kailangan ang kanilang presensiya.

Magkaganon paman, sinabi pa ni SacapaƱo na gagawan niya ng paraan upang malagyan ng Municipal Auxiliary Police o MAP ang lugar, para sa kaligtasan ng publiko.

Kasabay nito, muli namang nagpaaala si “Kap” Lilibeth sa lahat na pag-ingatan ang sariling mga gamit upang hindi mabiktima ng mga kawatan.



Mga nagcomply sa self demolition kaugnay sa 25+5 meter easement, Umabot na sa pitumpo’t apat na porsiyento

Ni: Bert Dalida, YES FM Boracay

Umabot na sa pitumpo’t apat na porsiyento ang mga nagcomply sa self demolition kaugnay sa 25+5 meter easement.

Ito ngayon ang kinumpirma ni Mabel Bacani ng Task Force Redevelopment, matapos ang ilang araw na pagbaklas ng mga establisemyento ng kanilang temporary structures sa vegetation area ng Boracay.

Ang pitumpo’t apat na porsiyento umanong ito ay base sa naitala nilang datus hanggang nitong nagdaang araw ng Linggo, simula nang ibaba ng Task Force ang pitong araw na palugit para sa self demolition.

Samantala, ayon pa kay Bacani, Ang natitirang dalawampu’t anim na porsiyento naman ay nakatakda pang pagdisisyunan matapos ang kanilang pagpupulong ngayong umaga.

Maaari umano kasing i-ocular inspection, o isailalim sa hearing and review ang mga ito, dahil sa tinatawag na development history.

Maliban dito, rerepasuhin din ang mga bagong desinyong ilalatag ng mga establisemyento, matapos ang kanilang self demolition. 

Kawalan ng bangkang magagamit sa pagtawid ng pasyente sa gabi, kinumpirma ng coastguard

Ni: Mackie Pajarillo, YES FM Boracay



“Dapat mayroong parang ambulance na naka-antabay lalong-lalo na sa gabi”!

Ito ang naging pahayag kahapon ni PO1st Condrito Alvarez Jr. ng Coastguard Sub Station Boracay, kaugnay sa kawalan ng bangkang magagamit sa pagtawid ng pasyente sa gabi.

Kinumpirma ni Alvarez ang problemang ito sa layunin na sana ay mabigyan sila sa PCGA ng bangka na parang ambulansya na puwedeng gamitin anu mang oras sakaling kinakailangang may i-evacuate na mga pasyente.

Pagdating umano kasi sa pier ay pahirapan sila sa paghanap ng bangka dahil paglagpas ng alas diyes ng gabi da-dalawa lamang ang naka-scheduled na 24 hours ang biyahe.

Ang masaklap, sila pa ang sinisingil ng mga bangkang ginagamit nila sa kanilang ''evac'' operation.

Ito anya lagi ang kanilang problema sa tuwing may pasyenteng dapat na itawid sa mainland.

Sakali umanong matupad ito ay mas madali na ang kanilang magiging operasyon sa pag-evacuate na mga pasyente.

Samantala ang bagay na ito ay inilapit na rin ng coastguard kay DOT Officer in charge Tim Ticar sa ginanap na consultative meeting nitong Huwebes.

Kaya naman nangako si Ticar na makikipagpulong siya kasama ang Philippine Coast Guard Auxilliary ) at ang CBTMPC (Caticlan-Boracay Transport Multi-Purpose Cooperative) sa problemang ito.