Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay
“Kung dapat suklian, suklian talaga.”
Dahil dito, tila hindi makakapamasko sa pasahero ang mga tricycle driver sa Boracay.
Ito ang nilinaw ni Ryan Tubi , Chairman ng Boracay Land Transportation Multi-Purpose Cooperative o BLTMPC, para sa mga tricycle driver sa isla, kaugnay sa hindi pagbigay ng tamang sukli sa mga pasahero sa dahilang magpapasko naman, kaya ang mga barya ay hindi na ibinibigay.
Subalit mariing inihayag ni Tubi na hindi dahilan ang Pasko para hindi magbigay ng sukli.
Nilinaw din ng BLTMPC Chairman na ang sinusunod na taripa o pamasahe sa gabi ay pareho lang dapat sa taripang sinusunod sa araw kaya pareho lang din ang pamasahe sa gabi at araw.
Ang pahayag na ito ni Tubi ay kasunod ng ilang obserbasyon na ang ibang tricycle driver ay naniningil ng pamasahe ng sobra sa gabi.
Pero para mabigyan umano ng solusyon ang problemang ito, idinulog nila sa lokal na pamahalaan ng Malay.
Bilang aksiyon ng LGU, binuksan ang tanggapan ng Municipal Auxiliary Police (MAP) ng 24 oras para may mapagsumbungan ang mga pasahero kung sino man ang mga driver na namamantala at may mahingan ng tulong ang mga pasahero.