YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, November 22, 2014

Christmas Tree na gawa sa botelya sa Balabag Boracay, atraksyon sa mga turista

Posted November 22, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Halos tapos na nga ang Christmas Tree na gawa sa botelya ng Barangay Balabag Boracay.

Kaugnay nito, atraksyon naman ang nasabing Christmas Tree sa mga turista dahil sa taas nitong mahigit 15 talampakan at dahil sa gawa sa botelya.

Nabatid sa Barangay Hall ng Balabag na ang nasabing Christmas Tree ay ang syang magiging pambato din nila sa Recycled Christmas Tree Exhibition ng Malay laban sa iba’t-ibang mga barangay.

Samantala, inaasahan naman ng Department of Tourism (DOT) na dadagsain ng mga turista ang Boracay ngayong holiday season.

Ito’y dahil sa iba’t-ibang aktibidad na ginaganap sa isla tuwing araw ng pasko at bagong taon, kung saan naipapakita at naipapadama sa bawat tao ang pagkakaisa at pagtulong-tulong ng mga residente.

Kaso ng dengue sa probinsya ng Aklan patuloy na tumataas

Posted November 22, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Patuloy ang pagtaas ng kaso ng dengue sa probinsya ng Aklan kung saan nito lamang Nobyembre 7 ay umabot na ito sa 1, 456.

Ito’y base sa records ng Provincial Health Office’s (PHO) Epidemiology Surveillance and Response Unit, kung saan tumaas ito ng 43.06 percent sa parehong period noong nakaraang taon na may bilang lamang na 829.

Nabatid na karamihan sa mga nabiktima ng dengue sa probinsya ay nag-eedad ng 11-20 years old na may kasong 557, na naitala ng PHO.

Habang ang may edad na 21 hanggang 30 anyos ay may kasong 286 at ang 31 to 40 years old ay 103, 41 hanggang 50 years old, ay may kasong 46 at ang 51 anyos pataas ay may kasong 46 at sa edad 1 year old pababa ay may 12 kaso.
Napag-alaman na ang bayan ng Kalibo ang siyang may pinakamaraming popolasyon sa probinsya na kung saan siya ring may naitalang pinakamataas na kaso ng dengue ngayong taon na may bilang na 360.

Sinundan naman ito ng bayan ng Malay na 188, Banga na 135 habang ang bayan ng Numancia ay may naitalang kaso na 121 at ang natitirang bayan sa Aklan ay may kaso na hindi bababa sa 69.

Sa kabila nito patuloy naman ang ginagawang panawagan ng mga opisyal ng PHO sa mga Aklanon na panatilihing maglinis ng kanilang paligid para maiwasan ang paglaganap ng mga lamok na may dalang dengue.

APPO-OIC, nagkaroon ng on-the-spot inspection sa BTAC

Posted November 22, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Patuloy sa ngayon ang pagsasagawa ng mga pulis na may matataas na rango sa Philippine National Police (PNP) ng on-the-spot inspection sa mga municipal police stations.

Kaugnay nito, sinuyod ni Aklan Police Provincial Office (APPO) officer-in charge Senior Superintendent Iver Apellido ang Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) nitong nakaraang Linggo.

Ayon sa APPO, ito’y upang pag-usapan ang operasyon ng deployment ng mga pulis sa Boracay lalo na’t parami ng parami ang mga bumibisita ngayong papalapit ang holiday season.

Dagdag pa ng APPO, sinisiguro din ng pamunuan ng PNP na ipinatutupad ng tama ang mga patakaran.

Ito’y para mabantayan na rin umano sa pasukan at labasan ng mga himpilan ng pulisya at mamanmanan ang mga pasaway nilang kabaro.

Dahil dito, nagsasagawa ang APPO ng regular on-the-spot inspection sa mga tanggapan, unit at kampo ng PNP na nasasakupan nito.

Lalaking Chinese national, sugatan sa baba matapos sipain ang mesa ng desk officer sa BTAC

Posted November 22, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Na-“Chinese kung fu” ang mga pulis ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) kanina ng madaling araw.

Ito’y matapos na sirain ng isang lasing na lalaking Chinese national ang kanilang mga mesa at upuan sa kanilang himpilan habang inaayos ang kaso nito dahil sa pangha-harass sa mga guest na babae ng isang bar sa Balabag Boracay.

Ayon sa blotter report ng BTAC, etinurn-over sa dalawang pulis na nagkakaroon ng police visibility sa Balabag Boracay ang nasabing tsino na nasa edad 26-28 anyos ng dalawang staff ng nasabing bar.

Ito’y dahil sa nagwawala di umano ang lasing na turista at nagsisigaw gamit ang Chinese language at nangha-harass ng mga babaeng guest doon.

Subalit matapos dalhin sa ospital at pansamantala sanang ikustodiya sa himpilan ng Boracay PNP ang tsino ay muli itong nagwala at sinisigawan umano ang mga pulis gamit ang Chinese language saka pinag-sisipa ang mga mesa at upuan ng BTAC.

Sinipa din umano nito ang mesa ng desk officer na mag-e-encode sana ng blotter na nagtatanong ng kanyang pangalan.

Dahil sa pagiging agresibo di umano ng turista ay nadulas ito sa sahig, kung saan tumama ang kanyang baba sa edge ng mesa ng desk officer na nagdulot sa kanya ng sugat.

Samantala, matapos na ipagamot sa Boracay Hospital ay pansamatala namang ikinustodiya ang nasabing tsino habang inaantay pa ang kanyang interpreter.

Pagdalo ng LGU Malay sa Travel Mart sa London malaking tulong sa isla ng Boracay

Posted November 22, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Malaking tulong umano sa isla ng Boracay ang pagdalo ng Local Government Unit (LGU) Malay sa ginawang Travel Mart sa London nitong mga nakaraang linggo.

Ito’y upang e-market ang turismo ng Boracay sa mga travel agencies na dumalo sa nasabing Travel Mart mula sa ibat-ibang bahagi ng mundo.

Nabatid na ilan din sa mga nagtungo sa London ay sina SB Member Rowen Aguirre at Jupiter Gallenero, Mtour Chief Operation Officer Felix Delos Santos at ang Boracay Foundation Inc. sa pangunguna ni BFI President Jony Salmy at BFI Executive Director Pia Miraflores.

Sa kabilang banda sinabi naman ni Aguirre na tanyag na rin ang Boracay sa ibang mga bansa ngunit napag-alaman umano nilang nahihirapan ang mga turistang pumunta rito.

Aniya, hindi umano alam ng mga ito kung paano puntahan ang sikat na isla kung kayat ito ang kanilang tututukan sa ngayon at sa mga susunod pang Travel Mart.

Napag-alaman na marami naring Travel agencies ang nakipag-ugnayan sa LGU Malay para e-market ito sa kanilang mga bansa.

Samantala, ito ang kauna-unahang pagdalo ng LGU Malay pagdating sa pag-market ng Boracay kung saan ito lang din ang lugar na sumali sa buong Region 6.

Friday, November 21, 2014

Dalawang kaso ng nakawan muling naitala sa Boracay ngayong araw

Posted November 21, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Dalawang kaso na naman ng nakawan ang naitala ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) sa isla ng Boracay ngayong araw.

Sa police report ng Boracay PNP isang Korean National na kinilalang si Hyun Jae Cho, 37-anyos ang nagreklamo sa kanilang tanggapan matapos umanong mawala ang kanyang isang Loptop, cellphone at Galaxy Note 3 kasama pa ang ilang libong pisong pera.

Ayon sa biktima nagising nalang umano siyang wala na ang nasabing gamit na pinaniniwalaang ninakaw ng hindi nakilalang suspek dahilan para agad magsagawa ng embistigasyon ang management ng kanyang tinutuluyang resort.

Kaugnay nito isang kaso rin ng pagnanakaw ang kasalukuyang iniimbestigahan ngayon ng Boracay PNP kung saan tinangay din ng hinihinalang mga magnanakaw ang tatlong wrist watch at 4 hanggang 5 gantas ng bigas kabilang pa ang plastic coin bank na tinatayang may lamang P4,000.

Ayon naman sa biktimang si Nelson Bautista ng Sitio.Bantud, Brgy. Manocmanoc, Malay, Aklan naabutan na lamang umano nito ang kanilang bahay na wala na ang mga nabanggit na gamit kung saan nakita na lang din nito sa likod ng kanilang bahay ang coin bank na wala ng laman kahit piso.

Matatandaan na isang sari-sari store sa Brgy. Yapak Boracay din ang nilooban kahapon ng hindi nakilalang magnanakaw matapos kunin ang ilang gadgets at pera.

Paalala naman ng mga otoridad ang ibayong pag-iingat sa paglaganap ng mga kawatan ngayong nalalapit na kapaskuhan kasabay ng pag-atake ng ibat-ibang modus operandi.

Magkapatid na babaeng Russian national, umano’y ninakawan ng 270 US Dollars sa isang boutique sa Boracay; suspek, huli sa CCTV

Posted November 21, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kasalukuyan pa sa ngayong tinututukoy ng mga taga Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na nahuli sa CCTV habang ninanakaw ang pera ng dalawang babaeng Russian national.

Ayon sa blotter report ng BTAC, ipinatong di umano ng magkapatid na Russian na kinilalang sina Anna Aleksandrova, 17 anyos at Svetlana Aleksandrova, 29 anyos ang kanilang bag sa upuan ng isang boutique sa Station 2 Balabag Boracay habang namimili ng swimsuit.

Subalit, nang magbabayad na umano sana ang mga ito sa cashier ay natuklasang nawawala na ang perang napapaloob sa isang pouch na nakalagay sa bag na nagkakahalaga umano ng 250 US Dollars o nasa mahigit 11 thousand pesos at 5 thousand pesos.

Samantala, siniguro naman ng BTAC na tutukan ang nasabing kaso.

Mga turistang papunta sana ng Boracay, umalma matapos i-divert ng Cebu Pacific ang kanilang flight

Posted November 21, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Kaliwa’t-kanang promosyon ngayon ang ginagawa ng Department of Tourism 6 para sa Isla ng Boracay.

Subali’t sa kabila nito, may mga bagay paring nagpapa-dismaya sa mga nasabing turista lalo na sa mga umaasa ng magandang serbisyo o akomodasyon.

Isa na nga rito ang pag-alma ng mga turistang pupunta sana ng Boracay nitong mga nakaraang araw na kinansela at i-divert ng Cebu Pacific ang kanilang flight mula Manila to Caticlan, at naging Manila to Kalibo.

Sa larawang kuha ng himpilang ito, kapansin-pansin ang pagkadismaya ng mga nasabing turista habang naghahanap ng kasagutan mula sa mga kawani ng nasabing airline company.

Hindi kasi nila matanggap na basta na lamang i-divert ang kanilang flight ng ganon na lamang lalo pa’t nakabayad na umano sila ng mahal para sa kanilang bookings.

Samantala, nabatid na idinahilan ng Cebu Pacific sa mga nababagot nang mga pasahero na hindi na pwedeng ituloy ang biyahe sa Caticlan Airport dahil sa sunset situation o takip-silim, at maikli lamang ang runway nito.

Pinipilit din umano ng Cebu Pacific sa mga pasahero na huwag nang tumuloy, dahil hahanapan naman nila ang mga ito ng accommodation.

Ilan tuloy sa mga pasahero ang nakaranas din umano ng flight diversion ang nagtataka kung bakit madalas itong ginagawa ng Cebu Pacific.

Samantala, sa naging pahayag naman ng Cebu Pacific Kalibo sa himpilang ito, nagkakaroon lamang umano sila ng “diversion” sa byahe kapag may problema sa “weather condition.”

Subalit, taliwas naman ito sa sinabi ng mga pasaherong kasama sa nasabing flight na di umano’y maganda naman ang panahon sa araw na iyon (November 18, 2014).

Sa kabilang banda, may ilang mga pasahero din ang nagsasabing hindi lamang isang beses sila na-divert sa kanilang byahe.

Fire code compliance ng mga establisyemento sa Boracay, iinspeksyunin ng BFP Region 6

Posted November 21, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Nakatakdang magtungo sa isla ng Boracay ang verification at inspection team ng Bureau of Fire Regional Headquarters ngayong Lunes Nobyembre 24.

Ito’y para magsagawa sila ng inspeksyon sa mga establisyemento sa isla tungkol sa monitoring ng fire code compliance.

Nabatid na nais malaman ng BFP Regional Office kung nasusunod ba ang itinakdang fire code compliance of the Philippines sa lahat ng mga establisyemento sa isla ng Boracay.

Sa kabilang banda maaaring maharap sa ibat-ibang paglabag ang mga establisyemento na hindi nakapag-install ng fire exits, fire extinguishers at walang angkop na electrical wiring.

Samantala, maging ang mga boardinghouse at mga paupahang apartment sa Boracay ay inaasahang imomonitor din ng BFP para sa kaligtasan ng lahat ng mga nakatira lalo na at dikit dikit na rin ang mga building sa isla.