Sa kasagsagan ng clearing operation ng LGU Malay sa
vegetation area nitong umaga ay tumambad sa kanila ang samu’t-saring illegal
pipe connections na naglalabas ng waste water sa long beach ng Boracay.
Sa pagbungkal ng ilang pipes sa Station 1 area, bumulaga
ang mga linya ng pipes na naglalabas ng kitchen waste na pa-simpleng inilibing
sa buhangin para hindi matanaw ng mga dumaraan.
Ganito rin ang nadiskubre sa harap ng isang Chinese
Restaurant sa Station 2 na maliban sa paglabag sa waste water management o
Municipal Ordinance No. 307 ay napag-alaman na hindi rin nakapag-renew ng
business permit ng dalawang taon ang nasabing establisyemento.
Sa magkaparehong kaso, halatang galing kusina ang
wastewater dahil na rin sa kalidad at kulay na may halo pang mantika,
indikasyon na hindi gumamit ng grease trap ang mga violators.
Ayon sa mga Sanitary Inspectors, nahaharap sa closure ang
mga lumabag na restaurants at iri-rekomenda nila ito sa Municipal Health Office
para sa karampatang penalidad.
Ito na ang pangalawang bugso ng demolition operation ng
LGU pagkatapos nilang winalis ang lahat ng illegal structure sa Puka Beach Yapak
nitong nakalipas na araw.
Kasama ang Engineering Office, Licensing Office, MPDO ng
Malay at ilang enforcers ay sinuyod nila ang kahabaan ng long beach para
hikayatin ang mga occupants sa vegetation area na mag self-demolish.
Pinatatanggal din ang lahat ng mga tents at outdoor
installations kagaya ng mini-bar at mga nakasabit sa mga niyog na signages.
Sa paglilinaw ng LGU, papayagan pa rin ang paglatag ng
mga mesa at upuan sa vegetation area sa limitadong oras na “sunset to sunrise”
kung saan dapat maligpit ito kinaumagahan para maging maaliwalas at malinis
tingnan at mai-enjoy ng turista ang ganda ng Boracay Beach.