YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, November 15, 2014

Caticlan Jetty Port, Christmas decorations ang pambungad sa mga turista sa Boracay

Posted November 15, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Dahil sa nalalapit na ang panahon ng kapaskuhan hindi pinalagpas ng Caticlan Jetty Port ang paglalagay ng mga Christmas decorations sa bawat sulok ng kanilang gusali.

Ayon kay Special Operation Officer III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port, ito umano ang kanilang pambungad sa mga turistang pupunta sa isla ng Boracay para magbakasyon ngayong Holiday Season.

Nais umano nilang madama ng mga turista ang nalalapit na kapaskuhan at ang masayang pagdiriwang nito sa isla ng Boracay. 

Maliban dito, ibat-ibang business establishment at mga hotel sa Boracay ang nagprisentang maglalagay ng mga karagdagang Christmas decorations sa Caticlan at Cagban Jetty Port.

Sinabi pa ni Pontero na maglalagay umano ng malaking Christmas tree ang isang resort sa Boracay sa Cagban Jetty Port.

Nabatid na taon-taon itong ginagawa ng Caticlan Administration para lalong maengganyo ang mga turistang nagbabakasyon sa isla ng Boracay.

Tatlong lalaki sa Boracay, nabiktima ng hit and run

Posted November 15, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Sugatan ang tatlong lalaki sa Boracay matapos mabiktima ng hit and run kaninang madaling araw.

Nakilala sa police report ng Boracay PNP ang mga biktimang sina Jude Ortega, 20 anyos ng Tulubhan, Manoc-manoc, Mark Gelito, 16 anyos at Marlon Nailgas, 20 anyos, pawang mga taga Kalibo, Aklan.  

Nabatid na mula sa Cagban,Manoc-manoc ang tatlo papuntang Barangay Balabag.

Base sa imbistigasyon, bigla na lamang umanong binangga ng isang hindi nakilalang drayber ng Rouser motorcycle ang sinasakyang Suzuki Smash ng mga biktima habang nasa intersection road ang mga ito ng Sitio Lugutan, Barangay Manoc-manoc.

Kaagad isinugod sa ospital ang mga biktima habang patuloy namang iniimbistigahan ng mga pulis ang kaso.

Lalaki sa Boracay, sinaksak sa gitna ng rambol

Posted November 15, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Sa darating na November 23 pa ang inaabangang ‘rambol’ nina Manny Pacquiao at Chris Algieri.

Subali’t may nauna nang nagrambol kaninang hating-gabi sa Sitio Bolabog, Balabag, Boracay na nauwi pa sa pananaksak.

Base sa inisyal na report ng Boracay PNP, naglalakad pauwi ang 31 anyos na biktimang si John Paul Las PiƱas ng Negros Occidental at ang kasama nito nang habulin ng hindi nakilalang suspek.

Kinamayan umano siya ng isa sa mga ito at sinuntok na nagresulta naman sa rambol.

Sa gitna naman ng rambol, isa sa mga kasama ng suspek ang sumaksak sa biktima dahilan upang isugod ito sa ospital.

Samantala, kasalukuyan pang pina-follow up ng mga kapulisan ang nasabing kaso.

Ordinansa para sa Paddleboards, inihahanda na

Posted November 15, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dahil sa patuloy na pagdami ng paddleboard activities sa isla ng Boracay.

Inihahanda na ngayon ng Sangguniang Bayan (SB) Malay ang isang ordinansang magre-regulate sa ganitong uri ng water sport activity.

Nitong ika-7 ng Nobyembre, inilatag ang draft ordinance para sa paddleboard na ini-akda ni Chairman of Committee on Tourism SB Member Jupiter Aelred Gallenero sa presenteng Boracay Stand-Up Paddleboard Association.

Kaugnay nito, umani naman ng ilang komento galing sa asosasyon ang nasabing panukala gaya ng pagpapataas ng limitasyon ng mga paddleboards sa bawat station sa isla at pagpapalawak ng kanilang area of operation.

Samantala, napagkasunduan na isusumite nila ang kanilang mga komento at suhestiyon sa SB Malay para sa kaukulang pag-amyenda rito.

Pinagpaplanuhan naman na ang Boracay Stand-Up Paddleboard Association ay maging bahagi ng Boracay Water Sports Association Incorporated (BWAI).

Perang isinauli ng trisekel driver sa Boracay na si Elizaldy Lagunday, naging kontrobersyal

Posted November 15, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Naging kontrobersyal ang halaga ng perang isinauli ng trisekel driver sa Boracay na si Elizaldy Lagunday.

Naging usap-usapan kasi at kumalat ang balita, hindi lamang ang tungkol sa kabayanihan ng nasabing drayber kungdi ang kung magkano talaga ang isinauli nitong pera.

Bagama’t nalulungkot, iginiit naman ni Lagunday na wala itong dapat ipaliwanag o sabihin dahil wala umano itong alam kung magkano ang pera niyang isinauli.

Hindi rin naman umano niya binilang ang pera sa bag matapos niyang makita ang laman nito kasama ang dalawang gadgets.

Ayon pa kay Lagunday, nagulat din siya sa mga kumakalat na kuwento sa mga pilahan ng traysikel tungkol sa nasabing pera.

Samantala, sa kabila ng kontrobersiya, nanindigan parin si Lagunday na patuloy itong magsasauli ng anumang gamit na maiiwan sa kanyang traysikel.

Kaugnay parin nito, nabatid na ikinadismaya naman ng Boracay PNP ang kumalat na balita tungkol sa pera dahil 40, 000 pesos lamang pala umano ito at hindi 3.5 million pesos.

Napag-alamang sa Boracay PNP Station na nagkita si Lagunday at ang pasahero nitong nagmamay-ari ng bag na may pera nitong nakaraang November 2.

Ilang health facilities sa Aklan inihahanda na para sa APEC Summit 2015

Posted November 15, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Inihahanda na umano ng Provincial Health Office ng Aklan ang ilang health facilities sa probinsya para sa nalalapit na pag-host ng isla ng Boracay ng APEC Summit 2015.

Ito ang naging pahayag ni Aklan Provincial Health Officer chief Dr. Cornelio Cuachon Jr., kung saan itinalaga umano ang Dr. Rafael S. Tumbukon Memorial Hospital sa bayan ng Kalibo bilang isang primary hospital facility para sa nasabing summit.

Bilang paghahanda patuloy din aniya ang kanilang ginagawang pagsasanay sa mass casualties incidents bukod sa iba pang preperasyon sa Asia-Pacific Economic Conference sa susunod na taon.

Nabatid na isa pa sa kanilang hinahabol na maayos ngayon ay ang Don Ciriaco Memorial Hospital sa isla ng Boracay na kasalukuyang under rehabilitation.

Bagamat matatagalan pa bago makumpletong maayos ang tatlong palapag na hospital inuuna umano nila sa ngayong tapusin ang phase 1 bago ang gaganaping APEC Summit.

Ayon pa kay Cuachon inaasahan din nilang ang provincial hospital at ang Boracay hospital ay maging handa sa malaking Conference na gaganapin sa probinsya.

Friday, November 14, 2014

Pamamalimos ng mga bata sa Boracay, talamak parin

Posted November 14, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

CHILD PROTECTION COURSETalamak parin ang pamamalimos ng mga bata sa Boracay.

Katunayan, naabutan mismo ng mga taga Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang mga batang namamalimos nang sinuyod nila nitong nakaraang linggo ang long beach mula station 3 patungong Station 1.

Maliban sa mga namamalimos, nasaksihan din mismo ng MSWD ang mga batang gumagawa ng sand castle.

Tinatayang nasa edad lima hanggang sampung taong gulang ang mga bata.

Dismayado naman ang mga ito sa sitwasyon lalo pa’t naabutan din mismo nila ang ilang matatandang nagtatago sa madilim na bahagi ng vegetation area at mistula ‘sinu-supervise pa ang mga bata.

Samantala, minarapat na lamang nilang kausapin at pauwiin ang mga bata kasama ang kanilang mga nagpakilalang kamag-anak.

DWSD Aklan, nilinaw na wala pang budget para sa shelter ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa Aklan

Posted November 14, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nilinaw ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Aklan na wala pang pondong dumating para sa shelter ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda sa probinsya.

Ayon kay DSWD Aklan Provincial Head Evangelina Gallega, marahil ang ilang mga natatangap na budget sa pagkukumpuni ng bahay ay galing sa mga private sector o ibang organisasyon.

Sa ngayon umano kasi ang inaasikaso ng pamahalaan ay ang pagsasaayos ng mga baradong kanal at iba pang mga nasirang imprastaktura.

Samantala, nabatid na tiniyak ng National Housing Authority (NHA) na matatapos na ang pagkukumpuni ng 12,000 bahay na pinondohan ng gobyerno para sa 14,000 pamilya na biktima ng bagyong ‘Yolanda’ sa Visayas.

Subalit, napag-alaman na isa sa naging dahilan ng pagkaantala ng proyekto ay ang pagkukumpleto ng mga dokumento na kailangan bago simulan ang konstruksiyon ng mga bahay.

Sanga-sangang wire ng kuryente sa Boracay minamadali ng ayusin ng BRTF

Posted November 14, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Pinamamadali na ngayong paayusin ng Boracay Redevelopment Task Force (BRTF) sa mga kumpanya na may-ari ng mga sanga-sangang kable ng kuryente sa Boracay.

Ito’y bilang paghahanda sa nalalapit na Asia Pacific Economic Conference (APEC) Summit 2015 na gaganapin sa isla ng Boracay ngayong darating na Mayo.

Nabatid na noong mga nakaraang buwan ay nagkaroon ng pagpupulong ang BRTF kasama ang Malay Engineering Office tungkol dito upang pagplanuhan kung papaano ito maaayos lalo na sa mainroad area.

Ayon sa BRTF, kasama rito ang kumpanya ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) at isang telephone Company na ngayon ay inuumpisahan narin nilang ayusin base na rin sa utos ng kanilang tanggapan.

Napag-alaman na ilan lamang ito sa mga nais baguhin ng BRTF sa Boracay bago ang nasabing Summit susunod na taon.

Ang APEC Summit 2015 sa Boracay ay lalahukan ng mahigit dalawang libong delegado mula sa dalawamput isang bansa kasama ang kanilang mga pamilya at mga media organizations sa ibat-ibang sulok ng mundo.

Ilang mga problema sa isla ng Boracay, tinalakay sa tanggapan ng BRTF

Posted November 14, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Muling tinalakay sa tanggapan ng Boracay Redevelopment Task Force (BRTF) ang ilang mga problema sa isla ng Boracay.

Sa ginanap na pagpupulong kasama ang LGU Malay, Boracay Tourist Assistance Center (BTAC), Philippine Coast Guard (PCG), MASBOI at iba pang mga sangay ng gobyerno at pribadong sektor.

Pinag-usapan ang mga isyu na syang nakakaapekto sa turismo ng isla.

Isa dito ang idinulog ng Boracay Foundation Incorporated (BFI) patungkol sa mga commissioner na nangha-harass di umano ng mga bisita.

Kabilang din ang mga paraw na naglalayag sa di tamang ruta at sinasabing mga grupo ng mga tao na nagdudumi di umano sa may vegetation area.

Kaugnay nito, ipinaabot ni BRTF Head Secretariat Mabel Bacani na kung iaasa nalang lahat sa Municipal Auxiliary Police (MAP) ang lahat ng problema, hindi ito masosolusyunan ng 100 porsyento.

Kaya naman hinimok ng BRTF Chairman at Boracay Island Chief Operations Officer, Glenn SacapaƱo ang PNP-BTAC, PCG, Office of the Barangay, mga tanod at maging ang pribadong sektor na makipagtulungan upang masugpo ang ganitong problema.

Bagay na sinang-ayunan naman ng mga lumahok sa nasabing pagpupulong.

Mga mag-aaral sa Boracay, lumahok sa Nationwide Simultaneous Earthquake Drill

Posted November 14, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

"Duck", cover, and hold.

Ito ang ginawa kaninang umaga ng mga mag-aaral sa isla ng Boracay kaugnay ng Nationwide Simultaneous Earthquake Drill.

Alas 9:00 ng umaga kanina nang halos sabay-sabay lumabas sa kani-kanilang silid-aralan ang mga batang may takip na libro sa ulo at nakalinyang tumungo sa field ng eskwelahan.

Sa Balabag Elementary School, nabatid na aktibong nakilahok ang mga mag-aaral habang inaalalayan ng kanilan mga guro.

Hindi naman alintana ng mga mag-aaral ng Manoc-manoc Elementary School ang mainit na sikat ng araw lamang makasali sa Earthquake Drill.

Ayon kay Manoc-manoc Elementary School Grade 5 Adviser Ma’am Leah Villanueva, mahalaga para sa mga mag-aaral at mga kabataan ang kahalintulad na aktibidad dahil naiintindihan at nalalaman nila ang mga dapat gawin sakaling may dumating na kalamidad.

Samantala, pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ang Earthquake Drill sa Boracay.

Nabatid na base sa ibinabang Memorandum Order ng Office of Civil Defense (OCD) ang malawakang Earthquake Drill na ginanap ng sabay-sabay sa buong Pilipinas ngayong araw.

Babae, nagreklamo sa BTAC matapos lagyan ng sili ang kanyang mata

Posted November 14, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagreklamo ng physical injury sa BTAC ang 38 anyos na babae matapos umanong lagyan ng sili ang kanyang mata.

Ayon sa blotter report ng BTAC, nag-away ang limang mga kababaihan na kinabibilangan ng biktimang itinago sa pangalang “Arlene” kagabi sa Balabag Boracay matapos na magtalo.

Sumbong ng biktima, nagpalitan sila ng mga hindi magagandang salita ng suspek na si “Cecile”, kung saan binugbog umano siya nito at ng tatlo pa niyang mga kasama.

Subalit, nagalit din umano ang kasama ni “Arlene” at nakipag-away sa iba pang mga babae, kung saan isang komosyon ang nangyari sa lugar.

Ayon pa sa report, umawat lamang sa gulo si ‘’Arlene” subali’t siya pa ang napuruhan sa gulo dahil sa tinamong pinsala sa mata dulot ng sili.

Samantala, hindi naman nabanggit sa BTAC kung ano ang pinag-awayan ng dalawa bagkus ay nagkasundo na lamang ang mga itong sa barangay pag-usapan ang problema.

20% discount para sa mga taxpayers na magbabayad ng advance para sa 2015 General Revision of Real Properties, pinag-usapan sa SP Aklan

Posted November 13, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Matapos isagawa ang Committee Hearing nitong Lunes.

Muli namang pinag-usapan kahapon sa 39th SP Regular Session ang pagbibigay ng 20% discount sa mga taxpayers na magbabayad ng advance para sa 2015 General Revision of Real Properties.

Nabatid na ang nasabing panukala ay hiniling ni Gov. Joeben Miraflores matapos maisapinal ang pagpapatupad ng mga bagong bayarin sa buwis.

Samantala, ang bagong Base Market Values of Real Properties para sa 17 municipalities sa Aklan ay magiging epektibo sa Enero 2015.

Kasama naman sa mga inaprubahan ng SP ang special base market valuation sa mga resort sa isla ng Boracay at Metro Kalibo.

Ang inaprubahan ng SP Aklan ay ang sya ring binagong iskedyul mula sa orihinal na panukala ng opisina ng Provincial Assessor, kung saan ang antas ng bayarin sa buwis ay binawasan sa pag-iintindi ng mga hinaing at opinyon ng mga negosyante mula sa Kalibo at Boracay.

Una namang ipinaliwanag ni Provincial Assessor Kokoy Soguilon na nakasaad sa Section 219 ng Local Government Code o base sa Republic Act No. 7160, na dapat magkaroon ng General Tax Revision of Real Properties ang lokal na pamahalaan kada tatlong taon.

BTAC, nakatanggap ng 38 na mga bagong radio handset galing sa Regional Office

Posted November 13, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Mas lalo pang mapapalakas ng Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang kanilang operasyon.

Ito’y matapos silang makatanggap ng 38 na mga bagong unit ng radio handset galing sa Regional Office ng Philippine National Police (PNP).

Ayon kay BTAC Chief Police Senior Inspector Mark Evan Salvo, malaki ang maitutulong ng bagong kagamitan lalo na’t parami ng parami ang mga turistang bumibisita sa isla.

Mas mapapabilis na rin umano ang kanilang pag-responde sakaling may mga mangyayaring insidente dahil sa maririnig agad ng lahat ang impormasyong naipapadala.

Samantala, dumating ang mga bagong radio handset para sa BTAC noong nakaraang Linggo.

Sa ngayon ay kasalukuyan pa itong inaaayos ng BTAC para agad na magamit ng mga pulis sa isla.

Thursday, November 13, 2014

Aviation Police na nanutok ng baril sa isang menor de edad sa Kalibo, nakapagpiyansa na

Posted November 13, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nakapagpiyansa kahapon para sa kanyang pansamantalang kalayaan ang aviation police na si PO1 Noriel Policarpio sa kasong paglabag sa Republic Act 7610.

Nabatid na inaresto si Policarpio nitong nakaraang Lunes nang tutukan umano nito ng baril at pinalo ang 14 anyos na menor de edad sa bayan ng Kalibo.

Ayon kay Women and Children Protection Desk (WCPD) Senior Police Officer 1 Babylyn Daylusan ng Kalibo PNP.

Galing sa lamayan ang 14 anyos na binatilyo at ang kanyang apat na mga kaibigan at nagpahinga pansamantala sa isang waiting shed sa harapan ng carenderia mismo ni PO1 Policarpio.

Ilang sandali pa ay dumating umano ang nasabing pulis at sinita ang mga menor de edad sa dala nilang “baton sword”.

Kaagad namang inako ng bata na sa kanyang ama ang nasabing “baton sword” at kinuha lamang sa kanyang kaibigan matapos na hiramin.

Subali’t bigla na lamang umano siyang sinapok ni Policarpio sa batok, kinuha ang “baton sword”, saka kinuha din ang baril sa kanyang bag at kinasa sabay tutok sa mukha ng menor de edad.

Matapos na kunin ang “baton sword” ay kaagad naman umanong pinauwi ng pulis ang mga bata.

Samantala, hindi akalain ni Policarpio na sa Kalibo Police Station pala nagtungo ang mga ito at nagsumbong sa mga pulis.

Dahil sa i-prenesentang “medico legal” at pag-amin mismo ng pulis na sinaktan nito ang bata ay kaagad itong inaresto at ikinulong sa araw na nangyari din ang insidente.

Sewer Line Rehabilitation Project ng BIWC, malapit nang matapos

Posted November 13, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Malapit nang matapos ang Sewer Line Rehabilitation Project ng BIWC o Boracay Island Water Company.

Ayon kay BIWC Management and Technical Service Group Head Engr. Byder Nangit, isusunod na rin nila ang pagdi-demolish ng mga manhole pagkatapos ang kanilang ginagawang pipe-laying o paghuhulog ng tubo.

Sinabi rin nito na naantala ang kanilang trabaho dahil sa pagpapahinto sa kanila ng ilang resort na naapektuhan ng nasabing proyekto.

Maliban dito, kailangan din umano nilang ikonsidera ang high tide at low tide kung kaya’t napipilitan silang magtrabaho ng madaling araw na siya namang inaalmahan ng nagrereklamong resort.

Sa kabila nito, umapela naman ng pang-unawa at humingi ng paumanhin si Engr. Nangit dahil sa abalang naidulot ng nasabing proyekto.

Nabatid na target din umano nilang matapos ang proyekto bago matapos ang 2014.

Magugunitang sinimulang trabahuin ng BIWC ang paglipat sa mga sewer line sa Sitio Sinagpa, Barangay Balabag partikular ang sa BTR o Boracay Terraces Resort papuntang Las Brisas Resort nitong nakaraang buwan ng Sityembre.

BFPU Boracay, may-paalala sa mga gumagamit ng Christmas decorations

Posted November 13, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

“Christmas lights at Christmas lanterns”.

Ilan lamang umano ito sa kadalasang ginagamit bilang palamuti ngayong nalalapit na kapaskuhan na posibleng pagmulan ng sunog kung hindi maingat at tama ang paggamit.

Ayon kay Bureau of Fire Protection Unit-Boracay Chief Fire Inspector Stephen Jardeleza, mahigpit umano silang nagmomonitor sa mga kabahayan at establisyemento sa Boracay kaugnay sa paggamit ng mga Christmas lights na siyang isa sa pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng sunog.

Sa ngayon umano ay nag-aantay pa sila ng utos mula sa kanilang Regional at National Office para sa iba pang hakbang na kailangang gawin pagdating sa gagawing pag-momonitor sa mga ginagamit na Christmas decorations.

Pinaalalahan din nito ang mga mamimili na huwag bumili ng mga Christmas lights na walang ICC sticker na nakadikit sa mismong lalagyan ng Christmas lights dahil maaaring hindi ito ligtas gamitin.

Matatandaang nagsanib pwersa ang Department of Trade and Industry (DTI) at ang Philippine National Police (PNP) para kumpiskahin ang mga ibinibintang Christmas lights na walang ICC at hindi nakapasa sa kanilang standards.