YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, November 25, 2011

Pag-e-endorso sa expansion ng Caticlan Airport, tinatrabaho na ng SB

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Inilatag na ni Sangguniang Bayan Member Rowen Aguirre sa konseho ang kaniyang Committee Report bilang bahagi ng pag-aksiyon at pagpapasa ng resulosyon ng Sanggunian ukol sa hinihinging pag-endorso ng Trans Aire sa proposisyong development na gagawin sa Caticlan Airport.

Bagamat may katanungan mula sa mga miyembro ng konseho kung bakit nila ito i-e-endorso gayong may bahagi naman ng paliparang ito na sakop ng bayan ng Nabas, ipinaliwanag ni Aguirre na kailangan pa rin nilang gawin ito dahil ang malaking bahagi ng runway ng paliparan ay nasa loob at sakop ng Malay.

Dagdag pa nito, lalo pa aniyang nila itong kailangan na ma-i-endurso dahil “Caticlan Airport” pa rin ang pangalan ng paliparan kaya hindi nila ito pwedeng balewalain.

Gayun pa man, sinabi nito na ang magiging saklaw lang ng resolusyong ipapasa nila ay ang hanggang sa hurisdiksiyon lamang din ng bayan ito.

Dahil dito ay inaasahan umano na ang bayan ng Nabas ay magpapasa din ng sarili nilang pag-i-endorso.

Chief Executive Assistant-IV sa plantilya ng LGU Malay, bakante pa?

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kapwa kinumpirma ni Malay Administrator Godofredo Sadiasa at Municipal Human Resource Management Officer (MHRO) Dinky Maagma na may posisyon talagang Chief Operation Officer (COO) sa plantilla ng LGU Malay.

Ayon kay Maagma, COO ang tunay na posisyon na hinahawakan sa ngayon ni Island Administrator Glenn Sacapaño.

Matatandaang sinabi ni Sadiasa na napalitan na ito ng bagong tawag at ginawa na ito Chief Executive Assistant-IV o (CEA-IV), na ang ibig sabihin ay iisang posisyon lamang ang CEA-IV at COO.

Ngunit, nabatid naman mula sa MHRO na bakante pa ang posisyong Chief Executive Assistant-IV (CEA-IV) hanggang sa ngayon.

Gayon pa man, limitado lang ang ibinigay na impormasyon ni Maagma nang makapanayam, ng YES FM Boracay, at sa halip ay tumanggi na itong magbigay pa ng karagdagang pahayag kaugnay sa usaping ito.

Kasabay nito ay binigyang-diin ng opisyal na magpapa-interview lamang siya kung mayroon nang basbas mula sa Alkalde. 

Posisyong Chief Operation Officer, nasa plantilya naman ng LGU Malay --- Sadiasa

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Taliwas sa inihayag ni Sangguniang Bayan Member Rowen Agguire sa sisyon ng SB Malay nitong martes  na di umano ay  walang item o posisyon sa plantilla ng lokal na pamahalaan ng Malay na Chief Operation Officer (COO) na siyang kasalukuyang posisyon ni Island Administrator Glenn Sacapaño.

Dahil dito, nilinaw ni Malay Administrator Godofredo Sadiasa, na mali ang interpratasyon ito, kung sasabihing walang COO sa plantilla ng LGU Malay, sapagkat ang totoo ay mayroon namang ganito.

Katunayan umano ay napasama at naipasok ito nitong taong 2011 at pinondohan pa ang posisyong ito.

Maliban dito, ang COO aniya ay pinalitan na rin nila ng bagong titulo ngayon sa plantilya at ginawa na itong “Chief Executive Assistant-IV”, na naglalaman ng mga kuwalipikasyong naayon sa level na itinakda ng Civil Service.

Kaya para sa kaniya, hindi isyu ang usaping ito dahil may COO naman talaga sa plantilya ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Gayun pa man, ipinaliwanag din nito na ang pag-likha ng posisyon ng isang namumuno sa bayan, lalo na kung ito ay nakakatulong sa magandang pagpapatakbo ng pamahalaan, kahit hindi prescribed o itinakda ng Civil Service, ay possible namang mangyari at walang problema dito dahil pinahihintulutan naman ito ng batas.

Subalit kung pagbabatayan at babalikan ang pahayag ni Aguirre, hindi lamang ang isyu sa posisyon ang problema doon, dahil tila kuwestiyunable din ang kuwalipikasyon ng taong nakaposisyon o naluklok dito.

Ngunit nang matanong ito ukol sa sinabi ni Aguirre na di umano ay hindi kuwalipikado si Sacapaño, tumanggi itong magbigay ng pahayag hinging sa nasabing usaping, at sa halip sinabi ni Sadiasa na hindi siya ang tamang tao para sumagot, dahil ang mga record umano ay nasa Municipal Human Resources at sila ang nakaka-alam nito.

Pamunuan ng Caticlan Airport, may suhestiyon sa estado ng Caticlan Elementary School

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Sa ginawang Committee Report ni Sangguniang Bayan Member Rowen Aguirre sa konseho nitong Martes, inilatag ng konsehal ang suhestiyong ipaabot ng pamunuan ng Caticlan Airport ukol sa magiging estado at plano sa Caticlan Elementary School.

Sa ulat ni Aguirre, sinabi nitong kumpirmadong tatamaan ng gagawaing expansion ang nasabing paaralan, bagay na inihayag aniya ng kampo ng airport na bibilhin na lang sa LGU Malay ang lupa at hahanapan ng mapaglilipatan ang elementaryang ito, o kaya ay sila na lang din mismo ang maghahanap ng lugar at gagawa ng gusali ng paaralan at hindi na babayaran ang LGU Malay.

Pero para sa konsehal, kung siya aniya ang papipiliin, nais nitong ang kumpanya na ng paliparan ang gumawa ng buong gusali at maghanap ng mapaglilipatan, at hihintayin na lang nila na ma-i-turn over ito upang agad na magamit kaysa bayaran pa ito ang LGU Malay.

Subalit ganon paman, sinabi ni Agguire na nasa Alkalde pa rin kung ano ang magiging pasya niya dito.

Negosasyon sa relokasyon ng Caticlan Elementary School, malabo pa rin

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Katulad ng mga naunang pahayag ni Caticlan Punong Barangay Julita Aron, Principal ng Caticlan Elementary School, at ni Ginang Arlyn Regalado, District School Supervisor ng Malay, na hindi pa nila alam kung kaylan mangyayari ang paglipat o maililipat ba talaga ng Caticlan Elementary School, gayong ang mga ito ay nagsabing nakasalalay ang negosasyon hinggil dito sa lokal na pamahalaan ng Malay at pamunuang Godofredo P. Ramos Caticlan Airport, kasunod ng pagpapalapad na ginagawa ngayon sa nasabing paliparan, ngayon ay sa bahagi naman ng lokal na pamahalaan ng Malay na siyang tumutulong at nangunguna sa negosasyong ito ay tila wala pa ring linaw ang mga bagay ukol sa usaping ito.

Ito ay dahil ayon sa ulat mula sa tanggapan ni Mayor John Yap na inihayag ni  Malay Administrator Godofredo Sadiasa, sa kasalukuyan ay naghahanap palang ng abot halagang presyong relocation site para sa paaralan ang pamunuan ng paliparan.

Kaya sa ngayon ay hindi pa nila talaga alam kung kelan ito maisasakatuparan dahil nasa pamunuan ng Airport o Trans Aire pa rin aniya ang pinal na desisyon, at kung wala aniyang paglalagyan ng gusali ng paaralang ito ay baka doon na lang talaga ito manatili.

Subalit tila sa pagkaka-alam aniya nito, tatamaan ng expansion ang paaralan kaya walang nang magagawa ang Trans Aire kundi maghanap ng paglilipatan.

Gayon pa man, ang Alkalde aniya ngayon ay ginagawa na ang lahat para magkaroon ng magandang negosasyon, sa layuning magkaroon ng magandang resulta.

Matatandaang ang Caticlan Elementary School ay matagal nang hiniling na ilipat dahil na rin sa ingay dala ng operasyon ng paliparan at sa ginagawang expansion dito.

Thursday, November 24, 2011

Dapat manguna sa pagpapatupad ng mga ordinansa ng Malay, ang pulis o ang MAP?

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

“Sino ang dapat manguna sa pagpapatupad ng mga ordinansang sa isla ng Boracay ang Pulis ba o MAP?”

Ito rin ang naging katanungan ng ilang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Malay kaugnay sa sitwasyon ng Municipal Auxiliary Police (MAP) at Boracay Pulis lalo na sa kung sino ang dapat manguna sa dalawa sa pagsita at pagbibigay ng citation ticket.

Pero kahapon ay tila nabigyan na ito ng sagot matapos ihayag ni Vice Mayor Ceciron Cawaling at SB Member Rowen Aguirre sa harap ni Malay Chief of Police, Inspector Mark Cordero at Boracay Special Tourist Police Office Chief, Supt. Julio Gustilo Jr. ng dumalo ang mga ito sa sesyon, kung saan nilanaw ng dalawang miyembro ng konseho, na ang Pulisya ang dapat magunga at aalalay lamang MAP.

Subalit dahil sa kinaugalian na at ang MAP ang binuo ng kasalukyang administrasyon ng lokal na pamahalaan ng Malay para sa pagpatupad ng ordinansa, sinabi ni Cawaling na ngayon ay dapat ang pulis na ang mamuno, gayong sila naman ang dapat.

Ngunit para naman kay Aguirre, mas mainam na lang sa sitwasyong ito na kung sino ang unang makakita ng paglabag mapa Pulis man ito at MAP, ay siya na lang din aniya ang mag-isyu o magbigay ng citation ticket sa mahuhuli.

Kaugnay sa usaping ito, inihayag ni Supt. Gustilo na si Aklan Governor Carlito Marquez ang nag-apoint dito ay pumili para maging hepe ng BSTPO.

Natanong din ito ng konseho kung kaninong ordinansa ba ang priyoridad niyang ipatupad, ang ordinansa ba ng probinsiya o bayan ng Malay.

Bilang sagot nito, inihayag niyang magiging flexible na lang siya, pero pagdating sa mga kumplikadong sitwasyon, susundin nito ang ordinansa ng pamahalaang probinsiyal.

Insidente ng pagkalunod sa Boracay, nagkataon lang. --- Life Guard

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Nagkataon lang na nasa life guard station para sa pananghalian ang mga dineploy na life guard nang nagyari ang huling naitalang pagkalunod sa Boracay, nitong lunes kaya hindi agad ito napansin o nakita ng mga rescuer.

Ito ang paliwanag ni Commodore Miguel Mike Labatiao ng Life Guard Boracay kaugnay sa insidente ng sunod-sunod na pagkalunod ng turista sa isla.

Gayun pa man, nilinaw nito na ang mga rescuer na ito ay nagbabantay naman sa baybayin ng isla, pero may pagakakataon talagang hindi maiiwasan ang mga katulad na aksidente.

Inihayag din ng huli na nagkaroon sila ng emergency meeting kung saan pinag-usapan ang tungkol sa nasabing isyu, lalo na sa pagpapatupad nila ng mahigpit na pagbabantay sa baybayin.

Sinabi din nito na para masigurong maipapatupad nga ito ay magpapatulong rin sila sa mga security guards para bantayan ang mga bisita ng kanilang resort, dahil madalas namang sa front beach din naka-guwardiya ang mga ito.

Samantala, sinagot din ni Labatiao ang madalas na tanong ng publiko, kung bakit madalas walang tao sa life guard tower, at aminado na rin siya dito.

Aniya, totoo ang ganitong obserbasyon, dahil ang mga life guard, minsan, ay nasa ilalim ng tower at naka-silong, dahil sa tindi ng init kaya sa lilim sila tumatambay.

Dahil dito ay pinag-aaralan na nila sa ngayon na lagyan na lang ng bubong ang tower.

Samantala, kung mapapansin ay sunud-sunod na pagkalunod na ang nangyayari dito sa isla.

Ayon kay Labatiao, napuna niya na nangyayari ito dahil sa walang nakalagay na babala, lasing ang biktima o napabayaan ang bata ng kanilang magulang.

Sa kabilang banda, mariin naman nitong itinanggi na napabayaan na ng lokal na pamahalaan ng Malay ang life guard dahil nakatuon na sa Municipal Auxiliary Police (MAP) ang atensiyon ng LGU, kung kaya’t tila hindi na sila aktibo ngayon.

Aniya, hindi ito totoo, kasabay ng pagbibitiw ng hamon sa mga kritiko ng life guard na silipin din sila sa Life Guard Station para mabatid kung papano nila isinasagawa ang kanilang operasyon.

SB Wilbec Gelito, nanawagan sa Life Guard

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Inihayag ni Sangguniang Bayan Member Wilbec Gelito, Chairman ng Committee on Tourism na makaka-apekto ng bahagya sa industriya ng turismo ang sunod-sunod na insidente ng pagkalunod na naitala sa Boracay.

Naniniwala si Gelito na hindi sana mangyayari ang ganitong ansidente kung pinagtutuonan lang ito ng pansin at prayoridad, lalo na at ang isla ng Boracay ay kilala bilang isang “beach” at ang paliligo sa beach ang ipinunta dito ng mga turista.

Ang mainam umano sa ganitong suliranin ay ang pagtatalaga ng mga karagdagang life guards.

Hiniling din nito na sana ay magusumite ang pinuno ng life guard sa tanggapan ng Alkalde ng listahan kung ano ang kulang at kailangan para ma-aksyunan ito ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Subalit sa ngayon ay dapat na sipagan naman ng mga rescuer at maging alerto sa kanilang pagbabantay.

Samantala, dahil sa mga pangyayaring ito sa Boracay, aminado naman si Gelito na sa dami ng turista sa isla hindi rin maiiwasan ang ganitong aksidente.

Wednesday, November 23, 2011

Videoke bars, hiniling na ipag-bawal sa Boracay!

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay


Nakataktang magpatawag ng Committee Hearing ang Sangguniang Bayan ng Malay sa pangunguna ng Chairman ng Peace and Order at Public Safety na si SB Member Jupiter Gallenero para bigyang hustisya ang ipina-abot na reklamo ni SB Member Jonathan Cabrera, kaugnay sa ingay na dala ng ilang videoke bar sa Boracay.

Ito ay makaraang hilingin ni Cabrera na kung maaari ay ipagbawal na ang operasyon ng videoke bar sa Boracay dahil pangit umano ito para sa industriya ng turismo ng isla.

Dahil dito, nagmungkahi si Gallenero na sa darating ng Biyernes, a-bente singko ng buwang kasalukuyan, ay magpapatawag ito ng pagdinig sa mga komitiba ng konseho na may kaugnayan sa pagpapasa ng batas para sa regulasyon ng mga videoke bar sa Boracay.

Iminungkahi naman si SB Member Rowen Agguire, na isama at imbitahan nalang din sa pagdinig sa darating na Biyernes ang zoning officer ng Malay, pulisya, baranggay officials at engineering department ng LGU para makatulong sa pagbibigay-linaw ukol sa pagsasabatas ng regulasyon patungkol sa mga establisimiyentong ito.

Supt. Julio Gustilo Jr., “choice” ni Gov. Carlito Marquez bilang bagong hepe ng BSTPO

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Kinumpirma ni Supt. Julio Gustilo Jr., bagong Hepe ng Boracay Special Tourist Police Office (BSTPO), na si Aklan Governor Carlito Marquez ang nag-apoint at pumili sa kaniya bilang hepe sa isla, dahil ang BSTPO ay nasa ilalim ng Aklan Police Provincial Office (APPO).

Ang pahayag na ito ni Gustilo ay isinatinig ng opisyal kasabay ng katanungan ng Sangguniang Bayan ng Malay sa isinagawang sesyon kung saan dumalo ang huli para sa isang courtesy call.

Kaugnay nito, may ilang mga usaping nilinaw si Gustilo ukol sa kaniya obligasyon sa isla ng Boracay.

Inihayag niya sa konseho kung ano ang kaniyang mga prayoridad sa pag-upo bilng hepe ng pulis sa isla, at iyon ay ang pagpapatuloy umano ng mga sinimulan ni Supt. Sammuel Nacion, ang dating hepe ng BSTPO.

Maliban dito, sinabi din ni Gustilo na mas pag-iibayuhin nito ang “intelligence” para sa seguridad ng Boracay, at palalakasin nito ang pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan.

Samantala, dahil sa ang gobernador ng probinsya ang nag-appoint kay Gustilo ay hindi rin maiwasang maitanong dito kung kaninong ordinansa ang ipapatupad ng Pulis Boracay, kung ito ba ay ordinansa ng probinsiya o ordinansa ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Bagamat may agam-agam sa kaniyang pagsagot, inihayag pa rin ni Gustilo na pareho niya itong ipapatupad.

Pero pagdating sa mga komplikadong sitwasyon, ang ordinansa na ng probinsiya ang kanyang susundin.

Sa kabilang banda naman, tila pare-pareho ang wish ng mga miyembro ng konseho para kay Gustilo n asana ay tumagal din ito sa BSTPO, hindi katulad sa ibang mga nagdaang hepe na halos papalit-palit lang.

Matatandaang una nang inihayag ni P/S Supt.Cornillo Defensor, Provincial Director ng APPO, na ang gobernador ng probinsya at alkalde ng Malay ang pipili ng bagong hepe para sa BSTPO.

Ngunit kinumpirma naman ni Gustilo sa konseho na si Governor Marquez ang nag-appoint dito.

Monday, November 21, 2011

Pagtaas sa singil ng Terminal Fee sa Caticlan Jetty Port, dapat unawain --- Maquirang

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Tila inaasahan na ni Caticlan Jetty Port Administrator Nieven Maquirang ang pagtutol ng publiko sa pagtaas ng Terminal Fee sa Caticlan Jetty Port, at naiintindihan naman niya ito, lalo na kung ang pagtutol na ito ay mula sa stakeholders.

Gayon pa man, pag-unawa ang hinihiling ni Maquirang mula sa mga apektadong sektor ng napipintong pagtataas ng singil sa nasabing puwerto.

Ayon dito, hindi lamang umano ang Caticlan Jetty Port ang nagpapatupad ng na may karagdagan singil dahil maging ang Caticlan Airport ay may ihinihirit ding pagtataas sa kanilang mga singilin.

Hindi rin dapat aniya manghinayang sa mangyayaring pagtataas, lalo pa at ang kikitain naman mula dito ay mapupunta sa pagpapa-unlad ng pasilidad ng pantalan para sa maayos na pagtanggap sa mga turista, at hindi naman pwedeng lahat na lang umano ay iasa pa sa kakahingi sa pamahalaang nasyonal.

Samantala, kahit na may mga tumututol, naniniwala pa rin ang administrador na ipagpapatuloy pa rin ng Sangguniang Panlalawigan ang pag-pasa sa ordinansang babago sa Revenue Code ng Aklan.

Subalit ang section o probisyon umano doon na tinututulan at kwestiyunable ay maaring hindi muna ipatupad.

Kita sa pagtaas ng Teminal Fee sa Caticaln Jetty Port, paghahati-hatian

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Bagamat kumpirmadong isinusulong na sa ngayon ang planong pagpapataas sa singil ng Terminal Fee sa Caticlan Jetty Port mula sa pitongpu’t-limang piso hanggang ay gagawin na itong isangdaang piso, ihinayag ni Caticlan Jetty Port Administrator Nieven Maquirang na kapag naipatupad na ito ay hindi lang naman sa pamahalaang probinsiya mapupunta ang kikitain dito.

Ayon kay Maquirang, 20 porsiyento dito ay mapupunta sa lokal na pamahalaan ng Malay, sa barangay ng Manoc-manoc at Caticlan.

Napag-alaman din mula sa administrador na ang matitirang bahagi na walumpung porsiyento ay gagamitin sa pagbabayad ng 260 milyong pisong bond floation ng probinsiya.

Gayon pa man, ang pagsasabatas sa planong pagtaas sa terminal fee ay kasalukuyang nasa estado pa lang ng pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan, ngunit nakapagsagawa na rin ayon dito ng public hearing.

Ang nasabing proposisyon ay bahagi na rin ng pagbabago sa isinusulong na Revenue Code ng Aklan na siyang pinagdedebatihan ng SP sa kasalukuyan.

Samantala, bagama’t 80 porsiyento ang mapupunta sa pamahalaang probinsiyal, ang matitira naman sa kanila ay mapupunta sa mga gastusin sa operasyon ng Jetty Port, katulad ng pambili ng CCTV Camera para sa Caticlan at Cagban Jetty Port, metal detector o x-ray machine para sa passenger’s terminal ng RoRo, pagpapa-unlad sa mga pasilidad ng pantalan, at ilalaan sa mga inprastrakturang ipamamahagi sa iba’t-ibang bayan sa Aklan.

Inihayag din ni Maquirang na kapag na-aprubahan ang isangdaang pisong Terminal Fee ay maaring manatili hanggang tatlong taon na nang mangyayaring pagtataas o pagdadagdag sa babayaran para sa mga turistang papasok sa Boracay.

Sunday, November 20, 2011

Pagalapit ng BIR-Aklan sa mga Taxpayer, na skedyul na

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Ipinagmalaki ni Revenue District Officer Ricardo J.  Osorio ng Bereau of Internal Revenue (BIR) Aklan ang matagumpay nilang pakikipag-pulong sa mga taxpayer sa cluster ng Malay, Boracay, at Buruanga nitong ika-siyam ng Nobyembre dito sa isla ng Boracay.

Ikinatuwa nito ang naging resulta sapagkat marami ang dumalo lalo na sa bahagi ng mga stakeholder ng isla, at sa pagtugon nila sa imbitasyon ng kawahihan para makinig sa pulong na iyon.

Nagbigay din umano sila, ayon kay Osorio, ng update sa mga taxpayer hinggil sa koleksyon at ipinaabot ng BIR sa mga dumalo ang adjustment na ipinapatupad nila.

Nabatid dito na halos dalawangdaan din ang dumalo sa nasabing pulong.

Samantala, gayong tapos nang makadaupang-palad ang unang at ikalawang batch ng mga taxpayer sa Aklan ay inaasahang sa susunod na mga araw ay magkakaroon din sila ng skedyul para sa cluster ng Ibajay, Nabas at Tangalan na gaganapin sa bayan ng Ibajay sa darating na ika dalawangpu’t-dalawa ng Nobyembre.

Sa ika dalawampu’t-apat naman ng Nobyembre ang para sa cluster ng Libacao at Madalag, samantalang sa ika-dalawampu’t-siyam ng Nobyembre ang para sa Altavas at Balete.

Sa kabilang banda, tapos na sa kanilang iskedyul ang bayan ng Kalibo at Numancia.

Samantala, dahil sa patuloy pa rin ang kamapanya ng nasabing kawanihan tungkol ukol sa tama at nasa oras na pagbabayad ng buwis, may mga delikuwenteng establishimiyento pa rin umanong naka-hilera ngayon sa BIR para sa “Operasyon Kandado”, ngunit hindi naman nabanggit ni Osorio kung kailan ito ipapatupad.

Negosasyon para mailipat na ang Caticlan Elementary School, wala pang linaw

Ni Edzel Mainit, Senior Field Reporter, YES FM Boracay

Malabo pa rin hanggang sa ngayon ang estado ng Caticlan Elementary School kung maililipat nga ito kasabay ng expansion na gagawin sa Godofredo P. Ramos Caticlan Airport.

Maging si Malay District Supervisor ng Department of Education (DepEd) Arlene Regalado ay nagsasabing hanggang sa ngayon ay hindi pa nila talaga batid kung ano na ang tugon ng lokal na pamahalaan ng Malay, gayong sa pagkakaalam umano nito, ang negosasyon at ang desisyon ukol sa relokasyon ng paaralaan ay nasa kamay ng LGU Malay at pamunuan ng nasabing paliparan.

Subalit hanggang sa ngayon ay wala pang linaw kung may nabuo nang desisyon.

Ang Caticlan Elementary School lang umano ang humiling para sa relokasyong ng nasabing paaralan.

Samalantala, mariin namang sinabi ni Regalado na ang budget para sa hostel na planong itayo sa Balabag Elemtary School ay hindi maaaring galawin kahit na ilalaan ito para sa Caticlan Elementary, dahil ang proyektong ito ay pag-aari aniya ng national level ng DepEd.

Matatandaang matagal nang suliranin ng Caticlan Elementary ang ingay na dala ng paliran sa mga mag-aaral doon, kaya humiling ang mga guro, magulang at opisyal ng barangay at bayan na ilipat ang paaralang ito.

Bagamat noong una di umano ay nangako ang bagong pamunuan ng paliparan na tutulungan sila para mailipat ito.

Hanggang sa dumating ang punto, dahil sa kawalan ng solusyon, naisip ng Caticlan Brgy. Council na magpasa ng resulosyon para ang pundo na inilaan sa tinututulang Hostel sa Boracay ay ibigay nalang sana sa Caticlan Elementary.

Ngunit nilinaw ni Regalado na hindi ito pwedeng mangyari.