YES THE BEST 911 BORACAY

Monday, January 15, 2018

Master Development Plan para sa Malay, kasado na

Posted January 15, 2017
Ni Danita Jean A. Pelayo, YES THE BEST Boracay

Image may contain: 1 personNilagdaan na ni Malay Mayor Ceciron Cawaling ang Master Development Plan para sa pagsasaayos ng Bayan ng Malay sa pagpasok ng taong kasalukuyan.

Naganap ang naturang kasunduan nito lamang ika-3 ng Enero sa gitna nina Cawaling at ng sikat na urban planner na si Arch. Felino Palafox Jr.para sa isasagawang Malay Tourism Master Plan.

Ayon kay Executive Assistant II Jimmy Maming, ang naturang hakbang ay legacy project ng Cawaling administration na layung pagtuunan ng pansin ang mainland ng Malay para mabawasan ang sikip sa isla.

Dagdag pa nito, ang mga nakapaloob sa naturang kasunduan ay ang Commercial and Transport Terminal Complex, Road Network Indicative Plan, Malay Harbor Series, Malay Boracay Regulated Bridge Perspective Development Plan, Boracay Mainroad Widening and Beautification Plan, Boracay Beachwalk Beautification Plan,Boracay Tourism Renewal Plan, Docking Area for Tambisaan and Bil-am and Perspective and Development Plan of Community-based Eco-Tourism.

Nabatid na ang mga nabanggit na ito ay nakapaloob sa pitong buwang pinirmahang kontrata.
Samantala, ang Palafox Associates ay kasama sa listahan ng mga nangungunang architectural firm sa mundo.

Chinese Tourist, pinakamataas na bilang na bumisita sa isla

Posted January 15, 2017
Ni Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Muling nanguna ang mga Chinese Nationals na bumisita sa isla ng Boracay sa buong taon ng 2017.

Ito ay base sa datos na ibinigay ni Felix Delos Santos, Municipal Chief Tourism Operations Officer ng Malay Municipal Tourism Office.

Sa rekord ng kanilang opisina, umabot sa 375, 284 ang bilang ng mga Chinese nationals na bumisita sa isla habang pumapangalawa ang Korean nationals na may 356, 644 at sinundan naman ng mga Taiwanese na nakapagtala ng 40, 802.

Samantala, napabilang rin dito ang bansang US na nakapagtala ng 22, 648, Malaysia na may 20, 585, United Kingdom na may 17, 416, Saudi Arabia 15, 365, Russia 14, 074 at panghuli ay Singapore na mayroong bumisita na 9, 897.

Nabatid, nalagpasan ang 1.8 na target na tourist arrival na umabot pa sa dalawang milyon.

Target naman ngayon taon ng Malay Municipal Tourism Office (Mtour) ang 2.2 milyon na tourist arrival.

1.16 billion ilalaan para sa Drainage System sa Boracay

Posted January 15, 2017
Ni Inna Carol l. Zambrona, YES THE BEST Boracay

Maglalaan umano ngayon ng 1.16 Billion na budget ang Department of Tourism sa pagpapa-ayos ng drainage system sa isla ng Boracay.

Ito umano ang ipinangako ni Tourism Secretary Wanda Teo sa ginawang pulong noong nakaraang  Martes ayon kay SB Committee on Environment Protection Chairman  Nenette Aguirre-Graf.

Ang budget umano ay magmumula sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o (TIEZA) katuwang ang Department of Environment and Natural Resources.

Ani Graf, kasama rin sa pagtutu-unan ng pansin ang mga lugar na may “NO BUILD ZONE” sa isla dahil posibleng may mga nakatayo ng straktura o establisyemento dito.

Nabatid sa nakalipas na taon ay aprobado na ang P 760 Million na budget para sa drainage project ng isla habang ngayong 2018 naghahanap ang TIEZA ng mag-aaproba para naman sa karagdagang  P 400 Million na budget upang makompleto na ito bago matapos ang taong 2019.

Matatandaang una nang sinimulan ang Phase I ng drainage system noong 2014 at susunod naman nitong aayusin ay ang Phase II na kung saan ngayon taon umano ito sisimulan.

Noong nakaraang linggo ay nag aerial-inspection sina DENR Secretary Roy Cimatu at DOT Secretary Wanda Tulfo-Teo para makita ang sitwasyon sa Boracay bago nakipagpulong sa mga stakeholders kasama sina Aklan Governor Joeben Miraflores at Malay Mayor Ceciron Cawaling.

Umaasa naman ang mga stakeholders at residente sa Boracay na itong hakbang ng dalawang ahensya ay maisasakatuparan sa lalong madaling panahon.