YES THE BEST 911 BORACAY

Wednesday, August 08, 2018

Mataas na kaso ng Dengue sa ManocManoc, naitala ng PHO-Aklan

Inna Carol Zambrona, Yes The Best Boracay NEWS Department
Posted August 8, 2018

Sa kabuuang 45 kaso ng dengue sa bayan ng Malay, nakapagtala ng dalampu’t siyam na kaso ng nakamamatay na sakit dulot ng kagat ng lamok ang Boracay ayon sa pinakahuling datos ng Provincial Health Office ng Aklan.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuachon Jr. ng PHO Aklan, ang ManocManoc ang may pinakamataas na kaso ng dengue sa Malay na mayroong dalampu’t apat habang ang Brgy. Balabag ay mayroong apat at isa naman ang naitala mula sa Brgy. Yapak.

Nagkaroon na umano ng clustering of cases ng Dengue sa ManocManoc dahil may naitala na tatlo o higit pang kaso sa loob ng apat na magkasunod na linggo.

Naka-alerto na raw ang MHO-Malay at may nakahanda ng gamit tulad ng mosquito fogging machine sakaling magkaroon ng impending outbreak.

Habang patuloy ang kanilang monitoring, payo ni Cuachon, kapag may lagnat at rushes na minsan ay may sakit ng tiyan at pagsusuka ay agad magpakunsolta sa pinakamalapit na health center, hospital, o klinika.

Sa record, lumalabas din na sa buong rehiyon ng Western Visayas, ang probinsya ng Aklan ang may pinakamataas na attack rate na umabot na sa 750 na kaso mula Enero hanggang Hulyo 29.

Dahil sa pangyayaring ito, ayon kay Cuachon, magpapadala na ng Dengue Test Kit ang Department of Health sa susunod na buwan na gagamitin ng mga Rural Health Unit.

Ang dengue test kit na ito ay libre na pwedeng sumuri sa mga nilalagnat na ng limang araw para malaman kung may dengue.

Samantala, upang maiwasan ang pagkakaroon ng dengue virus, payo ng PHO sa publiko,gawin ang 4'o clock habit kabilang na ang paglilinis sa paligid na posibleng tirahan ng mga lamok.

#YesTheBestBoracayNEWS

Tuesday, August 07, 2018

Top 3 most wanted person ng Iloilo City at high value target drug personality, arestado sa Boracay

Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay
Posted August 6, 2018

Image may contain: one or more people and text
Arestado sa isinagawang operasyon ng pinagsamang pwersa ng mga kapulisan ang top 3 most wanted person at high value target drug personality sa Iloilo sa Sitio Tulubhan, Brgy. ManocManoc kahapon ng hapon.


Kinilala ang wanted na suspek na si Rommel Quidato, 29 -anyos tubong Veterans Village, Iloilo City at temporaryong nakatira sa Sitio Tulubhan, , Boracay.

Nahaharap sa kasong Violation of Section 5 at 12, Article 2 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at kasong homicide si Quidato.

Nahuli ang suspek katuwang ang Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) na may warrant of arrest na binaba ni Hon. Judge Victor Gelveson, presiding judge ng Regional Trial Court (RTC) branch 36, Iloilo at warrant of arrest sa kasong homicide na ibinaba ni Hon. Gemma Lyn Tarol , acting presiding judge, RTC branch 31, Iloilo.

Samantala, wala namang inilaang piyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.

Nakatakda itong iturn-over sa Iloilo para sa karampatang disposisyon.

#YesTheBestBoracayNEWS

DILG-6, pinayuhan ang mga resort at hotel na maging “Compliant” bago tumanggap ng turista sa Boracay re-opening

Posted August 6, 2018

No automatic alt text available.“Wala pa dapat na establishments ang makapagsasabi na sila ay maka-open na sa Oktubre”.

Ito ang pahayag ni DILG Regional Director Atty. Anthony Nuyda matapos malaman ng huli na ang ilang resort sa Boracay ay nagsagawa na ng anunsyo na sila ay tatanggap na ng bisita sa Oktubre 26, 2018.

Sa huli umanong Inter-Agency meeting na kaniyang dinaluhan, napagkasunduan na kapag na-kumpleto na ang lahat ng permits at na-validate na ng DENR ang ECC, ang DOT ay magbibigay ng certification o accreditation.

Ang DOT accreditation na ito ang magpapatunay na opisyal ng “compliant” ang isang establisyemento at maaari na itong tumanggap ng bookings o mag-promote bago ang re-opening ng Boracay.

May mga proseso na dapat pagdaanan para hindi magkaproblema ang mga turista sa bookings sakaling hindi pahintulutang magbukas ang isang resort hotel.

Ayon pa kay Nuyda, posibleng i-publish ng Inter-Agency Task Force at DOT ang listahan ng mga compliant para malaman ng publiko at turista kung sino ang legal at pwede lang tumanggap ng bisita.

Pero bago nito ay dadaan pa sa masusing pagbeberipika sa One Stop Shop ang mga isinusumeteng dokumento ng mga negosyante tulad ng LGU Permits, BFP Certificates at higit sa lahat ang validation ng DENR sa ECC at compliance sa STP.

Sa pinakahuling datos ng DILG, sa 2,366 na napuntahan ng inspection team, nasa 314 pa lang ang may kumpletong permits na binigyan na ng #ISavedBORACAY tarpaulin.

#YesTheBestBoracayNEWS
#BoracayClosure

Monday, August 06, 2018

Satellite Office ng LTO sa Malay, itatayo na

Inna Carol L. Zambrona, YES THE BEST Boracay
Posted August 6, 2018

Isanggroundbreaking ceremony ang isinagawa nitong Sabado para pormal na i-anunsyo ang pagtatayo ng bagong opisina ng Land Transportation Office o LTO sa Sitio Bacolod Caticlan sa bayan ng Malay.

Ang seremonya ay pinangunahan ni LTO-6 Asst Regional Director Atty. Gaudioso Geduspan na dinaluhan nina Aklan Congressman Carlito Marquez at ni Malay Administartor Ed Sancho.

Ang itatayong opisina ayon kay Geduspan ay malaking tulong para mapadali ang pag-proseso ng mga dokumento ng mga sasakyan at papeles ng mga drivers na hindi na kailangan pang pumunta ng Kalibo.

Aniya, ang bayan ng Ibajay, Nabas, Malay, Buruanga, mga taga-Antique at iba pang lugar na gustong mag-proseso ay pwedeng tanggapin oras na matapos ang itatayong gusali.

Ikinatuwa rin ni Cong. Carlito Marquez ang inisyatibong ito na aniya ay napapanahon ang paglalagay ng LTO satellite office para mapagsilbihan ang kalapit na lugar dahil sa dumaraming tao at lumalagong ekonomiya ng probinsya.

Samantala, pinasalamatan din ni LGU-Malay Executive Assistant V Eduardo Sancho ang may-ari ng lupa at si Atty. Rey Traje ng (Traje-Panado-Wacan) Group Inc. dahil sa naisakatuparan ang proyektong ito.

Saksi rin sa ground breaking ceremony sina SP Member Nemesio Neron, Acting Chief LTO Kalibo Eng. Marlon Villes, LTO 6 Legal Officer Alan Sacramento at iba pa.

Ang nasa 1,200 sq. m. lawak ng pagtatayuan ay posible umanong matatapos ang construction bago ang re-opening ng isla.

#YesTheBestBoracayNEWS