YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, August 30, 2014

2 kaso ng chikungunya sa Aklan, kinumpirma ng PHO

Posted August 30, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Kinumpirma ng Provincial Health Office (PHO) ang dalawang kaso ng chikungunya sa Aklan.

Ayon kay Provincial Health Officer I, Dr. Cornelio Cuachon, Jr. , ang nasabing dalawang kaso ay nagmula sa bayan ng Buruanga.

Sa ginanap na orientation and press conference ng Department of Health (DOH) at PHO tungkol sa nationwide Measles Rubella Oral Polio Vaccine Mass Immunization para sa buwan ng Setyembre.

Ipinaabot dito ni Cuachon na gaya ng pag-iingat sa dengue, dapat ay iwasan na makagat ng mga lamok na siyang nagpapakalat ng mga virus.

Anya, lumitaw sa pagsususri ng DOH na nakuha ang sakit na ito sa kagat ng lamok at naililipat ng tao sa tao.

Ang lamok na may dalang Chikungunya virus ay nagtatago sa mga drum, timba na mayroong tubigulan, sa inuman ng mga hayop, mga lumang gulong at mga hindi ginagamit na sisidlan ng pagkain.

Ang pasyenteng may Chikungunya fever, ay makakaramdam ng pananakit ng kasukasuan sa ikatlo hanggang ikapitong araw.

Wala umanong direktang gamot dito ngunit maaaring gumamit ng mga analgesic at non-steroidal anti-inflammatory medication upang mapababa ang nararamdaman.

Iwasan naman umano ang pag-inom ng anuman uri ng aspirin.

Karagdagang pasilidad sa Tambisaan Port, masisilayan sa 2015

Posted August 30, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Masisilayan sa susunod na taong 2015 ang mga karagdagang pasilidad sa Tambisaan Port kabilang na ang street lights.

Ito ang sinabi ni Brgy. Captain at LIGA President Abruam Sualog matapos ang kanilang planong pagpapayos ng nasabing pantalan sa susunod na taon.

Nabatid na kulang ngayon ang ilaw sa Tambisaan Port na siyang nagiging problema ng ilang mga turista sa tuwing gabi ang kanilang biyahe.

Napag-alaman na kanya-kanya na rin ang mga itong pailaw sa kanilang dalang cellphone  lalo na sa pagsakay at pagbaba ng bangka.

Maliban dito ang pagpapalawak ng waiting area, ticketing office at daungan ng mga bangka ang siyang prayoridad na ipapayos ng Local Government Unit ng Malay sa darating na summer sa 2015 para paghandaan ang Habagat Season.

Samantala, pansamantala parin ngayong ginagamit ang Tambisaan at Tabon Port dahil sa nararanasang Habagat kung saan mapapaga rin ang muling paglipat nito sa Cagban at Caticlan Jetty Port dahil sa magandang panahon at mabilis na pagkawala ng Habagat Season.

Lalaki isinugod sa ospital sa Kalibo matapos saksakin sa Boracay; suspek, at- large

Posted August 30, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Matapos mabigyan ng paunang lunas ay kaagad na idineretso sa isang ospital sa bayan ng Kalibo ang biktima ng pananaksak kagabi sa Boracay.

Kinilala sa blotter report ng Boracay PNP ang biktima na si Jomar Magcalayo, 28 anyos ng Sta. Fe Romblon at pansamantalang naninirahan sa So. Bantud Manoc-Manoc Boracay.

Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, kasama ng biktima ang lima nitong mga kaibigan na umiinom sa isang bar sa nasabing lugar alas onse kagabi, nang dumating naman ang grupo ni Jonathan Tecyo, kasama ang tatlo pang mga kalalakihan.

Ayon pa sa report ng mga pulis, tumungo umano si Tecyo sa CR na sinundan naman ng biktima.

Subalit, ilang sandali pa ay dali-dali umanong lumabas sa CR si Tecyo, kung saan nagwawala na ito at nambabato ng bato sa loob ng nasabing bar, dahilan upang palabasin ang mga ito ng management.

Ilang sandali pa, matapos umanong lumabas ang grupo ng biktima sa nasabing bar ay nakita ng mga ito si Tecyo kasama ang kanyang kapatid na si Jerry na may hawak-hawak na kutsilyo.

Bigla di umanong lumapit si Tecyo ay sinaksak ang biktima na tumama naman sa kanang bahagi ng upper abdomen nito.

Samantala, nagpapatuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga taga Boracay PNP Station, kung saan nanataling at- large ang suspek.

Under water tunnel, gustong pasukin ng isang kumpanya sa Boracay

Posted August 30, 2014
Ni Jay-ar M.Arante, YES FM Boracay

Gustong pasukin ng isang kumpanya mula sa Korea ang pagkakaroon ng Under water tunnel sa isla ng Boracay.

Katunayan, dumalo ang kumpanyang Zand Global Trading Incorporated sa ginanap na 25th SB Session nitong Martes sa bayan ng Malay para sa nasabing proyekto.

Sa pangunguna ni Zand Global Trading Inc. Director Sandra Han at ni Global Trading President Asash Zand Bahrami ay nagkaroon sila ng presentation ng kanilang proposed project para sa isla ng Boracay.

Anila ito ay isang malaking tulong para sa lahat ng mga tatawid sa isla ng Boracay maliban sa isang magandang atraksyon sa ilalim ng tubig at dagdag na turismo sa isla.

Ngunit sa kabila nito tila nangangamba naman ang konseho ng Sangguniang Bayan dahil sa masyado umano itong kumplikado sa ngayon at ilang proseso pa ang kailangang gawin kung saang lugar mismo ito itatayo.

Samantala, mas minabuti naman ni Vice mayor Wilbec Gelito na ipasa sa Committee on Public Works and High-ways ang proposed project para sa masusing pag-aaral.

KASAFI, naghahanda na para sa Ati-Atihan Festival 2015

Posted August 30, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Apat na buwan nalang bago ang 2015, subalit naghahanda na ang Kalibo Sto. Niño Ati-Atihan Foundation, Inc. (KASAFI) para sa nalalapit na Ati-Atihan Festival.

Katunayan, inilabas na ng KASAFI ang schedule ng nasabing aktibidad para sa kapistahan ni Sto. Niño na gaganapin sa January 9 to 18, 2015.

Ayon kay KASAFI Chairman Albert Meñez, nasa pitumpung porsyento na ang kanilang paghahanda ngayon para sa iba’t-ibang aktibidad katulad ng “Mutya at Lakan ng Aklan”, Opening Salvo, Higante Parade, body painting at maging ang pagtatanghal ng ilang sikat na artista sa bansa.

Samantala, magkakaroon pa umano ng mga pagpupulong para sa alokasyon ng budget ng mga sasaling tribo sa street dance competition sa darating na buwan ng Enero.

Tinyak naman ng Kalibo Sto. Nino Ati-Atihan Foundation Inc. na magiging maganda ang gaganaping 2015 Ati-Atihan Festival.

Friday, August 29, 2014

Security guard nabiktima ng “hit and run” sa Boracay

Posted August 29, 2014
Ni Jay-ar  M. Arante, YES FM Boracay

“Hit and Run”.

Ito ang inabot ng isang security guard ng Cagban Jetty Port matapos mabunggo ng isang nag-overtake na motorsiklo sa Ambulong Manoc-manoc kaninang alas-4 ng hapon.

Ayon sa report ng biktimang si Renato Ambay, 52-anyos ng Bagong Bayan, Pandan, Antique sa Boracay PNP, nagbabantay umano siya ng masasakyang tricycle nang may biglang sumunggab sa kanyang motorsiklo na minamaneho ng isang foreigner.

Aniya, matapos umano siyang mabunggo ay limang beses siyang nagpagulong-gulong sa kalsada dahilan para magtamo siya ng malalim na sugat sa kanyang kaliwang paa.

Masuwerte din umano at hindi siya napuruhan sa nasabing aksidente kung kaya’t nakuha nitong mag-parecord ng kusa sa Boracay PNP.

Sinabi pa nito na nag-agawan umano sila susi ng ng driver ng motor ngunit bigo siyang makuha ito dahilan para mabilis na tumakas ang suspek.

Bigo naman ang biktima na makuha ang plate number ng motorsiklo ngunit natatandaan naman nito ang itsura ng nakabunggong foreigner sa kanya.

Mga manggagawa na sangkot sa ibat-ibang kaguluhan sa Boracay ikinabahala ng DOLE

Posted August 29, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tila ikinabahala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagkakasangkot ng mga manggawa sa ibat-ibang kaguluhan sa isla ng Boracay.

Ayon kay DOLE Aklan Head Vidiolo Salvacion, nababahala siya sa mga ganitong pangyayari ngunit hindi naman umano sila puweding manghimasok dito kung sa loob ng working area naganap ang insidente.

Aniya, maaari lamang silang makialam kung ipapatawag sila ng management ng empleyado at kung sa labas nangyari ang kaguluhan.

Nabatid na sa libo-libong manggagawa sa Boracay ay karamihan sa mga ito ang nasasangkot sa ibat-ibang gulo kung saan kapwa katrabaho rin nila ang kanilang nakakaalitan.

Sinabi naman ni Salvacion na wala pa namang lumapit sa kanila na mga nagtratrabaho sa Boracay na may kaugnayan sa ganitong kaso.

Samantala, patuloy din umano ang kanilang pag-momonitor sa isla ng Boracay para mapangalagaan ang kapakanan ng mga mangagawa.

Australian national, ninakawan ng mga gadget sa Boracay; suspek, at- large

Posted August 29, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nanatiling at- large ang suspek sa nangyaring pagnanakaw sa isang Australian national sa Boracay.

Nabatid sa blotter report ng Boracay PNP na alas onse kagabi habang natutulog sa kanyang kwarto sa isang hotel ang Australianong si Stephen Colin Knight, 50 anyos nang pasukin ng kawatan.

Ayon sa biktima, nagising ito sa nasabing oras at nakita ang isang hindi kilalang lalaki na nakasuot ng itim na t-shirt na kinukuha ang kanyang mga gamit.

Hinabol pa umano nya ito, subalit hindi na naabutan dahil sa mabilis na nakatalon ang suspek sa terasa ng nasabing kwarto.

Natangay mula sa biktima ang kanyang laptop, cellphone at isang backpack.

Samantala, lumalabas naman sa pagsisiyasat ng mga pulis na dumaan ang nasabing kawatan sa entrance/exit ng terasa saka pumasok sa nakabukas na pinto ng nasabing kwarto.

Napag-alaman din na walang CCTV camera ang nasabing hotel na makakatulong sana sa pagkakakilanlan ng suspek.

Nagpapatuloy naman ngayon ang imbestigasyon ng mga pulis.