YES THE BEST 911 BORACAY

Saturday, March 22, 2014

Life Guard Boracay, hands on na sa pagbabantay sa beach front ngayong papalapit na summer season

Posted March 22, 2014 as of 12:00 noon
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Hands on na ngayon sa pagbabantay ng beach front ang Life Guard Boracay.

Ito ang sinabi ni Life Guard Supervisor Mike Labatiao kaugnay sa pagdagsa ng mga local at dayuhang turista sa isla para magbakasyon lalo na’t papalapit ang summer season.

Aniya, bagamat nanatiling naiiwasan ang mga maritime accident sa isla, hindi umano kumpyansa ang local na pamahalaan dahil sa may iilan paring mga pasaway na naliligo dito.

Isa sa mga tinutukoy rito ni Labatiao ay kaugnay sa naunang nyang pahayag hinggil sa paggamit ng floater sa dagat.

Hindi kasi umano ito maituturing na ligtas gamitin para sa dagat lalo na sa mga kabataan na kung minsan ay nagiging dahilan pa ng aksidente.

Samantala, malugod naman nitong sinabi na patuloy ang pagpapakalat ng mga life guard sa beach front para magbantay at masiguro ang kaligtasan ng mga naliligo.

Pinaalalahanan din nito ang lahat na maging maingat at huwag pupunta sa malalim na bahagi ng dagat lalo na kung may kataasan ang tubig at malakas ang alon para maiwasan ang disgrasya.

Paggamit o pagsuot ng floater sa pag-swimming, maaaring maging batas sa Boracay

Posted March 22, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Maaaring maging isang ganap na batas ang paggamit o pagsuot ng floater sa paliligo sa karagatan ng Boracay.

Ito’y sakaling matuloy ang binabalak na pagdulog ni Life Guard Supervisor Mike Labatiao sa Sangguniang Bayan ng Malay kaugnay nito.

Aniya, ang paggamit ng floater sa dagat ay hindi isang magandang paraan kung saan nagdudulot pa ito ng piligro sa mga naliligo.

Isa sa kinababahala nito ay ang mga batang kalimitang nagsusuot ng floater kapag nag swi-swimming sa dagat na inaaakala nilang ligtas gamitin.

Kabilang pa umano sa mga kailangang ipagbawal ay ang mga salbabida na pangbata na sadyang hindi puwedi sa dagat ng walang nagbabantay.

Suhestisyon ni Labatiao, ang mga ganito aniyang bagay ay dapat ginagamit lamang sa ligtas na lugar katulad ng swimming pool kung saan hindi ligtas ang tubig.

Samantala, bago paman umano ito maging ganap na batas ng LGU Malay, kinakailangan aniyang gabayan ng kanilang mga magulang ang kanilang mga anak na gumagamit nito para makaiwas sa anumang disgrasya.

Bagamat todo alerto ang ginagawang pagbabantay ng Life guard personnel sa front beach ng Boracay hindi parin maiwasan na mayroong mangyaring insedente katulad ng pagkalunod dahil na rin sa mga pasaway na naliligo na hindi marunong sumunod sa kanilang mga paalala.

Tourist Arrival sa Boracay, umabot ng 324, 404 sa loob lamang ng 3 buwan ngayong 2014

Posted March 22, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Photo credit by senyorlakwatsero.com
Umabot na sa 324, 404 ang naitalang tourist arrival sa Boracay ng Caticlan Jetty Port Administration sa loob lamang ng tatlong buwan ngayong 2014.

Ayon kay Special Operation III Jean Pontero ng Caticlan Jetty Port, ito ay base sa kanilang naitalang record simula ng pumatak ang taong 2014 hanggang ngayong kalahating buwan ng Marso.

Sa kabuuang bilang umabot ng 122, 629 ang mga turistang pumunta sa Boracay nitong Enero habang 118, 096 naman Pebrero at 83, 679 ngayong kalahating buwan ng Marso.

Samantala, nangunguna ngayon ang Chinese tourist sa mga foreign arrivals sa Boracay na sinundan ng South Korea at pangatlo ang Taiwan.

Dagdag pa ni Pontero malaking tulong umano ang pagbisita ng mga cruise ship sa Boracay kung saan nagdadala ito ng maraming turista sa isla na siyang nakakadagdag sa kanilang tourist arrival target.

Dahil dito tiwala naman ang Jetty Port Administration at ang Department of Tourism o DOT na maaabot nila ang kanilang target na 1.5 tourist arrival ngayong taong 2014.

Sa kabilang banda dalawang cruise ship na naman ang inaasahang bibisita sa isla ng Boracay ngayong unang linggo ng Abril.

Ipinagkaiba ng summer sa Boracay ngayong 2014 sa 2013, makikita ayon kay BICOO Sacapaño

Posted March 21, 2014 as of 6:00 in the afternoon
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

May kahigpitan at balanse.

Ganito ilarawan ni Boracay Island Chief Operations Officer (BICOO) Glenn Sacapaño ang pagpapatupad sa mga batas at ordinansa sa isla ngayong summer.

Ito’y upang mapangalagaan ang kapakanan ng nakararaming turista at hindi ang interes ng iilan lamang.

Aminado kasi si Sacapaño na nais lamang kumita ng lahat sa isla tuwing peak season sa pamamagitan ng iba’t-ibang events dito.

Subali’t dahil nagkaproblema umano ang mga resort sa ingay na idinudulot ng mga nasabing events, kung kaya’t kailangan na rin aniyang ayusin ng LGU Malay ang pagpapatupad ng mga batas sa isla, partikular na ang tungkol sa 25+5 m easement set back.

Dagdag pa ni Sacapaño na maaaring madismaya ang mga turista sakaling puro na lamang events ang Boracay.

Samantala, umaasa naman ang nasabing administrador na magiging maganda ang impresyon ng mga turista sa isla ngayong summer.

Supervisor Labatiao, nagpaalalang dapat sumunod sa diving procedure ang mga divers sa Boracay

Posted March 21, 2014 as of 6:00 in the afternoon
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nagpaalala ngayon si Life Guard Supervisor Mike Labatiao sa mga divers sa Boracay na sumunod sa tamang diving procedure.

May iilan parin umano kasing mga divers ang pasaway sa isla kung saan hindi sumusunod sa tamang proseso na minsan ay ikinapapahamak ng ilang mga turista.

Ayon kay Labatiao dapat na kumpleto ang diving equipment ng isang diver at dapat sundin kung ano ang nakasaad sa standard operating procedure.

Mayroon umano kasing ilang diver na walang relo, compass, survival balloon at iba pang gamit kaya’t iniisyuhan rin ng violation.

Samantala, payo naman nito sa mga divers na sundin nalang ang mga paalala para masiguro na rin ang kaligtasan ng mga turista sa Boracay, lalo na’t isa ito sa mga itinuturing na isa sa mga pinakamagandang isla sa mundo.

Friday, March 21, 2014

Arabian national na umano’y binato ng botelya sa isang bar sa Boracay, inilipat ng ospital sa Kalibo

Posted March 21, 2014 as of 12 noon
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dahil sa seryosong tama sa kaliwang tenga.

Inilipat ngayon sa isang ospital sa bayan ng Kalibo ang lalaking Arabian national matapos na umano’y binato ng botelya sa isang bar sa Boracay.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP Station, nakilala ang biktima na si Mohammad Abdullah Khou ng Saudi Arabia.

Lumalabas sa imbestigasyon na bandang ala una kanina ng madaling araw nang magkagulo sa isang disco bar sa Balabag, Boracay kung saan isang hindi kilalang suspek ang bumato ng botelya sa biktima.

Ayon pa sa report, nagulat na lamang di umano ang iba pang mga guest doon nang makita ang duguang Arabo, kaya’t agad din umano itong tinulungan at dinala sa ospital.

Subalit dahil sa sentido ang tama nito at hindi tumitigil sa pagdurugo ang sugat sa kaliwang tenga ay mas minabuti itong dalhin sa isang ospital sa Kalibo para sa kaukulang medikasyon.

Nagpapatuloy naman sa ngayon ang imbestigasyon ng mga kapulisan tungkol sa nasabing insidente.

Boracay, hindi magiging problema ang suplay ng kuryente ngayong summer

Posted March 21, 2014
Ni Bert Dalida YES FM Boracay

Hindi magkakaproblema sa suplay ng kuryente ang isla ng Boracay ngayong summer.

Ito ang sinabi ni BICOO o Boracay Island Chief Operations Officer Glenn Sacapaño, kaugnay sa posibleng power shortage o pag-fluctuate ng kuryente na maaaring maranasan ng isla.

Ayon kay Sacapaño, handa na para dito ang mga stake holders dahil meron naman silang mga generators. 

Samantala, bagama’t naniniwala si Sacapaño na hindi magkakaproblema ang mga stake holders sa nasabing power shortage.

Aminado ito na maaapektuhan naman ang mga residente at maging ang mga walang generators sa Boracay.

Nabatid namang ikinabahala ni Vice Governor Gabrielle Quimpo, ang estado ng suplay ng kuryente sa isla ngayong peak season dahil sa problemang kinakaharap ng AKELCO at NGCP sa pagsasaayos ng kanilang 138 kv transmission lines.

Presensya ng berdeng lumot unti-unti nang nasisilayan sa shoreline ng Boracay

Posted March 21, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Photo credit by Tsikot.com
“Summer month is lumot month”

Ito ang tingin ng ilang mga turistang dumadayo sa isla ng Boracay matapos masilayan ang presensya ng mga berdeng lumot sa dalampasigan ng isla.
Sa naging pahayag ni Malay Agricultures Office Marine Biologist Jhon Felix Balquin, sinabi nito na ang pagtahimik umano ng karagatan ang isa sa nagiging dahilan kung bakit nagsisilabasan ang mga lumot na napupunta sa shoreline ng isla.

Ngunit sa pag-aakala ng ilan na ito’y isang palantandaan na summer na nga, nilinaw naman ni Balquin na hindi ito ang totoong basehan sa pagpasok ng summer.

Aniya, wala din umanong katuturan na nakakatulong ang mga lumot sa pag-puti ng  buhangin sa Boracay.

Nauna na ring sinabi ng Department of Environmental and Natural Resources na hindi dapat ikabahala ng publiko ang presensiya ng mga berdeng lumot sa dalampasigan dahil “safe” ito.

Batay naman sa mga isinagawang pagsisiyasat ng EMB ng DENR Regional Office sa tubig ng Boracay, na-classify bilang Class B ang tubig sa beach na nagsasabing ligtas para sa mga naliligo.

Sa kabilang banda hindi naman naging sagabal ang paglabasan ng mga lumot sa mga turistang patuloy na dumadayo sa Boracay para sa kanilang summer vacation.

Samantala, ayon pa sa mga eksperto asahan umanong mawawala ang mga ito kasabay ng pagtatapos ng summer season sa Hunyo.

Vice Governor Gabrielle Quimpo, ikinabahala ang estado ng suplay ng kuryente sa isla ngayong peak season

Posted March 20, 2014 as of 6:00 in the afternoon
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Dapat payuhang maghanda ang mga stakeholders sa Boracay.

Ito ang sinabi ni Vice Governor Gabrielle Quimpo kaugnay sa sitwasyon ng suplay ng kuryente ngayong peak season.

Ikinabahala kasi nito ang problemang kinakaharap ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at Aklan Electric Cooperative (AKELCO), kaugnay sa rehabilitation at restoration project ng mga energy authorities.

Sa ginanap na Aklan SP Session kahapon kung saan inimbitahan ang mga taga NGCP at AKELCO, nagpahayag ng pagkabahala ang bise gobernador matapos nitong marinig mula sa mga nabanggit na tila walang katiyakan kung kailan marere-energize ang 138 kv transmission line ng NGCP.

Samantala, bagama’t nangako ang NGCP na kanilang pipiliting maibalik ang serbisyo ng 138 kv transmission line papuntang Nabas Sub-station, na siya namang pinagkukunan ng suplay ng kuryente ng Boracay.

Humingi naman ang mga ito ng tulong sa Aklan Provincial Government kaugnay sa kanilang nararanasang problema sa right of way sa mga lugar na kailangang ayusin o palitan ang mga posting sinira ng nagdaang bagyong Yolanda.

Nabatid na kasalukuyang gumamit ng kuryente ang Boracay mula sa 69 kv transmission line na sinasabing luma na rin at dapat palitan.

Samantala, nangako naman ang NGCP na matutugunan ang demand sa power supply ngayong peak season, kapag naayos na nang tuluyan ang 138 kv transmission lines.

Chinese Tourist, nangungunang foreign arrivals sa Boracay -Jetty Port Administration

Posted March 21, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Photo credit by boracaymagazine.wordpress.com
Nangunguna sa loob ng unang dalawang buwan ng taong 2014 ang Chinese tourist sa mga foreign arrivals sa isla ng Boracay.
Ito’y makaraang maungusan nila ang South Koreans na sunod-sunod na naitala na may pinakamaraming turistang pumupunta sa Boracay.

Sa naging pagtaya ng Jetty port administration, ang Chinese tourist arrivals ay umabot ng 52, 740 na sinundan naman ng South Korea na 40, 511 habang pumapangatlo ang Taiwan na may 6, 387 arrivals.

Nabatid na marami sa mga Chinese tourists ay pumunta sa Boracay nitong nakaraang Chinese New Year kung saan kinukunsidira nila ang resort island bilang isang tanyag na New Year destinations.

Nakadagdag pa rito ang pagbisita ng Cruise Ship na MS Costa Atlantica nitong Marso a-onse sa Boracay sakay ang mga Mandarin speaking Chinese tourists.

Samantala nitong nakaraang araw ay bumisita sa ikatlong pagkakataon ang MS Europa 2 ng Hapag-Lloyd sa isla sakay ang ilang Chinese tourists.

Napag-alaman na kinukunsidira naman ngayon ng mga Chinese ang Boracay bilang kanilang 16th favorite tourism destinations sa buong mundo.

Thursday, March 20, 2014

34 high school graduating students mula Aklan, kwalipikado sa DOST-SEI Scholarship

Posted March 20, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Masayang ibinalita ng Department of Science and Technology (DOST) Aklan na 34 high school graduating students mula sa probinsya ang kwalipikado sa DOST-SEI Scholarship.

Ayon kay DOST Aklan Science Research Specialist II, Aster Oliva.

Dalawang uri ang scholarship na iniaalok ng SEI, ito ang Program A o ang RA 7687 Scholarship Program at Program B o ang Merit Scholarship Program.

Ang Program A ay para sa mga mag-aaral na nabibilang sa mga pamilyang may mababang socioeconomic status, habang ang Program B naman ay para sa mga mag-aaral na nabibilang sa mga pamilyang may mataas na socioeconomic status.

Samantala, kabilang sa mga pribilehiyo na matatanggap ng mga DOST-SEI scholars ang libreng tuition fee, textbooks and school supplies allowance, physical education uniform allowance, monthly living allowance, group health and accident insurance at post-graduation clothing allowance.

Maaari naman ngayong kumuha ang 34 na bagong iskolar ng ilan sa mga priority courses ng programa tulad ng bachelor’s degree sa larangan ng agham, matematika, biology at engineering.

Sa nasabing pagsusulit, tatlo ang nakapasa galing sa pribadong paaralan habang ang 31 ay mula naman sa iba pang bayan sa probinsya.

Online Application para sa NBI Clearance malaking tulong sa mga Aklanon

Posted March 20, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Malaki umano ang maitutulong para sa mga aplikanteng Aklanon ang online application na inilunsad ng PESO Aklan.

Ito ay naging pagtaya ng Public Employment Service Office (PESO) matapos ang kanilang ipinalabas na proseso sa mga kukuha ng NBI Clearance.

Ayon sa PESO Office kinakailangan lamang ng isang aplikante na magtungo sa kanilang opisina para makapag-apply sa pagkuha ng NBI Clearance.

Nilinaw pa ng PESO na kung sakaling sila’y makapag apply online ay maaari na silang bigyan ng endorsement letter kung saan ito nalang ang kanilang ipapakita sa NBI Iloilo Office kasama na ang numero na ibinigay sa kanila.

Bagamat hindi libre ang pag-apply online ay maaari lamang silang magbayad ng isang daang peso base na rin sa ipinalabas nilang ordinansa.

Nabatid na patuloy parin ngayon ang ginagawang pananaliksik ng provincial government sa mga gagamiting teknolohiya para sa ipapatayong NBI Office sa Aklan.

Samantala, ang PESO- Aklan at Provincial Government ay nakikipagtulungan sa National Bureau of Investigation (NBI) para mapadali ang pag-apply ng clearance hanggang sa tuluyang maibalik ang NBI satellite office sa probinsya.

Babae, isinugod sa ospital matapos saksakin sa Boracay

Posted March 20, 2014 as of 7:00 in the morning
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Police BlotterAgad na isinugod sa ospital ang isang babae matapos saksakin ng hindi kilalang lalaki sa So. Tambisaan Manoc-manoc, Boracay.

Ayon sa asawa ng biktima na si Clemar Clemente, isang malakas na tunog ang narinig ng kanyang asawa na si Salvacion Clemente, 44-anyos galing sa kwarto ng anak nitong babae madaling araw kanina.

Agad umanong pinuntahan ng kanyang asawa ang nasabing kwarto at laking gulat nito na isang lalaki ang nandodoon at may hawak-hawak na 13 pulgadang kutsilyo.

Tinanong umano ng biktima kung ano ang ginagawa roon ng nasabing lalaki subalit, bigla na lamang umano itong sinaksak sa kanyang kaliwang braso at agad na tumakas sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana.

Nang magsisigaw na umano ang biktima ay agad itong pinuntahan ng kanyang asawa at nakuha ang naiwang kutsilyo kung saan etinurn-over naman sa Boracay PNP Station.

Samantala, sa isinagawang imbestigasyon ng mga taga Boracay PNP Station, nakilala ang suspek kay certain “Idong” ng nasabi ring lugar na patuloy paring pinaghahanap ng mga otoridad.

Ukrainian national, nabiktima ng kawatan sa Boracay

Posted March 20, 2014 as of 7:00 in the morning
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Mangiyak-ngiyak na humingi ng tulong ang isang Ukrainian National sa Boracay PNP station matapos mabiktima ng kawatan sa Boracay.

Ayon sa salaysay ng biktima sa kapulisan na si Maksim Ohurtsov, 35- anyos ng Dnipropetrovsk, Ukraine.

Mag-aalasingko ng hapon kahapon di umano nang magdesisyon itong ipatong muna ang kanyang short pants sa taas ng malaking coral habang naliligo sa So. Din-iwid Balabag Boracay.

Nang ilang sandali pa, makalipas ang ilang oras na paliligo ay sinuri nito ang kanyang mga gamit, saka nalamang nawawala na ang kanyang dalawang cellphone, private bank card at pera na nagkakahalaga ng apat na libong piso.

Ayon pa sa biktima na habang naliligo umano ito ay may napansin syang isang hindi kilalang babae malapit sa lugar ang tila malisyosong tinitingnan ang kanyang gamit na nakapatong sa itaas ng malaking coral.

Sinasabi rin ng mga nakasaksi doon na posibleng ang hindi kilalang babae ang dumikwat sa pera at gamit ng turista kung saan nakita umano itong lumapit sa pinagpatungan ng gamit ng biktima.

Nagpapatuloy naman sa ngayon ang imbestigasyon ng Boracay PNP Station hinggil sa nasabing kaso.

Malay PNP may lead na suspek sa pagpaslang sa dispatcher ng CBTMPC

Posted March 20, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

May lead na ang Malay PNP sa suspek sa pagpaslang sa dispatcher ng CBTMPC nitong Marso a-otso sa baranggay Caticlan Malay, Aklan.

Ayon kay SPO1 Ben Estuya ng Malay Police Station Office, patuloy umano ang kanilang ginagawang pag-iimbistiga sa nangyaring krimen kung saan malapit na rin nilang matukoy ang tutuong pagkakakilanlan ng suspek.

Bagamat hindi pa nila ito pinangalanan sinisiguro naman nilang mareresolba ang nangyaring krimen.

Kinilala ang biktimang si Dandy Teodosio, 37 anyos, tubong Cortes, Balete, Aklan at residente ng San Jose, Romblon.

Base sa imbistigasyon ng kapulisan, nakipag-inuman ang biktima sa mga kasama niyang drayber bago nangyari ang insidente.

Subali’t natagpuan na lamang umano ito sa loob mismo ng kanilang terminal na duguan at may tatlong saksak sa kaliwang dibdib, nguni’t wala nang buhay.

Dahil dito, mas pinaigting pa ngayon ng Malay PNP ang kanilang 24 hour police visibility sa baranggay Caticlan lalo na sa cargo area kung saan maraming mga nag-iinuman at mga tambay na nagpapalipas ng kanilang oras.

Sa ngayon patuloy paring sumisigaw ng hustisya ang pamilya ng biktima para sa pagkamatay ni Teodosio.

DENR Aklan, inanyayahan ang publiko na makiisa sa “Earth Hour” ngayong taon

Posted March 20, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Inanyayahan ngayon ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Aklan ang publiko na makiisa sa “Earth Hour” ngayong taon.

Ayon kay DENR Aklan Administrative Officer IV Merlita Ninang, layon ng Earth Hour ang maimulat ang lahat hinggil sa lumalalang problema ng climate change at patuloy na maprotektahan ang kalikasan.

Samantala, ang “Earth Hour” ay lalahukan din ng iba’t-ibang mga bansa sa buong mundo sa darating na Marso 29, araw ng Sabado.

Ang inisyatibo ay tumutukoy sa pagpapatay ng mga ilaw ng isang oras na magsisimula ng alas otos y medya ng gabi hanggang alas nueve y medya ng gabi sa Pilipinas.

Nabatid rin na ang “Earth Hour” ay hindi lang sa pagpapatay ng ilaw kundi sa pag-off rin ng mga gadget, gaya ng cellphone at iba pang mga kagamitang pambahay na gumagamit ng enerhiya.

Wednesday, March 19, 2014

(Update) Pinsalang idinulot ng sunog kaninang umaga sa Poblacion, Malay, umabot sa P250K

Posted March 19, 2014
Ni Bert Dalida, Yes FM Boracay

Umabot sa P250K ang pinsalang idinulot ng sunog kaninang umaga sa Poblacion, Malay.

Ayon kay FO1 John Henry Ildesa ng BFPU o Bureau of Fire Protection Unit Boracay, dalawang kabahayan doon na pawang gawa sa mixed materials ang nasunog na kaagad nirespondehan ng bombero ng Trans-Air sa Caticlan Airport.

Totally damaged ang bahay ni Richard Oczon, habang partially damaged naman ang bahay ni Ezequel Panagsagan Gumboc.

Base sa imbistigasyon ng BFPU, napansin umano ni Barangay Captain Ric Calvario si Richard habang nagsisiga sa labas ng kanilang bahay, kung kaya’t  pinayuhan niya itong huwag magsiga dahil mainit ang panahon.

Kinalauna’y nagulat na lamang ang mga residente doon nang masunog ang bahay ni Richard nang umano’y doon naman ito nagsiga sa loob ng kanilang bahay.

Resulta, nasunog din ang katabi nitong bahay na pinagmamay-ari ni Ezequel.

Pansamantala namang ikinostodiya ng Malay PNP si Richard, na sinasabing may problema sa pag-iisip, kaya nito sinunog ang bahay nila.

Napag-alamang si Richard lamang ang naiwan sa kanilang bahay habang namamasada ng traysikel ang kanyang nakakatandang kapatid.


Ni-reschedule na Public Hearing hinggil sa base market values, sa darating nang April 4

(Update from SP Secretary Odon Bandiola, as of 2:30 pm March 19, 2014)
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sa darating nang April 4 ang bagong schedule.

Ito ang kinumpirma ni SP Secretary Odon Bandiola kaugnay sa kahilingan ng mga stake holders sa Malay at Boracay na i-reschedule ang public hearing para sa Base Market Values.

Pinalilipat kasi ng mga ito ang venue o lugar at ang petsa ng public hearing, upang mas marami umano ang makaalam.

Ang nasabing pagpupulong ay tungkol sa binabalangkas ng Aklan Provincial Government na 2015 General Revision of Real Property Assessment o bagong halaga sa bayarin ng buwis.

Nakasaad sa Section 219 ng Local Government Code o base sa Republic Act No. 7160, na dapat magkaroon ng general tax revision of real properties ang local na pamahalaan kada tatlong taon.

Samantala, nabatid na iba’t-ibang public hearing na rin ang isinagawa ng provincial government sa iba’t-ibang bayan para sa nasabing rebisyon.

Dagdag pa nito na ang mga buwis na manggagaling sa mga real properties base sa isinasaad ng bagong base market values at mapupunta sa Special Education Fund (SEF) construction and repair of public buildings at marami pang iba.

Matatandan namang nadismaya ang mga stakeholders dito dahil sa hindi umabot sa 50 porsyento ang dapat na makibahagi sa nasabing pagpupulong nitong nakaraang linggo.

Schedule ng Public Hearing hinggil sa base market values para sa Malay at Boracay, pag-uusapan ngayon sa session ng SP Aklan

Posted March 19, 2014 as of 9:30 in the morning
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Nakatakdang pag-usapan ngayon sa session ng Sangguniang Panlalawigan o SP Aklan ang bagong schedule ng Public Hearing kaugnay sa Base Market Values.

Ito’y bilang tugon ng SP Aklan sa kahilingan ng mga stake holders mula sa Malay at Boracay na i-reschedule ang nasabing public hearing upang marami umano ang mas makakaalam nito.

Ang nasabing pagpupulong ay kaugnay sa binabalangkas ng Aklan Provincial Government na 2015 General Revision of Real Property Assessment o bagong halaga sa bayarin ng buwis.

Nabatid na sinabi ni Provincial Assessor Kokoy Soguilon sa nakaraang public hearing na gagastos ng nasa P26 million ang probinsya para sa pagbabalangkas ng bagong Base Market Values, kung saan sinabi nito na P14 million ang ilalaan ng Provincial Government at manggagaling naman ang iba pa sa 17 bayan.

Samantala, matatandaan na iba’t-ibang public hearing rin ang isinagawa ng provincial government sa iba’t-ibang bayan para sa nasabing rebisyon.

Ipinaliwanag din nito na nakasaad sa Section 219 ng Local Government Code o base sa Republic Act No. 7160, na dapat magkaroon ng general tax revision of real properties ang local na pamahalaan kada tatlong taon.

Dagdag pa nito na ang mga buwis na manggagaling sa mga real properties base sa isinasaad ng bagong base market values at mapupunta sa Special Education Fund (SEF) construction and repair of public buildings at marami pang iba.

Rabies, 100 % na maiiwasan - OPVET

Posted March 19, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Isang daang porsyentong maiiwasan ang rabies.

Ito ay kung magiging responsable ang mga ‘pet owners’ sa pagpapabakuna at tamang pagpapakain ng kanilang mga alagang hayop.

Ito ang sinabi ni Aklan Provincial Coordinator for Rabies Control Program Dr. Ronald Lorenzo kaugnay sa pagdiriwang ng “Rabies Awareness Month” ngayong buwan ng Marso.

Sinabi din nito na hindi dapat ipagsawalang-bahala ang kagat ng mga hayop dahil maaari umanong maging dahilan ng pagkamatay ang rabies ng mga ito.

Dagdag pa ni Lorenzo na kapag nakagat ng aso o anumang hayop na may rabies virus ang isang tao ay ugaliing maglaan ng agarang medikasyon.

Samantala, bilang bahagi ng aktibidad para sa paggunita ng “Rabies Awareness Month” ngayong buwan ng Marso.

Magkakaroon ang Office of the Provincial Veterinarian (OPVET) Aklan ng free mass vaccination at free animal consultation sa buong lalawigan.

Muli namang iminugkahi ng OPVET sa mga ‘pet owners’ na maging responsible sa mga alagang hayop para matiyak na ligtas ang lalawigan laban sa nakamamatay na rabies.

Boracay Health Center, pinagbabato ng lasing

Posted March 19, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Pansamantalang ipinakustodiya ng isang tanod sa Boracay PNP Station ang isang lasing na lalaki matapos manggulo kagabi.

Nagsisigaw umano kasi ito at pinagbabato ang bubong ng Boracay Health Center sa Barangay Balabag.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP Station, nakakaistorbo na umano ang nasabing lasing, kaya’t tinawagan nalang ito ng pulis at pansamantalang ipinakustodiya.

Muli namang paalala ng mga kapulisan na ilagay sa tiyan ang nakalalasing na inumin at hindi sa ulo, para iwas-gulo.

Samantala, wala namang naiulat na naging pinsala sa pinagbabatong health center.

MS Europa 2 muling bibisita sa Boracay

Posted March 19, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Muling bibisita sa ikatlong pagkakataon ang MS Europa 2 ngayong alas 10:30 ng umaga sa isla ng Boracay.

Sakay nito ang mahigit limang daan at labing anim na mga pasahero mula sa ibat-ibang bansa kabilang na ang tatlong daan at pitumpung mga crew.

Una nang napabalita na nitong Marso a-bente darating ang nasabing barko pero dahil sa ilang mga pagbabago ng schedule ay napaaga ang pagdating nito sa Boracay.

Bagamat kukunti lang ang sakay nito, wala namang pagbabago sa paghahandang ginawa ang provincial government at ang Department of Tourism o DOT.

Ang MS Europa ay naunang bumisita nitong nakaraang taon at nitong buwan ng Enero sa isla ng Boracay sakay ang mga Italian Nationals at ilang pang foreign tourist.

Sa kabilang banda bibisitahin ng mga turistang sakay nito ang mga souvenir shops, long beach area, maging ang Boracay Ati Village at mag-a island hopping.

Samantala, darating ang naturang barko alas 10:30 ng umaga at aalis naman bandang alas-siyete ng gabi patungo sa kanilang susunod na destinasyon.

Malay PNP, aminadong kulang sa miyembro ng mga kapulisan

Posted March 19, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Aminado ngayon ang Malay PNP na kulang parin sila sa tauhan lalo na at dadagsa na naman ang maraming turista ngayong summer season sa Boracay.

Ayon kay SPO1 Ben Estuya ng Malay PNP, magiging maganda sana umano kung may idadagdag na pulis sa kanilang hanay, ngunit limitado rin raw ito ng Aklan PPO dahil sa nanganagilangan din ang ilang bayan sa Aklan.

Magkaganon paman sinabi nito na mama- maximize parin nila ang kanilang police visibility sa tulong na rin ng force multipliers na kinabibilangan ng Malay Auxiliary Police, Maritime command, Philippine Coastguard at Philippine Army na nagresulta ng mas magandang pwersa sa Caticlan Jetty port .

Samantala, kung pagbabasihan naman umano ang police to population issue na one is to 500 ay kukulangin parin sila ng lima o anim na personnel.

Sa ngayon ng aantay parin ang Malay PNP ng mandato mula sa Aklan Police Provincial Office, maging sa kanilang Regional Office kung kailan sila mabibigyan ng karagdagang police.

Tuesday, March 18, 2014

PHO Aklan, nagpaalala laban sa mga usong sakit ngayong summer

Posted March 18, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Sore eyes, sun burn, sipon at ubo ang ilan sa mga laganap na sakit ngayong summer.

Kaya naman payo ngayon ng Aklan Provincial Health Office (PHO) sa publiko, ugaliing maghugas ng kamay para maiwasan ang madaling pagkapit ng mga sakit.

Ayon kay Dr. Cornelio Cuachon, Provincial health officer ng PHO-Aklan.

Kung may sore eyes, 'wag kusutin ang mata at imbes umano na panyo o bimpo ay tissue na lang ang gamiting pamunas sa mata at agad itong itapon matapos gamitin.

Samantala, pinaalalahanan naman ni Dr. Cuachon ang publiko ukol sa mga haka-haka na nagpapagaling umano ng sore eyes ang ng gatas ng ina o ihi.

Sinabi nito na, mas makakatulong umano ang paghihilamos at paghuhugas ng kamay upang madaling gumaling ang sore eyes kaysa sa mga nabanggit na pamamaraan.

Karaniwan umanong lumalaganap ang sore eyes tuwing Enero hanggang Marso  sa panahon ng tag-init at mula Agosto hanggang Setyembre naman sa panahon ng tag-ulan.

DOT, tiwalang maaabot ang 1.5 tourist arrival sa Boracay ngayong 2014

Posted March 18, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay

Tiwala ang DOT na maaabot nila ang target na 1.5-million Tourist Arrival sa Boracay ngayong taong 2014.

Ito’y matapos na makapagtala ng sunod-sunod na cruise ship arrival ang Provincial government ng Aklan at Department of Tourism.

Ayon kay DOT Western Visayas Regional director Helen J. Catalbas.

Malaking tulong umano ang 10 international cruise ships na bumisita at bibisita sa Boracay ngayong 2014 at 2016 para abutin ang kanilang target.

Nabatid na makalipas ang dalawang taon ay iprino-mote na rin ng DOT ang Boracay bilang isang cruise ship destination kung saan naging positibo naman ang kinalabasan.

Sa kabilang banda tumaas ng 13% sa 1.368 million ang Tourist Arrival nitong 2013 kumpara noong mga nakaraang taon ayon sa datos ng Caticlan Jetty Port.

Samantala, nakapagtala naman ang Jetty Port ng mahigit 21, 888 na mga turistang pumunta sa Boracay simula noong March 1 hanggang March 6 ngayong taon.

Dahil dito puspusan na ring pinaghahandaan ng DOT ang pagdagsa ng maraming turista sa Boracay dahil sa papasok na summer at paggunita ng Holy week ngayong buwan ng Abril.

Ilang motorista sa Boracay, na ‘False Alarm’ sa pagbubukas ng kalsadang isinara dahil sa Flood Control Project

Posted March 18, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Na ‘False Alarm’ ang ilang motorista sa Boracay kaugnay sa pagbubukas ng kalsadang isinara dahil sa Flood Control Project.

Nakita naman kasi ng mga ito kahapon na tuluyan nang binuksan ang nasabing kalsada matapos tanggalin ng ITP Construction ang harang o kordon doon, kung kaya’t inakala nila na pwede na ulit itong daanan.

Subali’t sa unahan lang pala nito’y may tinatapos pa ang ITP, dahilan upang muli makaranas ng traffic ang mga biyahero doon.

Magkaganon paman, aminado ang mga ito na hindi na kasing haba ng dati ang kanilang naranasang traffic.

Matatandaang sinabi ni ITP Construction Project Architect Victor Turingan na hinihintay na lang nilang matapos ang curing time ng kalsada bago muling buksan sa darating na araw ng Sabado.

Singil sa kuryente ngayong Marso, bumaba

Posted March 18, 2014
Ni Bert Dalida, YES FM Boracay

Magtipid at maging responsible sa paggamit ng kuryente.

Ito ang muling paalala ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) sa publiko, sa kabila ng panibagong pagbaba sa singil sa kuryente ngayong Marso.

Base kasi sa advisory ng AKELCO, bumama ang transmission charge ngayong buwan dahilan ng pagbaba rin kanilang singil.

Kaugnay nito, magiging P 10.8011 na ang singil ng kuryente para sa residential consumers ngayong Marso, mula sa P 10.8173 nitong nakaraang buwan ng Pebrero, habang magiging P 9.8838 naman ang singil para sa mga commercial consumers mula sa P 9.8983.

Matatandang bumaba rin ang singil sa kuryente ng AKELCO nitong nakaraang buwan, dahil naman sa bumaba ang generation charge o binibiling kuryente ng AKELCO, matapos maayos ang NGCP 69kv transmission lines na nasira dala ng super typhoon Yolanda.

Lalaki, ikunstodiya matapos mangyakap ng dalawang babaeng Japanese sa isang bar sa Boracay

Posted March 18, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Dahil sa kakulitan at biglang pagyakap sa dalawang babaeng Japanese national sa Boracay.

Ikinustodiya sa Boracay PNP Station ang isang lalaki na nakilala kay Adrian Magno, 18- anyos ng Lawaan Antique.

Ito’y matapos na etinurn-over ng bouncer ng nasabing bar ang suspek hating gabi nang umano’y  biglang niyakap ang dalawang guest na Japanese National.

Ayon sa blotter report, napansin umano ng bouncer na nagsisigaw at humihingi ng tulong ang dalawang turistang babae matapos na pagyayakapin ng suspek.

Agad naman umanong inawat ng bouncer ang nasabing lalaki at kinuha ang kamay nito na nakahawak sa dalawang babae at saka inilabas sa nasabing bar.

Subalit, ilang sandali lamang ay bumalik umano ito at saka muling niyakap ng napakahigpit ang isa pang Japanese National.

Bagay na naging dahilan upang damputin ito sa nasabing bar at e-tinurn-over sa mga taga Boracay PNP Station.

Swiss national na pinaghahampas ng PVC tube ng live-in partner, nagpasaklolo sa Boracay PNP

Posted March 18, 2014
Ni Gloria Villas, YES FM Boracay

Humingi ng tulong sa mga pulis ang 57 anyos na Swiss national matapos umanong pinaghahampas ng PVC tube ng kanyang live-in partner na pinay.

Ayon sa blotter report ng Boracay PNP station, nagalit umano ang live-in partner na pinay matapos na hindi nasalo ng mister ang isang taong gulang nilang anak nang mahulog habang naglalaro sa kanilang balkonahe.

Subalit, katwiran naman ng mister hinabol nito ang anak pero nabigong saluhin dahil sa biglang sumakit ang kanyang kaliwang paa dulot na rin ng ilang pasa na sya ring gawa ng kanyang misis.

Ayon pa sa blotter report, sinabi din ng nagpasaklolong Swiss national na nabigla na lamang umano ito nang dumating sila sa kanilang bahay galing sa ospital kung saan kumuha ng isang PVC tube ang kanyang live – in partner at pinaghahampas ito.

Kaya’t agad umano itong tumakbo at humingi ito ng tulong sa mga taga Boracay PNP station.

Monday, March 17, 2014

Ilang residential area sa Boracay lumabag sa 30-meter easement rule ng BRTF

Posted March 17, 2014
Ni Jay-ar M. Arante, YES FM Boracay 

Hindi lamang umano sa mga business establishment sa Boracay nakatuon ang atensyon ngayon ng Boracay Redevelopment Task Force o BRTF.

Ito’y matapos na mapag-alaman na ilang mga residential area sa isla ay kabilang rin sa 30-meter easement ng task force.

Ayon kay DOT Boracay Officer In-charge Tim Ticar, matapos umano ang gagawing demolisyon ng BRTF sa long beach area na pasok sa easement rule ay susundin naman umano nila ang mga nasa residential area.

Napag-alam na karamihan sa bibigyang pansin ng BRTF ay ang mga kabahayan sa Baranggay Manoc-manoc.

Aniya, iba naman ang concerns ng BRTF sa mga residential area kumpara sa mga business establishments sa beach front ng Boracay.

Sa ngayon uunahin umano ng Redevelopment Task Force na bigyang pansin ang mga establisyementong nag-violate sa 30-meter easement.

Dagdag pa nito kung ano ang ginawa ng task force mula Station 1 hanggang Boracay Terraces, ay ganon din ang gagawin mula Station 2 papuntang Angol area ng Manoc-Manoc.

Samantala, lahat ng mga imprastraktura sa beach front na kabilang sa 30-meter easement maliban nalang sa pag-mamay ari ng gobyerno na lifeguard station, medical station at tourist information center ay tatanggalin.