YES THE BEST 911 BORACAY

Friday, August 24, 2012

Bilang ng kaso ng dengue sa Aklan, pataas pa rin

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Nanatiling pataas pa rin ang daloy o trend sa statistic ng Provincial Health Office ng Aklan  sa kasalukuyan batay sa naitatalang bilang ng mga na biktima ng sakit Dengue.

Ito ang napag-alaman mula kay Dr. Victor Sta. Maria, Provincial Health Officer II ng PHO-Aklan.

Aniya, inaasahang sa huling linggo pa Setyembre bababa ang bilang ng kaso kung ihahambing ito sa obserbasyon nila nitong nagdaang taon ng 2011.

Ayon pa sa doktor, ang buwan ng Agosto at Setyembre ang pinaka-kritikal na panahon para sa sakit na ito, dahil sa katulad na buwan nakakapagtala ng mas maraming bilang sapagkat tag-ulan.  

Kaugnay nito, nagpaalala si Santa Maria sa publiko lalo na mga kabarangayan na sana ay panatilihing malinis ang paligid, at hindi lamang umano ang pagwawalis ng palibot ang kailangan gawing, kundi kung maaari ay pati ang pinapangitlugan ng lamok ay alisin din.

Samantala, inihayag din ni Dr. Sta. Maria na sa weekly monitoring nilang ginagawa, mula noong Enero hanggang ngayon Agosto ay mahigit sa 200% ang itinaas ng bilang ng pasyenteng nagkasakit ng dengue sa probinsya, kung ikukumpara ito noong taong 2011 sa kapareho ding panahon.

Bagamat lumobo umano ang kaso ngayong taon, nilinaw nito na ang Provincial Hospital sa Aklan ay hindi naman nakaranas ng problema katulad sa pagsisikan ng mga pasyente. 

Tradisyunal na tricycle sa Boracay, bibilhin ng supplier ng e-trike

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Tanggap na rin umano ng mga miyembro ng Boracay Land Transportation Multi-Purpose Cooperative (BLTMPC) ang 100 units ng electric tricycle na naunang ng na-order ng lokal na pamahalaan ng Malay.

Ito ang nabatid mula sa Chairman ng BLTMPC na si Ryan Tubi sa panayam dito.

Aniya, napag-usapan na ito ng lahat ng miyembro at handa silang tanggapin ang mga unit na ito maliban pa sa karagdagang isang daan at pito pang unit mula sa sariling supplier ng kooperatiba.

Maluwag din umanong tinangap ng mga miyembro nila ang inaasahang pagbabago na ito sa mga sasakyan sa isla.

Bagamat ang mga operator na miyembro ang apektado kapag lubusan ng palitan ang tradisyunal na tricycle sa isla, nangako naman di umano ang supplier ng e-trike na sila ang bibili ng mga lumang unit na ito.

Pero nilinaw ni Tubi na hindi umano nila alam kung ano ang gagawin ng supplier sa mga unit na ito at kung saan nila ito dadalhil.

Kapag nabili na ito ng supplier, hindi na pag-aari ng mga miyembro ang nasabing tradisyunal na tricycle. 

Ordinansa kaugnay sa CCTV sa Boracay, panahon na para baguhin --- SB R. Aguirre

Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Napapanahon na rin umanong baguhin ang ordinansa sa Boracay hingil sa pagkakaroon ng sariling Close Circuit Television (CCTV) camera ng piling establishimiyemento sa isla.

Ito ang inihayag ni Sangguniang Bayan Member Rowen Aguirre sa panayam dito.

Ayon dito, may ordinansa na para dito sa isla, pero hindi umano required ang lahat ng establishimiyemento kundi pili lamang tulad ng pawnshop at mga bangko.

Kung kaya’t tila nais na rin umano nilang baguhin ito para pati ang ibang establishimiyemento ay magkaroon na rin ng CCTV para maprotektahan ang kanilang mga negosyo.

Bagamat aminado ito na magastos ito sa bahagi ng may-ari, malaki naman umano ang maitutulong ng CCTV camera sa paghuli sa mga masasamang loob at gayon din sa pagresolba sa mga kreming nangyayari dito.

Inamin din nito na maging ang lokal na pamahalaan ng Malay ay may plano na rin maglatag ng CCTV camera sa mga strategic area sa isla lalo na sa front beach.

Subalit sa ngayon ay wala umanong pondo para dito ang LGU, ngunit may nakausap na umano silang technical people para gumawa at magsuplay nito.

Magugunitang kamakailan lamang, ilang kaso ng nakawan at snatching gayun din habulan sa mga suspek ang nagyari, ngunit nakatakas ang mga ito.

Pero nang silipin ang CCTV camera ng ilang establishimiyemento, hindi ito klaro at at mistulang hindi rin nahagip ng kamera.

Thursday, August 23, 2012

Titulo ng lupa para sa ancestral domain, Tinanggap na ng Ati Community


Ni Malbert Dalida at Alan Palma, YES FM Boracay

Matapos ang matagal na paghihintay ay tinanggap na ng Boracay Ati Community ang titulo ng lupa para sa kanilang ancestral domain.

Sa kalagitnaan ng mensahe ni Assisi Development Foundation Inc. Benjamin Abadiano ay napasigaw ang mga taga Ati Community nang kanyang sabihing dala na nito ang nasabing papeles.

Kasama ang mga taga simbahang Katoliko sa Boracay at mga madreng nag-aalaga sa mga Ati Community, masigabong na palakpakan din ang ibinigay ng ilang resort owners sa isla bilang pagbati sa mga nasabing katutubo

Samantala, pinuri ni Abadiano ang matapang na pakikipaglaban ng mga ito para sa kanilang ancestral domain, na natagalan din bago nila ito tuluyang napasakamay.

Sinabi pa nito na ang mga katutubong Ati sa Boracay ay ang tunay na mukha at kaluluwa ng isla, dahil din sa ipinakita nilang kultura bilang orihinal na tao sa isla.

Nakakalimutan na umano kasi na hindi lamang ang mga resort dito ang “pride”ng isla kundi silang mga tinaguriang indigenous people.

Hinamon naman ni Abadiano sa mga nasabing katutubo ay patunayan nila na sila nga ang totoong mukha ng isla.

Naganap ang pagbibigay ng titulo ng lupa sa mga taga Ati Community kahapon sa sitio Tulubhan, Manoc-manoc Boracay, na sinaksihan naman ilang opisyal ng nasabing barangay, mga taga Boracay Rotary, BIWC, Department of Tourism-Boracay, at LGU Malay.    

SP Aklan, nagluluksa sa pagkamatay ni DILG Sec. Robredo at Capt. Bahinting


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Naki-isa ang Sangguniang Panlalawigan ng Aklan sa pagluluksa ng bansa sa pagkamatay ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo.

Katunayan, kahapon sa regular session ng SP, ipinanukala ni Sangguniang Panlalawigan Board Member Victor Garcia na magpasa sila ng resulosyong napapahiwatig ng kanilang pagsimpatiya sa pamilya ng nakaburol na kalihim.

Maliban dito, si SP Board Member Raymar Rebaldo naman ay nagmungkahi din na magkaroon din sila ng katulad na resolusyon para sa pamilyang naulila ni Capt. Jessup Bahinting, ang pangunahing piloto ng Piper Seneca plane na sinakyan ni Robredo mula Cebu papuntang Naga.

Ayon kay Rebaldo, si Bahinting ay naging karamay din ng Aklan ng nasalanta ng bagyong Frank ang probinsiya.

Nabatid mula sa dating alkalde ng Kalibo na si Rebaldo, na ang pilitong nabanggit ay siyang naging piloto din ng pamahalaan na tumulong sa pagdala ng ayuda sa probinsiya. 

Bagong PD ng Aklan Police, pormal nang umupo sa puwesto


Ni Edzel Mainit, Field Reporter, YES FM Boracay

Pormal nang isinagawa ang turn-over ceremony para sa bagong Police Provincial Director ng Aklan sa Police Provincial Office sa bayan ng Kalibo.

Pinangunahan ni Aklan Governor Carlito Marquez ang pagdiriwang na ito, kung saan ito na rin ang hudyat na kinikilala na si Senior Superintendent Perdrito Escarilla bilang bagong Police Director ng Aklan, kahalili ni S/Supt. Cornello Defensor.

Maliban kay Marquez, naging pangunahing panauhin din ng okasyon ang bagong Regional Police Director na si C/Supt. Agrimero Cruz Jr.

Dinaluhan din ng ilang Alkalde at kanilang representante ang nasabing pagtitipon.

Si Cruz ay bagong luklok din sa pwesto kapalit ni C/Supt. Cipriano Querol nitong Agosto lang din kasabay ng pag-swap ni Defensor at Escarilla.

Samantala, ngayong si Escarilla na ang PD ng Aklan, si Defensor naman sa kasalukuyan ang pumalit sa pwesto nito sa Regional Investigation and Detective Management Division sa Camp Delgado, Iloilo City.